Pahayag

Kundenahin ang 22nd IB sa mga kaso ng pagdukot

Higit isang buwan nang nawawala si Gerald Gestole mula nang dukutin at sikretong idetine ng mga elemento ng 22nd IBPA noong Nobyembre 17 sa San Pedro, Laguna. Sa kabila ng pag-mamaangmaangan, hindi nila maikukubli ang katotoohanang sila ang salarin sa naturang krimen. Si Gestole ay myembro ng NPA Sorsogon na pinahintulutang magpahinga upang ipagamot ang kanyang iniindang sakit sa likod.

Bago ang pagdukot kay Gestole, imbwelto na ang 22nd IB sa pagdukot kay Jose Mari Estiller noong Pebrero 20 sa Sto Tomas, Batangas. Nalantad ang krimen na ito dahil nakuha sa bidyo ng CCTV ang pagdampot sa kanya. Dahil dito, natulak ang mga pwersa ng estado na ilitaw siya at ideklarang “surrenderee.” Sa kasalukuyan ay nakabimbin sa kampo ng 903rd Brigade si Estiller, imbis na sa BJMP.

Ang dalawang biktima ay patuloy na ipinaiilalim ng 22nd IB sa mahigpit na pagbabantay at pinagkakaitan ng karapatang malayang mabisita ng mga kaanak at piniling abugado. Ang pagbibimbin sa kanila sa mga kampo militar ay nangangahulugan ng walang katapusang pagpapailalim sa kanila sa pisikal at mental na tortyur. Malinaw na labag ito sa internasyunal na makataong batas, sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law at maging sa mismong reaksyunaryong batas.

Ang ganitong padron ng tahasang paglabag sa karapatang-tao, at sa mismong reaksyunaryong batas at proseso ay bahagi ng kanilang paghahasik ng pasistang lagim. Habang nagiging desperado ang AFP sa paghahabol sa kanilang “accomplishments” kasabay ng kabuuang deklarasyon ng rehimeng Marcos na dudurugin ang rebolusyonaryong kilusan ngayong taon, tiyak na hindi ito ang magiging huling kaso ng kanilang sapilitang pagdukot at sapilitang pagkawala. Patuloy nitong bibiktimahin ang sinumang sibilyan, mga rebolusyonaryo at mandirigmang wala na sa katayuang lumaban.

Sa harap ng ito, makatarungan ang panawagan ng pamilyang Gestole at Estiller na kaagad ilitaw at palayain ang dalawa mula sa kamay ng pasistang militar. Dapat lamang suportahan ng mga institusyong nagtataguyod sa karapatang tao ang pamilya ng mga biktima. Dapat tiyakin ang paggalang sa karapatan ng mga biktima at mapahintulutang makipagkita sa pamilya at sa kanilang abugado.

Sa ilalim ng rehimeng Marcos, hindi bababa sa 30 kaso ng paglabag sa karapatang-tao ang isinagawa ng 22nd IB.

Kundenahin ang 22nd IB sa mga kaso ng pagdukot