Kundenahin ang pag-atake ng US sa Venezuela! Mamamayan ng daigdig, tumindig, lumaban at ibagsak ang imperyalismo!
Nakikiisa ang National Democratic Front of the Philippines-Southern Tagalog sa mamamayan ng Venezuela sa kanilang marubdob na pakikibaka para ipagtanggol ang kanilang bayan mula sa pang-aatake ng imperyalismong US. Makatarungan ang kanilang laban para igiit at depensahan ang pambansang soberanya laban sa pananakop ng dayong kapangyarihang imperyalismong US.
Lalong pinatunayan ng imperyalismong US kung gaano ito kahayok sa gera sa pinakahuling isinagawang lantarang pang-aatake sa Venezuela. Isinagawa ng US ang pambobomba sa Caracas, kapitolyo ng Venezuela, umaga ng Enero 3, kasabay ng pagdukot sa pangulo nito na si Nicolas Maduro at ang asawa niyang si Cilia Flores. Dahil sa pambobomba, nadamay at napatay ang ilang mga sibilyan. Nagkaroon din ng mga pang-aatake sa iba pang bahagi ng Venezuela na Miranda, La Guaira at Aragua.
Ang pang-aatake ng imperyalismong US sa Venezuela ay ibinunga ng sukdulang desperasyon ng una na monopolyohin ang rekurso ng huli partikular ang langis. Ginamit nitong palusot ang “pagsugpo sa drug trafficking” para isulong ang malagim nitong pangarap na ipataw ang dominasyon sa Venezuela. Isa ang Venezuela sa mga itinuring ng US na “rogue states” dahil sa pagtutol na mangayupapa sa naturang imperyalista. Makailang ulit nang pinakana ng US na patalsikin si Maduro at ang nagdaang presidente na si Hugo Chavez. Gayundin, ilang beses pang nangabigo ang paninira kina Maduro at Chavez para iratsada ang plano nitong magluklok ng maka-US at papet na presidente sa Venezuela. Ang paglusob ng US sa Venezuela para agawin ang kapangyarihan ng estado kay Maduro ay sukdulang hakbangin nito para payukurin ang naturang bansa.
Sang-ayon sa National Security Strategy ng US, layon nitong panatilihin ang sarili bilang pinakamakapangyarihang imperyalista sa daigdig. Nais nitong isalba ang naghihikahos nitong ekonomya sa pagmonopolyo sa likas na yaman ng daigdig sa pagpataw ng kapangyarihang militar at impluwensya nito sa buong mundo. Gusto nitong ipataw ang kontrol sa Kanluran, partikular ang dalawang kontinente ng America, sa pamamagitan ng pagkontrol sa mga bansa nito habang naghahasik ng gera laban sa Russia at China na itinuturing nitong karibal sa imperyalistang dominasyon sa mundo.
Sa gayon, pangkaraniwang tugon na lamang ng US ang gera bilang isang imperyalistang bansa para maisakatuparan ang kanyang mga pangarap. Patunay ito ng bangkarote at mapandigmang katangian ng pandaigdigang sistemang kapitalismo na nasa pinakahuling yugto nito. Ang naaagnas na sistemang ito ang siyang nagtutulak sa mamamayan ng buong daigdig na taluntunin ang pagbabago sa landas ng sosyalismo.
Marapat na makipagkaisa ang lahat ng mga aping mamamayan sa daigdig at suportahan ang pakikibaka ng mamamayan ng Venezuela para sa pambansang soberanya at integridad laban sa US. Dapat silang suportahan ng mga Pilipino na isang malakolonya ng imperyalismong US. Ang kanilang pakikibaka laban sa pananakop ng US ay siya ding pakikibakang inilulunsad ng sambayanang Pilipino. Ibigay ang lahat ng mga suportang kinakailangan ng mamamayan ng Venezuela para ipagtanggol ang sarili at labanan ang imperyalismong US.
Dapat palakasin ang malapad na pandaidigang anti-imperyalistang pagkakaisa at pagkakaisa laban sa digmang mapanakop ng US at mga kaalyado nito. Nararapat na kumilos ang uring manggagawa at mamamayan sa US at iba pang imperyalista at kapitalistang bansa upang labanan ang mga mapanakop na digmang inilulunsad ni Trump at ng mga kasabwat nitong monopolyong burgesya’t oligarikya sa pinansya gamit ang kanilang pangalan. Kailangang ilunsad ng mga mamamayan sa mga malakolonya at kolonyang bansa ang pambansa demokratikong rebolusyon at mga digmang bayan sa kani-kanilang bansa upang makawala sa kuko ng imperyalismo. Ang paglaya ng isang bayan mula sa imperyalismo ay bigwas sa pandaigdigang sistemang kapital at isang hakbang tungo sa pagsusulong ng pandaigdigang proletaryong rebolusyon at pagkakamit ng sosyalismo.