Lantarang barubalan sa pagitan ng kampong Marcos at Duterte posibleng dumulo sa patayan
Tuluyang nagbaak na ang dating UniTeam ng halalang 2022 ng tambalang Marcos Jr.-Sara Duterte, kapwa mula sa pinaghalong kalamay na reaksyonaryong partido politikal na kumakatawan sa uring panginoong maylupa, malaking burgesya komprador at pinakamasisibang burukrata kapitalista. Sadyang inaasahan itong dudulo sa bangayan at posibilidad na paglikida sa isa’t isa dahil sa kanilang saligang katangiang opurtunista, karerista at makasariling interes. Katunayan, di nagtagal, nilisan ni Sara Duterte ang kinaanibang burges na partido na nag-akyat sa kanya sa kapangyarihan. Isa sa saligang katangian ng krisis sa politika ng malakolonyal at malapyudal na lipunan.
Noong una, ang kanilang lantarang bangayan ay pilit itinatago sa kaalaman ng mamamayan. May mga pailalaim na parungitan at pambabato ng putik sa magkaribal na kampo sa paggamit ng bansag na “adik” at “lango sa Fentanyl”. Pinilit patsihan ito sa pagbibigay ng mga akomodasyon sa politika at pwesto sa ahensyang sibilyan, suportang milyong pinansya sa intillegence fund at pagbibigay ng daan-daan sekyuriti. Pero pasasaan at sumingaw, umalingasaw at nagresulta ng pagkalantad at pagsambulat sa mamamayan ang tunay na mukha ng magkaribal na kampo na parehas mamatay tao, kriminal, pasista at tuta ng magkaribal na imperyalitang US at Tsina.
Yumuyogyog din sa estado, partikular at pangunahin sa pulis at militar, mga sibilyang ahensya, mga panatiko at balimbing na politiko, at supporter ang tumitining na girian at guhitan ng paksyon. Kapwa sila sumisipsip at dumidikit sa kani-kanilang patrong US o China. Si Marcos Jr na kumakatawan sa pangunahing haligi ng pagsasamantala at pang-aapi sa mamamayan ay hipokritong pumuputak na tapat na pagsuporta sa burges at reaksyonaryong saligang batas, bandila ng Pilipinas, at mamayang Pilipino pero ang totoo ay ang pagprotekta at pagpapanatili ng lipunang mapang-api at mapagsamantala. Habang ang kampo ng mga Duterte ay pilit nangungunyapit sa dati nitong impluwensya at kapangyarihan.
Ang sibilyang ahensya ay nagkukunwaring hindi natitinag at apektado, palibhasa ay mga panatikong kamag-aral, kababata, kamag-anak, ‘ka-jamming’ at kasosyo ng negosyo ng punong patron sa Malakanyang, pero batid nilang nanganganib din ang kanilang mga negosyo, kontrata at palabigasan. Tulad ng pag-iimporta ng bigas, isda at iba pang kalakal at pagkopo ng multimilyong kalakalan sa droga na mula sa kartel ng US-Mexico Sinaloa. Kalokohan lamang para sa isang mataas na opisyal na di maapektuhan sa bangayan ni Marcos Jr. at Sara Duterte na may hawak sa kapangyarihang pampulitika ng bayan.
Samantala, sinasagpang ng mga pulitikong opurtunista ang nagaganap na palabas na imbistigasyon sa Senado at Kongreso. Nagpapabida, nagpapapogi, tila kung kinakailangang tumulay sa alambre, kumain ng apoy, sumirko para makuha ang atensyon at simpatiya ng mamamayang Pilipino. Kasabay nito, sinasalaula ng mag-amang Duterte ang parehas na pagdinig kung saan binaboy, kinutya at pinagtawanan ang mga protokol na imbistigasyon sa mababa at mataas na reaksyonaryong kapulungan.
Maging ang reaskyunaryong simbahan ay nanawagan na rin ng pagkakaisa, sibilidad para sa pagtugon sa mga biktima ng magkakasunod na bagyo pero bitin at walang panawagan na panagutin ang mga pasista at mamatay ng tao sa war on drugs, EJK at red-tagging. Pero tikom ang bibig nito sa paniningil sa kasalukuyang rehimen kaugnay sa mga krimen pagnanakaw at inutil sa pagtugon sa mga kalamidad at walang patumanggang pagtaas ng mga bilihin. Bilang tagapagtaguyod ng kapayapaan, hindi rin ito nanawagan na iabandona ang pagkatuta sa Imperyalismong US, sa pamamagitan ng pagpapalayas sa mga EDCA sites, pagpapatigil ng mga pagsasanay militar at pag-bili at pag-iimbak ng mga kagamitang militar. Ang mga ito’y tahasang aksyon ng rehimen na nag-iimbita para sa imperyalistang gyera sa kapahamakan sa mamamayang Pilipino.
Sa harap ng mga ito, wasto ang mga panawagang “Duterte, Ikulong” at “Marcos Jr., panagutin”. Hindi rin dapat palampasin ang nagaganap na bitak sa pangunahing reaksyonaryong naghaharing uri sa bansa para itambol ang kabulukan ng malakolonyal at malapyudal na sistema. Ang tungalian at iringan ng mga naghaharing uri at buruktrata at ang pagpapalit nito ng kaparehong uring mapagsamantala ay hindi kailanman lumutas sa paghihikahos at pagsasamantala ng sambayangn pilipino. Higit sa lahat, ibandilyo natin na tanging sa pamamagitan ng pambansang demokratikong rebolusyon, sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas ay magagawa nating ibagsak ang imperyalismo, burukrata kapitalsimo at pyudalismo at itayo ang tunay na gobyerno ng mamamayan na tumutugon sa pamabansang kalayaan at demokrasya.
Bangayang Marcos Jr-Duterte, inilalantad ang bulok at karimarimarim na burukrata-kapitalista!
Magsasaka at mamamayan lumahok sa digmang bayan!
Ibagsak ang imperyalismo, burukrata kapitalismo, Pyudalismo!
Mabuhay ang sambayanang lumalaban!
Umasa at sumandig sa di matatawarang lakas ng masa ng sambayanan sa pagpapabagsak ng Mala-kolonyal at Mala-Pyudal na lipunan!