Litisin at panagutin si Sara Duterte sa mga kasalanan at pagnanakaw mula sa taumbayan! Ilantad ang mga burukrata kapitalistang pumoprotekta kay Sara Duterte at singilin si Marcos Jr!
Lumalakas ang panawagan ng taumbayan para panagutin ang magnanakaw at gastador na si Sara Duterte sa korapsyon at kasalanan niya sa mamamayan. Patunay ito sa masidhing kagustuhan ng sambayanan na litisin si Sara at panagutin siya sa pagnanakaw at pagwawaldas ng pondo na dapat pinakikinabangan ng sektor ng edukasyon at iba pang batayang serbisyo at pangangailangan ng mamamayan.
Mula nang mailantad ang paggastos ni Sara ng ₱125 milyon sa loob ng 11 araw noong 2023, walang patid na kumilos at nanawagan ang mamamayang Pilipino para mapanagot si Sara. Isang hakbang na sana sa pagpapanagot ang desisyon ng mga Kongresista na sibakin si Sara sa pwesto at litisin sa Senado. Gayunpaman, mula Pebrero ay ilang beses nang nagpaurong-sulong ang Senado sa impeachment ni Sara. Lalo nitong huling mga sesyon ng Senado matapos ang eleksyon noong Mayo, halatang halata, ang pagmamaniobra ng mga burukrata kapitalista sa Senado para iudlot at tuluyang hadlangan ang paglilitis kay Sara.
Sa unang pagkakataon, matapos ang mahigit apat na buwang hindi pagtitipon ng Senado para sa paglilitis, nagtipon noong Hunyo 10 ang impeachment court upang isalang ang mga kasong betrayal of public trust, graft and corruption, culpable violation of Constitution at other high crimes laban kay Sara Duterte. Sa halip na isalang sa unang pagdinig at kilatisin ang kaso, nagmistulang mga tagapagtanggol ni Sara ang mga Senador na bumoto para ibalik sa Mababang Kapulungan ang articles of impeachment dahilan para hindi matuloy ang paglilitis at iatras ang proseso nito.
Sa pag-aantala ng Senado sa paglilitis kay Sara, binabalewale nito ang nakabibinging panawagan ng mamamayan para sa pananagutan. Malubha ang epekto ng pagnanakaw at kapabayaan ni Sara sa pondo ng taumbayan. Ramdam na ramdam ang mga epektong ito ng mamamayang Mindoreño na matagal nang hinahambalos ng walang awat na krisis pang-ekonomya at pasistang panunupil ng estado.
Sa muling pagbubukas ng mga klase sa eskwelahan nitong Hunyo 16, malubhang kakulangan sa pondo at pasilidad ng mga paaralan ang bumungad sa mga estudyante, magulang at mga guro. Kulang-kulang ang mga klasrum at gamit sa kabila ng napakalaking bilang ng mga estudyanteng kailangan pumasok sa mga paaralan. Sa Mindoro, may mga kasong binibilang kung umabot na sa tatlong oras ang paglahok ng magulang ng isang estudyante sa Brigada Eskwela sa halip na maging boluntaryo ito dahil walang sapat na pondo ang mga eskwelahan para sa pagsasaayos ng mga pasilidad. Ang di pag-kumpleto sa itinakdang oras sa Brigada ay pwedeng maging dahilan upang hindi matuloy ang enrolment ng isang estudyante o bawasan o di na matanggap ang ayuda mula sa 4Ps ng isang pamilya. May mga kaso rin na haluang modular at ilang face-to-face classes kada linggo ang paraan ng pagtuturo dahil sa kakulangan ng mga klasrum. Ilang halimbawa na lamang ito sa epekto ng malubhang kakulangan para sa pondo sa edukasyon na maiibsan sana ng pondo ng DepEd na ninakaw at winaldas ni Sara.
Habang limpak-limpak ang binulsa at winaldas na pera ni Sara, bumubulusok naman ang kalagayan ng mga manggagawa dahil sa mababang sahod—kabilang dito ang mga empleyado sa gubyerno sa isla ng Mindoro. Katiting na sweldo ang natatanggap ng mga kawani kapalit ng gabundok na trabaho. Marami ring mga empleyado sa loob ng gubyerno na nananatiling kontraktwal sa kabila ng taun-taong pagbibigay ng serbisyo. Ang mga empleyadong hindi regular ang gumagampan ng malaking porysento ng trabaho ng mga matataas na upisyal ng gubyerno. Palagiang dahilan bakit hindi ginagawang regular ang maraming empleyado ng gubyerno at bakit hindi tinataasan ang kanilang sweldo ang kawalan di umano ng pondo ng mga upisina ng gubyerno—pondo na malimit napupunta sa pangungurakot ng pinakamataas na mga upisyal.
Matagal nang dapat nilitis at napanagot si Sara Duterte. Malinaw sa mamamayan ang mga krimen ni Sara. Hindi na ito kaya pang itago ng anumang palusot at pagtatangka ng pangkating Duterte na tumakas mula sa pananagutan.
Bukod sa sariling pagsisikap ng mga Duterte na makatakas, malaki rin ang pananagutan ni Ferdinand Marcos Jr sa pag-antala sa impeachment. Bulag na sinusunod ni Marcos ang utos ng US na ipagpaliban ang paglilitis kay Sara upang higit pang pagsilbihin sa interes ng US at ni Marcos. Nagsisiguro si Marcos at natatakot sa banta ng kudeta ng mga militar na matapat sa mga Duterte. Malinaw ang pirmidong interes ng mga burukrata kapitalista ng pagsasalba maging sa pinakabulok na mga upisyal at pagkakait sa mamamayan ng katarungan at pananagutan.
Kaya naman dapat singilin si Marcos Jr sa pag-aantala ng pagpapanagot kay Sara na demokratikong interes ng mga Mindoreño. Sa halip na itulak ang agarang paglilitis, nanindigan itong hindi kinakailangan ang impeachment trial. Walang karapatan si Marcos Jr. na magpasya para sa mamamayan na wala namang katuturan ang impeachment para sa kanila. Taumbayan mismo ang nagpapahayag ng masidhing hangarin na litisin at patalsikin si Sara Duterte para sa garapalan at walang hiyang pagnanakaw niya sa pera ng taumbayan.
Pinatutunayan ngayon ng Senado ang nabubulok na kaibuturan ng naghaharing pulitika sa Pilipinas. Laging ipagtatanggol ng mga burukrata kapitalista ang interes ng isa’t isa na mangurakot, abusuhin ang kapangyarihan at tumakas mula sa pananagutan. Laging lalapastanganin ng mga burukrata kapitalista ang interes ng mamamayan para sa kanilang makitid at makasariling interes.
Walang ibang dapat gawin ang mamamayang Mindoreño kundi patuloy na palakasin ang panawagan at pagkilos para mapanagot at mapatalsik si Sara Duterte. Kailangan ibayo at puspusang pasiglahin ng lahat ng demokratikong pwersa sa isla ang gawaing pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa malawak na hanay ng mamamayang Mindoreño. Dapat ubos-kayang makibaka at labanan ang lahat ng porma ng pang-aabuso sa kapangyarihan.
Dapat walang humpay na makibaka para isulong ang demokratikong interes ng mamamayang Mindoreño sa pamamagitan ng pagtatagumpay ng demokratikong rebolusyong ng mamamayan. Sa ganap na pagtatagumpay ng rebolusyon, dudurugin ang bulok na gubyerno ng mga naghaharing uri at ipapalit dito ang gubyerno ng mamamayan na titiyak sa tamang paggamit ng pondo at yaman ng bansa, kakalinga sa tunay na interes ng sambayanan at tapat na maglilingkod sa kanila.
Mamamayang Mindoreño, panagutin at patalsikin si Sara Duterte!
Singilin si Marcos Jr sa pag-aantala sa impeachment ni Sara!
Ilantad at makibaka sa bulok na burukrata kapitalistang pulitika!
Isulong at ipagtagumpay ang demokratikong rebolusyong bayan!