Luho at korapsyon ni Marcos ang nasa likod ng pagtutugis sa mga alipures ni Duterte
Sunod-sunod ang balita ng pag-aresto ng kapulisan sa mga taong kunektado at malapit sa lumang rehimeng Duterte. Ilang araw matapos mahuli si Alice Guo sa Indonesia ay sumuko at naaresto naman si Apollo Quiboloy.
Bagama’t marapat lamang na makulong at managot sina Guo at Quiboloy, kasama ng amo nilang si Duterte, malinaw din na ginagamit lamang ang mga bigwas na ito para pagtakpan ang sariling baho ng rehimen ni Bongbong Marcos.
Kasabay ng mga balitang ito ay pilit na inilulusot ng mga alipures ni Marcos sa Kongreso’t Senado ang budget ng Office of the President na nagkakahalagang PHP 10.5 bilyon. Mainit na usapin din ngayon ang private concert ng bandang Duran Duran para kay Marcos at sa mga imbitadong opisyales ng pamahalaan, di umano’y para ipagdiwang ang kaarawan ni Bongbong.
Nalalantad lamang ang tusong katangian ng rehimeng Marcos sa mga pakana nito. Hindi kapakanan ng mamamayang Pilipino ang iniisip ni Marcos nang hulihin nito sina Guo at Quiboloy. Sa halip ay sinamantala lamang ng rehimen ang lehitimong galit at kagustuhan ng mamamayan na mapanagot si Duterte para lalong mapalakas ang sarili niyang kapit sa estado poder.
Nakikita natin ngayon sa larangan ng reaksyunaryong pulitika kung gaano tumatalas ang hidwaan ng dalawang paksyon ng mga sagadsarin at despotikong naghahari sa ating bansa. Sa isang banda, dahan-dahang kinokonsolida ni Marcos at ng mga Romualdez ang kapit nila sa Kamara at sa mga lokal na pamahalaan.
Samantala, tila’y depensibo ang postura ngayon ng paksyon ni Duterte at naghahanap ng paraan na makabigwas laban sa mga Marcos. Naiipit ngayon ang mga Duterte sa gitna ng mga imbestigasyon tungkol sa operasyon ng mga POGO, mga ekstrahudisyal na pamamaslang, smuggling, at iba pang mga krimen na naganap sa ilalim ng rehimeng US-Duterte. Nananatili pa rin ang posibilidad na mauwi sa armadong aksyon ang hidwaan ng dalawang pangkatin.
Hindi dapat tayo malinlang sa ganitong moro-moro ng dalawang buwaya. Pinapatunayan lamang ng bangayan ng dalawang masahol na kampo na lumalala na nga ang pulitikal na krisis ng lipunan at tumatalas ang mga kontradiksyon sa pagitan ng mga kampo ng naghaharing uri
Sa kabila ng tumitinding krisis sosyo-ekonomya, naghahari-harian ang mga Marcos sa Malacanang at lantarang ninanakaw ang pera ng sambayanan. Para lang mabayaran ng isang manggagawang Pilipinong kumikita ng minimum na sahod ang talent fee ng Duran Duran (nasa halagang USD 750,000 o PHP 41 milyon sa pinakamenos), kailangan niyang magtrabaho araw-araw ng 216 na taon. Kabilang naman sa badyet ng Office of the President ang PHP 4.56 bilyon na confidential and intelligence funds, na matagal nang ginagamit ng rehimen para pondohan ang terorismo sa kanayunan at pasismo laban sa mga demokratikong pwersa.
Marapat lamang na ilantad, kundenahin, at singilin ang rehimeng Marcos sa tangka nitong gastusin ang isangkaban ng bayan para sa sarili niyang mga luho. Ang patuloy na pagkaupo ni Bongbong Marcos sa estado poder ay nagpapalala ng umaagnas na sistemang bulok sa lipunang Pilipino.
Dapat lamang din na palakasin pa lalo ang panawagan na ikulong ang tirano at hayok sa dugong si Rodrigo Duterte bilang pananagot niya sa mga kasalanan niya sa taumbayan. Hinding hindi makakalimutan ng sambayanan ang lahat ng kaso ng terorismo at pasismo niya laban sa mamamayan.
Tanging sa demokratikong rebolusyon ng bayan lamang malulutas ang kronikong krisis ng burukrata kapitalismo, kasabay ng pagwasak sa panlipunang batayan nito ng pyudal na pagsasamantala at sa paggapi sa imperyalismong US na nakikinabang sa mga trapong nakaupo sa pamahalaan. Nangangahulugan ang pambansa-demokratikong rebolusyon ng makauring pagsulong ng mamamayan para wakasan ang malakolonyal at malapyudal na pagsasamantala at ang pagkamit ng bagong demokrasya.
Bahagi ng 12 puntong programa ng NDFP ang pagtatatag ng demokratikong republikang bayan. Bubuuin ito ng demokratikong koalisyon ng mamamayan na magbibigay ng karampatang representasyon sa mga sektor ng lipunan at sa mga pambansang minorya, sa pamumuno ng proletaryado at ng pampulitikang partido nito, ang Partido Komunista ng Pilipinas.
Layunin ng pamahalaang ito na isulong ang mga demokratikong reporma habang dinedepensahan nito ang mga tagumpay ng rebolusyon. Tungkulin ng demokratikong pamahalaan na ipatupad ang tunay na reporma sa lupa, isulong ang pambansang industriyalisasyon, tiyakin ang mga demokratikong karapatan ng mamamayan at pangalagaan ang seguridad at kapayapaan ng buong bansa.
Ngayon pa lamang, itinatatag na at pinapalawak sa malawak na kanayunan ang mga organo ng kapangyarihang pampulitika bilang binhi ng demokratikong gubyerno. Unti-unting lumalakas at lumalawak ang Pulang kapangyarihan sa lahat ng dako ng bansa, hanggang sa makamit nito ang sapat na lakas para kubkurin ang kalunsuran mula sa kanayunan at isulong ang ganap na tagumpay ng rebolusyon.
Hamon sa lahat ng mamamayang Pilipino na magkaisa sa pagsulong ng tunay nilang interes sa pamamagitan ng paglahok sa rebolusyonaryong pakikibaka! Ibagsak ang rehimeng US-Marcos Jr. at kamtin ang pambansang demokrasya na may sosyalistang perspektiba!