Tampok na talumpati sa Pandaigdigang Kumperensyang Panteorya hinggil sa Imperyalismo at Gera Maglunsad ng mga digmang rebolusyonaryo laban sa mga gerang imperyalista

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishIlocoChineseBisaya

 

Oktubre 14-15, 2023 | Ipinaaabot ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang pinakamainit na pagbati ng pakiisa sa mga kalahok sa Pandaigdigang Kumperensyang Panteorya hinggil sa Imperyalismo at Gera na inorganisa ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP). Lubos naming ikinararangal na buksan ang kumperensyang ito at ibahagi ang aming mga pananaw sa maiiinit na usapin sa teorya na may malalim na kabuluhan sa pulitika at praktika ng uring proletaryado at malawak na masa ng mamamayan ng daigdig sa kanilang pakikibaka laban sa imperyalistang gera sa pamamagitan ng mga rebolusyonaryong digma para sa pambansa at panlipunang paglaya at sosyalismo.


DOWNLOAD

Ikinalulugod namin ang paglahok ng makabuluhang bilang ng mga partido komunista at mga organisasyon mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Tinatanaw namin ang Marxista-Leninistang mga talakayang panteorya at palitan ng mga praktikal na rebolusyonaryong karanasan bilang paraan ng pagbubuo ng konsensus hinggil sa mga komun na plano para sa kooperasyon, koordinasyon at pagsusuportahan sa pagsusulong ng mga rebolusyonaryong pakikibaka sa sarili nating mga bansa, na mulat na bahagi tayong lahat ng isang pandaigdigang prente laban sa imperyalismo at imperyalistang gera.

Hindi matatawaran ang kabuluhan nitong pandaigdigang kumperensya sa teorya na idinaraos sa gitna ng tumitinding inter-imperyalistang tunggalian na humahantong sa lantarang sigalot at gera. Naghahasik ang mga tunggaliang ito ng malawakang karahasan at pasakit sa uring manggagawa at iba pang anakpawis, nagsasadlak sa mga atrasado at malakolonyal na bansa sa higit pang masahol na pambansang pang-aapi, at higit na nagpapaigting sa pagsasamantala sa uring manggagawa sa mga kapitalistang bansa. Sa kabilang banda, nag-aanak din ang mga ito ng mga oportunidad para sa mga partidong komunista at manggagawa upang iangat ang kanilang kakayahan at mas mainam na ipwesto ang sarili para samantalahin ang posibleng pagsiklab ng isang rebolusyonaryong sitwasyon sa pamamagitan ng pamumuno sa malawak na masang manggagawa, magsasaka at iba pang pinagsasamantalahan at aping uri tungo sa landas ng rebolusyonaryong makauring pakikibaka sa kani-kanilang mga bansa.

Iminumungkahi naming magtuon ng pansin ang kumperensyang ito sa sumusunod na mga susing usapin:

Una, ang balangkas sa teorya kaugnay ng usapin ng di-maiiwasang mga gera—partikular sa mga imperyalistang gerang pananakop at panghihimasok, na mapaminsalang mga bunga ng monopolyo kapitalismo, at resulta ng walang-humpay na pagtutulak ng pampinansyang kapital na palaparin ang saklaw ng impluwensya at larangan nito ng pamumuhunan, at ang pagpupumilit ng mga imperyalistang kapangyarihan na magpataw ng hegemonya.

Pangalawa, ang kasalukuyang balanse ng kapangyarihan sa hanay ng mga imperyalista at mga tampok na salpukan sa marahas at di-marahas na hidwaan sa pagitan nila; ang umiigting na inter-imperyalistang armadong komprontasyon dulot ng agresibong pagtutulak ng US na magpataw ng unipolar na kontrol sa isang multipolar na kaayusan ng daigdig; ang pinatatagal na gera sa Ukraine, na pangunahing proxy war ng US at NATO laban sa Russia; gayundin ang umuusbong na banta ng mainit na gera sa Asia sa usapin ng Taiwan at Korean peninsula bilang kasalukuyang larawan ng estratehiyang US Indo-Pacific na palibutan ang China at pigilan ang pag-unlad ng kapangyarihang pang-ekonomya at pangmilitar nito.

At pangatlo, ang aktitud at patakaran ng uring manggagawa sa paglaban at paghadlang sa inter-imperyalistang gera, ang panawagang agarang itigil ito oras na sumiklab, at ang patakarang samantalahin ang mga gerang ito upang isulong ang mga demokratiko at sosyalistang interes at pangmatagalang adhikain ng proletaryado at iba pang progresibo at rebolusyonaryong mga uri.

Teorya at kasaysayan: Gera bilang resulta ng imperyalismo

Ang akdang “Imperyalismo, pinakamataas na yugto ng kapitalismo” ni Lenin ang siya pa ring pinakasiyentipiko at pinakamasinsing pagsusuri sa huling yugto ng kapitalistang sistema. Isa itong pagpapaunlad sa teorya mula sa Das Kapital ni Marx, kung saan matalas na tinukoy ni Lenin na imposible nang umiral ang nakaraang sistema ng malayang kumpetisyon dahil sa labis nang sentralisadong kapital at kapitalistang produksyon.

Nananatili tayo ngayon sa panahon ng monopolyong kapitalismo at proletaryong rebolusyon na inilarawan ni Lenin. Bilang mga komunista, may susing kahalagahan ang palagian nating pag-aaral at pagbabalik-aral sa “Imperyalismo” ni Lenin upang mapahigpit ang paggagap natin sa panteoryang balangkas ng Marxismo-Leninismo bilang gabay sa ating pag-unawa sa kasalukuyang mga pangyayari.

Nananatili sa kasalukuyan ang mga esensyal na katangian ng imperyalismo, na tinukoy at binalangkas ni Lenin bilang monopolyo kapitalismo: (i) ang labis na konsentrasyon ng produksyon at kapital ay humantong sa pagbubuo ng makakapangyarihang monopolyo; (ii) ang pormasyon at pamamayani ng kapital sa pinansya o oligarkiya sa pinansya batay sa pagsasanib ng kapital sa pagbabangko at sa industriya; (iii) ang eksport ng kapital, kaiba sa eksport ng kalakal, ay nagkaroon na ng pambihirang kahalagahan (iv) ang pormasyon ng internasyunal na mga asosasyong monopolista na naghahati-hati sa daigdig; at, (v) ang teritoryal na paghahati-hati ng buong daigdig sa hanay ng pinakamalalaking kapangyarihang kapitalista ay nalubos na.

Para sa ating kasalukuyang talakayan hinggil sa imperyalistang gera, magtutuon tayo ng atensyon sa ikalimang katangian ng imperyalismo—ang teritoryal na dibisyon ng mundo—nang hindi bumibitiw sa interaksyon ng lahat ng limang katangian.

Sinulat ni Lenin noong 1914 na ” Sa unang pagkakataon, lubos nang nahati-hati ang daigdig, kaya muling paghahati-hati na lamang ang posible sa hinaharap…”. Sa anumang takdang panahon, ang umiiral na “hatian” sa mundo ay resulta ng marahas na tunggalian sa pagitan ng mga imperyalistang kapangyarihan. Anumang tangkang “baguhin ang hatian” ay magtatagumpay lamang sa pamamagitan ng higit pang marahas na tunggalian. “Ito ang usapin: liban sa digma, ano pa ang ibang paraan sa ilalim ng kapitalismo para pangibabawan ang di pagkakapantay ng pag-unlad ng mga produktibong pwersa at ang akumulasyon ng kapital sa isang banda, at ng dibisyon ng mga kolonya at mga saklaw ng impluwensya ng kapital sa pinansya sa kabila?”

Pamalagiang pagpapalawak ang likas na takbo ng kapitalismo, na inuudyok ng pangangailangang magkamal at muling ipuhunan ang labis na halaga, sa tulak ng walang humpay na kapitalistang kompetisyon. Hindi kailanman nagpapakuntento ang mga kapitalista sa kung anong mayroon sila. Yaong makukuntento’y dinudurog ng kumpetisyon at namamatay. Hindi pinawi ng monopolyo kapitalismo ang kapitalistang kumpetisyon, bagkus, ay higit pa itong pinatalim. Palagiang itinutulak ng imperyalismo ang kumpetisyon sa sukdulan at higit na itinataas ang antas ng kahayukang magpalawak. Ang pinaigting na kumpetisyon ang nagpatindi sa pangangailangan magpalawak ng pagkukunan ng hilaw na materyales, larangan ng pamumuhunan, merkado, at saklaw ng impluwensya at hegemonya; at sa lalupang pagpapalaki ng reserbang hukbo ng paggawa upang isadlak ang presyo ng lakas-paggawa.

“Interesado ang kapital sa pinansya,” ani Lenin, “hindi lamang sa natuklasan nang mga pagkukunan ng hilaw na materyales kundi maging sa maaaring pagkunan pa nito, dahil napakabilis ng kasalukuyang teknikal na mga pagsulong.” Nasasaksihan natin sa kasalukuyan kung papaanong pinapasok ng mga higante ng pampinansyang kapital ang lahat ng sulok ng mundo at bawat piraso ng lupa sa pag-uunahan nilang humanap ng pagkukunan ng mineral na rare earth, mga metal at iba pang bagong materyal na napakahalaga para sa pagpapaunlad ng makabagong teknolohiya—kabilang ang mga semiconductor at kompyuter para sa artificial intelligence—para sa komunikasyon, mga robot, enerhiya, paggalugad sa kalawakan, at kagamitang militar.

Ang hindi mapawing pagnanasang magpalawak at ang hangganang pisikal ng materyal na mundo ay magkatunggaling aspeto ng kapitalistang sistema. Sa ilalim ng monopolyo kapitalismo, ang kontradiksyong ito ay pinaigting ng ilang ulit, habang ang kapangyarihang pang-ekonomya, pampulitika, pangmilitar, gayundin teknikal, ay nakakonsentra sa kamay ng oligarkiya sa pinansya at mga ahente nito sa estadong burgis. Tinukoy ni Lenin na “sinisikap ng kapital sa pinansya sa pangkalahatan na kamkamin ang pinakamalawak na lupa na anumang klase at kahit pa saan, at sa anumang paraan, nang umaasa sa posibilidad na makatutuklas doon ng hilaw na materyales, at sa pangambang mapag-iwanan sa maigting na tunggalian para sa huling mga labi ng independyenteng teritoryo, o para sa muling paghahati-hati niyong mga teritoryong nahati-hati na.”

Hahantong sa mapopoot na sigalot ang nabanggit na mga aspetong nagtutunggali dahil masasagad kalaunan ang ribalan ng mga makapangyarihang kapitalista sa pinansya na pawang kumukontrol sa buong mga estado at militar ng mga ito, maging sa mga mersenaryo at organisasyong kriminal. Hindi ito mapipigilan. Noong 1920, isinulat ni Lenin na, “Ang mga digmaang imperyalista ay absolutong di maiiwasan sa ilalim ng ganoong sistemang pang-ekonomya (ng monopolyo kapitalismo), hanggat umiiral ang pribadong pag-aari sa mga kagamitan sa produksyon.” Inilantad niya ang unang digmaang pandaigdig (1914-1918) bilang “isang digmaan para sa paghahati-hati ng daigdig, para sa partisyon at muling partisyon ng mga kolonya, mga saklaw ng impluwensya ng kapital sa pinansya, atbp.” Sa gerang ito, ang mga imperyalistang kapangyarihan ay nahati sa dalawang kampo: ang “Allies” (France, UK, Russia, US, Italy at Japan), at ang “Central Powers” (Germany, Austria-Hungary at ang Ottoman Empire), kabilang ang mga umuusbong na imperyalistang kapangyarihan na naglalaway sa mga teritoryong kolonyal ng mga lumang imperyo.

Ang parasitismo, pagkabulok at krisis ng kapitalismo ay lumilikha ng mga kundisyon para sa rebolusyon. Inilalagay sa ligalig ang mga reaksyunaryong burgis na sistema, laluna ng mga imperyalistang gera. Ito naman ang nagbibigay sa mga partidong komunista at manggagawa ng oportunidad na ilantad ang kabulukan ng naghaharing sistema, at pukawin at pakilusin ang mamamayan sa mga sosyalistang pag-aalsa at mapagpalayang digma. Sa kasagsagan ng unang digmaang pandaigdig, itinulak ni Lenin ang patakaran ng “rebolusyonaryong pagkatalo” o ang paghahangad na matalo ang “sariling” burgesya sa pagsabak nito sa mga imperyalistang gera. Ang patakarang ito ay nakaayon sa Basle Manifesto noong 1912 ng Ikalawang Internationale na nanawagan sa mga sosyalista sa buong mundo na “samantalahin ang pang-ekonomya at pampulitikang krisis na dulot ng gera upang pukawin ang mamamayan at nang sa gayo’y mapabilis ang pagbagsak ng paghahari ng kapitalistang uri.” Walang kapagurang nilabanan ni Lenin ang oportunismo ng mga sobinisitang sosyal—mga sosyalista sa pananalita ngunit sobinista sa gawa. Ang panawagan ng mga rebisyunistang ito na “ipagtanggol ang amang bayan” ay tumungo sa makauring kolaborasyon sa kanilang “sariling” mga naghaharing gubyernong burgis, at kalauna’y sa pagkawatak-watak sa hanay ng mga partido sosyalista at pagguho ng Ikalawang Internationale.

Sa kanyang pambungad sa Imperyalismo noong 1920, sinabi ni Lenin na, “imperyalismo ang bisperas ng sosyalistang rebolusyon ng proletaryado” na pinatotohanan ng tagumpay ng Rebolusyong Bolshevik ng Oktubre 1917. Mapatutunayang wasto ang deklarasyong ito ng sumunod na mga rebolusyonaryong tagumpay sa buong mundo sa mga sumunod na dekada. Ang matagumpay na sosyalistang rebolusyon at konstruksyon sa Unyong Sobyet ay nagpalaya sa sangkanim (1/6) ng mundo mula sa mga imperyalista, na siya ring nagpaigting sa inter-imperyalistang tunggalian, at higit na nag-anak ng mga kundisyon para sa paglulunsad ng rebolusyonaryong pakikibaka sa iba’t ibang dako ng mundo.

Higit-kumulang dalawang dekada lamang ang lumipas bago muling marahas na nagsalpukan ang mga imperyalistang kapangyarihan para sa bagong hatian sa mundo. Sa gitna ng matinding krisis, bumaling ang ilang imperyalistang kapangyarihan sa pasismo at diktadura upang patindihin ang pagsasamantala sa proletaryado at masang api at ipataw ang pinakamasasahol na atake upang durugin ang rebolusyonaryong paglaban ng uring manggagawa; paigtingin ang kolonyal na panunupil upang alipinin ang mahihinang bansa; sakupin at atakehin ang mga teritoryo ng kanilang mga imperyalistang karibal; at ilunsad ang todo-gera laban sa Unyong Sobyet, ang noo’y pandaigdigang muog ng proletaryong rebolusyon at kuta ng kapayapaan. Ang ikalawang digmaang pandaigdig (1939-1945) ay gera para sa redibisyon ng kapitalistang mundo, kung saan ang mga pasista ay naghangad ng higit na malalaking teritoryo para sa imperyalistang ekpansyon.

Ang Ikatlong Internationale, sa ilalim ng pamumuno ng Partido Komunista ng Unyong Sobyet, ay nagpatupad ng patakaran ng pagbubuo ng anti-pasistang Prenteng Popular kasama ang US, France at iba pang imperyalistang “Allied forces”, sa harap ng mga plano ng Germany at Japan na atakehin ang Unyong Sobyet mula sa kanluran at silangan. Ang patakaran noo’y manawagan ng kapayapaan at hadlangan ang pagsiklab ng isang digmaang pandaigdig; at kung sumiklab ang gera, labanan ang pasistang atake laban sa Unyong Sobyet sa ilalim ng islogang ipatanggol ang sosyalistang inangbayan; labanan ang pasistang pananakop saanman ito gawin, tulad sa China, Indochina at Southeast Asia; ilunsad ang rebolusyon sa mga bansang nakapailalim sa pasistang paghahari tulad ng Spain, Germany, Italy, Japan; at isulong ang mga rebolusyonaryong pakikibaka ng proletaryado at mamamayan saanman posible. Ang proletaryado at mamamayan ng Unyong Sobyet, na nakatikim sa bunga ng sosyalistang konstruksyon sa loob ng nagdaang mahigit dalawang dekada, ay magiting na lumaban upang ipagtanggol ang unang sosyalistang estado at naglunsad ng patriyotikong digma sa ilalim ng bandila ng CPSU.

Ang antipasistang nagkakaisang prente o ang patakaran ng Prenteng Popular ay ipinatupad ng mga partido komunista at wastong nailapat sa maraming kaso, at mali sa ilan. Wastong ipinatupad ng Partido Komunista ng China (CPC) ang patakaran sa pamamagitan ng pagbuo ng nagsasariling kapangyarihan habang nakipagkaisa sa reaksyunaryong gubyernong Chiang Kai Shek, habang ipinatupad ang programa ng minimum na reporma sa lupa upang hamigin ang mga reaksyunaryong Chinese sa paglulunsad ng komun na pakikibaka laban sa pasistang Japan. Ipinakita nito sa mamamayang Chinese na ang CPC ay walang-tinag sa pagpapalaya ng China mula sa kolonyalismong Japan, at inilantad ang kolaborasyon sa pagitan ni Chiang Kai Shek at pwersang Japan sa panunupil sa CPC at Pulang hukbo. Sa takbo ng digmang bayan laban sa Japan, nagkamit ang Pulang hukbo ng malalaking tagumpay at nakaipon ng rebolusyonaryong lakas.

Sa Pilipinas, ang Prenteng Popular ay ipinatupad din noong 1945 ng pinagsanib na Partido Komunista ng Pilipinas at Partido Sosyalista ng Pilipinas. Subalit nabigo itong ipatupad ang makauring pagsasarili at inisyatiba at nagbunsod ito ng serye ng mga kamalian sa patakaran, pangunahi’y mga Kanang oportunistang kamalian. Nagpatali ito sa pagbubuo ng isang ligal at nakasentro-sa-lunsod na kilusang antipasista sa ilalim ng poder ng reaksyunaryong papet na rehimen ng US, at bunga nito’y napwersang lumikas sa kanayunan sa di-organisadong paraan nang okupahin ng pwersa ng Japan ang Maynila. Sa tulak ng mga sirkumstansya ng kolonyal na pananakop, nagdesisyon ang pamunuan ng pinagsanib na partido na itatag ang Hukbong Bayan Laban sa Hapon o Hukbalahap ngunit nabigong maglunsad ng pakikidigmang gerilya para samantalahin ang malawak na kanayunan ng Pilipinas. Sa halip, tinipon ang mga tropa nito sa nahihiwalay na kabundukan ng Gitnang Luzon na naging madaling target para sa armadong panunupil ng kolonyalistang Japan. Masahol pa, nagpatupad ang pinagsanib na partido ng patakarang “umatras para magdepensa” at pasibong linyang militar alinsunod na patakarang “lie-low” ng US Armed Forces in the Far East (USAFFE). Ang patakarang ito ay pinuna at iwinasto noong 1943 nang ipatupad ng pinagsanib na partido ang pakikidigmang gerilya na dahilan para makapagtatag ng nagsasariling mga armadong rehimen sa Gitnang Luzon at Timog Katagalugan hanggang sa pagtatapos ng gera laban sa Hapon. Pero sa halip na konsolidahin at palakasin ang makauring kasarinlan at pamumuno ng proletaryado, muling “sinalubong” ng pinagsanib na partido ang kolonyal na pwersang Amerikano, at tinransporma ang rebolusyonaryong hukbo tungong “beteranong” asosasyon, na nagbigay-daan sa armadong panunupil at pagmamasaker sa mga rebolusyonaryong base. Sa ilalim ng panawagang nagkakaisang prente sa papet na rehimen at “demokratikong kapayapaan,” nauwi ang pinagsanib na partido sa purong ligal na parlamentaryong pakikibaka na sa kalauna’y bumakbak sa lakas ng proletaryado at ng rebolusyonaryong baseng masa.

Sa ibang mga bansa, nagbunsod ang ikalawang digmaang pandaigdig ng tagumpay ng mga rebolusyon para sa pambansang pagpapalaya at sosyalismo sa Europe at Asia, kabilang na ang tagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan sa China noong 1949 at ang paglaya ng Korean peninsula noong 1945 mula sa 35 taong kolonyalismo ng Japan. Ang pinagsanib na paghahari ng uring proletaryado mula 1949 hanggang 1956 ay sumaklaw sa sangkatlo ng sangkatauhan na progresibong nakapamuhay sa ilalim ng pamumuno ng uring manggagawa, bago ang pagtatraydor ng modernong rebisyunismo sa Unyong Sobyet (1956 pataas) at China (1977 pataas).

Mula noong ikalawang digmaang pandaigdig, nagawa ng mga imperyalistang kapangyarihan na iwasan ang mga sigalot-militar sa pandaigdigang antas. Gayunpaman, sa halos walong dekada, naglunsad ang mga imperyalistang kapangyarihan ng sunud-sunod na mga gerang agresyon at interbensyon, sa iba’t ibang saklaw at tagal. Mula dekada 1950, pinakaagresibo ang imperyalismong US. Mayroon itong mahigit 700 base militar at pasilidad sa ibayong dagat na nakakalat sa buong mundo. Mayroon itong 11 aircraft carrier na barkong pandigma (limang beses na marami kaysa anupamang imperyalistang kapangyarihan) para ipangalandakan ang kapangyarihan at hegemonya sa anumang bahagi sa mundo. Naglunsad ito ng mga gerang agresyon at interbensyon sa Asia (China, Korea, Vietnam, Laos, Cambodia, Pilipinas, Pakistan); sa Middle East (suporta sa Israel laban sa Palestine, Iran, Kuwait, Iraq, Syria at Afghanistan); sa Eastern Europe, sa pakikipagsabwatan sa NATO (Yugoslavia, Ukraine); sa Africa (Nigeria, Somalia, Sudan, Tunisia, Liberia, Kenya, Ethiopa, Libya); at sa Latin America (Cuba, Nicaragua, Venezuela, Colombia). Hanggang noong dekada 1980, binigyang katwiran ng US ang mga gerang interbensyon at agresyon sa pamamagitan ng pagtaguri sa mga ito bilang “gera laban sa komunismo;” at mula 2001, isang dekada matapos ang pagguho ng Unyong Sobyet, bilang mga “gera laban sa terorismo”.

Ang imperyalismo ay ang huling yugto ng kapitalismo na kinatatangian ng lubhang parasitismo at pagkabulok. Sinasagad nito ang mga kontradiksyon ng kapitalistang sistema. Sa humigit-kumulang nagdaang siglo, sumiklab ang mga kontradiksyong ito sa malalaki at maliliit na gera, at patuloy na pana-panahong sisiklab hanggat ang mga monopolyo kapitalista ay sangkot sa walang habas na kumpetisyong kinatatangian ng walampatid na pag-uunahang kontrolin ang mas malalaking merkado, pinagkukunan ng hilaw na materyales, reserbang lakas paggawa, saklaw ng impluwensya at larangan ng pamumuhunan para sa labis na kapital.

Kasalukuyang tampok na mga inter-imperyalistang sigalot

Mula nang magapi ang sosyalistang rebolusyon sa Unyong Sobyet at China, ang pandaigdigang kapitalistang sistema ay kinatatampukan ng sumusunod na mayor na kontradiksyon: sa pagitan ng monopolyo kapital at proletaryado sa mga kapitalistang bansa; sa pagitan ng nagriribalang mga imperyalistang kapangyarihan; sa pagitan ng mga imperyalistang kapangyarihan at aping mamamayan at bansa; at sa pagitan ng mga imperyalistang kapangyarihan at mga bansang nagtataguyod ng pambansang soberanya at sosyalistang programa.

Sinasalamin ng mga kontradiksyong ito ang mga pangunahing aspeto ng kasalukuyang pandaigdigang imperyalistang sistema. Inilalarawan ng mga ito ang makauring kalikasan ng pinakamahahalagang isyu, mga pampulitikang sigalot, panlipunang pag-aalsa, gera at rebolusyon na kinakaharap ng sangkatauhan sa kasalukuyang yugto ng kasaysayan. Anuman sa mga kontradiksyong ito ay maaaring maging prinsipal na kontradiksyon na magtatakda ng pangunahing agos sa mundo. Ang pag-igting ng mga kontradiksyon, isa-isa man o lahat sa isang takdang panahon, ay sumasalamin sa pag-igting ng krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista, mula sa isang yugto ng krisis tungo sa isa pa.

Ang kasalukuyang yugto ng krisis ay kinatatangian ng matagal nang istagnasyong pang-ekonomya na mauugat pa sa krisis pampinansya noong 2008, kung saan hindi pa lubos na nakababawi ang US at iba pang nangungunang kapitalistang bansa at ang kabuuang pandaigdigang sistema. Ang matagal nang istagnasyong pang-ekonomya ay naglantad sa hangganan ng mga patakarang neoliberal sa ekonomya mula pa noong dekada 1970.

Ang puno’t dulo ng istagnasyon ay ang kapitalistang krisis sa labis na produksyon, na inianak ng batayang kapitalistang kontradiksyon sa pagitan ng sosyalisadong produksyon at pribadong pag-aari ng kasangkapan sa produksyon at sa hatian ng labis na halaga na siyang nagbunsod ng anarkiya sa produksyon. May sarplas na imbentaryo sa halos lahat ng tipo ng kalakal mula langis hanggang butil, semiconductor hanggang sasakyan at iba pa. Dumudulo ito sa maigting na paligsahan para sa kontrol sa mga bagong merkado, sa paglikha ng bagong kalakal, sa pagkukunan ng mas mura at mas maraming hilaw na materyales, at iba pa. Ang paligsahang ito, kung gayon, ay tumutungo sa mas maigting na inter-imperyalistang kontradiksyon—ang pangalawa sa apat na mayor na kontradiksyong nasasaad sa itaas, na siya nating tutuunan ng pansin para sa kasalukuyang talakayan.

Walang patid ang pagsiklab ng mga armadong tunggalian sa buong mundo mula pa noong dekada 1990 pangunahin dahil sa paggigiit at pagpapataw ng imperyalismong US ng nangingibabaw nitong kapangyarihang militar. Mula sa pagguho ng Unyong Sobyet noong 1990 at mabilisang kapitalistang pagpapalawak ng China hanggang 2010, iginigiit ng US ang unipolar na pagkubabaw nito sa lahat ng bahagi ng mundo. Ang pinakamalalaking gera ng nagdaang tatlong dekada ay kinasangkutan ng US. Noong dekada 1990, ang US (kasabwat ang NATO) ay nasangkot sa iba’t ibang armadong sigalot sa Eastern Europe (kabilang ang gerang Balkan) upang pahinain ang impluwensya ng Russia sa mga bansang dating kabilang sa Warsaw Pact, at palakasin ang pusisyon ng NATO. Mula 2001, ginamit ng US ang tinaguriang “gera laban sa terorismo” upang ikomoplahe ang pagpapataw nito ng hegemonya sa pamamagitan ng pagsakop at pag-okupa sa mga soberanong teritoryo, ang pagtatatag ng armadong presensya sa iba’t ibang bansa sa mundo, gayundin ang interbensyunistang pag-uudyok ng gulo para patalsikin ang mga independyenteng gubyerno at magluklok ng mga papet na rehimen.

Mula noong 2010, ang mga imperyalistang kapangyarihang karibal ng US na pinangungunahan ng Russia at China ay nagpapalakas at nagtutulak ng pagtatatag ng bagong kaayusang multipolar na daigdig, upang salaminin ang aktwal na balanse ng kapangyarihang pang-ekonomya at pangmilitar. Ang pagkakatatag ng BRICS (Brazil, Russia, India, China at South Africa) na kooperasyong pang-ekonomya at bangko, at ng Shanghai Cooperation Organization (SCO) ay direktang hamon sa matagal nang pang-ekonomya at pangmilitar na pangingibabaw ng US. Ang mga hamon na ito ay kasabay ng estratehikong pagbulusok ng ekonomya ng US na resulta ng pagbagsak ng kapasidad nito sa manupaktura, labis na pagkalubog sa utang at sunud-sunod na krisis sa pinansya mula sa pagputok ng bula ng dotcom (2000), subprime o krisis sa pabahay (2007) at pagguho ng mga bangko (2008).

Tinatayang gumastos ang US ng $7- hanggang $8-trilyon sa mga gera sa ibayong dagat mula pa noong 2001. Ang patakaran ng US na walang katapusang panggegera ay aktibong itinataguyod ng kapital sa pinansya nito, kabilang na ang mga bangko at malalaking kapitalistang mamumuhunan, na malalim na nakaugnay sa industriyang militar ng US kabilang ang mga taga-manupaktura ng armas, kontraktor sa depensa at pribadong mersenaryo.

Lalong tuwirang iniuumang ng US ang mga sandatang pang-ekonomya, pampulitika at pangmilitar nito sa Russia at China. Upang igiit ang paghirang-sa-sarili na pandaigdigang kapangyarihan habang humaharap sa matagal nang istagnasyon at krisis pang-ekonomya, hangad ng US na bakbakin at hadlangan ang kapangyarihang pang-ekonomya, pampulitika at pangmilitar ng Russia at China, at sa proseso ay lumilikha ng mayor na mga tampok na tunggalian mula Europe hanggang Asia. Mayroon ding mga sekundaryong namumuong sigalot sa Middle East, Africa at Latin America na ibinubunga ng mga ribalang inter-imperyalista, na kaugnay rin sa tunggalian ng US sa mga bansang naggigiit ng pambansang soberanya.

Sa kasalukuyan, ang pinakamahalaga at pinakamaigting na sigalot ay ang inudyok at pinatatagal ng US na gera sa Ukraine na 18 buwan nang tumatakbo. Isa pang mayor na namumuo ay ang papalaking presensya ng pwersang militar ng US sa South China Sea hanggang Pacific Ocean, kasama ang mga alyadong militar nito (Australia at UK sa ilalim ng AUKUS, at India, Japan at Australia sa ilalim ng Quad), bilang bahagi ng Indo-Pacific Strategy.

Ano ang tindig natin sa gera sa Ukraine? Kailangan mailinaw na ang gera sa Ukraine ay may likas na katangian ng isang inter-imperyalistang gera, sa pagitan ng Russia, sa isang banda, at ng imperyalismong US at mga alyado nito sa NATO sa kabilang banda, kung saan ginagamit nito ang Ukraine bilang proxy o kasangkapan at base upang bakbakin at siklin ang pag-ekonomyang interes at hegemonya ng Russia. Sa lahat ng gera sa nagdaang mga dekada, ang gera sa Ukraine ang pinakamalapit at pinakatuwiran na inilunsad ng US laban sa Russia. Dahil sangkot ang US at mga prinsipal nitong alyado sa NATO, may potensyal na pasiklabin ng gerang ito ang mas malawak na pandaigdigang gera at magbunsod ng paggamit ng armas nukleyar at iba pang mapangwasak na abanteng kasangkapang militar.

Sa pag-uudyok sa gera sa Ukraine, estratehikong layunin ng US at NATO ang pahinain ang Russia sa larangan ng ekonomya (agawin ang kontrol sa mga mina at lupang pang-agrikultura at ang merkado nito ng natural gas sa Europe), sa larangan ng pulitika (sulsulan at suportahan ang internal na subersyon at gawing sanhi ito ng pagkakawatak-watak ng pederasyong Russia), at sa larangang militar (paguhuin ang kapasidad nito sa pamamagitan ng pagtali dito sa matagalang gera), gayundin upang bigyan ang pampinansyang kapital at industriyang militar ng US ng oportunidad na magkamal ng dambuhalang tubo.

Ang pag-atake ng Russia sa Ukraine (ang tinagurian nitong espesyal na operasyong militar) ay isang akto ng kontra-agresyon. Hindi ito paglaban sa pambansang pang-aapi, kundi pagdepensa sa imperyalistang interes nito laban sa ekspansyonismo at panghihimasok ng NATO sa saklaw ng dating impluwensya ng Russia sa Eastern Europe, at laban sa mga hakbang na pasanibin ang Ukraine sa NATO. Ang layunin ng Russia ay protektahan ang interes ng oligarkiya nito sa pinansya, ipanumbalik ang pampulitikang dominasyon nito sa Ukraine upang imantine ang bansa bilang panangga sa panghihimasok ng NATO, at panatilihin ang mga dating mga teritoryang pang-agrikultura at pang-industriya sa ilalim ng hegemonya ng Russia. Upang makamit ang layuning ito, naghasik ang Russia ng malawakang pinsala sa proletaryado at mamamayan ng Ukraine. Walang simpatya at hindi sinusuportahan ng proletaryado ng Russia at daigdig ang gera ng Russia laban sa Ukraine.

Sa suporta ng US at NATO, pinaypayan ng gubyerno ni Zelensky ang Russophobe (pagkamuhi sa mga Russian) at nagsagawa ng mga patakarang mapang-away sa populasyong nagsasalita ng Russian at sa silangang rehiyon ng Ukraine. Nililinlang ni Zelensky ang mamamayan ng Ukraine at mundo. Nagpapanggap siyang ang paglaban sa atake ng Russia ay isang “patriyotikong gera upang depensahan ang kalayaan ng Ukraine”, ngunit ang totoo’y layong ipailalim ang Ukraine sa alyansang US-NATO, at matatag na ipailalim ito sa kontrol at proteksyon nito upang dito itukod ang kanyang naghaharing rehimen, tiyakin ang makauring interes ng burgesya at panatilihin ang panunupil at pagsasamantala sa proletaryado at mamamayan ng Ukraine. Walang simpatya at hindi sinusuportahan ng proletaryado ng Ukraine at daigdig ang rehimeng Zelensky na nagsisilbing tau-tauhan sa gera sa pagitan ng mga imperyalistang kapangyarihan.

Dapat magkaisa ang pandaigdigang proletaryado at itakwil pangunahin ang imperyalistang pangkat ng US-NATO sa paglikha nito ng mga kundisyon para sa gera, pang-uudyok sa Russia na atakehin ang Ukraine, pag-aarmas at pagsangkalan sa Ukraine upang pagsilbihan ang eskpansyunismo ng US-NATO laban sa Russia, at sa pagpapatagal ng gera sa pamamagitan ng pagbibigay ng walang katapusang suplay ng armas at ayudang militar sa Ukraine. Dapat samantalahin ng rebolusyonaryong pwersa ng proletaryado sa Russia at Ukraine, sa partikular, ang mga kundisyon ng gera upang pabilisin ang pagpukaw, pag-organisa at pagpapakilos sa uring manggagawa at mamamayan sa kanilang mga bansa upang ilunsad ang makauring pakikibaka, itayo ang mga unyon at organisasyon, ilantad at labanan ang gerang inilulunsad ng naghaharing uri at ipanawagan ang agarang pagwawakas nito sa pinakaepektibong paraan. Upang magawa ito, kailangang itatag o palakasin ang partido komunista. Dapat itong malalim at malawak na umugat sa uring manggagawa, at pumukaw sa mamamayan na maglunsad ng armadong paglaban sa hustong porma at antas upang pabilisin ang pagbagsak ng naghaharing reaksyunaryong sistema.

Isa pang inter-imperyalistang sigalot ang tuluy-tuloy na namumuo Asia. Matapos makipagsabwatan sa China noong panahon ng kapitalistang panunumbalik mula huling bahagi ng 1970 hanggang sa panahon ng pagpapairal ng mga patakarang neoliberal, nagdeklara ang gubyerno ng US ng “pihit sa Asia” noong Nobyembre 2011 upang itulak ang pampulitika at geopulitikal na interes ng US at kontrahin ang pang-ekonomya at pangmilitar na paglakas at impluwensya ng China.

Sa hangaring muling makapangibabaw sa mundo, tunguhin ng imperyalismong US na bagbagin ang napakalaking bentahe ng China sa manupaktura, laluna sa sektor ng teknolohiya, at pigilan ang pagkalat ng impluwensyang militar nito. Malaon nang nananawagan ang gubyernong US sa China na buwagin ang mga korporasyong pang-estado (na kontrolado ng mga monopolyo kapitalista ng estado) sa tabing ng pagtutulak para sa isang “rules-based system” (o “sistemang may mga alituntunin”). Upang ihiwalay ang China, itinulak ng gubyernong Obama ang Trans-Pacific Partnership, isang kasunduang pang-ekonomya na hindi kasali ang China, at ipinatupad ang proteksyunistang mga hakbanging para akitin pabalik ang kapital sa US. Sa ilalim ni Trump, nagpataw ang US ng mga hakbanging pamarusa sa mga produkto ng China upang bawasan ang pangkalakalang depisito ng US, at tinarget ang mga kumpanyang Chinese na inakusahan nitong nagsasagawa ng paniniktik para sa gubyernong China, upang suportahan ang mga kumpanya sa pagmamanupaktura ng US.

Upang palakasin ang paggigiit nito, nagsagawa ang US ng higit pang mapopoot na hakbang laban sa China. Itinulak nito ang NATO na hayagang ideklara ang China bilang “estratehikong banta”, at pinakilos ang mga alyadong militar nito na dagdagagan ang presensyang militar sa mga karagatang nakapaligid sa China sa tabing ng paglulunsad ng mga “joint patrol” at “kalayaan sa paglalayag” na patuloy na nagiging agresibo. Ipinakat ng US ang hindi bababa sa limang aircraft carrier (USS Ronald Reagan, USS Carl Vinzon, USS Abraham Lincoln, USS Nimitz at USS George Washington) sa loob at palibot ng South China Sea.

Alinsunod sa tinagurian nitong estratehiyang “first island chain” na palibutan ang China mula sa pinakamalalapit na mga isla, higit pang pinalakas ng US ang presensyang militar at pagpupusisyon nito ng mga misayl at iba pang kagamitang militar sa Japan, South Korea at Singapore. Pinalalakas nito ang base militar sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagtatayo ng hindi bababa sa siyam na base militar at mga pasilidad, at pagsasagawa ng sunud-sunod na ehersisyong militar kung saan napananatili ng militar ng US ang permanenteng presensya sa bansa. Sa loob ng higit limang taon, binuhusan nito ng dambuhalang suportang militar ang Armed Forces of the Philippines upang paigtingin ang mga operasyong kontrainsurhensya sa hangaring gapiin ang demokratikong rebolusyong bayan na pinamumunuan ng Partido Komunista ng Pilipinas.

Sa mga nagdaang taon, ginagatungan ng US ang mga “kilusan para sa kasarinlan” sa Mongolia, Hongkong at Xinjiang, at nitong huli’y pinapaypayan ang tinaguriang “kasarinlan ng Taiwan” na taliwas sa matagal nang kinikilalang prinsipyong “One China”. Sunud-sunod ang mga upisyal ng US na bumisita sa Taiwan at nagdeklarang ang US ay “dedepensa sa Taiwan”. Inaprubahan ng Taiwan ang pagbili ng isang pakete ng $500-milyon halagang armas mula sa US noong Agosto. Maoobserbahang ginagamit ng US ang Tawain upang udyuking umatake ang China, parehong taktikang ginamit nito sa Ukraine upang udyukang umatake ang Russia.

Ang tugon ng China sa mga pang-uudyok ng US ay nagiging mas palaban at agresibo. Sa kasaysayan, hindi pa nasangkot ang China sa anumang agresyon o okupasyon ng mga teritoryo. Bilang pandaigdigang rebolusyonaryong sentro mula 1947-1977, nagpatupad ito ng patakaran ng pagsuporta sa mga rebolusyonaryong pakikibaka, pakikipagkaisa sa mga bansang nagtataguyod ng pambansang soberanya, at kalakalan, diplomasya at pagkakapantay-pantay militar at nukleyar sa mga kapitalistang bansa at imperyalistang kapangyarihan. Bilang isang imperyalistang kapangyarihan mula noong huling bahagi ng 2000, mabilis na humabol ang China sa usaping lakas-militar, pinalaki ang gastos sa depensa para sa pagpapaunlad ng mga armas (ultrasonic missiles) at mga aircraft carrier upang itaas ang kapasidad na magdala at magpakat ng mga tropa sa ibayong dagat.

Wala pa tuwiran o pangmilitar na paghamon ang China sa hegemonya ng US o ng iba pang mga imperyalistang kapangyarihan. Bilang imperyalistang bansa, pinalawak ng China ang hegemonya nito sa pagwasiwas ng pang-ekonomyang lakas sa pamamagitan ng malalakihang proyektong imprastraktura sa ilalim ng One Belt, One Road Initiative, at kinubabawan at itinali ang mga ekonomya ng maliliit na mga bansa sa pamamagitan ng mga dambuhalang pautang at pamumuhunan upang pagulungin ang importasyon ng kalakal, pagkakamkam ng hilaw na materyales, pagsasamantala sa murang lakas paggawa at iba pa.

Dahil sa laki ng hawak ng China na US treasury (utang ng gubyernong US sa anyo ng mga bono) na mahigit $820 bilyon at dahil US ang pangunahin nitong dayuhang mamumuhunan at merkado para sa mga eksport, wala sa interes nito na tuluyang kumalas sa US. Gayunpaman, kasama ang Russia, sinisikap ng China na magtatag ng pantapat na sistemang pampinansya na hindi tali sa dolyar at sistema sa pinansya ng US.

Ang base militar ng China sa Djibouti sa kanluran ng Africa ang tangi nitong dayuhang base militar. Gayunpaman, nagtayo rin ito ng mga pasilidad militar sa mga artipisyal na isla sa loob ng teritoryong pandagat ng Pilipinas, nagsasagawa ng mga pagpatrolya at panghuhuli, at nagbabawal sa mga maliliit na mamamalakayang Pilipino na mangisda sa kanilang tradisyunal na pangisdaan. Ang pagdeploy ng pwersang militar ng China sa mga pasilidad at katubigang ito ay itinuturing ng mamamayang Pilipino bilang agresyon o panghihimasok. Dagdag pa, nagtatayo rin ang China ng mga pasilidad militar sa Cambodia, Tajikistan at Pakistan.

Ang patuloy na umiigting na kumpetisyon sa ekonomya at komprontasyong militar sa pagitan ng US at China ay nasa kalikasan ng mga kontradiksyon sa pagitan ng nagriribalang imperyalistang kapangyarihan. Sa parehong panig ng tunggalian, ang naghaharing monopolyong kapitalista ay naglalayong tiyakin at palawakin ang kani-kanilang imperyalistang kapangyarihan upang apihin ang mahihinang bansa, pagsamantalahan ang kanilang mamamayan at dambungin ang kanilang mga rekurso. Ang tunggaliang ito ay nagbabantang sumiklab sa isang hayagang gera bunga ng agresibong pagtutulak ng US.

Dapat magkaisa ang pandaigdigang proletaryado at kundenahin ang paghahanda sa gera at gawin ang lahat upang pakilusin ang masa upang hadlangan ang pagsiklab ng isang inter-imperyalistang gera na magdudulot lamang ng walang kapantay na hirap at pinsala sa uring manggagawa at mamamayan, laluna sa maliliit na bansang nakakaladkad sa tunggalian sa pagitan ng mga dambuhalang imperyalistang kapangyarihan.

Dapat pukawin ng mga partido komunista ang lahat ng patriyotiko at demokratikong pwersa na kundenahin pangunahin ang imperyalismong US na pangunahing responsable sa paglikha ng mga kundisyon upang sumahol ang banta ng gera sa rehiyong Asia-Pacific. Kailangang maitatag ang isang panrehiyon at pandaigdigang nagkakaisang prente ng lahat ng anti-imperyalista at demokratikong uri upang pakilusin ang pinakamalaking bilang ng mamamayan laban sa mga gerang interbensyon at probokasyon ng US, at laban sa imperyalistang gera. Dapat kundenahin ang imperyalismong China sa paggamit nito sa pang-ekonomyang lakas sa paglulunsad ng malakihang pandarambong sa rekursong mineral at pandagat ng mahihinang bansa, pagsasamantala sa murang lakas paggawa, palalong diplomasya, at pagtapak sa kanilang pang-ekonomya at pampulitikang soberanya.

Dapat manguna ang mga rebolusyonaryong proletaryadong pwersa sa China sa masigasig na paglantad sa modernong rebisyunismo at monopolyo kapitalistang estado; paglaban sa monopolyong burukrata-kapitalismo ng estado at sa naghaharing huwad na partido komunista; pagpukaw, pag-organisa at pagpapakilos sa proletaryado at mamamayan na maglunsad ng rebolusyonaryong makauring pakikibaka; pagtakwil sa patakarang imperyalistang ekspansyunismo; at pagsanib sa malawak na nagkakaisang prente ng mamamayan ng daigdig laban sa imperyalistang gera.

Dapat magpakilos ng pinakamalaking posibleng bilang ng mamamayan ang malawak na nagkakaisang prente ng lahat ng pwersang anti-imperyalista sa mga pangmasang demonstrasyon upang ipamalas ang malawakang pagtutol sa imperyalistang mga gerang agresyon at paghahanda sa gera. Ang lakas ng anti-imperyalistang nagkakaisang prente ay magmumula pangunahin sa mga unyon ng uring manggagawa at batayang organisasyong masa ng mga magsasaka at iba pang demokratikong mga uri at sektor. Dapat pakilusin ng proletaryado sa mga militanteng pagkilos ang malawak na masa upang tutulan ang sumasahol na mga anyo ng panunupil at pagsasamantala, na marapat na maiangat at maiugnay sa pakikibaka laban sa imperyalistang panunupil at gera. Kung saan nararapat, ang mga partido komunista ay dapat na maglunsad ng rebolusyonaryong armadong paglaban, kabilang na ang mga digmang bayan sa mga bansang malakolonyal at malapyudal, bilang pangunahing porma ng pakikibaka, nang sa gayo’y epektibong labanan ang imperyalistang armadong panunupil at maitatag ang pampulitikang kapangyarihan ng proletaryado.

Itinuturing ng Partido Komunista ng Pilipinas ang pagsusulong ng demokratibong rebolusyong bayan sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan at iba pang porma ng pagpapakilos sa malawak na masang Pilipino upang pabagsakin ang malakolonyal na estado bilang natatanging kontribusyon nito sa pakikibaka laban sa inter-imperyalistang gera. Ang paglulunsad ng armadong rebolusyon sa Pilipinas at sa iba pang bansa ay isa sa pinakamabisang paraan upang hadlangan ang pagsiklab ng inter-imperyalistang gera sa rehiyong Asia-Pacific. Ang armadong rebolusyon laban sa imperyalismong US at mga papet nito sa Pilipinas ay nagsisilbing balakid sa mga plano ng US na mag-udyok at magpasiklab ng armadong tunggalian sa rehiyon na kakaladkad sa Pilipinas, dahil batid nitong lilikha ito ng mga kundisyon na siya ring pupukaw sa patriyotismo ng mamamayang Pilipino, at magpapalagablab sa apoy ng rebolusyonaryong digmang patriyotiko.

Pagbubuod ng ating aktitud at patakaran hinggil sa inter-imperyalistang gera

Sa gitna ng pagsiklab at banta ng mga gera ng nagriribalang malalaking imperyalistang kapangyarihan na nagbunsod ng pinakamasahol na pahirap sa milyong manggagawa at aping mamamayan, ngayon higit na kinakailangang ilagay ng proletaryado ang sarili sa taliba ng paglaban sa imperyalistang gera.

Mula sa mga aral ng nakaraan, ang ating pangkalahatang patakaran kaugnay ng inter-imperyalistang gera ay maaaring mailahad sa sumusunod:

Labanan ang imperyalistang gera, hadlangan ang pagsiklab nito, at kung sumiklab, ipaglaban ang agarang pagtigil nito at samantalahin ang pang-ekonomya at pampulitikang krisis ng reaksyunaryong sistema sa pamamagitan ng pagpukaw sa galit ng mamamayan at pagpakilos sa masa upang pabilisin ang pagbagsak ng mga naghaharing mapagsamantalang uri at isulong ang adhikain ng pambansa at panlipunang paglaya, at sosyalismo.

Dapat nating palakasin at konsolidahin ang talibang Partido ng proletaryado upang pamunuan at pagkaisahin ang mga manggagawa at ang pinakamalawak na hanay ng lahat ng demokratikong uri upang ipatupad ang patakarang ito.

Idinidiin natin na ang proletaryado ay tutol sa inter-imperyalistang gera na nagsisilbi sa mapanlupig at parasitikong layunin ng mga monopolyong kapitalista na tiyakin o palawakin ang mga teritoryo sa ilalim ng kanilang hegemonya sa ekonomya, pulitika at militar, na nagdudulot ng walang katulad na paghihirap at pinsala sa milyong mamamayan, at nagsasadlak sa malaking bilang ng manggagawa at mamamayan sa higit pang masahol na mga anyo ng panunupil at pagsasamantala.

Ang malawak na masang manggagawa at mamamayan, sa kapitalistang mga bansa man o sa mga malakolonya, ay tutol sa mga gerang inter-imperyalista. Dapat silang mapukaw at mapakilos laban sa mga gerang ito sa pamamagitan ng pagsulong ng digmang rebolusyonaryo sa anyo ng matagalang digmang bayan sa mga malakolonyal at malapyudal na bansa at paghahanda sa armadong insureksyon sa mga kapitalistang bansa.

Pinatunayan na ng kasaysayan na ang imperyalismo ay bisperas ng proletaryong rebolusyon. Ang mga imperyalistang gera, sa partikular, ay lumilikha ng sitwasyon para samantalahin ng proletaryado at iba pang demokratikong uri upang isulong ang rebolusyonaryong adhikain.

Humaharap tayo ngayon sa tunay na posibilidad ng pagtindi ng kasalukuyang inter-imperyalistang gera at pagsiklab ng bagong mga gera sa iba’t ibang panig ng mundo. Sa gabay ng isinaad na patakaran, dapat wastong ikumbina ng pandaigdigang proletaryado ang mga tungkulin sa pagpapalakas sa Partido, pagbubuklod sa malawak na masa sa ilalim ng bandila ng nagkakaisang prente laban sa imperyalistang gera, habang sinasamantala ang hidwaan sa pagitan ng mga imperyalista upang isulong ang demokratiko at sosyalistang rebolusyon sa kani-kanilang mga bansa.

Sa huli, ang paglaban sa inter-imperyalistang gera ay nakasalalay sa proletaryado at mamamayang naglulunsad ng rebolusyonaryo at makauring pakikibaka laban sa “sarili” nilang mga gubyerno ng naghaharing uri, sa mga agresibo o kontra-agresibo mang mga imperyalistang bansa, o sa mga bansang kinakasangkapan, ginagamit na lunsaran o moog pangmilitar.

Dapat igiit ng proletaryado at mamamayan ang kanilang makauring kasarinlan sa pamamagitan ng pagtutol na gamitin ang mga manggagawa at mamamayan na pambala sa kanyon o mersenaryong nagsisilbi sa naghaharing reaksyunaryong estado. Dapat nilang tipunin ang kanilang lakas upang pabilisin ang pagbagsak ng mga uring mapagsamantala at mapanupil.

Sa pagbubuo, lagumin natin ang ating mga tungkulin sa paglaban sa mga imperyalistang gera sa sumusunod:

1. Itatag, palakasin at patatagin ang makauring pamumuno ng proletaryado sa pamamagitan ng talibang partido na masugid na nag-aaral at naglalapat ng Marxismo-Leninismo-Maoismo sa kongkretong kundisyon sa kanilang mga bansa at malawak at malalim na umuugat sa uring manggagawa at masang anakpawis.

2. Palakasin ang internasyunal na konsultahan at dayalogo sa pagitan ng mga proletaryong rebolusyonaryong partido para sa pagbabahagian ng mga karanasan sa rebolusyonaryong gawain at pagbubuo ng mga praktikal na plano para sa kooperasyon, pagtutulungan at pagsusuportahan.

3. Itatag ang pinakamalapad na nagkakaisang prente para ilantad, labanan at ipaglaban ang pagwawakas sa lahat ng gerang imperyalista. Itatag ang mga alyansang pormal o di pormal, pansamantala o pangmatagalan para isulong ang sumusunod na kahingian o kumbinasyon ng mga ito:

    • Kagyat na tapusin ang gera sa Ukraine at wakasan ang panghihimasok at ekspansyunismo ng US-NATO.
    • Itigil ang suportado ng US na pambobomba ng Israel sa Gaza at wakasan ang suporta ng US sa okupasyon ng Israel sa mga teritoryo ng Palestine.
    • Wakasan ang pagpapalakas ng presensyang militar ng US sa South China Sea, at pagpaypay nito sa “independensya” ng Taiwan, at paggamit sa mga base militar at pasilidad sa mga bansa sa “first island chain” para sa pag-upat ng gera sa China.
    • Wakasan ang walang habas na paggastos militar at ilipat ang pondo para sa mga gastusing panlipunan.
    • Lansagin ang lahat ng base militar at pasilidad ng US mula Asia hanggang Africa. Alisin at pauwiin ang lahat ng mga tropang US at mga aircraft carrier.
    • Wakasan ang imperyalsitang pagsuporta at ayudang militar para sa mga mapanupil na rehimen tulad ng gubyernog Marcos sa Pilipinas, gubyernong Modi sa India at iba pa.
    • Ibasura ang lahat ng hindi pantay na kasunduang militar na nagpapahintulot sa mga imperyalistang kapangyarihan na gamitin ang mga malakolonya na moog pangmilitar.
    • Wakasan ang itinutulak ng US na gerang paggamit ng drone at pambobomba mula sa era sa India, Pilipinas at iba pang bansa.

at iba pang mga kahingian laban sa gerang agresyon, panghihimasok militar, gerang proxy, paghahanda sa gera, pagdeploy ng mga pwersang militar sa ibang bansa, pagmantine at pagpapalawak ng mga dayuhang base militar, pagdaragdag ng gastusing depensa at paligsahan sa pagpaparami ng armas, at pagbibigay ng ayuda sa mapaniil na mga rehimen at mga pwersang mapanakop.

4. Pabilisin ang pagpapabagsak sa mga reaksyunaryong estado ng mga naghaharing uring mapagsamantala sa pamamagitan ng pagsamantala sa bentahe ng krisis sa pulitika at sosyoekonomiko na ibinubunsod ng gera.

5. Maglunsad ng rebolusyonaryong armadong paglaban sa anyo ng mga matagalang digmang bayan para sa pambansa at panlipunang paglaya o isagawa ang paghahanda para sa mga armadong insureksyon depende sa partikular na kundisyon sa bawat bansa.

6. Itatag ang organisadong lakas ng malawak na masa ng mga manggagawa at magsasaka, mga intelektwal at iba pang pwersang demokratiko sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga unyon sa mga pabrika, samahan sa mga komunidad at lahat ng iba pang anyo ng organisasyon. Sa gita ng krisis na pinalala ng mga gera at gastusin sa gera, maglunsad ng mga welga at iba pang pakikibakang masa upang ipagtanggol ang maka-uri at demokratikong interes.

Sa pagtatapos, nais iparating ng Komite Sentral ng PKP ang hangad nitong tagumpay sa Internasyunal na Kumperensyang Panteorya Hinggil sa mga Imperyalistang Gera. Umaasa kami na magiging malusog at produktibo ang magiging palitan ng ideya at karanasan sa ating pagsisikap na ibayong itaguyod at payamanin ang Marxismo-Leninismo-Maoismo at labanan ang imperyalismo at isulong ang rebolusyon para sa demokrasyang bayan at sosyalismo.

Magkaisa tayo at sabay-sabay na isigaw:

Manggagawa at lahat ng aping mamamayan sa buong mundo, magkaisa laban sa imperyalismo!

Isulong ang mga gerang rebolusyonaryo laban sa mga imperyalistang gera!

Wakasan ang imperyalistang pang-aapi at pandarambong!

Isulong ang mga demokratikong rebolusyong bayan at sosyalistang rebolusyon!

Itaguyod ang Marxismo-Leninismo-Maoismo!

Mabuhay ang partido komunista at internasyunal na proletaryado!

Maglunsad ng mga digmang rebolusyonaryo laban sa mga gerang imperyalista