Magsasakang Mindoreño, ipaglaban ang karapatan sa lupa at kabuhayan! Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan!

Ngayong buwan ng Oktubre, kaisa ang NDFP-Mindoro sa paggunita ng Buwan ng mga Magsasaka. Pinagpupugayan ng rebolusyonaryong kilusan ang uring magsasaka na lumilikha ng pagkain para sa buong sambayanan at pangunahing pwersa ng rebolusyong Pilipino.

Sa Mindoro, mayorya o 90% ng mamamayan ay uring magsasaka. Katunayan, isa ang isla ng Mindoro sa malalaking prodyuser ng bigas, sibuyas, bawang, at asin sa bansa. Nagsusuplay ito sa ibang probinsya sa rehiyon ng Timog Katagalugan, Visayas, at Mindanao. Nag-aambag din ito ng produktong bukid tulad ng kopra, mga prutas tulad ng saging, lanzones, rambutan, at malalaking butil na balinghoy at bundo na ibinebenta sa lokal na pamilihan. Napaliligiran din ito ng karagatan na mapagkukunan ng mga isda at lamang-dagat. Mula kabundukan, kapatagan, at katubigan, mayaman ang isla at higit itong pinagyayaman ng mamamayan. Subalit, sa kabila nito, sadlak sa kahirapan ang mga Mindoreño.

Naghihirap ang magsasakang Mindoreño bunsod ng pag-iral ng pyudal at malapyudal na pagsasamantala sa masang magsasaka. Nananatiling atrasado ang pagsasaka sa isla, pinakamalala sa mga liblib na katutubong pamayanan na inabandona ng estado. Maliitan at hiwa-hiwalay ang produksyon, mababa ang produktibidad at baon sa utang ang magsasaka. Kulang o halos walang imprastraktura tulad ng irigasyon at mga pasilidad sa pag-aani para paunlarin ang pagsasaka. Pasan ng mga magsasaka ang napakamahal na gastos sa produksyon, at dagdag pasakit pa ngayon ang pagsirit ng presyo ng abono at pestisidyo pati gasolina at langis.

Labis ding naghihirap ang mga mangingisdang Mindoreño. Sa isang pag-aaral, tinatayang 80% ng puhunan ng mamamalakaya ay napupunta lang sa pagbili ng langis at gasolina na kailangan sa paglaot. Masalimuot ito lalo’t marami ang umuutang ng puhunan. Bunsod nito, marami nang hindi makalaot para mangisda sa gayon ay naghahanap na lang ng ibang pagkakakitaan. Sagka rin sa hanapbuhay ng mangingisda ang mga barkong Chinese na animo’y mga siga sa karagatan ng Pilipinas at nagtataboy sa mga Pilipinong mamamalakaya.

Lumulubha ang kalagayan ng mga magsasaka’t mangingisda sa pagpapatuloy ng ilehitimong rehimeng US-Marcos II sa neoliberal na patakaran sa ekonomya ng mga nagdaang rehimen na nakasunod sa dikta ng imperyalismong US. Nananatili ang kawalan ng subsidyo para sa mga lokal na prodyuser na pagkain habang pinasisidhi ang liberalisasyon sa agrikultura. Pinahirapan ng todo ang mga magsasaka sa palayan sa Mindoro ng ipatupad ang Rice Tariffication Law (RTL) sa bansa.

Bumulusok ang presyo ng palay mula nang maisabatas ang RTL. Naglalaro na lang ang farmgate price ng palay sa P12 hanggang P15 piso kada kilo. Katunayan, tinatayang 66 bilyong piso ang nawalang kita ng mga magpapalay sa buong bansa, mas malaki pa rin kumpara sa 46.6 bilyong piso kita ng bansa mula sa mga taripa ng imported na bigas. Ang masaklap, hindi rin bumaba ang presyo ng bigas sa pamilihan.

Binabayo rin ng liberalisasyon ang kabuhayan ng mga magsasaka ng sibuyas at bawang, pati mga manggagawa sa asinan sa isla. Bumagsak ang presyo ng sibuyas at bawang sa Mindoro at nawalan pa ng mga buyers nito dulot ng pagbaha sa pamilihan ng imported na bawang at sibuyas galing China. Sa Lubang, P30 na lang ang kada kilo ng bawang sa farmgate dahil ilang buwan nang walang bumibili ng mga ito. Binabarat rin ang lokal na asin. Halos wala namang maiuwing kita ang mga katutubong magsasaka dahil halos bagsak presyo ang luya (P20-30/kilo), bundo (P10-12/kilo), saging (P100/100 piraso) at kopra (P20/kilo). Napakabilis magbago ng mga presyo nito sa tianggean. Mayroon pang iligal na mga kaltas sa anyo ng sistemang resiko/resikada, arbitraryong pagpepresyo at pagsukat at iba pang anyo ng pandaraya na ibayo pang nagpapaliit sa lubhang maliit na ngang kita ng mga magsasaka.

Lalung lumala ang problema sa kawalan o kakulangan ng lupa ng mga magsasaka sa Mindoro sa ilalim ng rehimeng US-Duterte at ng bagong kauupong rehimeng US-Marcos II. Umiigting ang pagsasamantalang pyudal at malapyudal sa ilalim ng ilehitimong rehimeng US-Marcos II. Naghihimutok ang masang magsasakang Mindoreño at naghuhumiyaw ang kanilang kahilingan para ipatupad ang tunay sa reporma sa lupa, ibaba ang upa sa lupa, pawiin ang usura, itaas ang presyo ng kanilang produkto, magkaroon ng ayuda at ipatigil ang mga anti-mahihirap na patakaran. Subalit hindi sila pinapakinggan ng reaksyunaryong gubyerno. Sa halip, militarisasyon at teror sa pangunguna ng AFP-PNP ang dinala ng rehimen sa kanayunan ng Mindoro. Sa unang 100 araw pa lang ni Marcos II, may pinaslang na katutubong magsasaka, nagkakailan ang kaso ng pambubugbog, tuluy-tuloy ang marahas na pwersahang pagpapasuko at panggigipit sa mga komunidad. Nitong buwan mismo, may kaso ng panganganyon na sumirá sa mga kaingin at panirikan sa dalawang barangay sa Mansalay, Oriental Mindoro.

Ang kalagayang ito ang naglalapit sa masang magsasaka sa rebolusyonaryong paglaban. Napagtatanto nilang makatwirang gumamit ng sandata para ipagtanggol ang sarili laban sa dahas ng estado, at para isulong hanggang makamit ang kanilang kahilingan para sa lupa, kabuhayan at demokratikong karapatan. Ang maningning na kasaysayan ng rebolusyong agraryo (RA) sa Mindoro ang nagpapatunay na makakamit ito ng mga magsasaka kung isasanib nila ang kanilang lakas sa uring proletaryado upang itaguyod ang pambansa-demokratikong rebolusyon na may sosyalistang perspektiba. Ilampung libong ektaryang lupa ang napagtagumpayang bawiin ng mga magsasaka at Bagong Hukbong Bayan sa isla mula sa mangangamkam na uring panginoong maylupa. Trinansporma ang mga lupang ito mula pastuhan tungong produktibong lupaing sakahan at tirahan ng daan-daang komunidad. Hanggang ngayon, tinatamasa ng masa ang mga tagumpay na ito.

Ang RA ang lulutas sa batayang problema ng mga magsasaka sa lupa at siyang nagpapakita ng lakas ng uring magsasaka. Mayroon itong minimum na programa na tumutugon sa kagalingan ng mga pesante tulad ng pagpapababa ng upa sa lupa, pagpawi sa usura, pagpapataas ng presyo ng produktong bukid, at iba pa. Maksimum na programa nito ang kumpiskasyon ng lupa mula sa mga mangangamkam at libreng pamamahagi ng lupa sa mga magsasakang wala o kulang sa lupang binubungkal.

Iluluwal ng RA ang mas matatag na baseng masa na magpapalawak at magpapalakas sa pakikipaglaban ng mga aping uri. Ito ang malalim na pundasyon sa sumusulong na digmang bayan at armadong pakikibakang inilulunsad ng Bagong Hukbong Bayan. Dakila at makasaysayang tungkulin nitong ibagsak ang kapangyarihang pampulitika ng mga naghaharing malalaking panginoong maylupa’t burgesya kumprador at itayo ang tunay na demokratikong gubyernong bayan. Pangunahing pwersa ang laksa-laksang magsasakang Mindoreño upang makamit ang tagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan hindi lamang sa isla kundi sa buong bansa.

Sa ganito, dapat palakasin at palawakin ang kilusang magsasaka sa buong isla upang labanan hanggang wakasan ang umiiral na pyudal at mapalpyudal na sistemang ugat ng paghihirap ng mga magsasaka. Dapat pangunahan ng kilusang magsasaka ang pagsusulong ng malawakang kampanyang RA na lulutas sa batayang problema ng mga magsasaka sa lupa. Kailangang ipagtanggol ang mga tagumpay ng RA mula sa mga gahamang interés at mismong reaksyunaryong gubyerno na nagpapakanang muling agawin ang lupa ng mga katutubo’t magsasaka. Isang mayor na laban ang pagtutol sa Tamaraw Reservation and Expansion Project na nagsisilbing kamuplahe ng iniraratsadang proyektong pagmimina ng natural gas sa isla. Apektado ang mga bayan ng Rizal, Calintaan, San Jose at Bongabong.

Higit sa lahat, dapat suportahan at palakasin ng masang magsasaka at mga Mindoreño ang Bagong Hukbong Bayan. Magpasampa ng pinakamabubuting anak ng mga magsasaka at anak ng bayan sa BHB na siyang bibigo sa pasistang pakana ng armadong pwersa ng reaksyunaryong gubyerno at magwawakas sa paghahari ng mga mapang-aping uri. Ang tagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan ang magtitiyak na makakamit ng mga magsasaka ang karapatan sa lupa at kabuhayan at wawasak sa daantaong pagkasadlak nito sa tanikala ng kahirapan.###

Magsasakang Mindoreño, ipaglaban ang karapatan sa lupa at kabuhayan! Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan!