Makibaka para sa taas-sahod at karapatan sa paggawa!

Makatarungan at lubhang kinakailangan ang taas-sahod na panawagan ng mga manggagawa at buong bayan sa gitna ng lumalalang kahirapan sa bansa. Ito lamang ang sagot sa napakalaking kakapusan ng kasalukuyang sahod para abutin ang inirerekomendang family living wage o FLW (P1,140) na sapat sa pangangailangan ng isang pamilya. Buo ang suporta ng NDFP-ST rito at hinihimok nito ang lahat ng demokratikong pwersa na lumahok sa mga pagkilos para makamit ang taas-sahod at karapatan sa paggawa.

Kongkreto at malinaw ang batayan ng panawagang itaas ang sahod. Sa kasalukuyang antas nito, hindi mabubuhay o makakakain man lang nang maayos ang pamilya ng isang manggagawa. Ang P401 na average minimum wage sa CALABARZON ay 36% o sangkatlo lamang ng FLW. Maliit na itong halaga, pero lubha pang liliit dahil sa taas ng implasyon. Mula pa noong tumama ang pandemya at hanggang sa umupo sa poder ang rehimeng US-Marcos-Duterte ay hindi na maawat ang pagsirit ng presyo ng mga bilihin. Nitong Nobyembre ay pumalo na ang implasyon ng 8.0%, ang pinakamataas nitong tantos sa loob ng 14 taon. Sa taya ng Revolutionary Council of Trade Unions – Southern Tagalog, nasa P340 lang ang tunay na halaga ng minimum wage sa CALABARZON ngayon.

Ramdam na ramdam ng mamamayan ang kakapusan ng sahod para bilhin ang kanilang batayang pangangailangan. Ang umiiral na sahod sa CALABARZON ay hindi man lang sapat para sa pagkain. Ayon sa IBON Foundation, kailangan ng isang pamilya ang pinakamababang P424 para sa pagkain sa isang araw. Labas pa rito ang ibang gastusin: upa sa bahay, utilidad, transportasyon, komunikasyon, edukasyon, kalusugan at iba pa.

Sa ganito hindi dapat pagtakhan na dumarami ang mahihirap sa bansa. Sa pag-aaral ng DSWD, umakyat ang bilang ng mahihirap mula 5.2 milyong pamilya (2015) tungong 5.6 milyon (2022). Ito ay konserbatibong taya ng reaksyunaryong gubyerno upang pagtakpan ang tunay na kahirapan ng bayan, pero tiyak na mas malaki ang bilang kung gagawing mas masaklaw at makatotohanan ang pag-aaral sa kahirapan.

Napako ang sahod ng mga manggagawa sa napakababang antas mula nang ipataw ang wage rationalization. Tinanggal nito ang dating umiiral na national minimum wage at ginawang lehitimo ang pambabarat ng mga kapitalista sa sahod. Itinayo nito ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board na nagtatakda ng pag-iiba-iba ng sahod sa mga lugar alinsunod sa mga salik na poverty threshold, employment rate at cost of living. Malaki itong kalokohan dahil lahat ng manggagawa ay pare-parehong apektado ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Motibo ng wage rationalization na hatiin ang hanay ng mga manggagawa at pigilan ang paglakas ng kilusang unyon na siyang magtataguyod sa interes ng mga manggagawa laban sa mga kapitalista.

Sa CALABARZON, dagdag pasakit ang Wage Order (WO) No. IVA-17 na nagpasahol sa wage rationalization. Kinategorya nito ang mga lugar sa rehiyon sa tatlo: Growth Corridor, Emerging Growth, at Resource-Based Areas. Sa ilalim nito napababa nang husto ang sahod sa mga tinaguriang resource-based area. Ginatungan pa ito ng WO No. IVA-19 na nag-antala sa pagkakaloob ng kakarampot na umento sa sahod na ipinatupad nitong Mayo. Nagtakda rin ang WO 19 ng exemptions o mga hindi kasali sa dagdag sahod.

Kasuklam-suklam na ang sistema ng regional minimum wage, pero pinalala pa ito ng kainutilan ng reaksyunaryong gubyerno na protektahan ang mga manggagawa. Sa katunayan, malaking bilang ng mga manggagawa ang hindi naman sumasahod ng minimum wage tulad ng mga reliever, construction worker at mga empleyado sa maliliit na negosyo. Talamak naman sa mga pagawaan ang mga di-makatwirang kaltas sa sahod at pagkakait ng mga benepisyo. Umiiral din ang mga parasitikong manpower agency at mga recruiter na kumuha ng kanilang “komisyon” mula sa sahod ng mga manggagawa.

Sa gitna ng matinding kahirapan ngayon hindi na katanggap-tanggap na manatili ang sahod sa kasalukuyan nitong antas. Panahon nang magbigkis ang buong bayan sa pangunguna ng mga manggagawa upang makamit ang makatarungang sahod at tiyaking matugunan ang batayang pangangailangan ng bawat pamilya. Kailangang ipaliwanag at ikampanya sa malawak na hanay ng mamamayan ang kawastuhan at pangangailangan para sa taas-sahod. Iputok at isulong ang laban para rito sa mga pagawaan, lansangan, korte at Kongreso. Dapat ding makipagkaisa sa mga progresibo’t patriyotikong pwersa at buuin ang malakas na opinyong publiko para itaas ang sahod sa antas ng FLW.

Pinakamahalaga, dapat imulat ang milyun-milyong manggagawa sa ugat ng kanilang kaapihan at buuin ang kanilang kapasyahan para baguhin ang kanilang kalagayan. Iluluwal nito ang paglawak at pagdami ng mga tunay, palaban at militanteng unyon na magdadala ng sulo ng pakikibaka para sa taas-sahod at karapatan ng mga manggagawa. Hangarin nating maulit ang makasaysayang pagkilos ng bayan noong 1989 kung saan napagtagumpayan ang pambansang across the board na umentong P25. Patunay itong sa sama-samang pagkilos, makakamit ng mamamayan ang kanilang karapatan at kagalingan.###

Makibaka para sa taas-sahod at karapatan sa paggawa!