“Noche buena” ng pagtitiis para sa manggagawa, milyun-milyon para sa mga burukrata at kapitalista

,

Umani ng kabi-kabilang batikos ang Department of Trade and Industry sa inilabas nitong “rekomendasyon” ng mga pagkaing maaaring bilhin ng mga Pilipino para “makatipid” sa “noche buena” ngayong taon. Nasa listahan na ito ang ilang pirasong ham, tinapay, spaghetti (na hahaluan ng 1/8 kilong baboy), at fruit salad na ipinagpalagay nitong nagkakahalaga lamang ng ₱500. Ito ay sa gitna ng nagtataasang presyo ng mga bilihin habang papalapit ang Pasko.

Ang “noche buena” ay ang tradisyunal na paghahanda ng maraming Katolikong Pilipino tuwing bisperas ng pasko.

Itinuring na isang malaking insulto sa mga manggagawa ang pakanang ito ng DTI. “Pilit na kinukundisyon ang utak ng mga manggagawa at mamamayan na magtiis sa kakarampot na sahod at kita,” bwelta ni Jerome Adonis, pangkalahatang kalihim ng Kilusang Mayo Uno. “Nagsabi pa na maging madiskarte raw kami. Para bang hindi diskarte yung araw-araw na pagpupumilit naming pagkasyahin ang barya naming sahod sa mga pangangailangan ng pamilya namin!”

Habang pinagtitiis ang mga manggagawa at mamamayan sa “noche buena” ng DTI, nagtataasan naman ang mga bonus at sweldo na ibinibigay ng mga burukratang upisyal ng gubyerno, kabilang ang mga “economic managers ni Marcos Jr, kapitalista at matataas nilang upisyal sa kanilang mga sarili.

Nangunguna dito si Benjamin Diokno, na sumweldo ng ₱41.811 milyon noong presidente siya ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa taong 2021. Mas mataas ito nang 111% kumpara noong 2020. Kasalukuyang kalihim ng Department of Finance si Diokno at isa sa tutol na tutol sa makatarungang hiling na dagdag-sahod ng mga manggagawa. Siya rin ang isa sa may pakana ng Maharlika Wealth Fund na nagtangkang kopohin ang mga pensyon ng mga manggagawa at kawani. Kasama niya sa may pinakamataas na sweldo si Felipe Medalla, kasalukuyang presidente ng BSP, at iba pang katrabaho nila sa bangko.

Noong nakaraang taon, sa gitna ng rumaragasang pandemya, milyun-milyong halaga ng mga sweldo, bonus at benepisyo ang ibinigay ng mga may-ari ng kumpanya, chief executive officer (CEO) at pinakamataas na upisyal ng pinakamalalaking kumpanya sa Pilipinas.

Kabilang sa mga tiba-tiba noong nakaraang taon ang mga chief executive officer at apat na pinakamatataas na upisyal ng:

  • Century Foods na nagbigay ng ₱371 milyon sa kanilang mga sarili para sa “trabahong mahusay na ginampanan” (a job well done). Mas mataas ito ng 36% sa ₱273 milyon na ibinigay nila sa kanilang mga sarili noong 2020.
  • Nissin Monde na nagsweldo sa sarili ng ₱125 milyon, mas mataas nang 60% sa kanilang mga sahod noong 2020. Dagdag dito ang ₱162.65 milyon na tinanggap nilang bonus. (Sa kabila ito ng pagbagsak nang 60% sa benta ng kumpanya.)
  • SM Prime Holdings na sumweldo ng ₱149 milyon para sa taon at tumanggap ng bonus na ₱24.79 milyon.
  • Ayala Land Inc na sumweldo ng ₱140.9 milyon. Liban dito ang dagdag na mga bonus ng ₱64.6 milyon na ibinigay ng CEO nito na si Bernard Vincent Dy sa kanyang sarili noong 2021.
  • Ang iba pang mga kumpanyang real estate ay nagpasweldo at nagbibigay ng bonus sa kanilang mga upisyal ng ₱90.9 milyon (Megaworld), ₱58.53 milyon (Robinsons Land Corp) at ₱24.79 milyon (Filinvest Land Inc).

Sa mga bangko, pinakamalaki ang sweldo at bonus ng limang pinakamataas na upisyal ng Metrobank (₱311.23 milyon,) kasunod ng mga upisyal ng BPI (₱237.168 milyon). Ang mga upisyal naman ng BDO ng pamilyang Sy ay tumanggap ng ₱202 milyon na sweldo at mga bonus, habang ang Union Bank ay tumanggap ng ₱201.61 milyon

Ngayong 2022, lalupang pinalaki ng mga kumpanya ang sweldo at bonus nila. Isa rito ang may-ari ng Jollibee na si Tony Tan Caktiong na matapos magsisante ng 5,000 milyong manggagawa ay biniyayaan ang sarili at mga upisyal niya ng ₱1.072 bilyong sahod at bonus. Mas mataas ito sa ₱722.6 milyon noong 2021.

Samantala, nagpahayag ang ilang kumpanya ng “katamtamang” (modest) sweldo at bonus para sa kanilang upisyal para sa 2022 sa simula ng taon. Gayunpaman, nananatiling nasa milyun-milyon pa rin ang pinampremyo nila sa kanilang mga sarili. Kabilang dito ang sumusunod:

  • ang “katamtaman” pero tumataginting na ₱1.08 bilyon na inilaan ni Ramon Ang para sa mga upisyal ng San Miguel Food and Beverage Inc.
  • “kalahati lamang kumpara sa 2021” pero napakataas pa ring ₱49.439 milyong sweldo iginawad ni Enrique Razon kay Manila Water president Victor Emmanuel de Dios at apat pang upisyal
  • ang “katamtaman” ding ₱404.485 milyong sweldo at bonus ng ibinigay ng pamilyang Campos sa kanilang mga sarili mula sa kumpanya nilang Del Monte
AB: "Noche buena" ng pagtitiis para sa manggagawa, milyun-milyon para sa mga burukrata at kapitalista