Pahayag

Mala-batas militar na kundisyon, ipinapataw ng 19th IB sa Las Navas, Northern Samar

,

Mariing kinukundena ng National Democratic Front-Eastern Visayas (NDF-EV) ang mala-batas militar na kalagayang ipinapataw ng 19th Infantry Battalion Bravo Company sa ilang barangay ng Las Navas, Northern Samar. Ang mga panggigipit na ito sa mga sibilyan at sa kanilang buhay pang-ekonomya ay labag sa internasyunal na makataong batas, perwisyo sa mga naghihirap na magsasaka, at naglalayong magpasuko ng mga inosente.

Idinulog sa Bagong Hukbong Bayan (BHB) ng mga residente mula sa mga barangay ng Poponton, Paco, Caputo-an, Lakandula, Victory, at Cuenco kung paano mahigpit na minomonitor ng mga pasistang tropa ang kanilang kilos. Tuwing lumalabas sa baryo, inoobliga silang pumirma sa logbook para mabigyan ng laminated na numero na katibayan ng kanilang pagiging sibilyan. Kailangan nila itong dalhin saanman sila mapunta, dahil kung makasalubong sila ng mga sundalo, kahit na sa sakahan lamang, dapat tumugma ang kanilang numero sa listahan sa baryo.

Hindi ligtas sa pagmomonitor kahit ang mga kalakal. Lahat ng produkto mula sa bayan na dumadaan sa Barangay Poponton ay kinakalkal at isa-isang nililista ng mga pasistang tropa na permanenteng nakaistasyon dito. Kapag dinala ang mga pinamili sa iba pang baryo, titiyakin ng mga sundalo roon na walang labis o kulang sa dala nila.

Pinagbabawalan ang masa na bumili sa tindahan ng mahigit sa bilang ng tao sa kanilang tahanan o sobra sa isang konsumo; ang sobra rito ay arbitraryong kukumpiskahin ng militar. Kung nais nilang magtimpla ng kape nang mahigit sa isang beses o kumain ng tinapay nang mahigit sa isang piraso, kailangan nilang bumalik sa tindahan.

Ayon pa sa masa, pinaghahahanap ng militar ang mga ulingan at koprasan dahil palatandaan umano ito ng presensya ng BHB. Naghahasik ng takot ang mga pasista batay sa gawa-gawang kwento, habang sinasabotahe ang paghahanapbuhay ng masa na nagkukumahog na samantalahin ang mataas na presyo ng uling na nasa ₱50/kilo.

Sinasaywar ng mga pasistang tropa ang mga sibilyang residente. Nagpapakalat sila ng tsimis na may yunit ng BHB sa baryo kahit na wala, para bigyang-tuwid ang interogasyon sa masa. Kung pabulaanan ito ng masa, uutusan siyang maging aset paniktik nila.

Pokus ng matinding presyur ang mga pamilya ng mga pinagdududahang kasapi ng BHB. Isang kapitan ng barangay ang inutusan ng militar na magbandilyo para “pasukuin” ang anak niyang magsasaka na tumatangging magpailalim sa programang pagpapasuko. Pinagbantaan pa ang kapitan na hahainan siya ng gawa-gawang kaso kung hindi ito gagampanan.

Isa namang 15 anyos na binata ang ipinatawag sa hedkwarters ng 19th IB sa Barangay Opong, Catubig upang isailalim sa interogasyon. Bagaman pinayagang sumama sa kampo ang kanyang magulang, hindi naman ito pinasama sa aktwal na pagkukwestyon. Ipinagpipilitan ng militar na nauugnayan ng BHB ang binata; nang pabulaanan niya ito, pinagbantaan siyang ilulublob sa balon. Dahil sa naging karanasan niya, takot nang pumunta sa bukid ang biktima. Kahalintulad ito ng modus ng 74th IB sa Palapag, Northern Samar kung saan hino-hostage sa kampo ang mga anak ng mga magsasakang target ng pagpapasuko.

Ipinagpapatuloy ni battalion commander Lt. Col. Roger Gobway ang pasista at mersenaryong tradisyon ng 19th IB bilang massacre battalion. Hindi nalilimutan ng mamamayan ang pagmasaker nila sa siyentistang si Dr. Leonard Co at dalawang kasamahan niya noong 2010, sa pitong magsasaka sa Palo, Leyte noong 2005, sa siyam na magsasaka sa Kananga, Leyte noong 2003, at sa isang pamilya sa Palapag noong 1999.

Ang ganitong mala-batas militar na kalagayang ipinapataw ng 19th sa Las Navas ay gawain din ng iba’t ibang yunit ng 8th Infantry Division sa mga baryo sa buong rehiyon, upang magparamihan ng “napasuko” o “napaghain ng aplikasyon para sa amnestiya” bilang paghahabol sa idineklarang dedlayn sa Marso 13. Ito ang ginawa ng 19th IB at 20th IB noong Pebrero 19-20, kung saan nasa 127 residente ng Las Navas ang hinakot nila para dumalo sa isang seremonya ng aplikasyon para sa amnestiya.

Habang pinalalabas na papahina na ang rebolusyonaryong kilusan o wala na raw itong nakukuhang suporta mula sa masa, siya namang pagpataw nila ng mga mas mapanggipit at perwisyong patakaran sa mga baryo. Kaalinsabay, pinag-aaway nila ang masa at binubuwag ang kanilang pagkakaisa. Ito ang kabalintunaan ng programang kontra-insurhensya ng rehimeng US-Marcos.

Nananawagan kami sa masang magsasaka ng Las Navas na magkaisa, ilantad at labanan ang pasistang terorismo na hinahasik ng 19th IB sa kanilang mga komunidad. Dapat nilang armasan ang sarili ng kanilang mga karapatan at matapang na igiit ang malayang pagkilos at pamumuhay. Dapat nilang palayasin ang pesteng sundalo na walang ibang dulot kundi gulo at hirap sa kanilang lugar.

Mahigpit na tungkulin ng lahat ng yunit ng BHB sa Northern Samar na magpalakas at tulungan ang masa na biguin ang militarisasyon sa kanayunan. Sa pinakalihim na paraan, tulungan silang muling itayo ang kanilang mga samahan para nagkakaisa nilang malabanan ang mga pasistang patakaran ng militar. Dapat maglunsad ang BHB ng mga taktikal na opensiba upang mapagpasyang pinsalaan ang kaaway, guluhin ang kanilang mga operasyon, at palakasin ang loob ng masang magsasaka.

Mala-batas militar na kundisyon, ipinapataw ng 19th IB sa Las Navas, Northern Samar