Mamamayang Bikolano, piliin ang masaganang kinabukasan at pagkalagot ng tanikala ng kagutuman, isulong ang rebolusyon!

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Sa bulok na sistemang umiiral ngayon, dalawa lamang ang pagpipilian ng masa: mamatay sa gutom at sa dahas ng estado o mabuhay nang mas masahol pa sa patay. Ang reyalidad na ito ay pinatototohanan ng araw-araw na sinasapit ng masang Bikolano, laluna ng mga magsasaka, sa ilalim ng pinatinding atakeng neoliberal ng rehimeng US-Duterte. Tatlong taon matapos ipasa ang mapanglustay na Rice Tariffication Law, halos kainin na ng mga sikmura ng masa ang sariling bituka sa labis na kagutuman at kahirapan.

Walang ibang idinulot ang RTL kundi pagbagsak ng halaga ng mga lokal na produktong palay, pagbaha ng imported na bigas, pagkalumpo ng lokal na agrikultura at labis na kaguluhan sa merkado. Libu-libong magsasaka ang nalugi at nawalan ng kabuhayan.

Sa Bikol, hindi maipagkaila kahit ng mismong mga ahensya ng gubyerno ang pagkalusaw ng nakalululang bilang ng trabaho sa sektor ng agrikultura. Paano nga naman ba mananatili sa pagsasaka ang mga pesante kung ang halaga ng kanilang palay ay naglalaro lamang sa P7 hanggang P15 samantala dumoble ang halaga ng farm inputs gaya ng pestisidyo at abono tungong P2,000 pataas? Higit pa itong masahol para sa mga tenanteng kailangan pang magbigay ng hati sa mga panginoong maylupa may kita man o wala at para sa mga manggagawang bukid na nakapako lamang ang arawang kita anuman ang halagang nakukuha sa kanilang paggawa.

Samantala, patuloy na umaaray ang mga konsyumer sa napakataas at arbitraryong pagsikad ng presyo ng bigas sa pamilihan. Walang naging makabuluhang pagbaba ang presyo ng bigas na nananatiling nasa P40 hanggang P60 sa lokal na merkado. Sinabayan pa ito ng pagsirit din ng presyo ng iba pang mga pangunahing bilihin dulot ng sala-salabat na neoliberal na patakaran ng pulpol na rehimeng US-Duterte.

Sa gitna ng katakut-takot na sosyoekonomikong krisis, patung-patong na suliranin, pagkakait ng mga batayang pangangailangan at karapatan, ang tanging katiyakang mapanghahawakan ng mamamayan ay ang pag-asang ibinibigay ng pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan. Silip sa masaganang kinabukasang itinataguyod ng rebolusyonaryong kilusan ang pag-iral ng mga grupong tulungan, ganap na samahang masa, rebolusyonaryong kooperatiba at komiteng rebolusyonaryo na nakatulong sa masa na pangingibabawan ang labis na kagutuman at karukhaan.

Sa pamamagitan ng planado, nakaasa-sa-sarili, abante at syentipikong pagturing sa agrikultura, nagkakaroon ng pananggalang ang mamamayan mula sa krisis. Sa mga pinakaabanteng karanasan sa Bikol, kahit sa panahon ng pandemya, sumapat sa mga konsolidadong komunidad hanggang sa kanilang mga karatig-lugar ang pagkain at rekurso.

Nananawagan ang NDF-Bikol sa sinumang nagnanais na lumaya mula sa kagutuman at kahirapan na lumahok sa digmang bayan. Ang Rice Tariffication Law ay hindi ang una at huling neoliberal na batas na pumapatay sa naghihingalong lipunang Pilipino. Sa pagtindi ng krisis, tiyak na lalong magkukumahog ang mga papet na rehimen, lokal at dayuhang naghaharing-uri na pigain ang mamamayan alang-alang sa sarili nilang interes. Hanggat umiiral ang sistemang malakolonyal at malapyudal, hindi maaampatan ang kahirapan at krisis. Piliing mabuhay at makawala mula sa tanikala ng pagkaalipin, piliin ang isang bukas na magsisilbi sa nakararami, piliin ang rebolusyon!

Mamamayang Bikolano, piliin ang masaganang kinabukasan at pagkalagot ng tanikala ng kagutuman, isulong ang rebolusyon!