Mamamayang Mindoreño, biguin ang inutil at teroristang ilehitimong rehimeng US-Marcos II! Tugon sa unang 100 araw ng ilehitimong rehimeng US-Marcos II

Lalong ginatungan ng unang 100 araw ng ilehitimong rehimeng US-Marcos II ang galit ng mamamayang Mindoreño sa pamilya Marcos at sa nagnanaknak na malakolonyal at malapyudal na lipunan. Nabubuhay si Marcos II sa delusyon na “functional” o gumagana ang kanyang gubyerno sa kabila ng kainutilan nitong tugunan ang malawakang kahirapang nararanasan ng mga magsasaka at manggagawa sa bansa. Pinasidhi niya ang teroristang atake ng naunang rehimeng US-Duterte. Sa Mindoro, walang habas na hinagupit ang mga mamamayan ng mersenaryong 203rd Brigade-PNP-MIMAROPA. Ang kalagayang ito ang nagtutulak sa mamamayang pag-ibayuhin ang pakikibaka at tanganan ang linya ng pambansa-demokratikong rebolusyon para makamit ang kanilang demokratikong karapatan at interes.

Salaminan ng unang tatlong buwan ng rehimeng US-Marcos ang lumalalang krisis panlipunan ng malakolonyal at malapyudal na sistema sa Pilipinas. Laganap ang kagutuman at napakarami ang wala o kulang ang trabaho sa kabila ng pagmamayabang ng rehimen na “sound” o maayos ang kalagayan ng ekonomya ng bansa. Isusulong pa rin ng ilehitimong gubyerno ang pagbebenta ng yaman ng bansa sa porma ng pagpapapasok ng dayuhang minahan at proyektong pang-imprastruktura. At upang supilin ang paglaban ng taumbayan, paiigtingin niya ang pasismo ng kanyang utusang asong AFP-PNP na tunay na tagapaghasik ng teror sa mamamayan.

Damang-dama ng mga Mindoreño ang bigwas ng neoliberal na patakaran sa agrikultura na ipinamamandila ni Marcos II. Bilang kalihim ng Departamento sa Agrikultura (DA), nilunod ni Marcos ang mga magsasaka sa labis na importasyon ng iba pang produktong bukid tulad ng sibuyas, bawang, at kahit asin. Pinapatay ng importasyon ang lokal na industriya ng agrikultura at sinasadlak sa kahirapan ang mga magsasaka. Bagsak presyo na nga ang mga produktong bukid, baon pa sa utang ang mga magsasaka dahil sa pagsirit ng presyo ng gasolina at iba pang farm inputs. Walang kongkretong hakbangin si Marcos II para pababain ang gastusin ng mga magsasaka sa produksyon at protektahan ang lokal na prodyuser ng pagkain. Walang napapala ang mamamayan sa pangako niyang modernisasyon sa agrikultura dahil nakabalangkas ito sa dayuhang pautang dahil hindi nito tinuturol ang batayang suliranin ng mga magsasaka sa lupa. Insulto sa mga magsasaka ang pag-uulit ni Marcos II sa huwad na programang modernisasyon na ibinandila ng kanyang ama. Sariwa pa sa kanila ang pinsalang dinulot ng Masagana-99 na nagbigay-daan sa pagpasok ng dayuhang kapital sa agrikultura.

Sa gitna ng kahirapan, walang kahabag-habag nitong tinanggalan ng ayuda ang milyong mamamayan sa palusot na “gumradweyt” na sa pagkamaralita ang mga ito kaya tatanggalin na sa benepisyaryo ng Pantawid Pamilya Pilipino Program (4Ps). Sa Mindoro, daan-daang pamilya mula sa Bulalacao, Mansalay, at Bongabong ang tinanggal na sa listahan ng mga benepisyaryo, kalakhan dito ay mga katutubong Mangyan.

Litaw na litaw ang pagiging manhid at kontra-mahirap ni Marcos II sa pagpapabaya nito sa batayang serbisyong publiko sa kalusugan at edukasyon. Tinanggal sa taunang badyet ang pondo para sa ayuda sa COVID19 at sinabing hindi na ito kailangan ng mamamayan dahil nakabawi na ang ekonomya ng bansa. Hindi rin nakarating ang cash assistance para sa mga estudyanteng Mindoreño noong kasagsagan ng pagbabalik ng klase, dahil sa kawalan ng pay out center sa isla. Napakaliit na nga ng 1,000 libong pisong ayuda para sa mga estudyante sa elementarya at 2,000 libo para sa hayskul, hindi pa nagawan ng paraan na maabot ang lahat ng mga nangangailangan.

Sadyang tinalikuran ni Marcos II ang hinaing ng mga mamamayan dahil inuuna nito ang interes ng kanyang among imperyalista, mga malalaking burgesya-komprador (MBK), at panginoong maylupa. Pinasinayaan na nito ang dayuhang kumpanya ng mina at proyektong ekoturismo tulad ng Tamaraw Reservation and Expansion Program (TREP). Sinagpang pa ng rehimen ang kasalukuyang krisis sa kuryente sa isla upang isulong ang dayuhang minahan na magpapalayas sa mga katutubong Mangyan. Lantarang nagpapapirma ang gubyerno sa mga katutubong Mangyan-Buhid sa San Jose at Rizal, Occidental Mindoro upang pahintulutan ang mina ng natural gas. Samantala, nakaamba ang mapanlinlang na programang reporestasyon sa mga komunidad ng mga Mangyan-Hanunuo sa Mansalay, Oriental Mindoro. Pinupulong na ng DENR ang mga katutubo upang ikampanya ang pagtatanim ng hard wood at pagbabawal ng pagkakaingin sa mga lugar na sasaklawin ng programa. Lahat ng ito ay tiyak na magpapalayas sa libu-libong katutubong Mangyan na malaon nang nananahan at nangangalaga sa kabundukan sa isla ng Mindoro.

Pinanatili rin ng ilehitimong rehimen ang pananalasa ng National Task Force To End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC). Tatlong buwan pa lang sa puwesto, talamak na ang paghahasik ng teror ng pasistang 203rd Bde-PNP-MIMAROPA laban sa mamamayang Mindoreño sa porma ng mabangis na FMO at RCSPO. Mula Hulyo hanggang Setyembre, naitala ang 2 kaso ng pamamaslang, kung saan ang isa rito ay menor-de-edad, 8 kaso ng iligal na pag-aresto, 9 kaso ng panghahalughog, 14 kaso ng pambabanta, 1 kaso ng sexual harassment, 3 kaso ng sapilitang pagpapasuko, 1 kaso ng food blockade sa isang barangay, 3 kaso ng pambubugbog, 2 kaso ng pagnanakaw ng hayop at tanim, at 1 kaso ng sapilitang pagkawala. Upang pagtakpan ang kanilang krimen sa mga Mindoreño, animo’y sirang plaka ang berdugong tropa sa pamimilit na may kaugnayan sa CPP-NPA ang kanilang mga inosenteng biktima. Sa likod nito, mahihinuhang desperado na ang pasistang pwersa upang pagmukhaing nagtatagumpay ang kanilang bigong kampanyang panunupil.

Malinaw na “functional” at “sound” ang pamamahala ng rehimeng Marcos II dahil sa masugid nitong pagpatupad ng patakaran ng kanyang among imperyalista, mga malalaking burgesya-komprador (MBK), at panginoong maylupa na pag-atake naman sa interes ng sambayanan.

Dahil dito, ramdam na ramdam ang disgusto ng mamamayan sa inutil na rehimeng Marcos II. At sa harap ng lehitimong paglaban ng taumbayan, pinaiigting ng rehimen ang pasismo ng kanyang utusang asong AFP-PNP na tunay na tagapaghasik ng teror sa mamamayan.

Noong Hulyo, pumutok ang protesta ng mga mamamayan sa San Jose, Occidental Mindoro upang ipanawagan ang batayang karapatan sa kuryente. Tumindig naman ang mga lider Mangyan na nakaupo sa Sangguniang Bayan sa Mansalay upang papanagutin ang mga militar na nasa likod ng pambubugbog at sapilitang pagkawala ni G. Kitot ng Barangay Panaytayan, na ginipit ng militar sa batayan ng gawa-gawang kasong nagtatago ito ng baril ng NPA sa kanyang tahanan nito lamang Setyembre 22. Ang kahirapan at karahasang nararanasan ng mamamayan ang nagtutulak mismo sa kanila upang organisahin ang sarili at labanan ang mga di makaturangang patakaran at kainutilan ng ilehitimong rehimeng US-Marcos II.

Malinaw ang tungkulin ng bawat mamamayang Mindoreño. Kinakailangan ang ibayong pagkakaisa upang ilantad, tutulan, labanan, at biguin ang pakana ng reaksyunaryong rehimen. Dapat higit pang itaas ang porma ng paglaban ng mamamayang Mindoreño sa harap ng tumitinding atake ng rehimen. Mahalaga ang pagsalig ng mamamayan sa rebolusyonaryong mga organisasyon na tunay na nagsusulong ng kanilang interes. Malinaw na sa pagtatagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan (DRB) lamang makakalaya ang mamamayan mula sa daantaong tanikala ng kahirapan at pang-aapi ng naghaharing-uri. Upang maisakatuparan ito, kailangang sumalig ang taumbayan sa sarili nilang lakas upang isulong ang mga kampanya sa rebolusyong agraryo na lulutas sa kawalan ng lupa ng mayorya ng mamamayan.

Kaalinsabay, dapat pakamahalin at palakasin ng mamamayang Mindoreño ang Bagong Hukbong Bayan na siyang pangunahin niyang bisig sa pag-agaw sa kapangyarihang pampulitika ng mga naghaharing-uri at may makasaysayang tungkuling wasakin ang umiiral na bulok na estado. Pasampahin ang pinakamabubuting anak ng isla sa BHB na siyang magpapalakas sa tunay na hukbo ng mamamayan. Ang lahat ng pagsusumikap ng mamamayan upang ganap na mabigo at mapabagsak ang ilehitimong rehimen ay mag-aambag sa pagsulong ng pambansa-demokratikong rebolusyon. Sa tagumpay nito, itatatag ang Demokratikong Gubyernong Bayan na tunay na maglilingkod at magtatanggol sa mamamayang api.##

Mamamayang Mindoreño, biguin ang inutil at teroristang ilehitimong rehimeng US-Marcos II! Tugon sa unang 100 araw ng ilehitimong rehimeng US-Marcos II