Pahayag

Mamamayang Mindoreño, magkaisa at singilin ang rehimeng US-Marcos II sa pabaya at palpak na tugon sa malawakang pinsalang dala ng mga bagyong Opong, Tino at Uwan!

Lubhang kalunos-lunos ang kalagayan ng masang Mindoreño pagkatapos ng sunod-sunod na bagyong Opong, Tino at Uwan nitong Setyembre hanggang Nobyembre. Hindi pa man nakakabangon mula sa malawakang pinsala ng bagyong Opong sa kanilang buhay at kabuhayan ay sumunod naman ang malalakas na bagyong Tino, Uwan, at ilan pang mga bagyo.

Hindi na bago ang pananalanta ng maraming bagyo sa bansa ngunit lalong lumalala ang kahirapang dinaranas ng mga mamamayan dahil sa kapabayaan, kapalpakan at katiwalian ng kasalukuyang rehimeng US-Marcos II. Bagsak ang kabuhayan ng mga Mindoreño sa parehong prubinsya ng Occidental at Oriental. Sa buong bansa, daang milyong halaga ng pinsala sa kabuhayan at ari-arian ang sinapit ng mamamayan habang si Ferdinand Marcos Jr ay umaarte na parang baguhan at tila gulat na gulat pa ang reaksyon sa mga nagdaang bagyo.

Bagamat alam ni Marcos Jr ang lawak ng pinsala sa mamamayan, wala pa ring makatotothanan at epektibong plano ang kanyang gubyerno upang solusyonan ang taun-taong palalang pinsala ng mga bagyo sa bansa. Nagpapakasapat na ang rehimen sa pamimigay ng kakarampot na ayuda gaya ng mga relief packs para sa mga napalikas o kaya ilang mga farm inputs para sa mga magsasaka na malayong malayo sa tunay na pinansyal at materyal na tulong na kailangan ng mga biktima upang tuluyang makabangon.

Sa pagdaan ng bagyong Opong noong Setyembre, umabot sa mahigit 168,000 indibidwal ang lubhang naapektuhan sa Oriental Mindoro habang halos 80,000 katao naman sa Occidental. Ayon sa konserbatibong tala ng lokal na gubyerno, nasa ₱643.9 milyon ang kabuuang pinsala sa Oriental. ₱498.4 milyon nito ay sa agrikultura lamang habang ₱50 milyon naman ang pinsala sa sektor ng agrikultura sa Occidental. Winasak ni Opong ang malalawak na sakahan at nagkasakit o namatay ang mga alagang hayop ng mga magsasaka sa Mindoro. Dahil sa pinsala ng bagyong Opong, lubhang nalugi ang mga magsasaka matapos masira ang mga pananim na malapit na sanang anihin.

Sa pagdaan naman ng bagyong Tino sa isla, umabot sa mahigit 4,000 pamilya ang lumikas mula kanilang mga tahanan dahil sa malakas na hangin at pag-ulan na nagdulot ng mga baha na umabot hanggang dibdib sa ilang mga lugar.

Sa paghagupit naman ng Supertyphoon Uwan, tumindi pa ang pinsala sa mga Mindoreño na pumatong na rin sa epekto ng nauna nang mga bagyo. Sa Oriental Mindoro pa ay umabot na sa 30,256 indibidwal mula sa 198 na barangay ang lumikas. Naiulat din sa Oriental ang pagkakasakit ng mga tao dahil sa mga bagyo.

Pagkatapos ng pagsalanta ng bagyong Tino, nitong ikalawang linggo ng Nobyembre ay nag-deklara si Marcos Jr. ng pambansang state of calamity sa loob ng isang taon. Layunin ng gubyerno na magpamahagi ng mahigit ₱10 bilyong ayuda para sa mga nasalanta ng mga nagdaang bagyo at diumano’y mapadali ang paglalabas ng pondo para tulungan ang mamamayang apektado ng mga sakuna.. Limos lamang ito para sa milyun-milyong napinsala ng mga bagyo. Ang Occidental at Oriental Mindoro halimbawa ay makakatanggap lang ng kakarampot na tig-₱5 milyon. Sa dami ng mga pamilyang lumikas, hindi na magkasya sa mga itinakdang evacuation center ng lokal na gobyerno ang mga tao. Inerereklamo din ng mga Mindoreño na ang tanging nakakatanggap ng tulong ay ang mga lumikas sa mga evacuation center at ang mga nasalanta pero nanatili sa kanilang mga tahanan ay walang matatanggap na ayuda. Hindi na nga sapat ang pinamumudmod na tulong ng palpak na gubyerno ni Marcos Jr. ay pinapabayaan pa ang mga residente mula sa malalayo at liblib na mga lugar.

Maliban sa kapabayaan at kapalpakan ng rehimeng US-Marcos II sa pagtugon sa malawakang pinsala ng nagdaang mga bagyo, hindi dapat hayaan ang rehimen na takasan ang isyu ng korapsyon sa mga proyektong flood control at iba pang imprastrakturang nagsisilbing pang-agap at proteksyon ng Mindoreño sa pinsala ng mga sakuna. Ngayon na nalantad ang kabulukan ng kanyang gubyerno sa mga proyektong flood control naghuhugas-kamay naman siya at umaaktong walang kinalaman sa mga proyektong ito at paninira lang diumano ang mga salaysay. Pakana niya rin ang mga kunwaring imbestigasyon sa korapsyon sa Senado kung saan inuusig ang ilan sa mga korap na upisyal ng gubyerno upang pagtakpan ang pinakamalaking magnanakaw na walang iba kundi si Marcos Jr. mismo at kanyang pinakatapat na mga alipores.
Ngayong nagsalita na ang ginamit niyang kontraktor sa anomalya at direktang itinuturo siya na pasimuno sa pandarambong na ito. lalong idiin siya sa kanyang krimen sa taumbayan.

Sa hanay ng mga burukrata kapitalista sa Mindoro, kabilang sa dawit sa anomalya sa mga proyektong flood control ay si Humerlito “Bonz” Dolor, gubernador ng Oriental. Sangkot din ang mga korap na lokal na pulitiko sa pagpapapasok sa mga mapaminsalang pangkaunlarang proyekto ng ng mga dayuhang kumpanya. Halimbawa na lang nito ang dredging sa Calapan at bayan ng Gloria, naglipanang quarrying sa mga ilog, mga renewable energy projects tulad ng dam, mining, at iba pa mapaminsalang proyekto sa halos lahat ng bayan sa isla. Dobleng hambalos ang hatid ng mga mapaminsalang proyektong ito. Winawasak na nga ng mga ito ang kabuhayan at pinapalayas ang mga magsasaka at katutubong Mangyan mula sa kanilang lupa, pinalalala rin ng mga ito ang pinsala ng mga bagyo dahil kinakalbo nito ang mga kagubatan, sinisira ang natural na daluyan ng tubig at mga natural na proteksyon laban sa iba’t ibang sakuna.

Kasabay ng mga bagyo, sinasalanta rin ng walang tigil at mababangis na operasyong militar ang mga Mindoreño. Sa kasagsagan ng bagyo, patuloy pa rin ang AFP-PNP-CAFGU sa paghahasik ng teror sa mga magsasaka at katutubong Mangyan.

Sa So. Barayong, Brgy. Manaul, Mansalay, Oriental, pinagbawalan ng mga sundalo ang mga residente na lumabas ng sityo at naghigpit sa kilos ng masa matapos ang labanan sa pagitan ng isang yunit ng NPA at mga tropa ng 203rd Infantry Brigade noong Setyembre 25. Matatandaang ito din ang panahong naglandfall ang bagyong Opong sa bayan ng Mansalay, Oriental. Hinarang at hinaras din ng mga sundalo ang humanitarian team na magpapadala sana ng mga relief goods para sa mga taga- Mansalay at Bulalacao na tinamaan ng bagyong Opong.

Lalong nilantad ng pinsalang iniwan ng mga bagyong Opong, Tino at Uwan ang kapalpakan at kainutilan ng nabubulok na rehimen ni Marcos Jr. Wala ring maaasahan ang masang Mindoreño sa lokal na gubyerno ng isla dahil nagsisilbi lamang ito sa makasariling interes ng mga lokal na naghaharing uri at dayuhang negosyo na nandadambong sa yaman na dapat sana’y pinakikinabangan ng lahat ng Mindoreño.

Dapat magkaisa at patuloy na maningil ang masang Mindoreño sa kapabayaan at kapalpakan ng rehimeng US-Marcos II na tugunan ang malawakang pinsalang iniwan ng nagdaang mga bagyo. Habang ipinapanawagan ang pananagutan, dapat ipaglaban ang paglalabas ng sapat na pondo para matulungan ang lahat ng biktima ng sakuna. Kabilang dito ang dagdag na pondo para ibangon ang kabuhayan ng mga magsasaka na pinadapa ng mga pinsala ng bagyo. Dapat ding usisain at bantayan ng mamamayan kung totoong mapakikinabangan ng taumbayan ang pondong ito at hindi ibubulsa ng mga burukrata. Karugtong ng panawagan para sa sapat na pondo upang tugunan ang pinsala sa buhay at kabuhayan ng mamamayan ay ang pagtatanggal ng pondo para sa AFP-PNP, NTF-ELCAC at sa teroristang kampanya ng rehimeng US-Marcos II at paglilipat ng pondo nito sa mga programang kapaki-pakinabang sa mamamayan.

Panghuli, dapat matiyaga at pursigidong magmulat, mag-organisa at magpakilos ng masa ang mga rebolusyonaryong pwersa upang ihapag ang programa ng demokratikong rebolusyong bayan bilang tunay na solusyon sa pagdurusa nila sa ilalim ng inutil at makasariling gubyerno ng mga naghaharing uri. Ang hustisya para sa mga biktima ng sakuna, ang gubyernong tunay na kakalinga sa mamamayan at ang maaliwalas na bukas para sa lahat ay makakamtan lang sa pagtatagumpay ng demokratikong rebolusyon ng bayan.

Mamamayang Mindoreño, magkaisa at singilin ang rehimeng US-Marcos II sa kawalang tugon sa malawakang pinsalang tinamo ng mamamayan sa mga sakuna!

Ipaglaban ang karampatang ayuda at iba pang demokratikong karapatan para sa kagalingan ng mamamayan!

Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan at itayo ang gubyernong tunay na kakalinga sa karapatan at kagalingan ng mamamayan!

Mamamayang Mindoreño, magkaisa at singilin ang rehimeng US-Marcos II sa pabaya at palpak na tugon sa malawakang pinsalang dala ng mga bagyong Opong, Tino at Uwan!