Lubusang gapiin ang makadayuhang hangarin ng rehimeng US-Marcos II sa pagdambong sa yaman ng Pilipinas Mamamayang Palaweño, padagundungin ang nagkakaisang panawagan at paglaban sa mapangwasak na pagmimina!

,

Daig pa ang pulubing nang-aamot ng limos, walang kahihiyang isinasangkalan ng rehimeng US-Marcos II at mga galamay nito ang dumadausdos na ekonomya upang magganyak sa mga dayuhang korporasyon sa mina na mamuhunan sa bansa.

Para tugunan ang makaisang-panig na neoliberal na polisiyang ipinapataw sa mga atrasadong bayan tulad ng Pilipinas, nagpahayag ang Foreign Affairs Secretary ng reaksyunaryong gubyerno na si Enrique Manalo na lalong pagtitibayin kapwa ng US ang kooperasyong pang-ekonomya partikular sa pag-angkat at produksyon sa critical minerals, tulad ng chromium at nickel. Nakabatay rin ito sa diumanong “substantibong adyenda” na nais kamtin sa ginanap na Sustainable Development Goals (SDG) Summit sa himpilan ng mapagkompromisong institusyong burges na United Nation. Dagdag ring sinabi ni Manalo, na siyang kinatawan ng bansa sa nasabing pulong, na tinatarget ng rehimen na paramihin pa ang bilang ng mga dayuhang dambuhalang kumpanya sa mina, laluna ang pang-eenganyo sa mga mamumuhunan ng battery components manufacturing.

Hindi simpleng usapin sa mga Palaweño ang matagalang epekto ng mga dambuhala at dayuhang pagmimina sa isla, kundi ang nararapat na pagkundena at pagtutol rito at maging isang-buhay-at-kamatayang pakikibaka. Saksi ang mga bayan laluna sa timog ng lalawigan – Bataraza, Brooke’s Point, Quezon at Narra — kung paaano naging kakambal ng mga nagpapatuloy na operasyon, at ang mahigit pang 49 na nakabinbing aplikasyon sa mina magmula pa noong 2021, ang kabi-kabilang pangangamkam ng lupa ng mga magsasaka at pambansang minorya, dislokasyon sa paninirahan at kabuhayan at pagwasak ng kalikasan maging sa kalusugan ng masa. Naging tampok na rin magmula ng maagang bahagi ng taong ito ang naging mariing pagtutol at pagkilos partikular ng mga magsasaka at katutubong Palaw’an sa Brooke’s Point laban sa mapaminsalang operasyon ng Ipilan Nickel Corporation (INC).

Nagbunga ng mga panimulang tagumpay ang mga serye ng pagkilos, barikada at pagpepetisyon, mula pa nitong Pebrero, ng mamamayan ng Brooke’s Point. Napatigil ang operasyon ng dalawang pribadong kumpanya ng mina na INC at Celestial Nickel Mining Exploration Corporation (Celestial Mining) sa Mt. Mantalingahan matapos na maglabas ng writ of kalikasan at cease and desist order pabor sa kahilingan ng mamamayan. Kahit ang pagbabasura ng Ombudsman sa ilang desisyon na nagsususpinde ng makakalikasang lokal na opisyales ng Palawan na nagpapahinto sa mining operations ay isang mariing sampal sa hangarin ng mga naghaharing pangkating Marcos-Duterte.

Dagdag rin sa mga ito ang tahasang pagdedeklara ng pagkabahala at pagtutol ng iba pang sektor at mga grupo sa mapanirang pagmimina sa probinsya. Nito rin lamang Oktubre 4, sa kanilang opisyal na pahayag, sinang-ayunan at binigyang-matuwid ng Conference of Major Superiors in the Philippines (CMSP), isang organisasyong kumakatawan sa mga lider ng taong-simbahan, na ang pagpapahinto ng pagmimina sa buong bansa ang siyang magtutuldok sa masasamang epekto nito hindi lamang sa kapaligiran at kabuhayan, kundi maging sa natatanging kultura at pamumuhay ng mga katutubo kabilang ang nasa Palawan bilang huling prontera ng ating arkipelago.

Tumpak ang paglaban sa anumang mapaminsalang iskema at patakaran hinggil sa paglilinang ng likas na yaman at ekonomya ng bansa. Nagsisilbi lamang ito sa pagtitiyak at pagpapabundat lamang ng mga bulsa ng mga malalaking dayuhang korporasyon-sa-mina kasapakat ang lokal na burgesya-kumprador at ng reaksyunaryong opisyal. Patunay lamang ang nakauuyam na pagkatuwa kapwa ng Philippine Chamber of Mines at mga kaalyado nitong kroni ni Marcos sa Kongreso na isabatas ang pagpapababa sa makukuhang royalty ng gubyerno mula 5% tungong 4%. sa mining output galing sa mga itinakdang mining reservation sa bansa.

Nagkamit man ng positibong pag-usad ang mga panimulang hakbangin at pagkilos ng mga Palaweño, talos natin na tuso at mapalinlang ang mga dayuhang namumuhunan at mga lokal na malalaking burgesyang-kumprador kasabwat ang mga ahente nilang burukrata-kapitalista.

Hindi mapagtatakpan ng anumang buladas at hinabing ilusyon ng pag-unlad na ipinamamarali ng estadong malakolonyal at malapyudal ang realidad na naglilingkod at pinananatili nito ang maka-imperyalistang patakaran sa ekonomya. Pangita ang pangangayupapa at pandarambong nito sa ngalan ng monopolyo-kapitalistang supertubo at lubusang kontrol sa masang anakpawis. Hindi matutumbasan ng matatabong ganansya sa iresponsableng pagmimina ang di mapapanag-uling pagkawasak ng kalikasan, at malulubhang epekto sa buhay at kabuhayan ng mamamayan. Dinadala lamang tayo ng mga ito sa kumunoy ng karalitaan at lubusang pagsandig sa dayuhang pamumuhunan. Sa kaduluhan, hindi mangingiming gumamit ng makauring dahas ang naghaharing-uri gamit ang estado para pahinain ang loob at durugin ang kapasyahang lumaban ng masang inaapi at pinagsasamantalahan.

Upang konsistenteng mapanghawakan ang mga naunang nakamit na tagumpay, nararapat lamang na hamunin at ubos-kayang ipanawagan ng mga Palaweño sa mga namumuno sa antas-lokalidad hanggang sa pambansang mga institusyon na tugunan at pumanig sila sa mga karaingan, panawagan at paglaban para ipagtanggol ang mga kabundukan at kagubatan ng Palawan. Tuluy-tuloy na tumindig at palakasin ng lumalawak na hanay ng magsasaka, katutubo at iba pang inaapi ang kakayahang harapin ang pang-aatake ng mga nang-aapi at nagsasamantalang uri sa kanila sa pamamagitan ng pag-aangat ng saklaw ng pakikibaka mula pambansa hanggang pandaigdigan.

Kailangang isanib ang tumitinding pagkamuhi at pagtutol nila sa iba pang pinagsasamantalahang mamamayan sa buong bansa at maging sa mundo at sa lumalakas na boses para sa rebolusyonaryong pagbabago. Tanging sa pagtitiyak ng tagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan na may sosyalistang perspektiba, sa tanglaw at di magagaping pamumuno rito ng Partido Komunista ng Pilipinas, at ang pagpapatupad ng progresibo at makabayang patakaran sa ekonomya — na siyang esensya at kumakatawan sa 12-Puntong Programa ng NDFP — ang lubusang hahawan sa landas tungong kasaganaan at kaunlarang malaya sa dayuhang dominasyon at pagsasamantala. Ang kolektibong pagpapasya at armadong paglaban ang maghahatid sa atin sa tunay na malaya at demokratikong lipunan.#

Mamamayang Palaweño, padagundungin ang nagkakaisang panawagan at paglaban sa mapangwasak na pagmimina!