Mensahe ng pakikiisa at suporta sa rebolusyonaryong pakikibaka ng mamamayang Indian sa pagbigo sa “Operasyong Kagaar”

, ,

Lubos na nakikiisa at sumusuporta ang Partido Komunista ng Pilipinas-Timog Katagalugan (PKP-TK) sa rebolusyonaryong pakikibaka ng mamamayan sa India laban sa pang-aapi, pagsasamantala at panunupil sa kanilang lehitimong pakikibaka ng pasista-teroristang gubyernong Modi. Magkahalintulad ang nararanasan ng mga mamamayan sa India at mamamayan ng Pilipinas. Nararapat ang malawak at matatag na pakikipagkaisa sa kanila sa puspusang pagsusulong ng digmang bayan laban sa imperyalismo at sa pasistang estado ng Pilipinas at India.

Nakararanas ngayon ng pinatinding pasistang pang-aatake at panunupil ang mamamayan sa India laluna ang mga katutubong Adivasi. Sa muling pagkakahalal nitong buwan ni Prime Minister Narendra Modi sa ikatlong termino at ng mayorya ng kanyang naghaharing partidong Bharatiya Janata Party (BJP), tiyak na sasahol pa ang pang-aapi at pambubusabos sa mamamayang Indian. Kaakibat ito ng ambisyon ng gubyernong Modi na maging pangatlo ang India sa may pinakamalakas na ekonomiya sa daigdig sunod sa US at China sa mga susunod na taon. Mahigpit na kasabwat ni Modi sa pasismo ng kanyang rehimeng Hindutva Brahmanic laban sa mga minoryang relihiyon at mababang grupong panlipunan, ang mga monopolyo kapitalistang grupong Adani at Ambani, mga kumpanyang multinasyunal na nakabase sa India.

Kagaya ng pasistang rehimeng Duterte at US-Marcos II, itinuturing din ng pasistang gubyernong Modi ang Communist Party of India-Maoist (CPI-Maoist), ang People’s Liberation Guerilla Army (PLGA) at ang nakikibakang mamamayan nito bilang mga terorista. Naglulunsad ito ng kampanya sa ilalim ng SAMADHAN—isang komprehensibong estratehiyang kontra-insurhensya, para durugin ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka ng mamamayan sa India. Desidido ang pasistang gubyernong Modi na wasakin ang CPI-Maoist at PLGA kung saan tinukoy nito na may pinakamalakas at pinakamalawak na base sa mga katutubong Adivasi. Sa imbing layunin na makamit ang “Maoist-free India” pinaigting nito ang brutal at madugong kampanyang panunupil. Hindi rin nito pinag-iiba ang katayuang ligal, aktibista at progresibo sa armadong kilusan sa tinawag nitong “anti-national forces”. Lahat ay maaring maging target ng armadong karahasan at panggigipit ng estado.

Simula nitong Enero, nagpakawala ang gubyernong Modi ng “Operasyong Kagaar”, ibig sabihin ay “katapusan,” na may layong mapagpasyang durugin ang mga “rebeldeng Maoist” sa India. Partikular na inilulunsad ang nasabing operasyon sa rehiyon ng Bastar bahagi ng estado ng Chhattisgarh. Konsentrado ito sa Abhuj Maad Area na tahanan ng tinatayang 35,000 Madia Adivasi. Sa operasyong ito, aabot na sa 130 Maoist at mamamayang Adivasi ang napaslang. Nasawi ang isang 6-na buwang sanggol nang paulanan ng bala ang isang kubo. Binaril din ng ilang ulit ang isang may kapansanang batang babae na ikinamatay nito. At nitong nakalipas na Abril 16, pinaslang ng mga pwersang panseguridad ang 29 Adivasi at mga rebolusyonaryong pwersa, kung saan 15 sa kanila ay kababaihan.

Nagdeploy ang gubyernong Modi ng mahigit 10,000 tropang panseguridad sa mga hangganan, mga pwersang paramilitar at espesyal na yunit para sa kontra-insurhensya. Nagtayo ng daan-daang kampo-militar sa lugar ng Adivasi. Ang mga kampo ng militar at pulis ay ipinakat sa mga estratehikong lugar na may agwat lamang ng tatlo hanggang limang kilometro para kubkubin ang Bastar, kung saan tinukoy nilang base diumano ng mga Maoist. Sa Chhattisgarh, mayroong 300 kampo-militar, na ang 100 nito ay nasa Bastar. Ang bawat kampo ay may pwersang aabot sa 500-2,000 lakas-tauhang naarmasan ng mabibigat na sandata na suportado ng drones. Bawat kampo ay mayroong tig-2 mine proof na sasakyan at mga war tanks.

Ang pagdeploy ng armadong pwersa sa mga komunidad ng Adivasi ay nagdudulot hindi lang ng takot sa mamamayan kundi ng malawakang mga paglabag sa karapatang-tao, internasyunal na makataong batas at alituntunin sa digma. Ang kamay na bakal ng pasistang gubyernong Modi ay kinatatangian ng extra-judicial killings (EJKs), sapilitang pagpapalikas, paglabag sa mga kalayaang sibil, at paghahamlet. Ang mga kampo militar ay nagpapatupad ng istriktong patakaran sa malayang pagkilos ng mamamayan. Naghahasik ng terror sa nagpapalipad ng rockets na umaabot sa limang kilometro mula sa mga kampo na tinatarget ang mga komunidad at mga kagubatan kaya napipilitan ang mga mamamayang lumikas mula sa kaniyang lugar. Mas nakababahala ang paggamit ng drones na may dalang bomba at ang walang habas na pagpapaputok mula sa helicopters simula pa noong 2021 na ikinamatay na ng 10 katao.

Sa likod ng pinaigting na kontrarebolusyonaryong digma ng gubyernong Modi sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa India at sa mga katutubong Adivasi ay ang pagnanais nitong malayang dambungin ng mga monopolyo kapitalista ang likas na yaman ng mga lupaing ninuno. Ang mga katutubong Adivasi sa sentral at silangang bahagi ng India ay nabubuhay labas sa sistemang “caste” o panlipunang katayuan. Binubuo nila ang 67.76 milyong populasyon sa bansa. Kalakhan sa kanila ay tinatawag na “scheduled tribes” o STs na kalat-kalat at may sariling katutubong kultura. Sila ay nabibilang sa mga pinakaapi at pinagsasamantalahan sa lipunang India. Ang kanilang lupang ninuo at kagubatan na mayaman sa mga reserbang mineral ay pinag-iinteresan at pinaglalawayan ng mga kumpanyang multinasyunal ng India at maging ng mga dayuhan. Sa pagitan ng 2019-2021, nilagdaan ng gubyernong India ang 104 Memoranda of Understanding (MoUs) ng pamumuhunan sa mina na nagkakahalaga ng $6 bilyon. Liban pa ito sa 272 MoUs noong 2003-2018 sa halagang $16.5 bilyon. Kagaya rin ng pang-aapi sa mga pambansang minorya sa rehiyon sa mga lupaing ninunong sagana sa likas na yaman gaya ng sa Mindoro at Palawan. Inaagawan sila ng lupa at kabuhayan ng mga kumpanyang mina at agri-korporasyong lokal at dayuhan.

Ang malaking bahagi ng coal (90%), gubat at rekursong mineral (72%) sa India ay matatagpuan sa mga tradisyunal o lupaing ninuo ng mga Adivasi. Sa rehiyon ng Bastar ay may malaking bahagi ng reserbang mineral, kabilang dito ang 38% ng tin ore, 20% ng bauxite, 18% ng iron ore, 17% ng coal at 4% ng diamonds. Nag-aambag ito ng 13% ng kabuuang produksyon ng mineral ng bansa. Dito rin matatagpuan ang iba’t ibang mineral na esensyal sa mga industriya tulad ng iron ore, bauxite, dolomite, limestone, diamonds at mangganese. Mayroon din itong rare-metal at rare-earth (REME) pegmatites tulad ng nionium, cerium, yttrium, lithium at tantalum. Tinataya na napakalaki ng halaga ng mga ito na pinakikinabangan ng mga kumpanyang multinasyunal. Halimbawa nito, ang mina ng coal sa Chattisgarh ng hawak ng multinasyunal na kumpanyang Adani.

Sa lubos na pagtaguyod sa neoliberalisasyon, patakaran ng gubyernong Modi na isapribado ang mga pampublikong sektor ng operasyong mina at magbigay pa ng karagdagang lisensya para pagbukas ng mga bagong minahan. Hinihikayat din nito ang mga pribadong korporasyon para sa sektor at nagtatayo ng mga imprastraktura na magsisilbi sa mga nasabing korporasyon kabilang ang mga pasilidad sa pagmimina at transportasyon sa paghahakot ng minerals tulad ng kalsada, riles, paliparan, iba pang lohistikal na suporta, libreng pasilidad sa tubig at kuryente para sa mga korporasyon at pagtanggal ng buwis (corporate taxes) sa loob ng ilang taon.

Tulad sa India, laway na laway din ang imperyalismo, kasabwat ang mga lokal na naghaharing uri, sa yaman ng Pilipinas. Sa Timog Katagalugan, ang mga Dumagat sa Rizal na napapalayas at nawawalan ng kabuhayan dahil sa mga itinatayong dambuhaIang dam at sa ngalan ng mga “proyektong pangkaunlaran”, dinaranas din ito ng mga katutubo sa India. Isa sa mga bunerableng grupong tribung Adivasi ang Madia. Mahigit 3,000 hydro-electric dams ay matatagpuan sa kanilang lugar. Sa gayon, ang primaryang resorsa para sa industriyalisasyon at urbanisasyon sa India nakasalalay sa erya nila. Subalit kalakhan sa kanila ay hindi nakikinabang sa yamang nakukuha sa kanilang lupang ninuno, kagubatan at mga ilog. Walumpu’t limang porsyento (85%) ng mga Adivasi ay nabubuhay ng mas mababa sa opisyal na “poverty line”.

Papaliit ang eryang saklaw na mga lupaing ninuno ng mga Adivasi dahil sa mga programang pagsasabansa ng mga kagubatan, pribatisasyon, industriyalisayon, pagpapalawak ng taniman, paghuthot sa mga likas na yaman at paglaan umano para sa widelife reserves at national parks, na maihahalintulad sa “Tamaraw Reservation and Expansion Program” sa Mindoro. Sa isang sarbey nakita na 86% ng mga pamilya ng Adivasi ay wala at kulang ang lupa, kung saan ang 36.1% sa Madhya Pradesh at 15.2% sa Chhattisgarh ang walang lupa. Karamihan sa nawawalan ng lupa ay mga kababaihang katutubo, kasabay nito siyam na porsyento (9%) ng Adivasi ay nakaranas na mapalayas sa kanilang lupang binubungkal.

Hindi nakikinabang ang malawak na mamamayan laluna ang mga katutubo sa sinasabing “pag-unlad” ng India.Sa halip, inaagawan at pinagkakaitan sila ng lupa, kabuhayan at karapatan. Mayroong 18.5 milyon o 2% na populasyon ang nadisloka dahil sa mga “proyektong pangkaunlaran”. Aabutin sa 50% ng mga nadisloka ay mga katutubo, bagama’t 8.08% lamang ang Adivasi. Sa kabila ng malawakang dislokasyon, walang unipormadong patakaran ang gubyernong India para sa resettlement at rehabilitation. Kaakibat ng “pag-unlad” na para lamang sa iilang naghaharing-uri sa India ang militarisasyon. Malinaw sa mamamayang Adivasi na ang pribatisasyon, korporatisasyon at militarisasyon ay banta sa kanilang buhay at kultura.

Sa mahigit limang dekada, ang CPI-Maoist at PLGA ay nagsusulong ng armadong pakikibaka laban sa pasistang estado, monopolyo kapitalista at imperyalistang kapangyarihan. Itinataguyod nila ang katarungang sosyo-ekonomiko at para sa karapatan ng mamamayan sa lupa, kagubatan, katubigan at karapatang tao ng mga katutubo, magsasaka at iba pang mamamayan ng India. Sa ganitong diwa at sa paninindigan para sa proletaryong internayunalismo kinakailangan ang mahigpit na pagkakaisa ng mamamayang Pilipino at mamamayang Indian para labanan ang pang-aapi at pagsasamantala ng imperyalismo at panunupil ng pasistang estadong Marcos at Modi.

Nagpupunyagi ang CPP-NPA-NDFP at lahat ng rebolusyonaryong pwersa sa Pilipinas sa pagsusulong ng pambansa-demokratikong rebolusyon at ubos-kayang nilalabanan ang panunupil ng pasistang estadong malakolonyal at malapyudal. Kaakibat nito ang paglaban sa paninibasib ng imperyalistang US kasabwat ang lokal na naghaharing burgesyang kumprador-panginoong maylupa na nagiging mas masiba at mapandambong dahil sa labis na krisis ng pandaigdigang sistemang monopolyo kapitalismo. Makakaasa ang mamamayan sa Timog Katagalugan na pag-iibayuhin ng PKP-TK ang pamumuno sa rebolusyonaryong pakikibaka sa rehiyon, palalakasin ang armadong pakibabaka ng BHB at itataas ang antas ng digmang bayan bilang ambag at suporta sa rebolusyonaryong pakikibaka ng mamamayang Indian at iba pang inaaping mamamayan at bayan sa daigdig laban sa imperyalismo.

Operation Kagaar, terorismo sa mamamayang Indian!
Marcos at Modi, parehong pasista-terorista!
Ipaglaban ang lupang katutubo sa India at Pilipinas!
Labanan ang mapangwasak na pagmimina sa India at Pilipinas!
Mamamayang Pilipino at Indian, magkaisa at lumaban!
Isulong ang digmang bayan sa Pilipinas at India!
Ibagsak ang imperyalismo!

Mensahe ng pakikiisa at suporta sa rebolusyonaryong pakikibaka ng mamamayang Indian sa pagbigo sa “Operasyong Kagaar”