Mensahe ng PKM-TK sa ika-53 anibersaryo ng NDF
Nagpupugay ang PKM-TK sa ika-53 anibersaryo ng NDF. Panandang bato ang ating paggunita sa ika-53 taong pagdiriwang sa pagkakatatag ng NDF. Ang pagkakabuo ng NDF ay isa sa kongkretong resulta ng Unang Dakilang Kilusang Pagwawasto o UDKP, kung saan naging mahigpit na katuwang ito ng muling-tatag na PKP sa paghahasik ng binhi, pagtataguyod ng kawastuhan ng Marxismo-Leninismo-Maoismo at pagsusulong ng armadong pakikibaka sa kanayunan sa pamamagitan ng Bagong Hukbong Bayan sa mahigpit na pakikipagtulungan ng Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid, at sa kalunsuran sa pamamagitan ng mga kaalyadong organisasyon tulad ng Revolutionary Council of Trade Unions, Kabataang Makabayan, Katipunan ng mga Gurong Makabayan, Christians for National Liberation at iba pa.
Noong dekada ’90, naging mahigpit na katuwang sa pagguguhit sa kawastuhan ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto o IDKP ang NDF. Matapang at matapat nitong hinarap upang labanan at iwinaksi ang mga maling kaisipan kaugnay ng pagdistrungka sa rebolusyonaryong oryentasyon, katangian at kahulugan ng nagkakaisang prente at papel nito sa demokratikong rebolusyong bayan ng pangkatin nina Ric Reyes. Pinalabnaw nila at tahasan at mulat na nilabusaw, pati pamumuno ng Partido sa rebolusyong Pilipino. Kinaratulahan at pinakipot ng kakarampot na mga rebisyunistang taksil na ‘Anti-imperialist Front’ ang NDF.
Sa kasalukuyang kilusang pagwawasto, matapang din na inako ng NDF ang mga kamalian, tinanganan nang mahigpit ang mga aral ng mga kasaping pangmasang-organisasyon at ganoon din ng ating mahal na Partido. Hinarap ng mga kasaping organisasyon sa taong 2023 ang mga tungkulin para sa marubdob at lahatang panig na pagsusulong ng kilusang pagwawasto. Ang kilusang pag-aaral, pagsasaayos ng mga organisasyon at pagkakalas ng buhol at bara para sa pag-abante ng pampulitikang tungkulin na buuin ang pinakamalawak na pagkakaisa ng mamamayan upang ibagsak ang malapyudal at malakolonyal na sistema sa lipunang Pilipino sa pamamagitan ng pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan at sa estratehikong linyang kubkubin ang kalunsuran mula sa kanayunan.
Sa pagharap sa negosasyong pangkapayapaan, mataas ang integridad din na hinarap ng NDF ang mga serye ng usapang kapayapaan dahil matibay at di nila isinuko ang kawastuhan ng pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan. Sa mga nagdaang reaksyonaryong rehimen nina Corazon Aquino, Hen. Fidel V. Ramos, Joseph Estrada, Gloria Arroyo, Ninoy Aquino, Rodrigo Duterte at ang kasalukuyang rehimeng US Marcos II, matatag na pinaninidgan ng NDF ang mga kasunduan tulad ng JASIG, CAHRIHL at ipinagiitan ang CASER sa harap ng pakitang tao at tusong pakana ng mga reaksyunaryong bitagin ang rebolusyonaryong kilusan sa kapitulasyon. Gayundin ang pagsisikap na pagkaisahin sa mga turo ng teoryang Marxismo-Leninismo-Maosimo at aral mula sa iba’t ibang dakilang gurong komunista ang mga rebolusyonaryong mamamayan sa anyo ng muling pagpapalakas sa pandaigdigang kilusang komunista, sa pagsasagawa ng mga lecture series at pangunguna sa mga theoretical conferences.
Tapat sa tungkuling binigkis ng NDF ang pakikibaka ng mamamayan laban sa imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo. Sa mga nakaraang buwan, hindi na mapagtakpan ang nakakasulasok na baho ng bulok na Burukrata Kapitalismo, na pinagmulan sa bilyun-bilyong pisong pangungulimbat mula sa mga pagawaing bayan, partikular sa mga tinawag na flood control. Kung susunsunin ang pisi ng mga kawatan ay sa Malakanyang ang dulo ng paglulustay ng kaban ng bayan, mismong sa tuktok ng punong papet ng US na si Marcos Jr.
Sa kabila ng walang kaparis na krisis bunga ng magkatuwang na Imperyalistang Agresyon ng US at Zionistang Israel sa Iran, nagresulta ito ng napakataas na presyo ng petrolyo, langis at iba pang pangunahing bilihin. Sa kumpas ng imperyalismong US, sunud-sunuran ang rehimen ni Marcos Jr. sa pagpapahintulot ng dumaraming presensya ng tropang Amerikano sa anyo ng mga EDCA Sites at mga ehersisiyong militar, pinakahuli ang Balikatan Exercises na may 17,000 kalahok na sundalong Amerikano, Japan, Australia at New Zealand. Mga dry run o simulation para sa hinaharap na digmaan sa pagitan ng mga imperyalistang US at China at ang Pilipinas ang isa sa entabladong paglulunsaran ng digma. Pinopondohan din ng imperyalismong US ang Partnership for Indo-Pacific Industrial Resilience (PIPIR), para sa pagawaan ng amunisyon. Isa pang tiyak na paglabag sa burges na saligang batas ay ang planong konstruksyon na Defence Fuel Support Point (DFSP), magsisilbing forward-based refuelling hub at mag-iimbak ng 1 milyong barrel ng langis. Pang-iinsulto ito sa mamamayang Pilipino, sa kabila pagdanas ng krisis ng langis ay heto at ang Imperyalistang US ay mag-iimbak para sa paghahanda sa kanilang gyera. Hindi malayo na matulad tayo sa mga ‘kaibigang bansa’ ng Imperyalistang US sa Gitnang Silangan na may presenysa ng kampo o naka-istasyong sundalong Amerikano na siyang binomba at pinaputukan bilang pagtatanggol sa sarili ng bansang Iran.
Lahat ng ito ay magnet na aakit para digmain ng karibal ng Imperyalistang US, na China. Ang mga pasilidad na nabanggit sa itaas na magsisilbi lamang para sa isalba ang naghihingalong ekomomiya ng Imperyalistang EU at panatilihin ang hegemoniya sa bansa at mga bansa sa Asya Pasipiko.
Ibinuyangyang din ni Marcos ang yaman ng bansa sa US habang pinoprotektahan ang interes ng huli sa pagdambong sa bansa. Pinakahuling pabuya at pagpapakita ng labis na pagkatuta ng rehimeng Marcos Jr. ay grandyosong Pax Silica, may 1,600 ektaryang Economic Security Zone, itatayo ito sa Gitnang Luson, partikular sa lalawigan ng Pampanga at sa dating US Clark Air Base. Tiyak na mapapalayas ang mga katutubong Ita sa kanilang lupang ninuno at mga magsasaka na sasaklawain ng maka Imperyalista at parasitikong proyekto.
Tulad ng mga base militar ng US sa bansa, ang Pax Silica sa tabing ng Economic Zone ay hindi saklaw ng batas at patakaran ng bansa dahil ipatutupad dito ang batas ng Imperyalistang US. May imyunidad sa mga kaso at krimen na gagawin sa loob ng bansa. Dahil 99 na taon ang ‘handog’ ni Marcos Jr, aariin, gahasain at sairin ang likas yaman ng bansa. Kaya malaya silang lalabag ng mga alituntunin at batas sa loob ng 99 taon. Di pa naghihilom ang sugat ng pag-gahasa at pagpatay kay Jenifer Laude at pag-abswelto sa sundalong amerikano na si Joseph Scott Pemberton noong 2014. Isa rin sa mga masahol na insidente ang mapagkamalang baboy damo ang isang batang pinoy na namumulot ng basura sa paligid ng base militar ng US na binaril ng isang sundalong Americano. Bago pa ito ang Base Militar ay nagdulot ng prostitusyon, pagkasira ng kalikasan, at malawakang paglabag sa karapatan pantao na di nalilitis sa bansa. Tuwirang lumalahok din ang mga tropang Amerikano sa kontra-‘insurhensyang’ kampanya. Halimbawa nito si Col. James Rowe mula sa JUSMAG na gumampan bilang tagapayo ng reaksyonaryong AFP-PNP.
Sa harap ng pangangayupapa sa imperyalismo at grabeng korapsyon, tumining ang labis na pagiging kontra-mamamayan ng rehimen para protektahan ang mga malalaking-burges-kumprador, panginoong maylupa at burgesya komprador. Namamayagpag ang demolisyon sa Timog Katagalugan. Laganap din ang pagpapalayas at pagkakaso sa mga magsasaka at katutubo sa bansa at sa rehiyon para bigyang daan ang pagpapalit-gamit ng lupa at baybay dagat, kanselasyon ng CLOA, at patuloy na pagtaas ng gastos sa produksyon sa pagsasaka. Hindi na rin maitago ni Marcos Jr ang kabulukan ng bangkaroteng neoliberal na patakaran, partikular sa deregulasyon sa industriya ng langis. Hindi magawang ibasura ang excise tax at VAT sa langis, sa halip, ang tanging alam niya ay mga ‘de kuritas’ na solusyon: pagbibigay ng gamumong ayuda at ga-tingang tapyas sa presyo ng kerosene at gas na panluto.
Nanatiling ang landas ng demokratikong rebolusyong bayan ang tanging solusyon sa kronikong krisis ng malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino. Ang Pambansang Katipunan ng Magbubukid ng Timog Katagalugan ay handang lumahok sa armadong pakikibaka, pagtatayo at pagpapalakas at pagpapalawak ng mga base sa kanayunan at pag-lulunsad at pagtatanggol ng mga tagumpay ng rebolusyong agraryo bilang susing kawing sa pagtatayo ng Pulang kapangyarihan sa kanayunan. Mahalaga ang pagpapalakas ng BHB sa pamamagitan ng paglahok at pag-akap ng masa at iba pang demokratikong uri ng sambayanan sa rebolusyon. Ang mga magsasaka sa Timog Katagalugan ay tinatangkilik ang BHB at direktang nag-aambag sa armadong pakikibaka para sa pagdurog at pagpapabagsak na malakolonyal at malapyudal na lipunan, na siyang magsisilang ng isang bago, malaya at masaganang lipunan.