Mensahe ni Armando Cienfuego sa ika-55 anibersaryo ng NPA
Mga kasama,
Pulang saludo sa lahat ng mga Pulang mandirigma at kumander ng NPA sa buong bansa at sa buong rehiyon! Mainit ding rebolusyonaryong pagbati sa mga rebolusyonaryong pwersa at masang kapiling natin ngayon!
Magbunyi tayo, dahil ang araw na ito, ang ika-55-taon ng pagkakatatag ng NPA, ay pagpapatuloy ng ilang siglong magiting na armadong pakikibaka ng mamamayan, at hudyat ng panibagong yugto sa kasaysayan ng pambansa demokratikong rebolusyon sa Pilipinas. Ang tagumpay na ito ay nakatindig sa dambana ng sakripisyo at walang pag-iimbot na pag-aalay ng sarili ng mga naunang rebolusyonaryong bayani at martir ng rebolusyon, mula pa sa lumang tipo ng pambansa-demokratikong rebolusyon hanggang sa kasalukuyan. Hinding-hindi natin makalilimutan ang kanilang mga pagsasakripisyo at ipinamalas na katapangan.
Mataas ding kinikilala ng mamamayan ng daigdig ang makatarungang pambansa-demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan na ating inilulunsad upang ibagsak ang malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino at itatag ang sosyalismo.
Sa nakaraang lima’t kalahating dekada, isinabuhay ng NPA ang di-magagaping diwang palaban ng api’t dustang mamamayang humawak ng sandata upang ipagtanggol ang sarili mula sa dayong pagkubabaw kasabwat ng lokal na mga naghaharing uri at kamtin ang mas maaliwalas na bukas para sa bayan. Minana natin at ipinagpapatuloy ang burges-demokratikong pakikibaka para sa kalayaan na pinasiklab nina Bonifacio, Jacinto, Luna, Malvar at kanilang mga katulad at itinaas ito sa isang bagong tipo ng pambasa-demokratikong pakikibaka sa pamumuno ng pinakasulong na uring manggagawa. Isinusulong natin ang pakikibaka para sa lupa upang ipagkaloob sa mga magsasaka at pambansang minorya ang kanilang malaon nang kahilingan. Hinaharap natin at binibigo ang pasistang paninibasib na pinakawalan ng mga reaksyunaryo’t tutang rehimen laban sa sambayanang Pilipino.
Malayo na ang ating naabot at marami na ang natipon nating tagumpay, ngunit kaakibat nito ang walang katumbas na sakripisyo ng mga pulang kumander at mandirigma ng NPA at ng mamamayan. Puno ng liko’t sikot ang ating buhay-at-kamatayang paglaban! Nitong linggo lamang, nagbuwis ng buhay ang limang kasama sa Batangas at Quezon sa gitna ng gitgitan at pukpukang pakikipaglaban para abutin ang masang magsasaka at maglunsad ng mga taktikal na opensiba. Nagyayabang ang mga pasista. Hinahamak nila tayo!
‘Wag tayong manlumo, mga kasama. Maging obhetibo tayo at kilalanin ang ating sarili at kaaway. Totoong malakas, maraming sandata at may basbas at suporta ng imperyalismo ang ating kalaban, subalit sila ay mga tigreng papel sa harap ng determinadong paglaban ng aping mga uri at hindi ito ang ugat ng ating mga kabiguan at pag-atras. Ang ating mga panloob na kahinaan, maluwag na pagtangan sa linyang masa at pagkalimot sa mga aral ng kasaysayan ang nagbubunga ng mga taktikal na kamalian at kabiguan sa pakikidigma. Ito ang dapat nating mapagpasyang lutasin upang humakbang pasulong at mag-ani ng higit pang mga tagumpay. Napatunayan nating napapawalang-saysay ang higit na nakalalamang na pwersang kaaway kasama na ang lahat ng kanilang modernong sandata kung tayo ay may mahigpit na ugnay sa masa, nagsasagawa ng matatagumpay ng taktikal na opensiba at pinasusuntok sila sa hangin dahil sa kumikilos tayo ng maingat at palagiang naglalaho sa mata ng kaaway.
Kailangang mahigpit na tumalima sa pagwawasto at panghawakan ang Marxismo-Leninismo-Maoismo sa lahat ng panahon. Ang hindi tunay na nagpapanibagong-hubog at nagrerebolusyonisa ng pag-iisip ay mabilis na nanlulumo at mawalan ng pag-asa. Nasisilaw sila sa ningning ng burges-dekadenteng buhay at nasisilat ng kaaway. Pinagtataksilan nila ang Partido at ang masa! Mga basura sila ng lipunan at tiyak na aabutin ng kamay ng rebolusyonaryong hustisya.
Lagi nating alalahanin at isapuso kung ano ang mahalagang papel ng NPA para sa paglaya ng ating bayan, kung ano ito para sa mamamayan, kung ano ang kasaysayan nito at patutunguhan. Alin pang sandatahang pwersa sa Pilipinas ang makapagmamalaki na nagsimula sa wala ngunit lumaki, mula sa mahina ay lumakas hanggang masaklaw ang buong bansa? Alin pang hukbo ang makapagsasabing nagpanday ito ng karaniwang mamamayan upang maging mga tunay na bayani? Alin pang kawal ang naarmasan, hindi lang ng mga baril at riple, kundi ng gabay ng proletaryong Partido upang ihatid ang lipunang Pilipino sa isang malaya at demokratiko tungo sa isang sosyalistang lipunan?
Walang ibang sagot, kundi tanging ang NPA lamang!
Itaas natin ang ating noo at taas-diwang salubungin ang panibagong araw ng rebolusyonaryong kapasyahan! Isulong natin ang digmang bayan hanggang sa ganap na tagumpay!