Pahayag

Mga guro, magkaisa! Makibaka para sa makatwirang taas-sahod at pambansa, siyentipiko at maka-masang edukasyon!

,

Mainit at militanteng pagbati ang ipinaaabot ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP)-Mindoro sa lahat ng guro ngayong Pandaigdigang Araw ng Mga Guro. Nakikiisa ang buong rebolusyonaryong kilusan sa Mindoro sa inyong kahilingan para sa makatwirang taas-sahod, sapat na pondo at suporta para sa sektor ng edukasyon.

Pasan-pasan ngayon ng kaguruan ang krisis sa edukasyong resulta ng sistematikong kapabayaan at pagkabangkarote ng gubyerno dulot ng pagiging komersyalisado, kolonyal at mapanupil na sistema ng edukasyon sa bansa. Patakaran na ng gubyerno na kaltasan ang pondo sa edukasyon sa taunang badyet nito. Ang pondo na kailangang-kailangan para magtayo ng bagong mga pasilidad at paaralan, pagtaas ng sahod ng mga guro at mag-empleyo ng dagdag na guro at kawani ay winawaldas sa di produktibo at kontra-mamamayang programa kabilang ang confidential intelligence funds, TF- ELCAC,  terorismo ng AFP-PNP, Maharlika Investment Fund, enggrandeng proyektong imprastruktura para sa korapsyon at bayad-utang sa mga dayuhan. Ang kakarampot na badyet sa edukasyon ay nailalaan pa sa maanomalyang  paglilimbag ng libro at pagbili ng kagamitang hindi naman dumaan sa masusing pagsusuri at  kukurakutin pa ng mga matataas na upisyal ng Department of Education tulad ng ginawa ni Bise-Presidente Sara Duterte.

Imbis na mapagpasyang harapin ang sumasambulat na krisis sa edukasyon, ipinapasa ng DepEd at ng buong reaksyunaryong gubyerno ang krisis  na ito sa mga kaguruan. Pampalubag-loob lamang ng gubyerno na tawaging “bayani” ang mga guro subalit naaatim nitong isadlak sila sa abang pagtrato at kompensasyon habang kinakargahan ng mabigat na trabahong lampas sa dapat nilang balikatin. May mga kagamitan at pangangailangan sa pagtuturo na kinakargo pa ng sariling bulsa ng mga guro.

Lampas ng walong oras ang trabaho at lakas-paggawang iginugugol nila sa pagtuturo, paghahanda ng ituturo at paggawa ng mga materyales para dito. Hungkag ang ipinagmamayabang ni Ferdinand Marcos Jr. na anim na oras na lamang ng pagtuturo kada araw ang ibibigay at hindi na oobligahin ang mga guro sa gawaing administratibo. Dagdag pa ang pangangailangan nilang sumalo ng mga paksang hindi akma sa kanilang napag-aralan dahil kulang ang pondo upang makapag-empleyo ng mga gurong may espesyalisasyon. Ang MATATAG kurikulum ni Sara Duterte ay nagpabigat pa lalo sa trabaho ng mga guro habang kwestiyonable pa ang epektibidad nito para itaas ang kalidad ng pagkatuto ng mga mag-aaral. Galing din sa sariling bulsa ng mga guro ang mga materyales na kailangan sa pagtuturo  pati minsan ang mga kulang o sirang kagamitan sa klasrum. Lahat ng ito’y pinoproblema ng mga guro habang isipin din ang walang-awat na pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Ito ang sitwasyong hindi isinasaalang-alang ng rehimeng US-Marcos II sa pagbibingi-bingihan nito sa hinaing ng mga guro para sa taas-sahod. Ang  ipinaglalaban ng kaguruan na ₱50, 000 entry level salary ay kahilingan na malayo pa sa inilabas na Updated Salary Schedule for Civilian Government Personnel (EO#64)  ng 2024.

Ang kapabayaan ng gobyerno at komersyalisado, kolonyal at mapanupil na sistema ng edukasyon ang dahilan ng krisis na ito. Nabubulok ang kalidad nito at nalulugmok din ang pagkatuto ng mga kabataan. Bagsak at patuloy na bumabagsak ang Pilipinas sa mga pandaigdigang pamantayan ng makalidad na edukasyon. Kulelat at kapos ang mga kabataang Pilipino sa mga pinakabatayang kakayahan sa literasiya gaya ng pagbabasa at pag-unawa, pagkukwenta, kasaysayan ng bansa at mapanuring pag-iisip. Gaano man ito pagtakpan  ng DepEd, hindi maikakaila na bigung-bigo itong tiyakin ang kalidad ng edukasyon  at ang garantiya ng pagtatamasa sa batayang karapatan ng bawat Pilipino na makapag-aral at matuto.

Ang edukasyon sa isla ng Mindoro ay mukha ng krisis na ito. Kulang na kulang ang mga paaralan, maski sa mga sentrong bayan ay kulang ang mga kagamitan at pasilidad dahil sa papalaking populasyon ng mga estyudyante habang nanatili lamang ang bilang at laki ng mga klasrum. Kaya naman napipilitang magsiksikan ang mag-aaral, magklase sa labas o sa mga hallways. Kulang din ang mga guro.  Nasa 1:50 hanggang 60 ang teacher-student ratio malayo sa ideal na 25-30,  may humahawak ng combination classes o kaya naman tinataasan ang teaching load ng bawat guro. Walang dagdag ng benepisyo para sa mga gurong naidedestino sa malalayo at liblib na mga pamayanan. Dahil sa kakulangan sa mga pampublikong paaralan, napipilitan ang mga Mindoreño na pumasok sa mga pribadong paaralan na lalong nagkakait sa mga kabataan ng kanilang karapatan sa libreng edukasyon. Samantala,  kinakaharap ng mga gurong Mangyan ang diskriminasyon bilang mga katutubo kahit pa mga propesyunal na.

Sa Mindoro, laganap ang pag-empleyo ng para-teachers o mga  kontraktwal na mga guro na nagtitiis magturo sa mga liblib na baryo kapalit ng P3,500-5000 na sahod kada buwan. Malala pa, hindi regular ang pasahod at naibibigay lamang kada ikatlong buwan o higit pa. Wala rin silang  insurance sa mga araw na walang pasok, kaya Lunes ng umaga saka lamang pupunta sa mga destinong eskwelahan at Biyernes ng hapon ay uuwi para  magawa ang pagbyahe sa loob ng opisyal na oras, dahil anumang mangyari sa kanila labas sa panahong ito ay hindi sakop ng insurance ng gubyerno. Nakakabawas ito sa panahong dapat ilaan sa pagtuturo. Napakalaganap pa din ng “wrong king” sa DepEd, ang sarkastikong pagbigkas ng salitang “ranking” para tukuyin na hindi naman nakabatay sa kwalipikasyon  ang pag-hire o promosyon dahil sa  sistemang palakasan sa mga DepEd officers.

Maging sa mga state colleges sa isla, laganap ang kontraktwal na empleyado at guro. Kasalukuyang nasa 50%-60% ng kabuuang academic at non acad workforce ng mga ito ay part time at/o  job order (JO). Malinaw lamang ang pagkakait ng estado na bigyan ng benepisyo at tiyakin ang kasiguruhan sa trabaho ang mga kaguruan at kawani nito.

Hindi rin ligtas sa hambalos ng power crisis ang mga kaguruan at kawani. Napilitan kaltasin sa maliit na ngang sahod ang pambili ng mga solar appliances upang ibsan ang dilim at init ng brownout. Nag deklara rin ang maraming paaralan ng shortened class schemes upang makatipid sa gastos sa krudo para paandarin ang mga generator sets. Higit na apektado ang mga JO na empleyado dahil sila ay nasa ilalim ng “No Work-No Pay” scheme. Kahit naibalik ang regular na suplay ng kuryente sa ilalim ng Emergency Power Supply Agreement (EPSA) tumaas naman ng halos 70% ang singil mula Php15/kw tungong Php22/kw. Hindi naman ito tinapatan ng budget increase para sa mga SUCs sa National Budget bagkus ay tinapyasan pa nga.

Hindi rin libre ang mga kaguruan sa madalas na biktima ng mga paglabag at pang aabusong militar. Madalas kampuhan ng mga sundalo’t pulis ang mga eskwelahan.  Nilulunsaran ng operasyong Retooled Community Support Program (RCSP) ang mga paaralan upang diumano ilayo ang mga kabataan at mga guro sa impluwensya ng rebolusyonaryong kilusan.  Isinasailalim sa surveillance ang mga guro at mag-aaral na malaking dagok  sa kalayaang pang-akademiko, at sa malayang pamamahayag sa loob ng mga institusyong akademiko. Ibayong takot at palaging nangangamba ang mga guro sa presensya ng mga sundalo. Biktima din sila ng red tagging laluna kapag inerereklamo ang presensya at pang aabuso ng mga ito. Isa si Sir June Estrella, isang volunteer -teacher sa mga katutubo ang biktima ng red tagging at sapilitang pagwala ng mga pwersa ng estado noong 2016.

Sa ganitong sistema, ang mga guro na katuwang sa paghuhubog sa kinabukasan ng mga kabataan at ng bansa ay mismong dumaranas ng walang katiyakang kinabukasan. Di kataka-taka na ang mahuhusay na Pilipinong guro ay napipilitang mangibang-bansa para lamang kumita ng sapat  at mabuhay ang  pamilya. Ang paglabas ng mga guro sa Pilipinas ay ikinatutuwa ng rehimeng US-Marcos II dahil maghahatid ito ng remittances na pangsuhay sa naghihingalong ekonomya ng Pilipinas.

Bahagi ng kalunus-lunos subalit malaking kabalintunaan na kalagayan ng sistema ng edukasyon ang oryentasyon nitong bilang diploma mill ng mga kursong naghahanda lamang sa mga mag-aaral para maging foreign laborer at tugunan hindi ang pangangailangan sa mga propesyunal at eksperto ng sariling bansa kundi ng dayuhang mga bayan. At dahil wala din naman batayang  industriya ang Pilipinas na sasalo sa mga graduates, malaking porsyento nito ang nauuwi sa job mismatch at unemployment kung kaya mas pabor na maghanap ng trabaho sa ibang bansa.

Marapat na singilin si Marcos Jr., Sara Duterte at ang buong papet na reaksyunaryong gubyerno sa kalunus-lunos na kalidad ng sistema ng edukasyon, ang kolonyal na oryentasyon  at kapabayaan nito sa kagalingan at kapakanan ng mga guro at kawani sa sektor ng edukasyon. Dapat din ilantad at biguin ang paggamit ng rehimeng Marcos II sa kanyang kapangyarihan at gamiting instrumento ang sistema ng edukasyon upang rebisahin ang kasaysayan sa layuning burahin ang madilim at madugong yugto ng diktaduryang paghahari ng rehimeng Marcos Sr. sa isipan ng mga Pilipino.  

Ang bulok na kalidad ng edukasyon ay salamin lamang ng singbulok na malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino. Wala na itong ibang patutunguhan pa kundi ibayong pagkabalaho sa kumunoy ng  neoliberal na sistemang dikta ng imperyalistang kapangyarihan lalo na ng US na buu-buong tinanggap at sinusuportahan ng rehimeng US-Marcos II. Makakaalpas lamang ang edukasyon sa krisis kung isusulong natin ang alternatibong sistema ng edukasyon: ang makabayan, siyentipiko, at makamasang edukasyong nilalaman ng programa ng demokratikong rebolusyong bayan. Tanging sa ilalim ng ganitong sistema mapapalaya ang mga guro at mapapakawalan ang kanilang angking potensyal sa pagtuturo para tunay na mapauunlad ang bansa. Lalamnin ng pambansa demokratikong edukasyon ang pag-aaral sa lipunan at mithiin ng masang anakpawis at ang pagpapayaman sa kaalaman at kritikal na pagsusuri ng bawat mag-aaral at guro. Sa gayon, maiaambag ng mga guro ang kanilang talino, kasanayan  at lakas-paggawa sa pagpapaunlad ng buong lipunang Pilipino at pagpapalaya ng sambayanan mula sa daantaong kahirapan at kamangmangan.

Sa pandaigdigang araw ng mga guro, ating dakilain ang mga tumatayong pangalawang magulang ng mga kabataan at bayani ng sambayanan. Kilalanin natin ang makabuluhang papel ng mga guro bilang gabay at tanglaw sa pagsusulong ng pambansa-demokratikong rebolusyon ng bayan.

Ipaglaban ang makatarungang sahod para sa mga guro!

Makibaka para sa pambansa, siyentipiko at makamasang edukasyon!

Isulong at ipagtagumpay ang demokratikong rebolusyong bayan!

Mga guro, magkaisa! Makibaka para sa makatwirang taas-sahod at pambansa, siyentipiko at maka-masang edukasyon!