Pahayag

Pahayag ng Kabataang Makabayan-Mindoro sa okasyon ng Pandaigdigang araw ng mga Estudyante Muling palakasin ang rebolusyonaryong kilusang kabataang estudyante sa isla ng Mindoro! Kabataan, isanib ang husay at talino para sa interes ng mamamayang Mindoreño! Itakwil at labanan ang terorismo ng rehimeng US-Marcos II!

,

Mainit na rebolusyonaryong pagbati ang ipinapaabot ng Kabataang Makabayan-Mindoro sa lahat ng kabataang estudyante sa pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng mga Estudyante sa buong mundo ngayong ika-17 ng Nobyembre.

Malaki at krusyal ang naging tungkulin ng mga kabataang estudyante sa pagsusulong ng pambansa-demokratikong pakikibaka ng mamamayang api sa buong daigdig. Dapat balikan ang militanteng kasaysayan ng kabataang estudyante at kapulutan ng aral ang mayamang karanasan ng aktibismo upang maging gabay sa ibayong pagsulong at muling pagpapalakas ng kilusang kabataang estudyante.

Ginugunita tuwing ika-17 ng Nobyembre ang Pandaigdigang Araw ng mga Estudyante bilang tanda ng brutal na pamamaslang at panunupil ng rehimeng Nazi sa Prague, Czech na nag-resulta sa pagkamatay ng isang estudyanteng lumahok sa demonstrasyon noong 1939. Sinundan ito ng pag-masaker sa siyam na estudyante at guro na kabilang sa mga dumalo sa libing ng namatay na mag-aaral. Sa Greece, nagsagawa ng malawakang protesta ang mga estudyante ng Athens Polytechnic noong 1973 laban sa namumunong Regime of Colonnels na nagsimula mula ika-14 hanggang ika-17 ng Nobyembre. Tinulak nito ang marami pang kabataang estudyante na tumindig at makibaka sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Sa Pilipinas, makabuluhang tungkulin ang ginampanan ng mga kabataang estudyante sa kasaysayan. Nanguna sila sa pagpapakalat ng mga progresibong kaisipang nagpukaw, nag-organisa, at nagpakilos ng daan-libong mga estudyante at mamamayan. Pinanghawakan ng mga nagdaang henerasyon ng kilusang estudyante ang diwa ng paglilingkod sa sambayanan upang labanan ang sumisidhing krisis pang-ekonomya at pampulitika sa bansa.

Pinakatampok sa kasaysayan ng kilusang estudyante sa Pilipinas ang pagkakatatag ng Kabataang Makabayan noong Nobyembre 30, 1964 bilang kumprehensibong organisasyon ng mga kabataang nakikibaka para sa pambansang soberanya, kalayaan at demokrasya. Isa ang KM sa nagpakilos sa laksang mamamayan sa First Quarter Storm (FQS) ng 1970 hanggang sa pagpapabagsak sa diktadurya ng rehimeng Marcos Sr. noong 1986.

Sa buong daigdig, dumadaluyong palabas ng mga unibersidad at kampus ang mga kilusan ng mga kabataang estudyante. Kanilang ganap na naunawaan na pinakamakapangyarihan ang kanilang paglaban kung naisasanib ito nang mahusay sa masang api’t pinagsasamantalahan.

Ang KM laluna ay dapat kilalanin para sa mahusay na integrasyon sa batayang masa na naging puhunan ng pagpapanibagong-lakas ng rebolusyon sa Pilipinas noong dekada 60s. Walang pag-aatubiling tumungo at tumutungo sa mga komunidad, pabrika, pagawaan, pangisdaan, sakahan, at lansangan ang mga kabataang estudyante upang makipamuhay, makipag-aralan, at magpakilos sa masang magsasaka at manggagawa. Dito, higit na naunawaan ng mga estudyante ang mas malalaki at mas mabibigat na tungkuling dapat pagsumikapang gampanan.

Gagap ang sariling rebolusyonaryong kasaysayan, patuloy ang pagsisikap ng kilusang estudyante sa isla ng Mindoro na magpalakas upang pagkaisahin ang lahat ng kabataang estudyante sa isla at mahigpit na lumubog sa batayang masa upang ikawing ang lahat ng kampanya at pakikibaka para sa lupa, sahod, trabaho, edukasyon, at karapatan ng mamamayang Mindoreño.

Mula sa mga kampus at paaralan, nakibaka ang kilusang estudyante ng Mindoro kasama ng mga magsasaka para sa tunay na repormang agraryo, ng mga katutubong Mangyan para sa karapatan sa lupang ninuno at pagpapalayas sa mga mapangwasak na dambuhalang negosyo at iba pang pakikibakang masa sa isla.

Produkto’t pinanday ng kilusang estudyante sa isla ng Mindoro ang mga mahuhusay na rebolusyonaryong katulad ni Josephine “Ka Sandy” Mendoza na mas kilala bilang Ka Luisa at Ka Marta ng mga katutubong Mangyan sa Oriental Mindoro at Ka Nene sa masang magsasaka sa Occidental. Mula sa pagiging kasapi ng KM hanggang namumunong kadre ng Partido Komunista ng Pilipinas, taglay ni Ka Sandy ang prinsipyo ng pag-aalay ng lakas at talino para sa sambayanan na dapat magsilbing hamon at inspirasyon para sa bagong salinlahi ng mga rebolusyonaryo sa isla.

Bunsod ng nagnanaknak na krisis sa isang malakolonyal at malapyudal na sistemang panlipunan, hindi mapipigilan ng kahit sinumang papet na rehimen ang pag-usbong ng rebolusyonaryong kilusang estudyante na mas pipiliing tahakin ang mahirap na landas ng pagbalikwas sa naaagnas na sistema upang itayo ang isang lipunang kapaki-pakinabang para sa masang anakpawis at kalayaan ng bansa.

Dapat panghawakan ng kilusang estudyante sa isla ng Mindoro ang mayamang karanasan nito sa pakikibaka para sa karapatan at paglaban sa panunupil at terorismo ng estado. Taliwas sa inilalakong patriyotismo ng papet na rehimeng US-Marcos II, hindi sa pagiging sunud-sunuran at pagpapatupad ng Mandatory ROTC at katulad na mga programa maipapamalas ng mga kabataan ang kanilang pagmamahal at pagtatanggol sa bayan.

Batbat ng kasinungalingan at panloloko ang bayaran at berdugong AFP-PNP para iwasiwas ang mga salitang “disiplina,” “respeto,” at “paglilingkod” samantalang sila’y kinamumuhian na ng masa dahil sa pagiging abusado. Ang PNP ang pumatay sa maraming mga inosenteng kabataan sa ngalan ng huwad na War on Drugs at “gyera laban sa terorismo” ni Duterte. Ang AFP ang mukha ng terorismo sa Mindoro–mula sa pagdukot, sapilitang pagpapasuko, at pananakot sa mamamayan. Sila rin ang sangkot sa pinakahuling kaso ng ekstrahudisyal na pagpatay sa Mindoro: ang brutal na pagpaslang kay Jay-el Maligday, isang kabataang Mangyan at estudyante.

Sa gitna ng pagsasamantala at pagpapahirap sa sambayanan, ang pinakadalisay na pagmamahal sa bayan ay walang iba kundi ang ibagsak ang imperyalismo, pyudalismo, at burukratang kapitalismo na siyang ugat ng kahirapan at pagkaatrasado ng bansang Pilipinas. Ang demokratikong rebolusyon ng bayan ang siyang garantiya upang maibagsak ang tatlong salot na ito at hawanin ang landas para sa tunay na malaya at demokratikong bansang Pilipinas.

Walang patid na makiisa sa pakikibaka ng masang api ang rebolsyonaryong kilusang estudyante. Panata naming ilaan ang talino at husay para sa interes ng mamamayang api sa Pilipinas at saanmang dako ng mundo na may nilulupig ng imperyalismo, rasismo at iba pang anyo ng diskriminasyon. Kaisa kami sa paglaban ng mamamayang Palestino laban sa henosidyo ng Zionistang US-Israel, ng katutubong Adivasi at mamamayan sa India para sa pambansang demokrasya at saanman may mamamayang nakikibaka para sa kalayaan at demokrasya. Puspusang ipanguna naming mga rebolusyonaryong kabataang Pilipino ang interes ng mamamayang api at ipagsisilbi ang buong lakas, talino, at galing sa pagtatagumpay ng rebolusyong Pilipino bilang dakilang ambag sa internasyunal na pakikibakang anti-imperyalista.

Panawagan ng rebolusyonaryong kilusan ng kabataang estudyante sa isla ng Mindoro sa lahat ng estudyante at kabataang Mindoreño na hawakan ang rebolusyonaryong adhikain ng mga naunang kabataan at maging mga panibagong Ka Sandy/Luisa/Ka Marta/Ka Nene.

Palakasin muli ang kilusang estudyante at pagsilbihan ang mamamayang Mindoreno at sambayanang Pilipino! Buong tatag nating labanan at itakwil ang terorismo ng estado! Panagutin at pagbayarin ang berdugong AFP, PNP-MIMAROPA, at rehimeng US-Marcos II sa lahat ng krimen nito sa mamamayan ng Mindoro!

Muling palakasin ang rebolusyonaryong kilusang kabataang estudyante sa isla ng Mindoro! Kabataan, isanib ang husay at talino para sa interes ng mamamayang Mindoreño! Itakwil at labanan ang terorismo ng rehimeng US-Marcos II!