Nakabubuhay na sahod, hindi mumong taas-sahod, ang dapat ipagkaloob sa mga manggagawa
Hindi dapat magtaka ang reaksyunaryong gubyerno at mga kapitalista kung salubungin ng pambabatikos ang ipinagmamalaki nilang P21-75 taas-sahod sa CALABARZON na inianunsyo nitong Setyembre 30. Lubhang maliit at hinati pa sa dalawang bigayan ang taas-sahod. Kahit idagdag sa kasalukuyang minimum wage sa rehiyon, hindi pa rin aabot ang sahod sa CALABARZON sa kalahati ng P1,200, ang family living wage (FLW) o halagang kailangan ng isang limang-kataong pamilya sa isang araw. Apektado nito ang may pitong milyong manggagawa sa CALABARZON, katumbas ng 1/4 ng bilang ng mga manggagawa sa industriya sa buong bansa.
Makatarungang tuligsain ang gubyerno ni Marcos II na sa harap ng kainutilang itakda ang nakabubuhay na sahod ay nasisikmurang ipagyabang ang kakarampot na taas-sahod. Ni hindi ito sapat upang makabili ng dalawang kilong bigas. Maliit na nga’y plinano pang hatiin sa dalawang bigayan; isa’y ngayong Oktubre at ang kalahati ay sa susunod na taon pa! Tunay na nakaiinsulto ang pampalubag-loob na ito sa gitna ng pagsirit ng presyo ng petrolyo, pagkain, yutilidad at pati mga bayarin sa eskwelahan at pagamutan. Sa huli, mawawalan rin ng saysay ang mumong dagdag dahil kakainin ito ng implasyon.
Kaya’t imbes na magbunyi, lalong nagpupuyos sa galit ang mamamayan, laluna ang manggagawa ng TK. Hindi maikaila ang kawalang-puso ng gubyerno ni Marcos II sa kalunus-lunos na kalagayan ng masang Pilipino. Sa sobrang baba ng sahod, gutom ang inaabot ng manggagawa at kanyang pamilya. Umaabot na ngayon ang bigas sa P50-60 kada kilo at labis na tumaas ang presyo ng mga karne, isda, gulay at pati mga karaniwang grocery. Hindi na rin magkamayaw ang mga ama’t ina ng tahanan sa pangungutang sa bangko, microfinance, 5-6 at iba pa para lang matugunan ang malalaking bayarin sa edukasyon at pagpapagamot sa mga maysakit.
Malaki rin ang pananagutan ng gubyerno ni Marcos II sa paglaki ng araw-araw na gastusin ng mamamayan. Wala na ngang ginagawa upang magpatupad ng makatarungang sahod, itinataas pa nito ang buwis na papasanin ng taumbayan. Hindi rin maampat ang pagtaas ng mga bayarin sa tubig, kuryente, internet at iba pang serbisyo dahil sa deregulasyon sa mga susing industriya. Nagpapaubaya lang ang gubyerno tuwing magtataas ng singil ang mga pribadong concessionaire sa tabing ng mga di-kapani-paniwalang “pagkalugi” at mga dagdag-gastos umano sa operasyon. Palyado rin ang hakbanging importasyon upang pababain ang presyo ng bigas, asukal at iba pang pagkain. Sa halip na sawatain, kinunsinte pa ang mga kartel at lalong binigyang pabor sa pagluluwag sa importasyon at pagbaba ng taripa.
Masahol pa, walang kahihiyang nagpapasasa ang pamilya Marcos habang nagdarahop ang bayan. Daan-daang bilyong piso ang kontrolado ni Marcos II sa pamamagitan ng Maharlika Investment Fund. Panay rin ang pagwawaldas nito sa mga piging, biyahe sa labas ng bansa at iba pang luho. Sa gitna ng matapobreng kondukta ng mga Marcos, nakaririndi ang panghihimok ng mga apolohista ng estado na magtipid, mag-impok at maging matalino sa paggastos. Malinaw ang sagot na manggagawa: Walang titipirin o maiimpok dahil kulang na kulang pa ang sahod para mabuhay nang disente!
Hindi kayang pagtakpan ng mga inimbentong sarbey at approval ratings ang mga batayan kung bakit nahihiwalay sa mamamayang Pilipino ang naghaharing pangkating Marcos II at ang buong reaksyunaryong estado. Walang habas nitong inaatake ang kabuhayan ng mamamayan at inaabandona ang bayan sa gitna ng matinding krisis. Tapat itong tumatalima sa dikta ng imperyalismo na ibagsak ang sahod ng manggagawang Pilipino habang pinalalaki ang reserbang hukbo ng paggawa. Sa gayon, malilikha ang mga ultimong kundisyon upang ibayong apihin at pigain ang kakayaning yaman mula sa Pilipinong masang anakpawis.
Dapat suklian ng marubdob na pakikibakang bayan ang malubhang kainutilan, kapabayaan at pandarambong ng rehimeng US-Marcos II. Kailangang pasikarin ang pakikibaka para sa FLW sa hanay ng manggagawa at isangkot maging ang iba pang demokratikong pwersa. Organisahin pati ang pamilya at komunidad ng mga manggagawa at iba pang sektor sa layuning itambol ang pagkakamit ng FLW. Malaki ang magiging pakinabang dito ng buong bayan lalo ngayong matindi ang krisis pang-ekonomya. Dapat palawakin at palakasin ang laban para sa sahod hanggang sa mayanig ang rehimeng Marcos II at kanyang mga kasapakat.
Mahalagang bahagi ng pambansa-demokratikong pakikibaka ang paggigiit ng nakabubuhay na sahod para sa mga manggagawa. Magsisilbi itong tuntungan upang dumami ang mga naoorganisang manggagawa sa mga unyon at mga katulad na organisasyon hanggang sa tumaas ang kanilang pampulitikang kamulatan. Higit pa, dapat sapulin na kasabay ng pagtatakwil sa patakarang pambabarat sa sahod ang paglaban sa imperyalismo. Ang walang katapusang paghahangad ng monopolyo kapitalismo sa tubo ang ugat ng pambubusabos sa mga manggagawa. Ang pakikibaka para sa makatarungang sahod at pagtatagumpay na makamit ito ay isa ring bigwas sa imperyalismo at inspirasyon para sa pandaigdigang kilusang manggagawa.