NPA, itinuring na agresyong pangkaunlaran ang proyektong New City ni Marcos Jr.
“Walang bago. ‘Wag n’yong pasayawin ang taumbayan sa lumang sirang plaka,” ito ang reaksyon ng NPA-Quezon sa anunsyong ginawa noong nakaraang linggo ng Human Settlements and Urban Development na naghahanap ang gubyernong Marcos ng 70,000 ektaryang lupa sa lalawigan ng Quezon para magtayo ng bagong lungsod na makakabawas ng problema sa trapiko sa Kalakhang Maynila.
“Nagpapaalala ito ng Ministry of Human Settlements noong dekada 70 na pinamunuan mismo ni Imelda Marcos,” ayon kay Ka Cleo del Mundo Tagapagsalita ng Apolonio Mendoza Command NPA-Quezon.
Idiniin ng NPA sa kanilang pahayag na anumang proyekto ng mga Marcos noong panahon ng Batas Militar ay tunay na bangungot sa mamamayan.
“Kaya ano’t bubuhayin pa ang lumang konsepto ni Imelda Marcos na “Lungsod Silangan” na nasa pagitan ng Infanta at Umiray na nakaharap sa Pacific ocean?” pagkwestyon pa ni del Mundo sa proyekto.
Naniniwala ang NPA-Quezon na magpapalayas ito sa libu-libong residente sa kanilang tahanan at kabuhayan, kabilang ang katutubong Dumagat at Remontado.
Nagpanukala si del Mundo ng matagalang solusyon sa problema sa trapiko sa Metro Manila. “Sa halip na pagpapalit-gamit ng puo-puong libong ektaryang sakahan, kagubatan at tabing-dagat, ipatupad dapat ang isang tunay na reporma sa lupa.”
“Katulad ng malawak at di-produktibong mga hasyenda sa Bondoc Peninsula, dapat itong kumpiskahin sa mga panginoong maylupa at libreng ipamahagi sa magsasaka, pati na sa mga maralitang lungsod.
Ayon sa NPA, magbibigay-daan ito sa mas maraming oportunidad sa kabuhayan at trabaho sa kanayunan na kalaunan ay hihilang pabalik sa lokal na populasyon na itinulak pa-Maynila dahil sa karalitaan at paghahanap ng pagkakakitaan, kung gayo’y sistematikong magpapaluwag sa napakapopuladong National Capital Region.
“Itong kawalan-ng’lupa, sa katotohanan, ang ugat ng armadong tunggalian sa kanayunan, kung kaya pinamumunuan ng NPA at pambansa demokratikong kilusan ang pagpapatupad ng rebolusyong agraryo bilang pundamental na solusyon.”
“Dahil riyan, nananatiling makabuluhan ang NPA at patuloy na umaani ng suporta mula sa maralitang magsasaka sa kanayunan,” pagtatapos ng pahayag ng NPA-Quezon.