P17B pondo ng NTF-ELCAC, ibigay sa mga magsasaka

,

Itinuring ng Apolonio Mendoza Command-New People’s Army na mabuting senyales ang inilaang Solar Power Water Pump at Bigasang Barangay ng Department of Agrarian Reform at mga lokal na opisyal ng lalawigan sa bayan ng General Luna nitong nakaraang mga araw para utay-utay na makabawi ang sektor ng agrikultura na dalawang taon nang inilulugmok ng pandemya at kabi-kabilang kalamidad.

Ang Solar water pump ay ibinigay sa grupo ng mga magsasaka sa Barangay San Nicholas habang ang Bigasang Barangay ay ipinagkaloob sa mga residente ng Barangay Bacong Ilaya, Bacong Ibaba, San Isidro Ilaya, Nieva, San Vicente, Sta. Maria Ibaba, Poblacion 8 at 7.

Ayon kay Ka Cleo del Mundo, tagapagsalita ng AMC-NPA, “Sa panahon ng krisis, higit dapat na pataasin ang inilalaang pondo ng gobyerno at ng Sangguniang Panlalawigan sa serbisyong panlipunan. Hindi dapat mapasamakay ng NTF-ELCAC at ng AFP ang malaking bahagi ng pondo ng bansa. Uunahin pa ba nating bumili ng baril, bomba at bala kaysa pagkain at kabuhayan ng mamamayan?”

Dagdag pa, nananawagan din si del Mundo sa mga opisyal ng gobyerno at mamamayan ng lalawigan na dapat igiit na i-rechannel ang 17 bilyong pisong pondo ng NTF-ELCAC sa mga sibilyang ahensya ng gobyerno upang paramihin ang mga proyektong pangkabuhayan na ang magtatamasa ay ang maralitang mamamayan.

“Kung aalisin sa kamay ng NTF-ELCAC ang P17B pondo, at ipapasa sa sibilyang ahensya ng gubyerno ni Duterte habang katuwang ang mga organisasyong masa sa lokalidad, siguradong malaki ang maitutulong nito para matugunan ang tunay na pangangailangan ng mamamayan sa kanayunan. Kung mananatiling hawak ito ng AFP at ng NTF-ELCAC asahan natin ang walang kaparis na kampanyang panunupil sa mamamayan, korapsyon at disimpormasyon sa bansa,” pagtatapos ni del Mundo.#

P17B pondo ng NTF-ELCAC, ibigay sa mga magsasaka