Pahayag

Pagbati mula sa Pambansa Katipunan ng Magbubukid ng Timog Katagulagan o PKM-TK sa pamamagitan ni Kas. Eduardo Labrador

,

Ipinaabot ng PKM-TK ang mapulang pagbati sa bagong tagapagsalita ng Melito Glor Command na si Kas. Cleo del Mundo. Konsistente, matalas at may dalang haplit ang bawat kataga niya na gumuguhit ng wastong paninindigan at pagsusuri ng rebolusyonaryong armadong kilusan sa mga isyu. Mula sa kumand ng Apolonio Mendoza, bilang dating tagapagsalita, paulit-ulit niyang itinambol ang mga tagumpay ng NDFP, BHB at PKP-MLM sa lalawigan. Makailang-ulit din niyang pinasinungalingan ang naging mga pahayag ng mga lokal na burukrata, mga komander militar at pulisya na insurgency free na ang lalawigan.

Mula sa pagiging kabataang aktibista, bilang isang kasamang babaeng mandirigma at kadre ng partido, matapang na humarap, nakapangibabaw at patuloy na nilabanan ni Ka Cleo ang mga kampanyang militar ng estado na ngayo’y kinakatawan ng rehimeng US-BBM, ng berdugong AFP-PNP at NTF-ELCAC. Buhay-na-patotoo ito na patuloy silang kinakalinga at minamahal ng rebolusyonaryong mamamayan ng lalawigan. Patunay na malalim ang ugat ng Partido at Hukbo sa Quezon.

Tiyak na aalingawngaw ang tinig ni Ka Cleo sa buong kapuluan at ibayong dagat, ang bagong tagpagsalita ng MGC-NPA TK. Ngipin-sa-ngiping babasagin at pasisinungalingan nito ang kayabangan, kabulastugan at hinabing mga kwento’t imahinasyon ng lokal at pambansang naghaharing uri. Ang kanyang boses ay patuloy na maglalantad sa nabubulok na sistemang malapyudal at malakolonyal na lipunang Pilipino. Higit sa lahat, ibabandilyo niya ang mga tagumpay ng aksyong militar at armadong pakikibaka sa rehiyon, mga nakamit at natamasang tagumpay ng mamamayan sa rehiyon sa rebolusyong agraryo at pagtatayo ng base sa diwa ng kilusang pagwawasto.

Kas. Cleo, tanganan mo at maging ispirasyon sa iyo ang legasiya, tapang at diwang di-magagapi ng mga naunang tagapagsalita ng MGC-NPA TK na sina Gregorio “Ka Roger” Rosal, Tirso “Ka Bart” Alcantara at Jaime “Ka Diego” Padilla. Mabuhay ka mahal na kasama!

Mabuhay ang rebolusyonaryong mamamayan!
Mabuhay ang PKP-MLM at BHB!
isulong at kamtin ng mataas na antas ng ating digmang bayan!

Pagbati mula sa Pambansa Katipunan ng Magbubukid ng Timog Katagulagan o PKM-TK sa pamamagitan ni Kas. Eduardo Labrador