Pagbati ng Balangay Elvira sa ika-58 anibersaryo ng Kabataang Makabayan
Mapula’t nag-aalab na pagbati sa mga rebolusyonaryong kabataan na nagdiriwang ng ika-58 anibersaryo ng pagkakatatag ng Kabataang Makabayan!
Isa nanamang makabuluhang taon ng pagsulong sa digmang bayan ang lumipas at lalo pang lumalakas ang hanay ng kabataan na tumatahak sa rebolusyonaryong landas. Tunay ngang hindi mapipigilan ang mga kabataan na magsanib pwersa kasama ang mga manggagawa’t magsasaka upang mag-aklas laban sa papasidhing krisis sa lipunan.
Malaking hamon ang ating hinarap sa taong ito, maraming mga kasama at pulang mandirigma ang walang habas na pinaslang ng pasistang ganid na AFP at PNP. Sa paglipas ng mga taon, lalong tumitindi ang pagpapahirap at pananamantala sa mamamayan. Walang humpay ang paglobo ng presyo ng bilihin sa merkado habang nananatiling mababa at hindi sapat ang sahod ng mamamayan upang punan ang kanilang gastusin at buhayin ang kanilang mga pamilya. Higit pa rito, laganap pa rin ang pamamasista at panunupil sa mamamayang lumalaban sa ilalim ng panibagong pasistang rehimen ng anak ng diktador na si Marcos II.
Habang namumuhay sa luho’t karangyaan ang pamilyang Marcos, nananatiling salat at naghihikahos ang mamamayan na hindi na makaagapay sa papatinding krisis. Sa ilalim ng kanyang pamumuno, lalong nangibabaw ang kawalan ng hustisya at konkretong solusyon sa sosyo-ekonomiko at pampulitikang krisis na kinakaharap ng bansa.
Kung kaya’t higit na makatwiran na bumalikwas at maghimagsik laban sa mapaniil na sistemang pinaghaharian ng US-Marcos II at kanilang mga kasapakat. Idinidiin lamang ng lumalalang krisis at tunggalian ang hindi maiiwasang pag-alsa ng mamamayan na siyang maghahatol sa pagbagsak ng naghaharing sistema. Lalo lamang nitong pinag-aalab ang hindi mauupos na lakas ng masang anakpawis, kasama ang mga rebolusyonaryong kabataang makabayan, na hindi magpapatinag sa pagsusulong ng kalayaan at pambansang demokrasya.
Hamon sa lahat ng kabataan na tipunin ang lakas at tahakin ang rebolusyonaryong landas — gamitin ang talino sa pagbabahagi ng mga rebolusyonaryong teorya, bigyang kabuluhan ang talento sa pagsusulong ng rebolusyon sa kultura, at higit sa lahat, tumangan ng armas at tumungo sa kanayunan! Ang pagsampa sa Bagong Hukbong Bayan ang pinakaabanteng hakbang upang gapiin ang reaksyunaryong hukbo ng namamayaning estado.
Ngayong ika-58 taong anibersaryo ng Kabataang Makabayan, panata ng rebolusyonaryong kabataan na magpatuloy — kahanay ng mga manggagawa, magsasaka at maralita — sa adhikaing ipagtagumpay ang rebolusyon at wakasan ang pananamantala tungo sa lipunang malaya at mapagpalaya. Tangan ang mga aral na iniwan ng lumang tipo ng rebolusyong 1896 nina Andres Bonifacio at mga teorya ng Marxismo-Leninismo-Maoismo, laksa-laksang mamamayan ang mangangahas na titindig at makikibaka para ipanalo ang demokratikong rebolusyon!
Naturturred, Nasirsirib — Tayo ang Kabataang Makabayan — DATAKO!
Mabuhay ang Kabataang Makabayan!
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang Pambansang Nagkakaisang Prente!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Ipagtagumpay ang Rebolusyon!