Pahayag

Pagbati ng BHB-Cagayan Valley sa matagumpay at nagkakaisang pagkilos ng mamamayan sa Lambak Ng Cagayan!

,

Binabati ng buong rebolusyonaryong kilusan at ng Fortunato Camus Command Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Cagayan Valley ang mamamayan ng Lambak Cagayan sa matagumpay at nagkakaisa nitong pagkilos laban sa mapanira at dayuhang pagmimina, korapsyon at katiwalian, at upang panagutin ang mga korap at ganid na burukrata kapitalista sa pamumuno ni Marcos Jr. Kaisa at pangunahing sandata ng malawak na sambayanang Pilipino ang BHB-CV sa pakikibaka laban sa burukrata kapitalismo at pasismo, pyudalismo, at imperyalismo.

Sa pahayag ng berdugong 5th Infantry Division ng Armed Forces of the Philippines (AFP), nangangarap ito nang gising para sabihing wala nang batayan ng paglaban sa rehiyon.Kahangalan ng naghaharing uri na isiping nakatutugon sa pangangailangan ng mamamayan ang kapirasong limos na ibinibigay tulad ng TUPAD, AICS at 4Ps na batbat din sa korapsyon habang nagpapakasasa at nagpapakabundat ang ilang opisyal-militar sa lumulobong badyet nito mula sa buwis ng bayan tulad ng amo nitong si Marcos Jr.

Makatarungan ang sigaw ng kabataan

Pagpapakita ng isang tradisyon at panata ng kabataang makabayan ang pagkilos ng libu-libong kabataan sa buong bansa maging sa ating rehiyon. Muling ipinaalala sa atin na ang lakas ng kabataan ay isang panandang-bato na kayang baguhin ang lipunan lalo pa kung isasanib ito sa lakas ng uring manggagawa at magsasaka. Tulad ng ipinamalas ng mga mabubuting anak ng bayan sa panahon ng batas militar, ang kabataan ang isa sa tumangan ng sulo sa madilim na paghahari ng diktadurang Marcos Sr.

Ngayon na nayuyugyog ang haligi ng reaksyunaryong gobyernong batbat ng katiwalian na pinatatakbo ng mga burukrata kapitalista, tama at marapat na bumalikat ang kabataan at manguna sa pagdaluyong ng pakikibaka sa mga lansangan kasama ang iba’t ibang sektor ng lipunan.Sa bawat maramihang pagkilos ng taumbayan at pagpanday sa katapangan ng dumaraming lider-masa na sa kabilang banda ay tinatapatan ng pandarahas, pananakot at panggigipit ng estado gamit ang AFP-PNP, lalo lamang nagngingitngit sa galit ang mamamayan at nailalantad ang marahas na katangian ng makauring estado.

Ang sigaw sa lansangan na “Makibaka, `wag matakaot!” ay patunay na mataas ang optimismo ng masa ng mamamayan at buhay ang pakikibaka sa Lambak Cagayan. Tanda ito na kahit kailanma’y hindi titigil sa paglaban ang mamamayan hangga’t nananatili ang bulok na sistema at lipunang pinaghaharian ng burukrata kapitalismo, pyudalismo, at imperyalismong US. Nariyan ang kasiglaan ng kabataan ng Cagayan Valley na dumaluyong ang inisyatibang palaban na ang layunin ay makalaya sa tanikala ng pang-aapi at pagsasamantala.

Kabataan, sumapi sa hukbong bayan!

Nagkakamali ang PNP-AFP sa pag-aakalang tuluyan nitong madudurog ang BHB sa Lambak ng Cagayan. Nananatiling kumakapit ang militar sa lakas ng kagamitan nito at lakas-tauhan at pilit itinatatwa ang batas ng kasaysayan at pag-unlad ng mga lipunan, at ang ugat ng armadong paglaban.

Ang BHB ang tunay na hukbo ng mamamayan na malalim na nakaugat sa masa. Iniaalay nito ang kanyang buhay hindi para sa sweldo at karangalan kundi upang maitayo ang lipunang tunay na makatarungan, malaya at ddemokratiko. Gumagampan ito bilang guro, doktor, artista, manunulat at higit sa lahat mag-aaral ng masa at kasaysayan. Dagdag pa, pangunahing isininusulong ng mga Pulang mandirigma ang rebolusyong agraryo upang pasiglahin ang lakas ng mga magsasaka at matamasa nila ang karapatang ariin ang lupang binubungkal.

Sa paglala ng krisis sosyo-ekonomiko at ng malakolonyal at malapyudal na lipunan sa kabuuan, lalong naitutulak ang masa na suungin ang iba’t ibang porma ng paglaban at lalong tumitingkad ang kawastuhan at pangangailangang bagtasin ang landas ng pambansa-demokratikong rebolusyon, at malaki ang papel na ginagampanan ng kabataan para sa pambansa at panlipunang paglaya. Sa huli’t huli, ang kabataan ang tagapagmana ng kinabukasan.

Marapat lamang na magsikhay ang mga kabataan sa pag-aaral sa kasaysayan, lipunan at rebolusyong Pilipino; tuluy-tuloy na iangat ang kamalayang pampulitika; at lumubog at makipamuhay sa mga batayang uri ng lipunan at gawing paaralan ang mga bukid at pagawaan. Lumahok sa pakikibaka ng sambayanan para sa tunay na kalayaan at katarungan! Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan na may sosyalistang perspektiba! Ipagtagumpay ng digmng bayan!

Kabataan, baguhin ng lipunan! Paglingkuran ang sambayanan! Sumapi sa bagong hukbong bayan!

Pagbati ng BHB-Cagayan Valley sa matagumpay at nagkakaisang pagkilos ng mamamayan sa Lambak Ng Cagayan!