Paggunita sa ika-36 taon ng Mendiola Massacre: Lupa at hustisya, kamtin sa digmang bayan

,

Ginugunita ng NDFP-ST at mamamayan ng Timog Katagalugan ang ika-36 taon ng Mendiola Massacre na kumitil sa buhay ng 13 magsasakang nakibaka para sa karapatan sa lupa at iba pang serbisyong panlipunan. Kaisa ng magsasaka at sambayanang Pilipino ang NDFP-ST sa kanilang laban para sa lupa at kamtin ang hustisya sa mga biktima ng Mendiola Massacre at iba pang paglabag sa karapatang tao ng estado.

Tatlumpu’t anim na taon na ang nakalilipas, wala pa ring hustisyang nakakamit ang mga magsasakang biktima ng karumaldumal na Mendiola Massacre. Masahol pa, nagpapatuloy at lumalala ang pandarahas ng estado sa mga magsasaka. Militarisado ang kanayunan, lalo yaong mga lugar kung saan may nakaambang proyektong mina at plantasyon ng malalaking burgesya komprador (MBK) at nakatayong asyenda ng mga panginoong maylupa (PML). Kinakanyon at binobomba ang sakahan ng mga magsasaka at pambansang minorya. Laganap ang pamamaslang sa mga lider magsasaka at kampanya ng peke at sapilitang pagpapasuko. Napakabrutal ng AFP-PNP sa pagdamay ng mga bata sa kanilang kontrarebolusyonaryong digma. Noong Hulyo 2021, pinaslang ng 59th IBPA ang 9-taong batang babae na si Kyllene Casao sa Batangas habang isang 14-taong menor de edad ang pinatay ng 76th IBPA sa Oriental Mindoro.

Ultimong layunin ng panunupil sa masang magsasaka ang pagtatanggol ng naghaharing estado sa pyudal at malapyudal na interes ng uring MBK at PML sa Pilipinas. Nais ng mga itong panatilihin ang kontrol ng mga PML sa malalawak na lupaing agrikultural sa Pilipinas. Hanggang ngayon, nananatiling pito sa sampung magsasaka ang walang lupa. Biktima ang masang magsasaka ng napakataas na upa sa lupa, mababang pasahod, napakataas na interes sa pautang, napakababang presyo ng produktong bukid at napakataas na presyo ng farm inputs. Laganap ang semi-proletaryanisasyon kung saan obligadong magpaupa at maghanap ng ibang kabuhayan ang mga magsasaka upang may makain.

Halos patayin ng patakarang neoliberalisasyon sa agrikultura ang mga magsasaka. Bumagsak ang presyo ng mga produktong bukid dahil sa pagbaha ng mga produktong agrikultural. Aabot lamang sa P15-17 kada kilo ang presyo ng palay sa Mindoro habang P30 kada kilo ang presyo ng kopra sa Quezon. Lugi naman ng P16,550 ang mga magtutubo na may isang ektaryang lupa sa Batangas. Dinadaya pa sila ng mga komersyante sa pagpataw ng mga resiko at iba pang tusong iskema.

Nagugutom ang mga magsasaka sa harap ng napakataas na presyo ng mga pangunahing bilihin lalo ang pagkain. Isang kabalintunaan ang pagmahal ng asukal at itlog ngayong taon matapos ang pagsirit ng presyo ng sibuyas, gayong mayroong sariling produksyon nito sa bansa. Sa Mindoro, barat na binibili ang mga sibuyas sa mga magsasaka sa presyong P8-15 kada kilo subalit binebenta ito ng lagpas P700 kada kilo sa mga palengke.

Walang natatanggap na ayuda o subsidyo ang mga magsasaka sa gitna ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo, pestisidyo, abono at iba pang input. Inabandona ng estado ang mga sakahang hinambalos ng mga sakuna tulad ng bagyong Odette at Paeng at matitinding pagbaha. Sa timog Palawan at Oriental Mindoro, idinulot ang malulubhang pagbaha ng deka-dekadang pananalasa ng mga mapanirang proyekto gaya ng pagmimina, hydropower dam at iba pa.

Sa kabila ng mga pang-aatake ng estado, nagpupunyagi ang mga magsasaka sa paggigiit ng kanilang karapatan. Sa rehiyon, patuloy na ipinaglalaban ang karapatan sa lupa. Naglulunsad ng mga bungkalan ang mga magsasaka bilang bahagi ng pagtatanggol sa kanilang lupa at upang maiangat ang kanilang kabuhayan. Pinalalayas din ng mga komunidad ang mga pesteng AFP na nagpipilit magtayo ng kampo sa mga baryuhan.

Nararapat na patuloy na magkaisa at makibaka ang mga magsasaka para sa hustisya, karapatan sa lupa at serbisyong panlipunan. Hindi dapat matakot sa terorismong inihahasik ng estado, bagkus, patibayin ang kanilang hanay.

Patatagin ang mga organisasyong masa sa kanayunan, pangunahin ang Pambansang Katipunan ng Magbubukid na rebolusyonaryong pambansa demokratikong organisasyon ng mga magsasaka. Itayo ang organo ng kapangyarihang pampulitika na binhi ng gubyernong bayan.

Kailangang sumanib ang mga magsasaka sa NPA at isulong ang armadong pakikibaka upang ibagsak ang pampulitikang kapangyarihan ng mga MBK at PML sa kanayunan at buong bansa. Ang digmang bayan, sa esensya, ay isang digmang magsasaka na wawasak sa pyudal na pagsasamantala at monopolyo sa lupa ng mga PML. Isinusulong nito ang rebolusyong agraryo na tunay na nagkakaloob ng karapatan sa lupa sa mga magsasakang siyang nagbubungkal ng lupa. Maksimum na layunin nito ang kumpiskasyon ng mga lupain ng PML at libreng pamamahagi nito sa mga magsasakang wala at kulang sa lupang binubungkal. Minimum na layunin nito ang pagpapababa ng upa sa lupa, pagpapataas sa sahod ng manggagawang bukid, pagpawi sa usura, pagpapataas ng presyo ng produktong bukid at pagpapababa ng presyo ng mga farm inputs.

Nararapat na parusahan ang mga sagadsaring PML at berdugong AFP-PNP. Sa paglakas ng NPA, baseng bukid sa kanayunan at pagsulong ng mga kampanya sa rebolusyong agraryo, hihina ang kapangyarihan ng uring PML at MBK. Iigpaw pasulong ang pambansa-demokratikong rebolusyon sa masiglang paglahok ng pangunahing pwersa, ang uring magsasaka.

Dapat magpunyagi ang buong bayan, lalo ang uring magsasaka hanggang tagumpay. Ang tagumpay ng digmang bayan ang magtitiyak ng katarungan sa mga biktima ng Mendiola Massacre at iba pang biktima ng inhustisya ng estado ng mga MBK at PML. Titiyaking ipatutupad ang tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon. Sa pamamagitan nito, mapapalaya ang masang magsasaka sa daan taong pagkaalipin sa lupa na siyang lilikha ng kundisyon sa ibayong pag-unlad ng isang malaya, makatarungan at masaganang lipunang Pilipino.###

Paggunita sa ika-36 taon ng Mendiola Massacre: Lupa at hustisya, kamtin sa digmang bayan