Pagkahuli kay Marlon Macabuhay “Ka Gary,” pawang kasinungalingan ni Pmaj Baltazar Valenzuela

Isang napakalaking kasinungalingan ang ipinangangalandakan ng Gubat Municipal Police Station sa pamumuno ni PMaj. Baltazar L Valenzuela sa midya na si Marlon Macabuhay o kilala bilang Ka Gary noong nasa loob pa siya ng rebolusyonaryong kilusan ay “naaresto” nila noong Mayo 6 nitong taon.

Nais muling linawin ng Celso Minguez Command- BHB Sorsogon ang sumusunod:

Sa pag-aakalang ligtas siya sa mga kamay ng reaksyunaryong pwersa, sumuko at hindi na-aresto si Macabuhay.

Noong Abril 13 ay napag-alaman namin na si Marlon Macabuhay, dating kasapi ng BHB ay tuluyan ng tumalikod sa interes ng masa at piniling sumuko sa reaksyunaryong gubyerno noong Abril 3, kasama ang mga mga opisyal ng Brgy. Sangat, Gubat. Si Macabuhay ay kusang sumuko matapos talikuran ang kapakanan ng masa at rebolusyonaryong kilusan. Sa kabila ng mga pangako ng estado sa ilalim ng hungkag na Enhanced Comprehensive Local Integration Program o E-CLIP, si Macabuhay ay ikinulong sa presinto ng Gubat, Sorsogon na wala pang kasong sinasampa laban sa kanya

Sa nilabas na pahayag ng Gubat MPS sa kanilang Facebook page nitong Mayo 7, ipinagmamalaki nila PMaj. Valenzuela ang diumano’y pagkaka-aresto nila kay alyas “Lon” sa Brgy. Sangat, Gubat bandang 11:35 ng umaga noong Mayo 6 at idineklara siyang #1 Municipal Most Wanted habang hindi inilalabas ang tunay na pangalan. Malinaw na may intensyon ang PNP na itago ang ginawa nitong iligal na pagdetine kay Macababuhay.

Napakalinaw na purong kasinungalingan lamang ito ng Gubat MPS at ni PMaj. Valenzuela para patuloy na gatasan ang mga katulad ni Macabuhay. Dala ng kanilang pagka-desperado, kung anu-anong maniobra at kwento ang kanilang ginagawa alinsunod sa kanilang mapanlinlang na saywar sa tangkang dungisan ang rebolusyonaryong kilusan at pahinain ang loob ng mga rebolusyonaryo.

Isa lang ang masasabi namin sa Gubat MPS at kay PMaj. Valenzuela: Umaalingasaw na ang baho ng inyong mga kasinungalingan! Sa kabila ng inyong mga atake, nagpapatuloy at mas lumalakas pa ang pagkakaisa ng rebolusyonaryong kilusan sa mamamayan ng Sorsogon!

Kasuka-suka ang kasinungalingang patuloy na hinahabi ng AFP at PNP sa Sorsogon at sa buong rehiyon ng Bikol kung saan patuloy nilang nililinlang at pinagkakakitaan ang mga “sumuko” at ang mas malalala pa rito’y patuloy din nilang nililinlang at pinupwersang sumuko ang mga sibilyan na pawang mga simpleng magsasaka at maski ang mga nahalal na opisyal ng barangay ay hindi rin nila pinaliligtas.

Muling kaming nananawagan sa mga Sorsoganon na labanan ang mapalinlang na programang pagpapasuko at ilantad ang lahat ng uri ng panlilinlang at pang-aabuso ng mga military. Sama-sama nating pandayin ang bukas na walang pang-aapi’t pagsasamantala!

Pagkahuli kay Marlon Macabuhay "Ka Gary," pawang kasinungalingan ni Pmaj Baltazar Valenzuela