Pagkakaloob ng absolute pardon ni Duterte kay Pemberton, kataksilan sa bayan at paninikluhod sa imperyalismong US

Kinokondena ng National Democratic Front of the Philippines-Southern Tagalog ang panibagong kataksilan ni Rodrigo Roa Duterte sa bayan matapos nitong pagkalooban ng “absolute pardon” ang sundalong Amerikanong si Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton na nahatulan noong Disyembre 2015 ng 6-12 taong pagkakakulong dahil sa pagpatay sa ating kababayan na si Jennifer Laude, isang transgender woman, noong taong 2014.

Garapalan at walang kahihiyang ipinagkaloob ni Duterte ang absolute pardon kay Pemberton habang dinidinig sa kasalukuyan ang nakahapag na motion for reconsideration ng pamilya ni Jennifer Laude sa sala ni Judge Roline Ginez Jabalde ng Olongapo RTC Branch 74 kaugnay sa kanyang naunang kautusan na agarang palayain si Pemberton. Kung matatandaan, nagpalabas ng kautusan si Judge Jabalde na palayain si Pemberton, kahit hindi pa nito natatapos pagsisilbihan ang 12 taong maksimum na pagkakakulong , dahil ayon sa huwes kwalipikado si Pemberton ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) batay sa pinakita nitong “good behavior” habang nakakulong sa isang detention facility sa Kampo Aguinaldo ng mahigit sa 5 taon.

Ngunit sa bahagi ng pamilya ni Jennifer Laude, kanilang iginigiit na hindi kwalipikado si Pemberton na pagkalooban ng GCTA dahil sa nag-iisa lang itong nakakulong sa isang air-conditioned at maalwang kulungan at patuloy na tinatamasa ang iba pang mga prebilihiyo ng isang sundalong Amerikano sa ilalim ng kasunduan sa Visiting Forces Agreement (VFA) ng Pilipinas at ng United State of America (USA). Iginigiit din ng pamilya na suspendido ang pagpapatupad ng GCTA dahil sa isinasailalim pa sa rebyu ng DOJ ang Implementing Rules and Regulations (IRR) nito matapos pumutok ang kontrobersya sa mga katiwalian sa Bureau of Corrections (BUCOR) sa pagpapatupad ng GCTA na maging ang rapist at mamamatay-taong si ex-Mayor Antonio Sanchez ng Calauan, Laguna ay muntik nang mapalaya.

Sa ginawang ito ni Duterte, wala ng anumang saysay ang mosyon ng kampo ng pamilyang Laude para madinig pa ang kanilang apela sa korte. Dahil sa absolute pardon ang pinagkaloob ni Duterte, wala ng sagabal at agaran nang mapapalaya si Pemberton sa pagkakakulong at maibabalik na ang kanyang mga karapatang sibil at pulitikal. Sinupalpal din ni Duterte ang nakatakda sanang paghahain ng Department of Justice (DOJ) at Office of the Solicitor General (OSG) ng kanilang sariling “motion for reconsideration” bilang pagtutol sa naging kautusan ni Judge Jabalde na agarang pagpapalaya kay Pemberton alinsunod sa GCTA.

Ang pagkakaloob ng absolute pardon ni Duterte kay Pemberton ay maituturing na inhustisya para sa pamilya ng mga Laude at kataksilan sa mamamayang Pilipino. Ito’y malinaw na pagyurak sa demokrasya at pambansang soberenya ng bansa, tuwirang pagyukod at pagpapakita ng pasistang rehimen kung gaano kalalim ang kanyang pagiging tuta at sunod-sunuran sa mga dikta at imposisyon ng imperyalismong Amerikano sa bansa.

Nasa kasukdulan na ang pagiging anti-mamamayan at pro-imperyalista ni Duterte. Sa pagyukod sa kagustuhan at kahilingan ng imperyalistang kapangyarihang Amerikano, binigyan ni Duterte ng importansya na mapalaya ang isang kriminal na dayuhang sundalo habang patuloy na isinasantabi ang kapakanan ng libo-libong nagdurusa sa mga nagsisiksikang bilangguan na kinaroroonan ng mga bilanggong pulitikal (na biktima ng mga gawa-gawang kaso ng reaksyunaryong estado), ng mga matatandang deka-dekada nang nakakulong, mga may malulubhang karamdaman at mga mahihirap na nakulong dahil sa tiwaling sistema ng hustisya na umiiral sa bansa. Sila kung tutuusin ang karapat-dapat na mapalaya sa pamamagitan ng presidential pardon o pansamantalang mapalaya batay sa makataong kunsiderasyon upang mailayo sila sa panganib at bulnerabilidad na mahawaan ng nakamamatay na sakit na Covid-19.

Sa kabila ng katotohanang ito, garapalan pang iginigiit ni Duterte ang kanyang desisyon na bigyan ng absolute pardon si Pemberton bilang pagsunod sa patas na pagpapatupad sa GCTA. Para kay Duterte, hindi patas kay Pemberton kung hindi ito mabebenipisyuhan ng GCTA. Patunay na mas binibigyang pabor ng batas ni Duterte ang kapakanan ng mga dayuhan kaysa sa kapakanan ng mga Pilipino.

Siguradong may kundisyon at kapalit mula sa imperyalistang Amerikano ang pagkakaloob ng absolute pardon ni Duterte kay Pemberton. Isa na rito ang agarang pagpapatupad sa delivery ng $2Bilyon halaga ng attack helicopters and ammunition at panibagong military assistance fund ng gubyernong Trump para sa kontra rebolusyonaryong digma ng pasistang rehimen laban sa CPP-NPA-NDFP. Kailangan ni Duterte ang karagdagang pondong militar para sa imbing ambisyon nitong wakasan ang “insurehensya” sa bansa sa pagtatapos ng kanyang termino sa Hunyo 30, 2022. Bangkarote ang gubyernong Duterte at kailangan niya ng karagdagang halaga labas pa sa 21 bilyong pisong badget na pinagkaloob niya sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) para sa 2021. Hahabulin din ni Duterte na mapunuan ang nabawas sa pondo ng AFP at PNP na inilaan sa pagharap at paglaban ng kanyang gubyerno sa Covid-19 sa pamamagitan ng makukuha nitong tulong militar mula sa gubyernong Trump ng USA.

Ang pagsunod ni Duterte sa dikta ng amo nitong US na bigyan ng absolute pardon ang kriminal na sundalong Amerikanong si Pemberton ay patunay sa seryoso si Duterte na panumbalikin ang pagpapatupad sa VFA matapos ang ginawa nitong drama noong nakaraan taon sa pansamantalang pagsuspinde sa implementasyon ng VFA. Muling ibinubukas ni Duterte ang malayang pagpasok ng mga dayuhang sundalong Amerikano sa bansa at sa inaasahang lansakang paglabag ng mga ito sa karapatang pantao ng mga Pilipino at sa ating pambansang soberenya dahil sa tuwirang paglahok nito sa paglaban sa terorismo at sa ‘kontra-insurehensyang digma” na pinatutupad ng pasistang rehimeng US-Duterte laban sa CPP-NPA-NDFP.

Wala na talaga sa katinuan si Duterte. Kung ano ang gusto niyang mangyari ay siyang masusunod. Wala siyang pakialam, tutol man ang malawak na sambayanang Pilipino at internasyunal na opinyong publiko sa kanyang mga pinag-gagagawa tulad ng kanyang madugong huwad na kampanya sa iligal na droga, mga pamamaslang o extra judicial killings, mga maramihang paglabag sa karapatang pantao, sa malawakang pagtutol ng sambayanang Pilipino at internasyunal na komunidad sa anti-terorismong batas na Anti-Terrorism Act of 2020 o RA 11479 at sa mga kabiguan at kapalpakan ng rehimeng Duterte sa pagharap at paglaban sa Covid-19.

Habang patuloy na nasa kapangyarihan si Rodrigo Roa Duterte marami pa siyang magagawang kataksilan, kabuktutan, maidudulot na kapighatian at pinsala sa sambayanang Pilipino. Walang ibang pagpipilian ang sambayanang Pilipino kundi ang patuloy na kumilos at mangahas na lumaban upang wakasan ang pasistang paghahari ng rehimeng US-Duterte. Masikhay na isagawa ang iba’t ibang anyo ng mga pagkilos sa paraang ligal, iligal, armado at di-armado. Kinakailangang maabot at magkaroon ng katuparan ang pagbubuklod-buklod ng pinakamalawak na hanay ng mamamayan na lalaban at magtulong tulong para pabagsakin sa pwesto si Duterte sa pinakamaagang panahong magagawa. ###

Pagkakaloob ng absolute pardon ni Duterte kay Pemberton, kataksilan sa bayan at paninikluhod sa imperyalismong US