Pahayag

Paglilinaw hinggil sa nakaririnding mga pahayag ng AFP hinggil sa nakitang submarine drone sa San Pascual, Masbate

,

Pinaiinit lang ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang isyu tungkol sa nakuhang submarine drone ng mga mangingisda noong Enero 3, 2025 sa San Pascual, Masbate. Ilang araw na ang nakalipas ngunit kumukulo pa rin ang dugo ng mga upisyal ng militar dahil sa posible umanong banta nito sa seguridad ng ating bansa o sa prubinsya ng Masbate.

Teka lang, hindi ba’t ang AFP at rehimeng US-Marcos mismo ang dahilan kung bakit nalalagay sa panganib ang ating bayang minamahal? Dahil sa pagpapakakuta ni Marcos Jr sa kanyang among US, nalagay sa gitna ng dalawang malalaking nag-uumpugang mga sakim na bansa ang ating bayan. Tiyak na maiipit ang ating bansa sa labanang hindi naman atin at ang labis na magdurusa at mapinsala ay ang sambayanang Pilipino.

Ang mga pahayag ng AFP ay pakana lang upang pagtakpan ang kanilang totoong layunin sa ating prubinsya. Tiyak na gagamitin lang na dahilan ang naturang kagamitang militar ng Tsina upang higit pang ipailalim sa di deklaradong batas militar ni Marcos Jr ang buong prubinsya ng Masbate at mga katabing prubinsya sa rehiyon ng Bikol.

Ang tensyon sa West Philippines Sea (WPS) na ginagatungan ng US ang Pilipinas sa pamamagitan ng kanilang tutang si Marcos Jr ay ang kinagigigilan ng dayuhang bansa na mangyari. Matagal nang tulong-tulo ang laway ng US na maangkin ang mga islang ngayon ay inaangkin ng bansang Tsina.

Ayaw ng US na maunahan siya ng kanyang karibal na bansa sa makukuhang mga rekurso tulad ng langis na nagkakahalaga ng tinatayang ₱1.5 quadrillion pesos sa naturang pinag-aagawang mga isla. Dahil dito, inoobliga ng US si Marcos Jr na gumawa ng mga hakbang kasama ang iba pa nitong mga alyadong bansa tulad ng Japan upang sindihan ang galit ng Tsina.

Alinsunod sa atas ng among US, halos araw-araw namang nagpapakitang gilas ang maliliit na barko ng Pilipinas sa harap ng naglalakihang barko ng Tsina.

Samantala, sa pagkukumahog nitong tapusin ang armadong paglaban ng mamamayan, para tuparin ang pangako nito sa US na ibuhos ang buo-buong armadong pwersa nito sa “eksternal na banta” ay tahasan nitong ipinailalim sa di deklaradong batas militar ang kanayunan.

Bunsod nito, binabayo ng todo-todong pasismo ng militar at tahasang mga paglabag sa karapatang-tao at internasyonal na makataong batas ang masa sa kanayunan.

Tiwalang-tiwala si Marcos Jr na tutupad ang kanyang among US sa pangako nito na tutulong sakaling sumiklab ang labanan. Tila timang at walang pinag-aralan kung iisipin, na ang totoo ay ginagawang pain at pambala ng US ang mga Pilipino sa kanyang gera laban sa Tsina para sa kanyang sariling interes at pakinabang.

Tiyak na hindi isasalang ng US ang kanyang mga hukbo sa labanan. Ang tanging magiging papel ng mga ito ay magdirihe sa labanan, magpadala ng mga kagamitang militar at pondong pautang. Hindi ito maiiba sa mga bansang Ukraine at Israel na nauna nang inudyukan ng US upang mang-upat ng gera sa mga bansang malaki ang interes nito.

Di ba dapat higit na kukulo ang dugo ng masang Masbatenyo at ating kapwa Pilipino, dahil pinapahintulutan ng rehimeng Marcos Jr na gawing lusaran ang ating bansa at pain sa gera ng US laban sa Tsina ang kapwa natin mga Pilipino?

Kailangan nating imulat ang ating mga mata sa kung ano ang tunay na nagaganap at kalagayan ng ating bansa.

Kumilos tayo upang ilantad ang patuloy na pagpapailalim ng pasistang rehimeng Marcos Jr at militar sa prubinsya at buong bansa sa di deklaradong batas militar. Tuligsain at papanagutin si Marcos Jr sa kanyang pagpapakatuta sa US at pagtalikod sa kanyang tungkuling ipagtanggol ang bayan mula sa dayuhang mandarambong. Ilantad ang pagkainutil at kawalang kakayahang mamuno nito sa harap ng tumitinding pagdurusa ng mamamayang Pilipino.

Pagkaisahin natin ang ating lakas upang ipagtanggol ang ating bayan mula sa mga banta ng mga mapandambong na dayuhang mga bansang US at Tsina. Pakatandaan natin na hindi makakamit ang tunay na kalayaan at soberanya sa paninikluhod at pagpapakatuta sa alinmang dayuhang bansa. Kailangan nating lahatang-panig na kumilos! Nasa kamay ng nagkakaisang mga Pilipino kung paano ipagtanggol ang bansa mula sa dalawang mapanakop na bansang US at Tsina. Ang pagsusulong ng pambasa-demokratikong rebolusyon laluna ng armadong pakikibaka ang magtitiyak na maitatayo ng sambayanang Pilipino ang tunay na nagsasariling bansa.

Paglilinaw hinggil sa nakaririnding mga pahayag ng AFP hinggil sa nakitang submarine drone sa San Pascual, Masbate