Paigtingin ang militanteng pakikibakang masa! Panagutin at ihinto ang mga proyektong nasa likod ng malawakang pagbaha sa Cagayan!
Hindi pa nga nakakabalik ang ilang Cagayano sa kanilang mga tahanan mula sa ebakwasyon dahil sa bagyong Leon, at kasalukuyan pang isinasalba ng mga magsasaka ang mga nasirang pananim, napuruhan na naman ang lalawigan ng Cagayan sa hagupit ng bagyong Marce na nag-landfall sa Sta. Ana at Sanchez Mira noong Nobyembre 7. Umabot ang alerto sa Signal No. 4 na nanalasa sa 24 bayan (sa kabuuang 29) at 300 barangay. Sa pinakahuling tala, umabot sa 15,581 pamilya o 40,000 katao ang apektado, na kalakhan ay lumikas. Malawakan ang brownout at maraming eskwelahan ang nasira. Tinatayang nasa P25,398,600 ang halaga ng pinsala sa imprastraktura sa rehiyon.
Bago tumama sa lupa ang bagyo, may mga lugar nang binabaha dahil sa malakas na buhos ng ulan at pag-apaw ng mga ilog. Sa Sta Ana, Gonzaga, Buguey at mga barangay sa coastal ng Aparri, umabot ang tubig-dagat sa mga kabahayan, eskwelahan at ari-arian dahil sa storm surge. Wasak ang mga bangkang nasa baybayin, gayundin ang mga kabahayang gawa sa light materials dahil sa malupit na hampas ng hangin at alon. Nasa mga bayang ito ang operasyon ng large-scale offshore magnetite iron mining na pag-aari ng dayuhan na JDVC Resources Corporation (JDVC), subsidiary ng Apollo Global Capital Inc. (APL).
Noon pang 2010 nagsimula ang pagmimina ng magnetite ng mga kumpanyang Tsino sa baybayin sa hilagang-silangang Cagayan na nagtanggal sa natural na harang sa pagdaluyong ng dagat sa mga baryo. Dahil sa kakaunting buwis na ipinampadulas ng mga nagmiminang Tsino sa lokal na gubyerno ng Cagayan at iba’t ibang bayan, ipinagkanulo ng mga taksil na burukrata-kapitalisata ang pangmatagalang kapakanan ng mga mamamayang Cagayano. Kumilos at lumaban ang militanteng mamamayan sa naturang mga lugar. Napahinto ang pagmimina sa armadong aksyong pamamarusa ng magnetite nang ilang taon. Subalit dahil sa hindi maampat na pagkaganid ng mga burukrata-kapitalista, pinahintulutan ang pagmimina muli ng magnetite—sa offshore o laot naman ang hinahalukay na dudulo rin sa malakas sa pagdaluyong ng alon sa pamayanan.
Sa pananalasa ng bagyong Marce, unang lumubog sa baha ang mga bayan sa northeastern Cagayan. Sa kasagsagan ng bagyo, nahiwalay ang bayan ng Sta Teresita dahil sa rumaragasang baha, saklaw ang lahat ng barangay nito. Gayundin sa Camalaniugan, Buguey at Gonzaga dahil mabilis na umapaw ang Alucao, Mission at Pateng river. Nasa mga ilog na ito ang mga operasyon ng kwari ng mga burukrata at malalaking kontraktor tulad ng DDT Konstract Inc at DATAJ Aquafarm Inc na parehong pag-aari ng burgesya kumprador na si Danilo Tamayo. Kontrolado naman ni Mayor Marilyn Pentecostes operasyon ng kwari sa Gonzaga. Sa mga ilog na ito nanggagaling ang mga graba para sa mga proyekto sa northwest Cagayan. Kasabwat ang mga LGU, malayang sinisira ang mga ilog at yamang-tubig kapalit ng kikbak at tubo.
Lubog din ang mga bayan ng Gattaran, Baggao at Alcala na madalas nang binabaha. Maraming tulay ang hindi na madaanan sa paglaki ng tubig sa mga ilog. Pinakapektado ng pagbaha ang mga baryo sa Gattaran East dahil sa pag-apaw ng Dummun river. Malawak ang operasyon ng kwari sa ilog na ito na araw-gabi naghahakot ng mga graba at buhangin. Malaking problema na nga ito sa mga residente ng Mabuno, Peña Este at Weste, at Capissayan Norte at Sur. Maliban sa ingay ng mga makinarya at pagyanig ng lupa sa pagdaan ng mga trak ng kwari, nasisira ang kanilang kabuhayan. Monopolisado ng RCN na hawak ng dinastiyang Nolasco ang operasyon, bagamat may ilang pinahihintulutan mula sa ibang bayan.
Nagmumula naman sa pag-apaw ng Pared river ang pamalagiang pagbaha sa Baggao at Alcala. Mula sa pinakailaya hanggang sa paglabas nito sa ilog Cagayan ay malalawak na maisan. Mabilis na naubos ang mga puno dahil sa malaganap na mono cropping at nasira ang taba ng lupa sa paggamit ng mga produktong agrochemical laluna ng glyphosate katulad ng RoundUp Ready na napatunayang nakapagdudulot ng cancer. Dahil din dito, bumababa ang water-holding capacity ng lupa o kakayahan nitong i-absorb ang tubig-ulan na karaniwang sanhi ng mga landslide at siltation sa mga ilog. Marami nang inilabas na pag-aaral ang siyentista ukol dito subalit dahil sa patakaran ng neoliberalismo na dikta ng imperyalista, patuloy na nagtatanim ng mga cash crop tulad ng yellow corn upang manatiling may pinagkukunan ng mga hilaw na materyales at murang produkto, at palawakin ang merkado ng mga imperyalistang kompanya pangunahin ng Syngenta at Bayer Crop Science (Dekalb at Monsanto).
Nagmistula namang ilog ang mga palayan ng Lal-lo West kasunod ng pag-apaw ng Cagayan River. Sa halip na masolusyonan ng “dredging” o Cagayan River Restoration Project na sa katunayan ay tabing ng black sand mining, mas lalong inilulunod ang mga pamanayanan at kabuhayan. Target ng nasabing proyekto na alisin ang 970,962 cubic meters ng sand bars sa pagkitid ng Magapit (narrows na bottle neck ng ilog).
Sa pagdaloy ng Cagayan River sa prubinsya ng Cagayan, binaha ang mga bayan mula Tuguegarao City at paligid nito hanggang Aparri sa pag-apaw ng Pinacanauan river kung saan ang ilayang bahagi nito sa Nueva Vizcaya ay lagusan ng tubig mula sa kinalbong gubat ng minahan ng Oceana Gold at FCF Minerals. Samantalang ang bahagi ng Cagayan River sa Quirino at ang Pinacanauan sa Isabela ay mga kagubatang ilang dekada nang pinagpasasaan ng mga konsesyonaryo sa logging noon at ng mga punong upisyal ng prubinsya at mga munisipyo ngayon.
Galing naman sa pag-apaw ng Apayao River at mga tributaries nito ang malawakang pagbaha sa northwest Cagayan partikular sa Abulug at Allig plains na sumasaklaw sa mga bayan ng Flora sa Apayao, at Lasam at Allacapan sa Cagayan. Hindi rin nakaligtas ang 15 baryo ng Ballesteros mula sa pagbaha. Batay sa ulat ng Department of Energy noong Hunyo 2023, mayroong siyam na hydropower project na nasa development stage ang lalawigan ng Apayao. Kabilang dito ang Gened 1 at 2 hydroelectric power project (HEPP) ng Pan Pacific Renewable Power Philippines Corp, pag-aari ng San Miguel Corporation (SMC) na lulunod sa mga bayan ng Kabugao at Pudtol, at Abulug sa Cagayan. Samantala, malalakas na hampas ng hangin naman ang sumira sa mga pananim, imprastraktura at ari-arian sa Pamplona, Claveria at Sanchez Mira. May naiulat na nasawi at mga nasugatan nang madaganan ng gumuhong bahay.
Sa araw-araw na pagdurusa at higit lalo sa bawat hambalos ng unos, lagi’t laging nasa bingit ng kamatayan ang masang Cagayano. Walang katiyakan kung gutom, bagyo, o baha ang tatapos sa kanilang buhay. Hindi simpleng pamumudmod ng relip ang lulutas sa siklong ito. Ang pakitang-tao ng rehimeng US-Marcos Jr na personal na pamamahagi ng ayuda sa Cagayan ay paghuhugas-kamay lamang sa kriminal nitong kapabayaan at kainutilan, at upang pagtakpan ang tunay na may pananagutan sa likod ng sakuna.
Ang imperyalismo ang puno’t dulo ng krisis sa klima sa buong mundo. Pinakamalupit ang epekto nito sa mga atrasadong bayan tulad ng Pilipinas na pinapasahol ng pyudalismo at burukrata kapitalismo. Karugtong at integral na bahagi ng kilusang anti-imperyalista, antipyudal at anti-pasista ang pakikibaka ng mamamayan para sa karapatan sa kalikasan at embayronment na nakakasustena sa pamayanan, gayundin ang ang kilusang hayag at ligal, at lihim at armado.
Kagyat at kinakailangan na bigkisin ang pagkakaisa ng mga Cagayano upang ilantad at panagutin ang mga pangunahing sanhi sa papalalang mga kalamidad — mga proyektong mapangwasak-sa-kalikasan at anti-mamamayang mga polisiya. Dapat na kundenahin ang pag-aastang maka-kalikasan ni Marcos Jr gayong walang-awat na pinapahintulutan ang mga sumisira nito at ibinubunton ang sisi sa karaniwang mga mamamayan. Ang pakikibaka para sa hustisyang pangklima ay makakamit lamang sa pagsusulong ng pambansa-demokratikong rebolusyon na maghahawan sa landas ng tunay na panlipunang paglaya, demokrasya at hustisya.