Pahayag

Palakasin ang daluyong ng digmang bayan! Ibagsak ang burukrata kapitalismo!

,

Habang nalulunod ang sambayanang Pilipino sa baha ng hirap at gutom, lumulutang sa karangyaan ang mga burukrata kapitalista at mga kasabwat sa katiwalian. Habang nagdurusa ang laksang maralita sa pangambang tangayin ng rumaragasang tubig-baha, ligtas at mahimbing ang tulog ng mga mandarambong at kawatan sa kanilang mga mansyon at mamahaling sasakyan.

Sa paggunita sa ika-53 anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law ng diktadurang Marcos Sr, tumambad ang pagsiklab ng pampulitikang krisis ng naghaharing sistema sa ilalim ng rehimeng US-Marcos Jr. Lalong tumingkad ang kabulukan ng malakolonyal na estado at ang bitak at hidwaan sa pagitan ng paksyon ng mga naghaharing-uri kasunod ng pagkakalantad ng mga anomalya sa mga proyektong flood control. Katulad ng kanyang ama, tigmak ng korapsyon at pasismo ang rehimen Marcos Jr kung saan ginagamit nito ang paghahari upang magkamal ng bilyun-bilyong piso mula sa pangungurakot at pagnanakaw, at pagsupil sa mga demokratikong karapatan ng sambayanan.

Korapsyon at katiwalian: saligang aspeto ng burukrata kapitalismo

Araw-araw na pinapasan ng mamamayang Pilipino ang mabibigat na buwis, `di maampat na pagsirit sa presyo ng mga pangunahing bilihin, at napakamahal ngunit bulok na mga serbisyong panlipunan at yutilidad. Pamalagiang lubog sa utang ang mga magsasaka, hindi makaahon sa kahirapan ang mga manggagawa at maralitang-lungsod, at laging nasa bingit ng pagdausdos sa kabuhayan ang mga panggitnang sektor.

Totoong taun-taong inilulubog sa baha ang buhay at kabuhayan ng mga mamamayan ng Lambak Cagayan dulot ng walang-awat na pagmimina sa mga kagubatan, ilog at dagat; komersyal na operasyon ng mga kwari, dredging at pagtotroso; pagtatayo ng mga mega dam at pagpapakawala ng tubig ng Magat dam tuwing tag-ulan; at laganap na monocropping at paggamit ng mga produktong agrokemikal. Ngunit ang korapsyon at katiwalian ang araw-araw na lumulunod sa masa sa lumalalang kahirapan, gutom at inhustisya.

Pinipilit pagkasyahin ng manggagawang-bukid sa rehiyon ang P300-P450 baryang sahod, malayong-malayo sa P1,125/araw nakabubuhay na sahod para sa isang pamilya samantalang nangungulimbat ng bilyun-bilyon si Marcos Jr, mga kontraktor at tongresista. Nasa P545 bilyon ang pondong inilaan para sa mga proyektong flood control at usap-usapan na hanggang 60% ng halaga ng isang proyekto ay ibinubulsa sa iba’t ibang antas sa anyo ng suhol, lagay o komisyon. Bagay na hindi na nakapagtataka kung bakit maraming ghost projects at substandard na mga imprasktrastura. Isang halimbawa lamang nito gumuhong tulay ng Cabagan-Sta Maria at natibag na river embankments at dikes sa iba’t ibang bahagi ng Cagayan at Isabela.

Masahol pa, ang mga kongresista, burukrata at bahagi ng dinastiya ang siya ring mga kontratista sa mga proyektong ito. Ang EGB Construction Corp, isa sa mga kumpanyang may hawak sa mayorya ng mga proyekto sa rehiyon ay ka-joint venture ni Mayor Diaz ng Ilagan at kapatid nito, at subcontractor ng Alpha & Omega Gen. Contractor and Development Corp gayundin ang JLL Pulsar Construction na pag-aari ni Cagayan 3[rd] District Rep. Joseph Lara na nadadawit bilang subcontractor ng kumpanyang St. Gerrard Construction Gen. Contractor and Development Corp, kapwa pag-aari ng gahamang mga Discaya.

Sintomas lamang ng malubhang sakit ng malakolonyal na estado ang pagkakasiwalat sa sistematikong korapsyon at pandarambong sa pera ng taumbayan ang iskandalo kaugnay sa flood control projects. Malaon nang sinisipsip ng mga linta sa reaksyunaryong gubyerno ang yaman ng bansa na dapat sana ay para sa kapakinabangan ng malawak na mamamayan. Ang mismong pag-aagawan sa pusisyon at kapangyarihan tuwing halalan ang patunay na ginagamit ang estado poder upang magkamal ng kayamanan at kapangyarihan para sa interes ng mga burukrata kapitalista, malalaking burgesya kumprador, at panginoong maylupa na siya ring may hawak sa mga dinastiya sa pulitika, at nagsisilbi sa dikta ng imperyalistang US. Sila ang nagliligalisa ng mga kontra-mamamayang batas at mga patakarang sumasakal sa nakararami,

Burukrata kapitalismo: ugat ng pasismo ng estado

Instrumento ng naghaharing uri ang paghahasik ng sistematikong karahasan laban sa mamamayang lumalaban. Kinakasangkapan ang armadong pwersa ng estado, ang militar at pulis, upang ipagtanggol ang kanilang sariling interes at panatilihin ang naghihingalong sistemang malakolonyal.

Sa rehiyon, aktibong tuta ng mga pulitiko, dinastiya, kontraktor at mga korporasyon ng mina ang 5th Infantry Division (5IDPA) at Philippine National Police (PNP-RMFB2). Ang mga tropang ito ang nagbabantay sa mga operasyon at makinarya ng pagmimina ng OceanaGold Phils Inc at FCF Minerals sa Nueva Vizcaya, gayundin sa nickel mining sa Dinapigue, Isabela at black sand mining sa Cagayan. Dagdag pa rito, ang mga pwersa ring ito ang sumusupil sa demokratikong karapatan ng mga mamamayan laluna ng mga aktibista, tagapagtanggol sa mga karapatang-tao at environmental advocates. Mahaba na ang listahan sa paglabag ng karapatang-tao at duguan ang kamay ng 5IDPA – NTF-Elcac hindi lamang sa Red-tagging at terrorist labeling kundi ng mga ekstrahudisyal na pamamaslang.

Daluyong ng digmang bayan ang magpapabagsak sa burukrata kapitalismo

Hanggat hindi nabubunot ang tatlong batayang problema na malalim na nakaugat sa lipunang Pilipino—ang imperyalismong US, pyudalismo at burukrata kapitalismo—patuloy na masasadlak ang mamamayang Pilipino sa pamalagiang krisis ng sistemang malakolonyal at malapyudal. Hanggat patuloy na namamayagpag ang mga burukrata kapitalista at dinastiya sa pulitika, patuloy din ilulubog sa kumunoy ng karukhaan at pambubusabos ang sambayanang Pilipino.

Walang ibang landas para sa tunay na panlipunan at pambansang paglaya kundi ang pagsusulong ng matagalang digmang bayan pangunahin sa pamamagitan ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka. Dapat na wakasan ang kasalukuyang reaksyunaryong paghahari, agawin ang pampulitikang kapangyarihan at itayo ang demokratikong gubyernong bayan. Susi rito ang pagpapalakas sa Bagong Hukbong Bayan bilang pangunahing pwersa ng mamamayang Pilipino laban sa reaksyunaryong lakas. Kaalinsabay nito ang pagbibigkis sa lakas ng malawak na masa ng sambayanan at pagtatayo ng mga binhi ng Pulang kapangyarihan habang inilulunsad ang rebolusyong agraryo bilang panimulang tugon sa problema ng mayorya ng magsasaka. Sa pamamagitan lamang nito mapapahina at tuluyang mawawasak ang monopolyo sa lupa ng mga despotikong panginoong maylupa at maipapasakamay sa masang magsasaka ang karapatan sa lupa.

Matabang lupa para sa rebolusyon ang Lambak Cagayan. Ang laganap na inhustisya at sistemang mapang-api ang mismong nagsindi sa galit at poot ng mamamayan na maglalagblab at kakalat sa kaparangan. Ang pagdaluyong ng mga protesta sa lansangan at armadong pakikibaka sa kanayunan ang magpapabagsak sa paghahari ng iilang mapang-api at mapagsamantala upang itayo ang lipunang tunay na demokratiko, malaya at naglilingkod sa interes ng sambayanan.

Palakasin ang daluyong ng digmang bayan! Ibagsak ang burukrata kapitalismo!