Pahayag

Palalimin at palawakin ang kilusang pagwawasto upang ibayong palakasin ang Partido sa rehiyong Timog Katagalugan! Pamunuan ang paglaban ng sambayanan sa papet, pasista at mandarambong na rehimeng US-Marcos II! Mapagpunyaging isulong ang pambansa-demokratikong rebolusyon!

, ,

Sa dakilang araw na ito, ipinapaabot ng Komiteng Rehiyon sa Timog Katagalugan ang pinakamataas na pagpupugay sa ika-56 anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas (MLM). Pinagpupugayan ng    Partido sa rehiyon kasama ang Bagong Hukbong Bayan at mga rebolusyonaryong mamamayan ang ika-56 anibersaryo ng PKP (MLM) dahil sa di napatid na wasto’t makasaysayang pamumuno nito sa di magagapi at patuloy na sumusulong at lumalakas na bagong tipong pambansa-demokratikong rebolusyong isinusulong ng sambayanang Pilipino.

Ipinagbubunyi ng Partido, BHB at rebolusyonaryong mamamayan sa rehiyon ang mga tagumpay sa 56 taong rebolusyonaryong pakikibaka. Nagtagumpay ang Partido na ilapat sa kongkretong kalagayan ng lipunan at rebolusyong Pilipino ang unibersal na katotohanan ng Marxismo-Leninismo-Maoismo. Buong tatag na nilabanan at ginapi ng Partido ang rebisyunistang Lava-Browder ng lumang pinagsanib na Partido, ganondin ang mga rebisyunista, paksyunalista-isplitistang Reyes, Lagman, Kintanar at Tabara na mga petiburges na di nakapagpanibagong-hubog sa loob ng muling tatag na Partido. Ang mga ito’y itinapon sa basurahan ng kasaysayan sa proseso hanggang magtagumpay ang una at ikalawang dakilang kilusang pagwawasto. Dahil dito, nagkamit ng sunud-sunod at walang kaparis na mga pagsulong at tagumpay ang bagong tipong pambansa-demokratikong rebolusyon. Dahil sa matatag na kapit sa baril at pagsusulong ng matagalang digmang bayan, naitatag at lumakas ang BHB mula sa halos wala at sumulong ang armadong pakikibaka nang walang kaparis sa kasaysayan ng sambayanang Pilipino. Napagkaisa ang milyun-milyong mamamayan sa linya ng pambansa-demokratikong rebolusyon at sa gayon ay pinalakas ang pambansang nagkakaisang prente laban sa imperyalismo, pyudalismo at burukrata-kapitalismo.

Sa araw na ito, pinakamataas na pagkilala ang aming ibinibigay sa lahat ng mga komunista, mandirigma at rebolusyonaryong masang naging martir at bayani ng pambansa-demokratikong pakikibaka. Sa taong 2024, dapat nating bigyan ng pinakamataas na pagkilala at parangal ang ating mga bagong martir at bayaning sina Junalice “Ka Arya” Arante-Isita, Bernardo “Ka Mike” Bagaas, Erickson “Ka Vale” Cueto, Gladys Cassandra “Ka Nathan” Mendoza, Jian Markus “Ka Reb” Tayco, Royce Jethro “Ka Alex” Magtira at Rey “Ka Japeth” delos Santos ng Eduardo Dagli Command; Batangas; Wally “Ka Km” Agudez; Susan “Ka Gemma” Ritual, Divine “Ka Zoey” Soreta, Paulo “Ka Isko” Cruz ng Apolonio Mendoza Command; at Jhonas “Ka Igo/Flex” Barrientos, Rosemarie “Ka Soya” Gayadan ng Lucio De Guzman Command. Sila ang mga bagong martir at bayani sa rehiyong Timog Katagalugan sa nagpapatuloy na pakikibaka ng sambayanan sa dakilang layunin ng pambansang kalayaan, demokrasya at sosyalistang bukas. Sila ang mga dakilang anak ng bayan na sumunod sa yapak ng mga dakilang bayaning sina Gat Andres Bonifacio, Jose Maria Sison, Benito Tiamzon, Wilma Tiamzon, Armando Teng, Josephine Mendoza at libu-libong tulad pa nila. Magiging inspirasyon sila at susundang huwaran bilang mga komunista, rebolusyonaryo at mandirigmang walang pag-iimbot na inialay ang kaisa-isang buhay sa dakilang adhikain ng pambansang kalayaan, demokrasya at sosyalistang bukas.

Natatanging pagkilala rin at hinahalawan ng walang hanggang inspirasyon at lakas ang di natitinag na rebolusyonaryong diwa’t katatagan ng mga detenidong pulitikal sa Timog Katagalugan na pinangungunahan nina Wigberto Villarico at Jaime “Ka Diego” Padilla at iba pang katulad nila na iligal na ipiniit ng papet na estado.

Sa okasyon ng ika-56 na anibersaryo ng Partido, panandang-batong tagumpay ang pagbigo sa kampanya ng pagpugot sa ulo at pangwawasak sa Partido, BHB at rebolusyonaryong kilusan na walang puknat, malupit at madugong isinakatuparan ng imperyalismong US sa pamamagitan ng kanyang mga ahente sa loob ng papet na estado. Matatag na nakatayo’t gumagana ang organisasyon ng Partido Komunista ng Pilipinas (MLM) sa halos lahat ng rehiyon at estratehikong mga probinsya, distrito at munisipalidad at sa libu-libong pagawaan, barangay, komunidad, eskwelahan at iba pang pook-trabaho sa buong bansa. Sa kabila ng mga nakamit na pinsala at ilang pag-atras laluna nitong nakaraang limang taon, matatag na nakakapamuno ang Partido sa Bagong Hukbong Bayan at rebolusyonaryong kilusang masa kapwa sa kanayunan at kalunsuran.

Dapat ipagbunyi ang mga tagumpay ng kasalukuyang kilusang pagwawasto sa rehiyon. Masigabong pinagtibay, hinawakan at isinakatuparan ng Partido sa rehiyon ang pagsasakatuparan ng mga tungkulin sa kilusang pagwawasto. Umabot sa halos limang libong kasapi ng Partido sa kanayunan at kalunsuran ang nakatapos sa inilunsad na kampanyang pag-aaral sa mga araling pampartido alinsunod sa itinakda ng kilusang pagwawasto. Kalakhan ng mga komite ng Partido ay matagumpay na nakapaglunsad ng kani-kanilang mga komprehensibong paglalagom sa kanilang praktika sa nakaraang limang taong nakalipas. Ang mga paglalagom na ito ay ibayo pang nagpalalim sa mga naunang natukoy sa mga pinagtibay na paglalagom sa antas ng komiteng rehiyon ganondin ng mga tinukoy sa pahayag ng ika-55 anibersaryo ng Partido.

Habang may malaking pagsulong ang naisagawa sa kilusang pagwawasto, hindi pa nagkakaroon ng mapagpasyang pihit sa pag-ampat sa mga pinsala at pag-atras ng mga rebolusyonaryong gawain at pwersa sa kanayunan at kalunsuran ng rehiyon habang may bahagi pang nagpapatuloy ang pag-atras. Nangangahulugan itong kailangan pang patalasin ang pagtukoy sa mga pangunahing kamalian sa ideolohiya, pulitika at organisasyon at kailangan pang mas maging kritikal sa sarili, mapagpakumbaba, mapagpasya, puspusan at taglayin ang determinadong kapasyahang iwasto ang mga kamalian hanggang ganap na maipagtagumpay ang kilusang pagwawasto.

Higit pang pinatalas ng mga paglalagom ang mga nakitang kamalian at kahinaan sa mga subehiyon/probinsya at mga larangan bilang mga partikular na anyo ng empirisismo mula 2019 hanggang 2022. Tinukoy ang mababaw, panlabas at makaisang panig na pagsapol sa kalagayan at mga bagay, kamalian sa istatikong pagtingin sa mga bagay dahilan upang maging lipas ang hawak na kaalaman at hindi lumapat sa obhetibong kalagayan ang kaalaman at sa gayon ay ang nabubuong mga plano’t patakaran.

Nakita at naobserbahan ang malaking kakapusan na itulak ang sistematisado at programadong gawaing SICA sa mga organo ng Partido. Nakita ang kamalian sa makaisang-panig na pag-alam sa kalagayan, ng mahigpit na kapit sa mga dating kaalaman kaugnay sa kalagayan ng pwersa, ng masa, ng kaaway, ng kalupaan na nilipasan na ng panahon at na hindi na umaangkop sa kasalukuyang kalagayan. Dahil dito, karaniwang hindi lapat at sa gayo’y nabibigo ang mga binuong balak, patakaran, mga kampanyang masa, pagsasagawa ng kabuuang AOM, gerilyang operasyon ng BHB at maging ang mga planong militar ng mga ito. Kamaliang inireresulta rin nito ang pagkilala sa mga bagay sa kanilang panlabas na anyo at hindi ang esensya nito na makikita sa pag-aaral sa mga kontradiksyon, laluna sa mga pangunahing kontradiksyon sa loob ng mga bagay. Ugat ang katamaran sa pag-aaral sa kasaysayan, sa kasalukuyang kalagayan at sa mga saligang prinsipyo ng Partido. Hindi nasasapol na ang lahat ng bagay ay nasa proseso ng walang tigil na pagbabago at upang maging lapat, wasto at aktibo ang pamumuno ng Partido sa pagrerebolusyon ng malawak na masa, kinakailangang palaging taglay nito ang sariwang kaalaman ng kasalukuyan habang may malalim na pagkabatid sa kasaysayan at na dapat sapul nito ang estratehikong tungkulin at direksyon ng Partido sa pagsusulong ng dalawang yugtong rebolusyon.

Dagdag pa, matalas na tinukoy ang kamalian ng papira-piraso, hiwa-hiwalay at hindi buong pagtingin sa mga bagay. Sa ilang subrehiyon, matalas ding tinukoy ang pagbitiw sa mga istratehikong tungkulin at usapin at pagpapakalunod sa mga minor at taktikal na mga gawain at usapin. Lumakas ang agos ng indibidwalismong petiburges at pyudal na pananaw, paglabag sa disiplinang pang-organisasyon, pagkatakot sa kahirapan, kagipitan, sakripisyo at kamatayan. Higit itong naobserbahan sa panahon ng hindi karaniwang kahirapan, sakripisyo, kagipitan at mga nasaksihang kamatayan ng mga kasamang martir, nahuli sa harap ng walang awat na malakihan at sustinidong pag-atake ng kaaway.

Mahigpit na pinuna ang maluwag na pagtangan sa prinsipyo ng linyang masa. Mga partikular na anyo ang pagkukutang bundok, ang pag-asa sa pisikal na tereyn kaysa umasa sa lakas ng lumalawak at lumalalim na baseng masa bilang mga kanlungan upang mapreserba ang sarili sa harap ng nag-ibayong pag-atake ng kaaway. Resulta’y ang pagkauk-uk ng lakas ng Partido, BHB at maging ng baseng masa at bandang huli’y pagkalipol at kung hindi man ay pinsala sa mga depensibang labanan. Anyo din ang pamamaborito sa iilan-ilang mga baryo at sityong nauna nang nasubukang matatag at sa gayon ay kabiguang walang tigil na palawakin at palalimin ang rebolusyonaryong baseng masa sa mga larangan. Malalang anyo at epekto na nagawa sa ilan ang kawalan na halos ng gawaing masa na dumulo sa pagkatakot na sa masa at kawalan na ng tiwala sa kanila.

Tiyak ang pagpapanibagong sigla’t lakas ng demokratikong rebolusyong bayan sa mga susunod na panahon. Itinatakda ito ng apat na mayor na panloob na salik sa Pilipinas at daigdig. Una, ng nagpapatuloy na di maawat na pagkabaon sa walang kaparis na kronikong krisis ng lipunang mala-kolonyal at malapyudal na pinaghaharian ng imperyalismong US, pyudalismo at burukrata-kapitalismo. Ikalawa, ng pagkalugmok ng imperyalismong US at ng buong pandaigdigang sistemang kapitalista sa krisis ng sobrang produksyon na nagtutulak dito upang upatan ang pagputok ng mga sigalot hanggang digmaan sa lahat ng dako ng mundo. Ikatlo, ng marubdob na pagnanais ng sambayanang Pilipino na ibagsak ang lipunang malakolonyal at malapyudal upang kamtin ang tunay na pambansang kalayaan, demokrasya at sosyalistang bukas; at ikaapat, ng antas na inabot ng kahandaan ng proletaryong Partido sa ideolohiya, pulitika at organisasyon ng Partido Komunista ng Pilipinas upang pamunuan ang demokratikong rebolusyong bayan.

Determinado ang Partido na ibayo pang palalimin at palawakin at dalhin hangang sa tagumpay ang kasalukuyang kilusang pagwawasto. Matapat ito sa kanyang misyong pamunuan ang pakikibaka ng sambayanang Pilipino para sa pambansang kalayaan, demokrasya at sosyalismo. Naniniwala ang Partido na tanging sa pagwawasto sa mga sariling kamalian magiging tumpak ang pamumuno nito sa buhay-at-kamatayang pakikibaka ng sambayanan laban sa imperyalismong US, pyudalismo at burukrata kapitalismo.

Dahil dito, makakapagpalakas ang Partido at magagawa nitong mahigpit na pamunuan ang pakikibaka ng sambayanang Pilipino laban sa papet, pasista at burukrata-kapitalistang rehimeng US-Marcos II. Hinog na hinog ang rebolusyonaryong sitwasyon sa harap ng walang kaparis na krisis sa ekonomya’t pulitika ng imperyalismo, pumuputok na mga gyerang proxy at nagbabadyang inter-imperyalistang gyera. Dinadala nito sa pagkahinog ang kronikong krisis ng lipunang malapyudal at malakolonyal at nililikha ang sitwasyon sa rebolusyonaryong paglaban at pagdaluyong ng sambayanang Pilipino!

Magwasto at ibayong palakasin ang Partido!
Mabuhay ang ika-56 anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas!
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang National Democratic Front of the Philippines!
Mabuhay ang rebolusyon at sambayanang Pilipino!

Palalimin at palawakin ang kilusang pagwawasto upang ibayong palakasin ang Partido sa rehiyong Timog Katagalugan! Pamunuan ang paglaban ng sambayanan sa papet, pasista at mandarambong na rehimeng US-Marcos II! Mapagpunyaging isulong ang pambansa-demokratikong rebolusyon!