Ika-56 anibersaryo ng Partido, ipinagdiwang sa Rizal
Kahit pa sa gitna ng matinding mga operasyon ng AFP, matagumpay na idinaos ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Rizal (Narciso Antazo Aramil Command) ang pagdiriwang sa ika-56 anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas. Dinaluhan ito ng mga kasapi ng Partido at mga rebolusyonaryong pwersa mula sa sektor ng mga magsasaka, kababaihan, kabataan-estudyante, manggagawa at maralitang lungsod.
Mayor at integral na bahagi ng pagdiriwang ang paglulunsad ng pormal na pag-aaral sa pahayag ng Komite Sentral para sa ika-56 anibersaryo ng Partido. Higit 50 katao mula sa kanayunan at kalunsuran ang lumahok sa naturang talakayan. Sa diwa ng kilusang pagwawasto, kritikal at mapagkumbabang tinukoy sa pag-aaral ang mga umiiral pa ring kahinaan na dapat igpawan kapwa sa kilusang masa at armadong pakikibaka.
Nagsagawa naman ng mga pangkulturang pagtatanghal ang Pulang Bandila ng BHB-Rizal at ang mga dumalong rebolusyonaryong pwersa. Tampok din sa pagdiriwang ang paglikha ng mga sining biswal ng mga mandirigma at mga rebolusyonaryong pwersa mula sa kalunsuran hinggil sa tema ng pahayag ng Partido at pagsusulong ng Kilusang Pagwawasto.
Marami sa mga dumalo ay unang beses lamang nakapasok sa yunit ng Bagong Hukbong Bayan.
Pahayag ni Ka Ino, “Kapag nakakakita ako ng mga militar, o kahit sinong armado, talagang natatakot ako. Pero ngayon, kapiling ko ang hukbong bayan, walang kahit anong takot, at panatag ang loob ko na ligtas kami.”
Ayon din sa mga bisita, naging patunay ang aktibidad na walang saysay ang sinasabi ng reaksyunaryong estado na humihina na ang rebolusyonaryong kilusan. Sa pagtatapos ng programa, marami ang nagpahayag ng kagustuhang manatili upang makipamuhay sa BHB.
Sa pagtatapos ng pagdiriwang, naglunsad ang yunit ng kapehan sa temang “Ang papel ng kabataan sa kilusang pagwawasto.” Sa salitan ng pahayag at awitin mula sa mga Pulang mandirigma at rebolusyonaryong pwersa, ibinahagi ang kabuluhan ng kilusang pagwawasto at kung paano ito isinasabuhay ng bawat isa.
“Tumimo sa akin ang salitang ‘ubos-kaya’, ng pag-aambag talaga ng lahat ng maibibigay natin,” ayon kay Ka Luwal. “Nakita kong kailangan talagang maging kritikal sa sarili, at na kakabit ng kilusang pagwawasto ang pagpapanibagong-hubog,” dagdag niya.
Ipinahayag ng marami ang pagpapatibay ng kanilang perspektiba na tahakin ang landas ng armadong pakikibaka sa hinaharap. Sa paggunita at pag-alay ng awitin para sa mga kasamang martir mula sa Southern Tagalog at iba pang bahagi ng bansa, ipinahayag ng mga kasama ang komitment na tanganan ang armas na naiwan ng mga dakilang martir ng bayan.