Palpak na flood control at pandarambong sa kalikasan, nagpatindi sa epekto ng shear line sa EV
Dapat singilin ng mamamayan ng Eastern Visayas ang rehimeng US-Marcos para sa mga ipinatupad nitong palpak at batbat ng korapsyon na proyektong flood control, gayundin ang pandarambong sa kalikasan, na nagpatindi sa epektong dala ng shear line sa rehiyon.
Nalubog sa baha at gumuho ang lupa sa maraming lugar sa Samar, Leyte at Biliran dahil sa walang humpay na pag-ulan mula pa noong Enero 4. Sa kabila ito ng hindi bababa sa ₱20.5 bilyong halaga ng mga proyektong flood control sa buong rehiyon, ayon mismo sa website na Sumbong sa Pangulo. Mas malaki pa ang aktwal na halaga dahil ang kabuuang ₱540 bilyon halaga ng mga proyekto sa website ay nasa 32% lang ng ₱1.7 trilyong flood control projects sa panahon ng 2018-2025.
Si Marcos na hari ng korapsyon, kasama ang mga lokal na burukrata at mga kontraktor, ang nasa likod ng walang pakundangang pagtatayo ng mga hindi angkop na proyekto upang maghabol ng kita at kikbak sa kapinsalaan ng mga ordinaryong tao. Mula nang maupo sa kapangyarihan, si Marcos ang nag-aapruba sa pambansang badyet na ipinanukala ng mga lokal na burukrata sa mga bayan at prubinsya. Kakunsabo niya si dating Ako Bicol Rep. Elizaldy Co na nakakopo sa 19 proyektong nagkakahalaga ng ₱6 bilyon.
Nalantad ng mga matinding pagbaha sa Eastern Visayas na ang mga bayan na pangunahing tinambakan ng flood control projects ang siya ring nakaranas ng matinding pagbaha. Kabilang dito ang Tacloban City (mayroong ₱2.4 bilyon na kabuuang halaga ng proyekto), Santa Fe (₱348 milyon), at Alangalang (₱302 milyon), na pawang sakop ng unang distrito ng Leyte kung saan representate si Martin Romualdez.
Sa Biliran, na balwarte ng mga kontraktor na pamilya Espina, napawalang-saysay ang aabot sa ₱1.24 bilyong kabuuang halaga ng mga proyektong flood control, sa gitna ng matitinding pagbaha at pagguho ng lupa sa mga bayan ng Naval, Kawayan at Culaba.
Matinding pagbaha rin ang naranasan sa Catarman, Northern Samar (na may ₱594 milyon halaga ng flood control project); Borongan City (may ₱122 milyon) at Llorente (₱107 milyon) sa Eastern Samar; at Calbayog City (₱510 milyon) sa Western Samar.
Liban sa mga palpak na flood control project, marami ring ibang proyektong imprastruktura ang hindi tapos, tulad ng mga irigasyon sa Catubig at Gamay, Northern Samar at mga farm-to-market road sa Llorente. Lalo kung walang masusing pag-aaral, ang mga ito ay nagbabago sa natural na katangian ng kalikasan sa lugar na nagpapatindi sa epekto ng mga bagyo at ulan.
Kaalinsabay, walang tigil din ang mga extractive industry sa rehiyon na sumisira sa kalikasan. Kabilang dito ang pagmimina ng buhangin sa Palapag River, sa pangunguna ng negosyanteng si Myrna Mujuela at lokal na gubyerno, at sa Gamay River na pinangungunahan naman ng convicted sa nepotismo na si Tim Capoquian. Patuloy din ang pagmimina ng bauxite sa central-west Samar ng kumpanyang pagmamay-ari ni Romualdez, pagmimina ng ginto sa Eastern Samar, pagkakwari sa Leyte, at pagtotroso sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon.
Minamadali rin ang mga gini-“greenwash” na proyekto tulad ng Gemini Wind Project sa bahagi ng isang protected area sa Calbayog City, renewable energy projects sa Northern Samar, at pagtatayo ng plantasyon ng kawayan sa bahagi ng Samar Island Natural Park.
Kataku-takot na pinsala sa mamamayan at kalikasan ang idudulot ng mga proyektong ito, na inilulusot bilang magbibigay umano ng kabuhayan at kita para sa gubyerno. Kita lang para sa iilan ang idudulot nito, kasabay ng matagalan at hindi na mababawing pinsala sa buhay at kabuhayan ng mamamayan. Hindi ito dapat palampasin ng taumbayan.
Sa gitna ng pagragasa ng pagbaha, kapansin-pansin ang pagsisikap ng mamamayan ng Eastern Visayas sa social media na ilantad at kwestyunin ang mga walang kwentang at maanomalyang proyektong imprastruktura sa rehiyon. Higit pa rito, lubhang kailangang mag-organisa at tuluy-tuloy na magprotesta upang mayanig at matulak ang gubyerno na tugunan ang mga panawagan ng mamamayan. Sa pamamagitan ng organisadong pagkilos makakamit ang demanda para sa makatarungang kumpensasyon para sa mga biktima ng kalamidad, pagpapanagot sa mga tiwaling upisyal, pagpapatigil sa mga mapanirang proyekto at pagpapalayas sa mga mandarambong ng kalikasan.
Sa ilalim ng programa ng demokratikong rebolusyong bayan, itinatakwil ang mga proyektong nakatuon sa kita, nagwawaldas ng pera ng bayan, at sumisira sa kalikasan. Sa mga lugar kung saan naitayo na ang Demokratikong Gubyernong Bayan (DGB), mga ordinaryong mamamayan ang nasa kapangyarihan. Tinitiyak ng DGB na ang mga proyekto ay nagsisilbi sa kapakinabangan prinsipal ng mayorya na mahihirap.