Panagutin ang kriminal at inutil na rehimeng US-Marcos II sa pinsala ng baha at kalamidad!
Hindi pa nakababangon mula sa epekto ng matinding El Niño ang mamamayan ng Southern Tagalog nang manalasa ang Bagyong Carina at hanging habagat nitong huling linggo ng Hulyo. Napasailalim sa state of calamity ang lalawigan ng Cavite, Batangas at Oriental Mindoro. Sa konserbatibong ulat ng gubyerno, umabot na sa P111.81 milyon ang pinsala sa agrikultura sa CALABARZON na sumaklaw sa 4,987 ektaryang taniman. Samantala, umabot naman sa P59 milyon ang kabuuang pinsala sa agrikultura sa Oriental Mindoro. Bagamat hindi nagdeklara ng state of calamity, kabilang din ang munisipalidad ng Taytay, San Mateo, Morong, Rodriguez, at Angono sa lalawigan ng Rizal sa mga pinakamatinding napinsala ng kalamidad sa rehiyon.
Paulit-ulit ang kriminal na pagpapabaya ng gubyernong Marcos Jr. sa panahon ng kalamidad na masusuma sa limang punto:
Una, palpak, palyado at pakitang-tao ang disaster response ng gubyerno! Pilit na ikinukubli ng gubyernong Marcos Jr. ang tunay na datos ng naging pinsala para pagmukhaing epektibo ang programa nito at higit sa sapat ang kanilang naipamamahaging ayuda. Gayunman, inilalantad ng naghuhumiyaw na daing ng milyun-milyong nasalanta ng kalamidad ang kapabayaan ng gubyerno. Kulang na kulang ang iilang kilong bigas at ilang pirasong sardinas at noodles para sa ilang araw na konsumo ng bawat pamilyang benepisyaryo nito.
Lalo namang inilulubog ng DA sa kahirapan ang mga nasalantang magsasaka, na lunod na nga sa utang sa produksyon, dahil sa alok nitong pautang sa halip na ayuda. Masahol pa, tanging mga magsasaka sa lowland o mga lugar malapit sa sentrong bayan ang maaaring maging kwalipikadong benepisyaryo pero hihingan pa ng kung anu-anong katibayan ng tinamong pinsala bago mabigyan. Napakainutil ng gubyernong Marcos Jr. para ietsapwera ang mga magsasaka sa kabundukan na nasiraan din ng pananim na saging, niyog at palay-kaingin dahil sa pagbayo ng malakas na hangin at mga landslide.
Pakitang-tao, pili at reaksyunaryo ang disaster response ng gubyernong Marcos Jr. Pilit na isinasalba ng gubyerno ang bulok nitong imahe sa pamamagitan ng pagpapabida sa panahon ng relief operations. Sa kanayunan, ginagamit ng gubyerno ang pasistang AFP-PNP sa mga relief operations sa desperasyong linisin ang kanilang mga kamay na tigmak ng dugo ng mga biktima ng nagpapatuloy na militarisasyon sa mga komunidad ng magsasaka, manggagawa at katutubo. Kahit na anong pag-aastang mabuti ng Philippine Army sa mga relief at rescue operations nito sa Rizal, hindi malilimutan ng mga Rizaleño na ang 80th IBPA mismo ang protektor ng mga mapangwasak na proyektong nagdulot ng matinding pinsala sa kanilang prubinsya. Batid din ng mamamayan na kaakibat ng ginagawang ito ng mga sundalo at pulis ang sapilitang pagpapasuko sa mga sibilyan.
Ikalawa, paliit nang paliit ang inilalaang calamity fund ng gubyerno sa kabila ng pagiging bulnerable ng bansa sa mga kalamidad. Bumaba ng P470 milyon ang inilagak na calamity fund mula sa pambansang badyet nitong 2024. Maliit na nga, ipinagdadamot pa ang pondong ito sa mamamayan. Kinakailangan pang magdeklara ang mga LGU ng state of calamity upang mabilis na maakses ang calamity fund. Sa Rizal, dumanas ng ilang araw na kagutuman ang mga apektadong residente dahil sa hindi kagyat na paglalabas ng pondo para sa relief operations. Dagdag pa, dahil sa labis na kakulangan ng pondo, halos mamalimos ang mga LGU sa mga non-government organizations (NGO) para magkaroon ng sapat na maipamamahaging relief goods sa kani-kanilang saklaw.
Ikatlo, habang ipinagdadamot ang calamity fund sa mamamayan, lansakang nilulustay ng gubyernong Marcos Jr. ang pondo para sa kalamidad! Ipinagmalaki ng adminitrasyong Marcos Jr. ang 5,500 flood control projects nito na pinondohan ng P244.57 bilyon noong SONA. Ngunit tumambad sa taumbayan ang kawalang kapakinabangan sa mga proyektong ito noong panahon ng matinding pag-ulan at pagbaha. Sadyang substandard dahil kinukurakot ang pondo at patsi-patsi ang pagpapatupad ng mga proyektong flood control kaya’t hindi epektibo sa panahon ng kalamidad.
Taun-taon ding naglalabas ng pondo ang gubyerno para sa pagpapatayo at pagsasaayos ng mga evacuation centers. Pero hindi pa rin sapat hanggang ngayon ang mga nakatayong pasilidad para akomodahin ang mga nasasalanta ng kalamidad kaya pangunahin pa ring ginagamit ang mga pampublikong eskwelahan bilang evacuation centers. Dahil sa kainutilan ng gubyerno, napipilitan ang marami na maghanap ng sariling masisilungan.
Pinalobo ang pondo ng mga proyektong ito para gawing kaban ng dinambong na yamang pinaghahati-hatian nina Marcos, ng kanyang mga kontratistang kroni, ng mga korap na opisyal ng DPWH at ng mga kasabwat na lokal na burukrata-kapitalista.
Ikaapat, pinalalala ng mga mapangwasak na proyekto ng gubyernong Marcos Jr. ang mga kalamidad! Ipinagpapatuloy ng rehimeng US-Marcos II ang patakaran ng pagwasak sa kapaligiran alang-alang sa tubo ng mga kapitalista. Noong diktadurang US-Marcos, ibinuyangyang ang Pilipinas sa mga kumpanya ng mina at troso na nanalasa sa buong bansa. Naging mayor na taga-eksport ang Pilipinas ng troso sa US at Japan sa ilalim ng konsesyon nina Enrile at Ramos. Higit 8 milyong ektarya ng kagubatan ang nawala. Samantala, malaki ang pananagutan ni Marcos Sr. sa pinsala sa mina ng Marcopper sa Marinduque. Nagsimula ang Marcopper na manalasa noong 1969 sa Marinduque. Pagmamay-ari ni Marcos Sr. ang kalahati ng sapi ng Placer Dome, ang kumpanyang nagkokontrol sa Marcopper.
Ngayon, patuloy ang pandarambong sa ilalim ng anak ng diktador na si Marcos Jr. Matatagpuan sa Rizal ang pinakamaraming operasyon sa pagmimina at quarry na sumasaklaw sa 3,622 ektaryang kabundukan nito kabilang na ang Upper Marikina River Watershed. Bukod dito, nagpapatuloy rin ang konstruksyon ng mga dambuhalang Wawa-Violago at Kanan-Kaliwa Dam. Ayon sa mga Rizaleño, bumilis ang pagragasa ng tubig sa mga ilog at gumuho ang ilang mga bahagi ng kabundukan mula nang itayo ang Wawa Dam na nagdulot ng mabilis na pagbaha sa mga mas mababang lugar malapit dito. Damang-dama na rin ng mamamayan sa prubinsya ang epekto ng pagkasira ng daan-daang ektaryang kabundukan ng Sierra Madre dahil sa konstruksyon ng Kaliwa-Kanan Dam.
Sa MIMAROPA, lubog sa baha tuwing may kalamidad ang mga bayan ng Baco, Naujan, Calapan, at Victoria sa Oriental Mindoro dahil sa patuloy na mapangwasak na operasyon ng Sta. Clara Power Corporation (SCPC) na sumisira sa Upper Amnay Watershed Region. Dagdag pa ang paparaming bilang ng quarry operations sa buong kahabaan ng Mag-asawang Tubig at Bucayao River. Sa Timog Palawan, ang malawakang dayuhang pagmimina ang dahilan kung bakit bumilis ang pagbaha gayong dati itong hindi bahaing lugar.
Kasinungalingan ang paliwanag ng gubyerno na “high tide” ang nagpaapaw sa Manila Bay na nagpabaha sa NCR at Cavite noong kasagsagan ng matinding pag-ulan. Pinagtatakpan ng gubyerno ang katotohanang dahil ito sa malalawak na proyektong reklamasyon sa Manila Bay na umabot na sa 47 libong ektarya. Mula nang isagawa ang reklamasyon sa lawa, higit na naging bulnerable sa storm surge, pagguho ng baybayin at matinding pagbaha ang mga lugar malapit dito.
At panghuli, lalong nagiging bulnerable sa kalamidad ang mamamayan dahil sa mga anti-maralitang patakaran ng gubyerno. Dislokasyon at pagkalayo sa kabuhayan ang resulta ng anti-maralitang programa sa urban development ng gubyerno. Walang balak ang inutil na gubyerno na lutasin ang suliranin para sa ligtas at maayos na panirikan ng mga maralitang mamamayan. Alam na nga’t mapanganib, pilit pa ring itinatayo ng gubyerno ang mga relocation sites sa mga hazardous areas gaya ng sa Rizal at Cavite kaya’t lalong lumalaki ang bilang ng maralitang napipinsala sa panahong may kalamidad.
Bukod sa maralitang lungsod, biktima rin ng dislokasyon ang libu-libong magsasaka dahil sa malawakang pangangamkam ng lupa sa kanayunan para bigyang-daan ang mga development projects ng malalaking burgesya kumprador at panginoong maylupa. Sa Batangas, daanlibong nadislokang magsasaka ang naoobligang manirahan sa mga mapanganib na lugar at nalalayo sa kanilang pook-kabuhayan.
Ang palalang epekto ng bagyong Carina at habagat na bunsod ng mabilis at malalang pagbabago ng klima ay hindi purong natural na penomenon. Mayor na salik sa mabilis na pagbabago ng klima ang imperyalistang pandarambong sa kalikasan. Masyadong minamalaki ng gubyerno ang usapin ng solid waste management at pagkakaingin ng maralitang mamamayan gayong lansakang pinahihintulutan ang mga pabrika na gawing tambakan ng basura ang karagatan at patagin ang kabundukan dahil sa mina! Sa halip na papanagutin ang malalaking pabrikang nagbubuga ng karbon na sumisira sa ozone layer ng mundo, pilit na ipinapasa ng gubyerno ang sisi sa mamamayan. Kung kaya’t ang pakikibaka para sa climate justice ay hindi hiwalay sa pakikibaka ng mamamayan para ibagsak ang imperyalismo, pyudalismo at burukrata-kapitalismo!
Nararapat kundenahin ang rehimeng US-Marcos II sa pagpapahintulot nito sa mga proyektong mapangwasak sa kalikasan ng bansa! Dapat na ilantad ang greenwashing o pagpoposturang makakalikasan ng gubyernong Marcos Jr. para gawaing pantabing sa mga dambuhalang proyekto na itinutulak ng imperyalismong US at iba pang dayuhang monopolyo-kapitalista! Higit pang pangwawasak at hindi pagsalba sa kalikasan ang idinudulot ng mga proyektong ito na nagreresulta ng matitinding panganib sa buhay at kabuhayan ng mamamayan sa panahon ng kalamidad.
Dapat na panagutin ang rehimeng US-Marcos II sa kriminal na pagpapabaya nito sa panahon ng kalamidad at igiit ang kagyat na pamamahagi ng calamity fund! Dapat na isakdal ng taumbayan ang gubyernong Marcos Jr. dahil sa lansakang pagnanakaw nito sa pondo ng bayan para sa kalamidad!
Habang kumikilos para panagutin ang rehimeng US-Marcos II, dapat na magtulungan ang mamamayan at maglunsad ng mga proyekto ng pagbangon. Sa pangunguna ng mga samahang masa sa ilalim ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP), isagawa ang programang pangkalamidad ng Demokratikong Gubyernong Bayan (DGB). Ilunsad ang kampanyang relief at rehabilitasyon sa anyo ng mga tulungan para sa pagkukumpuni ng mga nasirang bahay at pagsasaayos ng mga nasirang pananim. Ilunsad din ang kampanya sa rebolusyong agraryo at isulong ang minimum na programa ng reporma sa lupa sa panahon ng kalamidad. Habang isinusulong ang pagkakaroon ng makatwirang subsidyo para sa mga magsasaka, buuin ang pagkakaisa at ipaglaban ang pagpapawalambisa ng utang sa produksyon ng mga magsasakang nasalanta ang hindi bababa sa 20 porsyento ng kanilang inaasahang ani.
Bukod dito, dapat ding tiyakin ang pagbubuo at pagpapatupad ng mga patakaran sa pangangalaga sa kalikasan laluna sa mga eryang bulnerable sa pagbaha at pagguho ng lupa. Ilunsad ang kampanyang edukasyon sa layuning ipalaganap ang epekto ng patuloy na pangwawasak sa kalikasan dahil sa proyektong dam, mina at quarry! Bukod dito, tuluy-tuloy na ikampanya sa taumbaryo ang tamang pagtatapon ng iba’t ibang klase ng basura at sistema ng “recycling”.
Walang ibang aasahan ang mamamayan kundi ang sarili nitong lakas! Sa harap ng kriminal na pagpapabaya ng estado sa panahon ng kalamidad, higit lalong nauunawaan ng mamamayan ang pangangailangang ibagsak ang estado at itayo ang Demokratikong Gubyernong Bayan na magsisilbi para sa kanilang mga demokratikong interes at kagalingan. Sa pamumuno ng CPP-NPA-NDFP, ubos-kayang magpupunyagi ang rebolusyonaryong kilusan na ipagtagumpay ang demokratikong rebolusyong bayan at hawanin ang daan tungo sa lipunang masagana, mapayapa at makakalikasan!###