Panagutin ang mga dambuhalang kumpanya ng mina at ang kasabwat na rehimen ni JCA at rehimeng US-Marcos-Duterte sa malawakang pagbaha sa Brooke’s Point!

,

Dapat na tuligsain ang dayuhan at malakihang operasyon ng mina at iba pang mapaminsalang proyekto sa probinsya na pangunahing sanhi ng malawakang pagbaha, laluna sa bayan ng Brooke’s Point. Dinisloka ng kalamidad na ito ang 3,903 pamilya o 19,292 indibidwal sa 16 sa 18 barangay sa nasabing bayan, ayon sa ulat ng PDRRMO. Para sa mga residente ng Brooke’s Point, ang matinding pagbaha nitong Enero 5 ay mas malala pa sa malawakang pagbaha noong dekada 1970 dahil pinalubog nito ang mismong sentro ng bayan, na ngayon lamang nangyari sa kasaysayan.

Matatandaang noong nakaraang taon ay isinailalim na sa isang buwang state of calamity ang buong bayan dahil sa malawakang pagbahang dulot ng pananalasa ng bagyong Odette. Ang ganito kalalang epekto ng natural na kalamidad ay pinalala ng penomenon ng deporestasyon o malawakang pagkakalbo ng kagubatan na kalahating-siglo nang nananalanta sa probinsya. Ang mawalakang pagkakalbo ng kagubatan ay pangunahing idinulot ng operasyon ng mga dambuhalang kumpanya ng mina, plantasyon ng oil palm at iba pang proyektong agro-turismo. Partikular sa Brooke’s Point, 1970 pa nagsimula ang operasyon ng mina nang maglunsad ng exploration activities ang Nippon Mining Company of Japan (Nippon) at Infanta Mineral and Industrial Corporation (Infanta) sa mga barangay ng Ipilan at Mambalot. Bagama’t eksplorasyon lamang ang ginawa ng dalawang kumpanya, libo-libong primera-klaseng puno ang kanilang iligal na pinutol kabilang ang almaciga at ipil.

Taong 1993 nang ginawaran ng gubyerno ng Mineral Production Sharing Agreement (MPSA) ang Celestial Nickel Mining and Exploration Corporation ng 2,835.06 ektarya sa Brgy. Ipilan at Maasin na taong 2005 ay mapupunta sa Ipilan Nickel Corporation (INC). Ang lupaing ito ay ang dating sinaklaw ng ekplorasyon ng Nippon. Samantala, ang dating kumpanyang Infanta naman na naging MacroAsia Mining Company (MMC) na pag-aari ni Lucio Tan ay binigyan nitong 2006 ng MPSA sa 1,113.9836 ektarya at karagdagan pang 410 ektarya sa saklaw ng Brgy. Ipilan, Mambalot at Maasin.

Mula kalaghatian ng 2000 nagtuluy-tuloy na ang operasyon ng dalawang dambuhalang kumpanya ng mina sa nasabing bayan habang ipinagbawal ang operasyon ng maliliit na mina (small-scale). Ito ay sa kabila ng deklarasyon ng gubyerno na isang protektadong erya ang Mt. Matalingahan mula 2009 na may bahaging saklaw ng bayan ng Brooke’s Point. Katunayan, nitong 2017 naiulat ang pagkalbo sa 20 ektaryang lupain at pamumutol ng 7,000 puno sa saklaw ng Mt. Matalingahan, liban dito ang karagdagan pang 18,000 punong pinutol sa saklaw ng Brgy. Ipilan at Maasin. Pero matapos suspendihin ng noo’y punong alkalde ng bayan na si Jean Feliciano ang permit ng INC ay tinanggal siya sa pwesto ng Ombudsman. At makalipas ang ilang taong moratorium sa open pit mining sa buong bansa mula 2012, muli itong pinahintulutan ng tiranikong rehimeng US-Duterte nitong 2021.

Dapat ring papanagutin ang nagbibingi-bingihang probinsyal na gubyerno ng Palawan sa malakas na pagtutol ng mamamayan laban sa mina, laluna ng mga taga-Brooke’s Point. Taong 2009 nang inilunsad ang isang malawakang kilos-protesta sa nasabing bayan na dinaluhan ng 15 sa 18 barangay laban sa operasyon ng INC at MMC. Nito lamang nakalipas na taong 2022, humugos ang may 1000 residente ng nasabing bayan para tutulan ang muling pagbabalik ng operasyon ng INC at MMC pero sa halip, nagsilbing kasangkapan pa ang mga reaksyunaryong institusyon ng NCIP at DENR para linlangin at iratsada ang nasabing mapaminsalang mga operasyon.

Walang ibang nakinig sa panawagan ng mga Palaweño at mamamayan ng Brooke’s Point kundi ang ilang progresibo at aktibistang nagtatanggol sa kalikasan at karapatan ng mamamayan na marahas na sinusupil ng estado, at ang rebolusyonaryong kilusang pinamumunuan ng CPP. Ilang ulit na pinatawan ng parusa ng mga yunit ng NPA ang mga dambuhalang operasyon ng mina sa probinsya at iba pang panig ng bansa sang-ayon sa kahilingan ng taumbayan. Ang pakikibakang ito na pinagbuwisan na ng buhay ng hindi iilang Palaweño at kapwa Pilipinong nagtanggol sa kalikasan at karapatan ng mamamayan ay magpapatuloy at lalo pang iigting. Sa harap ng ganitong mga sakuna, lalong dapat na pahigpitin nila ang pagkakaisa at pagkilos para igiit at ipaglaban ang kanilang mga karapatan. Dapat singilin at papanagutin ang mga dayuhang dambuhalang korporasyon ng mina, ang estado ng mga naghaharing uri, at ang mga kasabwat sa probinsyal na gubyerno na pinamumunuan ni JCA sa sakunang ito. Hindi dapat magpasupil ang bayan sa anumang pakikipagsabwatan ng mga kumpanyang ito sa lokal na gubyerno at mga yunit sa ilalim ng WesCom at patuloy na pag-ibayuhin ang kanilang paglaban. Kasabay nito, dapat ibayong suportahan ng mamamayan ang rebolusyon na tanging magwawakas sa dominasyon at pangwawasak ng imperyalismo at lokal na naghahari sa likas-yaman ng bansa.###

Panagutin ang mga dambuhalang kumpanya ng mina at ang kasabwat na rehimen ni JCA at rehimeng US-Marcos-Duterte sa malawakang pagbaha sa Brooke’s Point!