Panatilihing buhay ang pamanang iniwan ni Ka Sandy sa rebolusyon
Ngayong ikalawang taon ng pagkamatay ni Josephine “Ka Sandy” Mendoza, marapat na bigyang buhay ang kanyang iniwang pamana sa muling pagpapasigla at pagsusustine ng mga pakikibakang bayan sa Timog Katagalugan. Ibinibigay ng NDFP-ST at ng mamamayan ng Timog Katagalugan ang ubos kaya nilang lakas upang muling likhain ang daluyong ng pakikibaka ng kasaysayan bilang pagdakila kay Ka Sandy.
Si Ka Sandy ay kagawad ng Komite Sentral at tumayong ikalawang pangalawang kalihim ng Komiteng Rehiyon ng Timog Katagalugan bago ang kanyang pagpanaw noong Nobyembre 10, 2023. Isa siya sa mga haligi ng rebolusyonaryong kilusang lihim sa kanayunan at kalunsuran sa rehiyon.
Sa kanyang pagpanaw, naririyan ang mga rebolusyonaryong kadre ng Partido at mga pwersa ng kilusang lihim na nagpapatuloy sa kanyang iniwang tungkulin. Ngayon, sa dalawang taong lumipas, patuloy na nagpapalawak ang mga rebolusyonaryong samahang masa at nagpapatuloy pa itong yumabong upang maging matatag na pwersa laban sa reaksyunaryong estado na kinakatawan ni Ferdinand Marcos Jr. Hindi nila inalintana ang atake ng puting lagim ng estado para isulong ang pambansa-demokratikong mithiin ng bayan.
Sa gitna ng mainit na isyu ng korapsyong kinasasangkutan ng rehimeng US-Marcos II na nagpapabulwak sa kilusang masa, marapat muling palakasin at patatagin ang mga rebolusyonaryong samahang masa at gulugod nitong mga organo ng Partido. Gawing malaganap ang kampanyang edukasyon sa hanay ng demokratikong samahang masa sa kanayunan at kalunsuran upang talakayin ang korapsyon bilang katangian ng burukrata kapitalismo na pagpapanatili ng bulok na sistema ng malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino sa pagkandili ng imperyalismong US. Kailangang idiin at malawakang itanghal ang pambansa demokratikong rebolusyon bilang natatanging solusyon sa kasalukuyang krisis ng lipunan na dulot ng mga salot na imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo.
Habang lumalala ang kalagayan ng lipunang Pilipino, ipinapangako ng rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon ang mahigpit nitong pagtangan sa tungkulin na isagawa ang malawakang pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos tungo sa pagpapalakas ng pambansa demokratikong rebolusyon. Sa gitna ng kasalukuyang init ng sitwasyong pampulitika, pang-ekonomya at pangmilitar sa bansa, inspirasyon ang rebolusyonaryong paglaban ni Ka Sandy upang higit na tumatag ang mga rebolusyonaryong pwersa. Sa diwa ng paglaban ni Ka Sandy kapwa sa pasistang estado at sa kanyang pagkakasakit, nakahanda ang mga rebolusyonaryong pwersa sa Timog Katagalugan na tanggapin ang kasalukuyang mga hamon ng pakikibaka at isulong ang pambansa demokratikong rebolusyon anuman ang kapalit..