Hamon sa mga kabataang estudyante Patatagin ang hanay, salagin ang mga atake at labanan ang pasismo
Sa buwang ito, sama-sama at militante nating gunitain ang mga kilusang kabataang estudyante na nag-iwan ng marka sa kasaysayan at nagpatunay sa lakas na taglay ng nagkakaisang hanay ng mga kabataan. Ipanata nating ipagpapatuloy ang kasaysayang ito at pananatilihing nag-aalab ang paglaban ng mga estudyante para sa tunay na demokrasya at kalayaan lalo sa gitna ng sumasahol na panunupil sa mamamayan at pagtindi ng imperyalistang agresyon sa kasalukuyang panahon.
Isa rito ang pakikibaka ng mga estudyante sa mga pamantasan ng Czech Republic (ngayo’y Czechia) laban sa Nazismo noong 1939, na binabalikan tuwing Nobyembre 17 bilang Internasyunal na Araw ng mga Estudyante. Marapat kilalanin at humalaw ng inspirasyon mula sa magiting na pakikibaka ng mga kabataang estudyante sa Czechia at iba pang bansa sa madugo at brutal na pang-aatake ng mga Nazi. Sentro ng paglaban ng mga estudyante ang pananakop ng Nazi Germany sa Czech at ang pagpatay ng mga pasista sa mga kabataang aktibista at manggagawa. Libu-libong estudyante ang nagpoprotesta at tumindig laban sa pasismo. Bilang ganti, nilusob ng mga Nazi ang mga pamantasan at noong Nobyembre 17, siyam na estudyante at propesor ang kanilang binitay. Aabot naman sa 1,200 kabataan ang ipinadala sa mga concentration camp.
Ang ipinakitang kabayanihan ng mga estudyanteng Czech ay pumukaw sa kanilang kapwa Czech at nag-ambag sa paglawak at pag-igting ng pakikibakang kontra-Nazi. Naging simbolo ang Nobyembre 17 ng paglaban para sa kalayaan at sinimulan itong gunitain noong 1940. Sa unang taong komemorasyon, muling itinayo ang Sentral na Asosasyon ng mga Estudyanteng Czechoslovak na dating binuwag ng mga German. Gumampan ng papel sa pagbabangon na ito ang mga kabataan mula sa iba pang bansa sa Europe.
Sa ating sariling bansa, tumatak ang pagkamulat at pagdaluyong ng protesta mga kabataang estudyante noong dekada 1960 na lumundo sa First Quarter Storm ng 1970. Niyanig nito ang papausbong na diktadura ni Ferdinand Marcos Sr. sa kabi-kabilang mobilisasyon na umaabot ng puong libo ang kalahok. Nilabanan ng mga estudyante hindi lamang ang mga mapanupil na patakaran sa loob ng mga eskwelahan, kundi pati ang pambubusabos ng rehimeng Marcos Sr. sa mga manggagawa at magsasaka. Mariin ding kinundena at tinutulan ng mga kabataang estudyante ang imperyalistang gera ng US sa Vietnam.
Nag-iwan ang kilusang kabataang estudyante ng panahong ito ng di-matatawarang ambag sa pagsusulong ng pambansa-demokratikong adhikain ng mga Pilipino. Ang pagtatatag nina Jose Maria Sison sa Kabataang Makabayan noong 1964 ay paunang hakbang sa pagsisindi ng armadong rebolusyonaryong kilusan para sa pagpapalaya at pagkakamit ng demokrasya. Ang mga kasapi ng KM ang kalauna’y mangunguna sa pagbubuo ng Partido Komunista ng Pilipinas-MLM at sa New People’s Army pagdating ng 1969.
Ang Nobyembre 17 at FQS ay mga dakilang kwento ng pakikibaka at pagpapakita ng lakas ng mga kabataang estudyante na hindi kayang hanggahan ng brutalidad at pasismo. Dapat ipalaganap ang ganitong diwa sa buong daigdig at gamitin itong pangontra sa mga pakanang nagnanais ibulid ang mga kabataang estudyante tungong pagiging pasibong pwersang panlipunan. Kabilang dito ang ipinalalaganap na konsumerismo, indibidwalismo at nihilismo na pangunahing dumadaloy sa internet, masmidya at mga institusyong kontrolado ng imperyalismo. Dapat ding balikan ang Nobyembre 17 bilang inspirasyon para sa pakikipagkaisa at pagtutulungan ng mga kabataan mula sa iba’t ibang bansa para sa layuning itaguyod ang katarungan, kalayaan at tunay na kasaganaan.
Sa gitna ng henodisyo laban sa mamamayang Palestine, panggegera ng US-Zionistang Israel sa rehiyong Middle East, nagpapatuloy na proxy war sa Eastern Europe at iba pang armadong sigalot sa Africa at Asia kung saan napapaslang ang mga kabataan at nasisira ang kanilang kinabukasan, lalong lumilinaw na hindi maaaring magpakulong lamang sa apat na sulok ng paaralan ang mga estudyante. Kailangan nilang umalpas sa makitid na mundo ng akademya. Napapanahong makipag-aralan at makipamuhay sila sa iba’t ibang sektor ng lipunan at mamamayan upang lipusin ang pagtataas ng kanilang kamulatan. Sa masusing pag-aaral at kritikal na pagsusuri, lubos nilang mauunawaan ang ugat ng pang-aapi, pagsasamantala at pasismo, at matutuklasan ang wastong solusyon sa mga ito — ang landas ng rebolusyon.
Ang mga umuusbong at dumadaluyong na laban sa iba’t ibang panig ng daigdig na pinangungunahan ng mga kabataang estudyante ay magandang pangitain para sa hinaharap. Tampok sa kasalukuyan ang pagkilos ng mga kabataan mula sa mga pamantasan upang ipatigil ang henosidyong inilulunsad ng Zionistang Israel laban sa Palestine; ang paglahok ng mga kabataan sa mga pakikibakang pang-kapaligiran at para sa climate justice; ang pagtataguyod ng mga kabataang estudyante sa karapatang tao at sibil-pulitikal; at marami pang iba. Dapat ding ibandila ang mahalagang papel ng mga kabataan sa mga armadong kilusang pagpapalaya sa India, Turkiye (dating Turkey), Palestine, Kurdistan, Myanmar at pati rito sa Pilipinas.
Para sa mga estudyanteng Pilipino, malaking hamon ang papasahol na pandarahas ng estado na kaakibat ng kronikong krisis ng malakolonyal at malapyudal na lipunan. Tanda ng walang patawad na pasismo ang panghihimasok ng AFP-PNP sa mga senior high school sa Rizal, mga unibersidad sa Batangas, sa isang pribadong kolehiyo sa Laguna, isang pampublikong kolehiyo sa Quezon. Nais din ng estado na buwagin ang matagal nang umiiral na kasunduang nagbabawal sa pagpasok ng mga tropang militar sa mga kampus ng University of the Philippines kabilang ang sa Los Baños. Kasabay nito, walang pakundangan ang pang-reredtag sa mga lider kabataang estudyante, ligal na pang-aatake gamit ang Anti-Terrorism Law at pagbabanta sa mga kabataang aktibista at kanilang pamilya. Mas malambot ngunit batbat din ng panganib ang mga imbing pakanang lasunin ang kaisipan ng mga kabataan sa pamamagitan ng historical revisionism, demonisasyon sa `komunismo’ at `aktibismo’, at censorship sa mga libro, pelikula at iba pang tagapagdala ng progresibong ideya.
Tulad ng mga nauna’t huwarang kabataang aktibista, magiting na hinaharap ng mga kabataang estudyante mula sa TK ang mga atake. Lalo nitong pinagliliyab ang kanilang mapaghimagsik na damdamin at pinatibay ang kanilang kapasyahang makibaka. Kahanga-hanga ang kanilang determinasyon at katapangan sa harap ng panunubok ng estado. Dapat pa nila itong higit na pag-ibayuhin at hamigin ang pinakamalawak na hanay ng mga kabataan at mamamayan para sa pambansa-demokratikong pakikibaka, tulad ng tradisyong ipinamalas ng kabataang Pilipino sa kasaysayan — mula sa pananakop ng kolonyalistang Spain hanggang sa kasalukuyan laban sa malakolonyal na paghahari ng imperyalismong US at lokal na naghaharing-uri.
Ilang ulit nang ipinakita sa kasaysayan na ang paglubha ng krisis at pananalasa ng pasismo ay pasakalye lamang sa ibayong paglakas ng rebolusyonaryong pakikibaka ng mamamayan. Hanggang tumatalunton sa wastong linyang pampulitika, tiyak na mag-aambag nang malaki ang kilusang kabataang estudyante sa kabuuang pambansa-demokratikong pakikibaka ng mamamayang Pilipino. Sa hanay ng bagong henerasyon ng mga kabataan matatagpuan ang mga susunod na rebolusyonaryong babalikat sa mabibigat na hamon at sakripisyong kaakibat ng pagsusulong ng panlipunang pagbabago.