Pulang saludo sa Kabataang Makabayan sa ating ika-61 anibersaryo!
Kaisa ng rebolusyonaryong kabataan sa buong bansa, napupuno ng sigla na ipinagdiriwang ngayon ng kabataan sa Eastern Visayas ang ika-61 anibersaryo ng Kabataang Makabayan (KM). Sinasaluduhan natin ang lahat ng kasapi ng KM sa pagsisilbi bilang matibay na gulugod ng kilusang kabataan mula sa pagkakatatag nito noong 1964. At hanggang ngayon, ginagampanan nito ang makasaysayang tungkulin ng pagsasalin ng bagong dugo ng mga rebolusyonaryo para sa tuluy-tuloy at matagalang pagsusulong ng digmang bayan.
Sa okasyong ito, alalahanin at parangalan natin ang laksa-laksang magigiting na kasapi ng KM na inialay ang buhay para sa pagpapalaya ng bayan. Bigyan natin ng natatanging pagkilala sina Alex “Ka Xenon” Lagunzad at Joshua “Ka Miyong” Sagdullas, mga Pulang mandirigma na produkto ng militanteng kilusang kabataang-estudyante sa Eastern Visayas, na namartir sa nakaraang mga taon. Iniwan nila ang komportableng buhay para ialay ang kanilang lakas at talino sa para sa adhikain ng masang inaapi at pinagsasamantalahan. Hinahangaan natin silang mga bayani ng sambayanan.
Kilalanin din natin ang kabataang magsasaka na siyang bulto ng kasapian ng Bagong Hukbong Bayan. Sinasaluduhan natin ang mga tulad nina Jennifer “Ka Jenny” Paclita, Edmun “Ka Dalisay” Oros, Edwin “Ka Alas” Ventura, at Rowie “Ka Lysan” Macatane, na napagtanto na hindi dapat makuntento ang masang magsasaka sa isang-kahig-isang-tuka na klase ng pamumuhay. Nakita nila ang pag-asa sa demokratikong rebolusyong bayan at umambag sa pagtatayo sa rebolusyonaryong gubyerno ng mamamayan sa kanayunan.
Hustisya ang nagpapatuloy nating sigaw para sa mga tulad ni Maureen Japzon at iba pang aktibista mula sa sektor ng kabataan na marahas na pinaslang ng estado. Hustisya rin ang sigaw natin para sa mga milyun-milyong kabataan at mamamayan na nagdurusa ngayon sa ilalim ng pasista, pahirap at papet na rehimeng US-Marcos.
Napupuno ang bantayog ng mga bayani ng mga magigiting na martir mula sa Silangang Kabisayaan. Sa pagkilala natin sa kanilang lahat, nawa’y magsilbi silang inspirasyon sa pagharap natin sa tumitinding mga hamon ng tuluy-tuloy na paglaban sa rehimeng US-Marcos.
Nagdurusa ang kabataan sa ilalim ng sistemang malakolonhyal at malapyudal. Nananatiling komersyalisado, kolonyal at mapaniil ang sistemang edukasyon. Nililikha nito ang malaking hukbo ng lakas-paggawa na nag-aagawan sa manipis na empleyo at pinagtitiis sa di-regular na sahod at trabaho, para maging kaakit-akit sa lokal at dayuhang kapitalista na naglalayon lamang pumiga ng maksimum na kita. Marahas na sinusupil at binubusalan ang militanteng kabataan na nakikibaka para sa pagbabago sa naghaharing sistema.
Bukas na bukas ang isip ng kabataan na mamulat at yakapin ang pambansa-demokratikong programa. Sa pagtindi ng krisis ng sistemang malakolinyal at malapyudal, lalong umiinam ang mga kundisyon para sa ibayong paglawak at paglakas ng kilusang kabataang-estudyante. Umaasa tayong dadaluyong mula sa ating hanay ang mga bagong dugo ng mga kadre na mag-aambag sa pagpapalakas ng rebolusyonaryong kilusang masa sa kalunsuran at kanayunan, at sa armadong pakikibaka sa kanayunan. Lahat ng ito ay mahalaga para sa matagalang pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan hanggang sa makamit ang ganap na tagumpay.
Mabuhay ang Kabataang Makabayan! Mabuhay ang rebolusyong Pilipino!
Kabataan, tumungo sa kanayunan, sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!