Pahayag

Puspusang labanan ang panunupil ng estado! Makibaka, huwag matakot!

Kailangang maghanda ang lahat ng nakikibakang mamamayan sa nagbabadyang pinabangis na pang-aatake ng estado sa demokratikong karapatan at mga batayang kalayaan sa tabing ng kontra-insurhensyang gera. Malinaw ang bantang ito sa pinakahuling pahayag ng ultra-Kanang pasista at National Security Adviser na si Eduardo Año kung saan muling malisyosong binansagan na prente ng CPP-NPA-NDFP ang mga ligal na demokratikong organisasyon. Kailangang magpakatatag ang mamamayan at puspusang labanan ang pinatinding red-tagging, pambubusal at walang patlang na paglabag sa karapatang tao at sibil-pulitikal upang mabigo ang layunin ng pasistang estado na igupo ang pakikibaka ng bayan para sa kalayaan, kabuhayan, lupa at karapatan.

Alinsunod sa turo ng among imperyalismong US, pinasasahol ng reaksyunaryong estado ng GRP ang panunupil sa mamamayan sa pagkakamit ng ultimong imbing layunin na tapusin ang rebolusyonaryong armadong kilusan. Isang mayor na komponente nito ang pagpapalabnaw sa kaibahan ng armado at di-armadong paglaban kasabay ng pagtutumbas ng “terorismo” sa rebolusyonaryong pakikibaka. Ito’y isang luma at malupit na taktikang nagkakait sa mamamayan ng kanilang karapatan na magpahayag ng hinaing, organisahin ang sarili at kumilos para sa kanilang mga adhikain kahit pa nasa loob ng balangkas ng reaksyunaryong batas. Ginagawa nitong pangkaraniwan ang panunupil at paglabag sa karapatang tao sa ngalan ng paglaban sa “terorismo”. Mula rehimeng US-Duterte at sa kasalukuyang administrasyon ni Marcos Jr. naging susing piyon ng pasistang kampanyang ito ang NTF-ELCAC at ang mga bulaang former rebels na ipinagmalalaki ni Año.

Inilalatag ng pahayag ni Año na An Insurgency-free Philippines is on the Horizon ang kasunod na yugto ng kanilang panunupil. Ayon kay Año, nasa punto na sila ng konsolidasyon ng kanilang mga “tagumpay”. Pinuri niya ang epektibidad umano ng Anti-Terrorism Law at Anti-Terrorism Financing Law sa pagnyutralisa sa mga “rebelde” at mga tagasuporta. Sa kanilang huling bigwas, target na putulin ang suporta, pinansya at pagrerekluta lalo sa mga kabataan na diumano’y dumadaloy sa mga ligal na progresibong organisasyon. Gagawin na ring institusyon ang mga lokal na mekanismo ng kapayapaan, na sa katunaya’y mga mekanismo ng pagkubabaw ng batas militar sa sibilyang otoridad. Walang ibang hahantungan ang planong ito kundi pagpapalawig at pagpapalala ng de facto batas militar sa bansa.

Ipinakita ng kondukta ng militar at NTF-ELCAC nitong nagdaang eleksyon na nakatudla ang estado sa ilalim ni Marcos Jr. na ibayong supilin ang mga progresibo’t demokratikong organisasyon hanggang tuluyang mawalan ng hangin ang pambansa-demokratikong kilusan. Sinamantala nito ang panahon ng kampanyahan upang maglunsad ng kampanyang paninira sa mga progresibo at kritikal na oposisyon. Todo-larga ang terrorist at red-tagging ng mga galamay ng NTF-ELCAC sa mga target na partido at kandidato. Ginagastusan ng milyun-milyong piso ang maruruming plano mula sa pambabalahura ng poster at pagkakalat ng pekeng balita sa social media hinggil sa diskwalipikasyon ng mga kalaban nilang partido at kandidato. May direktang partisipasyon ang mga armadong pwersa ng estado sa panunupil. Sa rehiyon, may kaso ng iligal na pang-aaresto sa isang coordinator ng Bayan Muna sa Batangas nitong Mayo at panghaharas ng mga sundalo’t pulis sa mga boluntir ng Makabayan sa panahon ng kampanyahan. Sa pagtatapos ng eleksyon at sa bisa ng huling pahayag ni Año, nahihinuha nang lalong babangis ang AFP-PNP sa pandarahas sa mamamayan sa tabing ng paghahabol nilang makumpleto ang pagwasak sa CPP-NPA-NDFP. Kasabay nito, kinakandili at kinukutsaba ng rehimen, sa pangunguna ng mga ahente ng US ang mapagpanggap na progresibong mga partylist at indibidwal na itinuturing ni Año bilang “positibong aktibismo” at/o “katanggap-tanggap na ‘Kaliwa’” tulad ng Akbayan para itaguyod ang burgis na repormismo at tuluyang ihiwalay ang ligal na pambansa-demokratikong kilusan.

Sagad sa pagiging pasista at di-demokratiko ang estado na hindi kayang magparaya kahit na katiting na espasyo para sa ligal na demokratikong pakikibaka. Matapos ang panggigipit at pananabotahe sa mga progresibo habang nangangampanya, garapalan namang dinaya ang bilangan upang mapatalsik ang matatalas at makamamamayang kritiko ng administrasyon sa Kongreso. Iniulat ang talamak na anomalya sa mga ginamit na automated counting machines, habang may mga presintong nagrehistro ng overvoting o mas maraming na-canvass na boto kaysa rehistradong botante sa lugar. Bago at habang kampanyahan, umiral ang matinding information warfare upang maaga pa’y ikundisyon ang publiko at pagmukhaing katanggap-tanggap ang resultang pagkatalo ng mga progresibo sa halalan.

Sa kabilang banda, hinayaang manalo ang mga kaalyado ni Duterte tulad ng mga asong ulol na utusan na si Rodante Marcoleta at si Bato dela Rosa, maging ang mga huwad na partylist na prente lang ng mga trapo sa pagpapalawig ng kanilang kapit sa poder. Nakapagtatakang makalusot ang mga ito, gayong galit na galit ang taumbayan sa mga Duterte dahil sa lantarang korupsyon ni Sara at sa madugong gera kontra-droga ng matandang Duterte. Malinaw sa mga kasong ito na ang pinakamahahalagang salik para manalo sa eleksyon ay ang panunuhol sa COMELEC, pamimili ng boto at panlilinlang sa mamamayan gamit ang DDS trolls.

Ang pananalasa ng anti-komunistang kampanya at pagtutok ng estado sa paglipol sa hayag na demokratikong kilusan ay tanda ng nangingilalim na matinding disgusto laban sa rehimeng US-Marcos II. Matindi na ang kapraningan ng rehimen na sumiklab ang galit ng masa at bumulwak ang paglaban ng bayan sa gitna ng sumasahol na kahirapan, matinding kagutuman at disempleyo. Kung dati’y ipinangangalandakan ang pseudo-demokrasya upang apulahin ang paghihimagsik ng masa, bumabaling na ito ngayon sa garapalang panunupil at hinihigitan ang mga militaristang hakbangin. Umaasa ang naghaharing uri at ang imperyalismong US na sa paggamit ng lantay lakas militar, magagawa nitong ipataw ang lahat ng kanyang naisin–ang mas masahol na pandarambong sa likas yaman ng bansa, ibayong pagpiga sa manggagawang Pilipino at pagsasangkalan ng Pilipinas sa inter-imperyalistang gera sa pagitan ng US at China. Samantala, timplado ng naghaharing paksyong Marcos ang karahasan at pampulitikang panggagantso upang pahupain ang pakikibakang bayan habang binibira ang kanilang mga kalaban sa pulitika.

Sa harap nito, higit na kinakailangang isulong ng mamamayan ang masigla at mabulas na anti-pyudal, anti-pasista at anti-imperyalistang pakikibaka. Hindi dapat mahanggahan ang paglaban ng mga imbing pakana ng estado gamit ang mga pasistang batas at ng mga direktang atake at paglabag sa karapatan. Kailangang tanggalan ng talab ang terorismo ng estado sa pamamagitan ng buong loob at puspusang paglaban. Kailangang pagkunutan ng noo kung paano sama-samang lalabanan ang presensya at pananalasa ng mga ahente ng estado sa mga komunidad, pagawaan at eskwelahan. Mahigpit na panghawakan ang kawastuhan ng pambansa-demokratikong pakikibaka at palaparin ang hanay ng mga demokratikong pwersa na magsisilbing kalasag sa panahon ng kagipitan.

Upang tumatag ang hanay ng nakikibakang mamamayan, kailangang isagawa ang marubdob na pampulitikang pagmumulat at edukasyon sa masa, at iputok ang mga kilusang masa na sasaklaw sa iba’t ibang isyung pambayan. Tiyaking nakatayo o kung wala pa’y itatag ang mga organisasyong magtataguyod sa mga kahilingan ng masa mula sa batayan hanggang pinakamataas na antas. Linangin ang sariling inisyatiba ng mamamayan sa pagtatanggol sa kanilang interes at pagtutol sa mga anyo ng pang-aapi at pagpapahirap sa kanila ng mga pasista’t gahaman. Kailangang payabungin ang mga anyo ng paglaban sa ligal, iligal, armado at di-armadong larangan, at mahigpit na ikawing ang mga lokal sa pamprobinsya, panrehiyon hanggang pambansang kampanya.

Dapat ding magsikhay sa pagpapaliwanag sa masang Pilipino ng tunay na ugat ng armadong tunggalian at sa likas na pagtataglay ng mamamayang api ng karapatang maghimagsik. Imbes na matangay ng paninira ng estado sa rebolusyonaryong kilusan, kailangang mabuksan ang isip ng malawak na hanay ng mamamayan sa pagiging makatarungan ng paglulunsad ng rebolusyon. Kailangang ipalaganap at itaguyod ang kritikal na pag-aaral sa lipunan, pagsandig sa siyentipikong kaalaman at teorya ng pag-unlad sa gitna ng sinasadyang pagpapapurol sa mga kursong itinuturo sa eskwelahan at disimpormasyong ikinakalat sa iba’t ibang klase ng midya. Kailangang mailinaw na ang nahihinog na krisis sa ekonomya at pulitika ay ibinunga ng malaon nang pananalasa ng imperyalismo, burukrata kapitalismo at pyudalismo, at na malulutas lamang ito sa drastikong pagbabago ng sistema ng lipunan, hindi sa eleksyon.

Ang ultimong layunin nina Año na pagpuksa sa rebolusyonaryong kilusan ay pangangarap nang gising ng mga panatiko at pasista. Ang obhetibong kalagayan ng mamamayan at ang kronikong krisis ng bulok na sistemang malakolonyal at malapyudal ang mismong nagtutulak sa rebolusyonaryong paglaban ng masa.

Puspusang labanan ang panunupil ng estado! Makibaka, huwag matakot!