Rebolusyonaryong Pagsaludo kay Inocencio “Ka Maki” Sibud
Nararapat lamang na igawad ng Rehiyonal na Komite ng Communist Party of the Philippines (CPP) at ng Chadli Molintas Command (CMC), ang NPA Regional Operational Command (NPA-ROC) ng Ilocos-Cordillera Region (ICR) ang pinakamataas na rebolusyonaryong pagsaludo kay Inocencio “Ka Maki” Sibud. Lumabas siya noong August 2024 upang magpagamot. Subalit pumanaw siya noong Mayo 14 alas-4 ng hapon dahil sa kakaibang kanser sa leeg na tinaguriang “anaplastic thyroid cancer”.
Si Inocencio Sibud – mula sa mababang panggitnang saray ng pamilya ng uring magsasaka, ay naisilang sa Sityo Tangtangan ng Barangay Bayao sa Pinukpuk, Kalinga. Ang Bayao ay isa mga mga barangay na sakop ng tribu ng Mananig na nagmamay-ari ng Ilog Mananig at ang kahabaan ng lupain sa gilid ng ilog na ito.
“Ka Mike” ang orihinal na alyas ni Inocencio Sibud noong kasapi siya ng Yunit Milisyang Bayan (YMB) ng Brgy. Bayao. Itinayo ng Partido ang Komiteng Probinsya ng Kalinga (KPK) at ng Provincial Operational Command (POC) ng NPA sa Kalinga noong 1987. Noon namang 1987, binuo ng KPK at ng POC nito ang Komiteng Distrito ng Balbalan at Pinukpuk na nakodahan ng D100 (District 100). Itinayo din ng KPK at POC ang dalawang Municipal Area Defense Command (MADC) sa loob din ng Komiteng Distrito upang malabanan ang marahas na pag-atake ng pasista at reaksyonaryong AFP-PNP-CPLA.
Sa MADC ng Balbalan, natipon ang mga YMB mula sa tatlong barangay sa YMB company na tinawag na Ka Simon Coy, Ka Tarzan Coy at Ka RG Coy. Sa MADC ng Pinukpuk naman, dito natipon ang mga YMB mula sa mga barangay ng tatlong kumpanya ng YMB na tinawag na Ka Silpot Coy, Ka Warden Coy at Ka Lapid Coy. Partikular kay Ka Mike, naipaloob siya sa Ka Silpot Coy sa panahon na iyon. Sina Ka Simon, Ka Tarzan, Ka RG, Ka Silpot, Ka Warden at Ka Lapid ay mga bayani at martir ng armadong pakikibaka ng NPA laban sa AFP-PNP-CPLA.
Dahil sa matindi at tuloy-tuloy na pag-atake ng AFP-PNP-CPLA noong 1988, 59 mula sa YMB ng MADC Balbalan at 61 mula sa YMB ng MADC Pinukpuk ang sunod-sunod na sumampa sa iba’t ibang antas ng yunit gerilya (YG) – sa DYG (District Yunit Gerilya), sa PYG (Probinsyal Yunit Gerilya) at RYG (Rehiyunal Yunit Gerilya). Ang RYG ay binuo at pinamunuan ng CMC (Chadli Molintas Command) na siyang Regional Operational Command (ROC) ng Rehiyong Cordillera, na itinayo ng CPP noong September 1986 pagkatapos ng apat na buwan na pag-split ng kontra-rebolusyonaryong CPLA.
Partikular kay Ka Mike, maaring labing siyam (19) na taong gulang siya noong sumampa sa RYG North noong 1988 pagkatapos ng aktibong pagdalo sa isang company-size political-military training na inilunsad ng CMC. Pagkatapos ng nasabing treyning, naipaloob si Ka Mike sa isang platun ng RYG North Company na kumilos sa mga prubinsya ng Kalinga at Abra, at sa ilang munisipyo ng Apayao gaya ng Conner at Kabugao. Tuloy-tuloy na masigla ang partisipasyon ni Ka Mike sa mga pulitika-militar na gawain ng platung kinapalooban niya mula 1988 hanggang 1993.
Sa panahong ito, nabigyan si Ka Mike ng literacy-numeracy training dahil sa Grade 2 lamang ang natapos niya sa burges na eskwelahan. At dahil sa natapos na literacy-numeracy training, mabilis at humusay siya sa pagsulat at pagbasa. Dire-diretso na niyang basahin at aralin ang bawat isyu ng Dangadang. Dito pinalitan ni Ka Mike ang alyas niya dahil hindi niya maunawaan kung bakit ang English na alyas na “Ka Mike” ay kailangang bigkasin na “Ka Maik.” Kaya pinalitan niya ang alyas niyang “Ka Maik” sa “Ka Maki.” Paminsan-minsan ay nagbibiro siya na hindi maganda ang English dahil tinatawag na “sun” ang araw, “sand” naman ang tawag sa buhangin at “son” ulit ang sa anak na lalaki. “Nakakahilo talaga ang English,” sambit niyang tumatawa.
Si Ka Maki ay tahimik at madalang magsalita. Subalit sa kabila ng katangian niyang ito, punong-puno siya ng inisyatiba, masunurin, mapagpakumbaba, matiyaga, mapagmahal at palagiang masigasig sa mga trabaho ng yunit na nakapalooban niya. Seryoso siyang nagpapatupad ng lahat ng atas at tungkulin na naiaatang sa kaniya. Palabiro man siya, hindi naman niya ginagawang biro ang mga trabaho na nararapat na seryosong ipatupad.
Dahil sa mga katangiag ito, mayroon mga kasamang babae na sumubok magpaabot ng hiling sa panliligaw kay Ka Maki. Subalit wala siyang tinugunan kahit isa sa mga ito. Si Ka Pinay na masigasig at tuloy-tuloy na nagpapaabot ng hiling na buuin ang relasyon nilang dalawa ay sinagot niya ng, “Humanap ka na lang, kasama ng ibang lalaki dahil hindi ko kayang harapin ang pagbubuo ng rebolusyonaryong pamilya. Huwag ka sanang masasaktan sa aking pananaw na sagabal sa pagkilos ko sa NPA ang pakikipagrelasyon.”
Noong 1994 sa loob ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto (IDKP) at sa panahon na hinahanda ng PKP ang pagbubuo ng Ilocos-Cordillera Region (ICR), naipaloob si Ka Maki sa RYS (Rehiyunal na Yunit Sentro). At dahil sa interesado siya sa paggawa ng command-detonated bombs, naipaloob siya sa explosive team ng ROC mula 1999 sa mahigit dalawa’t kalahating dekada. Sa pamamagitan ng trabaho ng explosive team, napaunlad ni Ka Maki ang syentipikong pamamaraan at kaisipan para sa tuloy-tuloy na pagsusulong ng pambansa demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng digmang bayan.
Bilang paggupgop, inabot ng 37 taon si Ka Maki sa NPA at bilang tunay na Komunista. Sa 37 taon niya sa NPA, dalawang beses lamang siyang nakabisita sa pamilya at kamag-anak noong 2003 at 2014. Napanday niya ang sarili at kaisipan para sa kapakanan ng lahat ng pinagsasamantalahan at inaaping uri, lalo na ang manggagawa’t magsasaka, laban sa mga gahaman, mapagsamantala at mapang-aping malalaking panginoong maylupa, burgesya kumprador at burukrata kapitalista, at laban sa imperyalismong US. Para kay Ka Maki at sa ating mga rebolusyonaryo, magtatagumpay lamang ang pambansa demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng digmang bayan, at magkakaroon lamang ang sambayanang Pilipino ng tunay na demokrasya at kalayaan – pagkatatag ng sosyalistang sistema sa bayan nating Pilipinas.