Pahayag

Rebolusyong Agraryo ang Sagot sa Kawalan ng Lupa ng mga Magsasaka

,

Ilang dekada na ang pagdurusang sinasapit ng mga magsasaka sa lalawigan ng Rizal. Ilang rehimen na ang nagpapapalit-palit subalit nanatiling manhid at walang pakialam sa lehitimong mga karaingan ng mga magsasaka.

Mula pa noong diktaduryang Marcos Sr. ay hindi nakaligtas ang probinsya ng Rizal sa mga programa ng reaksyunaryong gubyerno sa pangangamkam ng mga lupa. Isa na rito ang Procalamation No. 1637 noong 1977, na sumaklaw sa 20,312 ektaryang lupain sa Lungsod Silangang Townsite Reservation na nasa pagitan ng syudad ng Antipolo at mga bayan ng San Mateo at Rodriguez. Ang townsite diumano ay upang iakomoda ang labis na populasyon mula sa Maynila sa pamamagitan ng socialized housing at anumang kinakailangang pampublikong gamit. Subalit nagsilbi lamang ang mga lupaing ito sa rehimeng Marcos Sr. upang iregalo at patirahan sa mga sunod-sunuran niyang opisyal militar. Hanggang sa inangkin na ng mga Marcos ang ilang parsela nito tulad ng kontrobersyal na daang ektaryang Pinugay Estate na nito lamang Oktubre 4 ay ibinasura ng Sandiganbayan ang P276 milyong halagang kasong sibil laban sa mga Marcos hinggil sa paggamit kay Roman Cruz sa pagbili ng parsela ng lupa na nakuha sapamamagitan ng kanilang nakaw na yaman. Bukod dito ay pinaghahati-hatian na rin ito ng Fil-invest, Sta. Lucia Realty, Doronela Kingsville, Nathalia Realty ni Gen. Jaime Balitao at ni Antenor Virata ng Virata Norville Subd.

Sa panahon ni Corazon Aquino, ipinailalim ang mga lupain bilang pasture land o pastulan ng mga hayop ang gamit sa lupa upang mailigtas na maipamahagi sa mga magsasaka ang lupa sa ilalim ng huwad na batas ng CARP. Kalakhan ng mga lupain ay matatagpuan sa bayan ng Rodriguez, San Mateo, Baras at Antipolo.

Hanggang sa kasalukuyan ay nanatiling walang sariling lupa ang mga magsasaka sa probinsya ng Rizal sa kabila ng pagyayabang ng rehimeng US-Marcos Jr. na tinutugunan niya ang kakulangan sa lupa at ang usapin ng agrikultura sa bansa. Maging ang serbisyo sa mga magsasaka ay wala o kung meron man ay napakabagal tulad ng ilang irigasyon sa ilang sitio sa Rrgy. San Jose, Antipolo na ilang pangulo na ang nagdaan subalit hanggang ngayon ay hindi pa ito natatapos at ang katwiran ng NIA ay ang kawalan ng sapat na budget sa proyekto.

Samantalang kinahaharap ng mga magsasaka sa Barangay Macabud, Rodriguez ang napipintong pagkawala ng kanilang lupang sakahan dahil sa mga proyekto ng solar power plant, C6 project at MRT 7. Sa Wawa sa Rodriguez ay daan-daang magsasaka ang unti-unting pinapalayas at pinagbabawalan ang magsaka sa loob ng dambuhalang proyekto ng Wawa-Violago Dam. Dahil sa idineklarang watershed reservation ito, ipinagbabawal na rin ang magkaingin o magsaka sa sakop ng proyekto. Saklaw rin ng mapapalayas ang mga magsasaka sa Pintong Bukawe ng San Mateo at sa Barangay Boso-Boso at Calawis ng Antipolo.

Napipinto ding mapalayas sa kanilang lupang sakahan ang mga magsasaka sa Sitio Harangan, Barangay Macabud, Rodriguez dahil sa pag-aangkin ng panginoong may lupa na si Gregy Araneta sa lupa ng mga magsasaka. Ang pamilyaang Araneta din ang sumasaklaw sa daang ektarya sa Sitio Macopoy, Barangay Mascap, Rodriguez na kinatatayuan ngayon ng Meralco Foundation.

Kinahaharap naman ng mga magsasaka sa Sitio Lukutang Maliit at Malaki sa Barangay San isidro at San Rafael, Rodriguez at sa Sitio Sumilang, Barangay San Jose, Antipolo ang unti-unting pagkaubos ng lupang masasaka dahil sa talamak na quarry operation.

Samantala, nanganganib ang mga katutubong Dumagat at Remontado sa unti-unting pagkaubos ng kanilang lupang ninuno dahil sa pagpasok ng mga dayuhang proyekto tulad ng mega dam, solar power plant, wind mill farm, at hydro power plant. Ang mga ito ay itatayo sa saklaw ng lupang ninuno sa bayan ng Rodrigez, Antipolo at Tanay na diumano ay tutugon sa kakulangan ng enerhiya at kakapusan ng tubig sa Rizal at sa Metro Manila.

Ang lahat ng proyektong ito ay nagdudulot ng pagliit ng lupang masasaka dahilan upang bumaba ang kanilang ani at mawasak ang kanilang kabuhayan at ambag sa lipunan para sa batayang pagkain ng ating bansa, pagkasira ng mga kabundukan at lupang ninuno na nagiging sanhi ngayon ng malalang mga pagbaha at landslides at pagkasira ng kalikasan sa kapakinabangan ng iilang panginoong may lupa, malalaking burgesya kumprador at mga burukrata kapitalista.

Kakambal na epekto ng pagkawasak ng lupa at kabuhayan ng mga magsasaka ay ang matinding militarisasyon sa mga kanayunan at maging sa kalunsuran. Partikular sa mga lugar kung nasaan ang mga malalaking proyekto at pangangamkam ng lupa at kung saan mayroong pagtutol at paglaban ang mga magsasaka at mamamayan. Ginagawang ligal ng 80th IBPA ang pagpasok nila sa mga barangay at komunidad ng mga magsasaka at katutubo sa tabing ng RCSP(Retooled Community Support Progran) at FMO (Focused Military Operation). Kaakibat nito ay ang mga paglabag sa karapatang pantao gaya ng panghahalughog sa mga bahay, pananakot sa komunidad, iligal na pang-aaresto at pagsasampa ng mga gawa-gawang kaso sa mga lider magsasaka at sa mga sibilyang katutubo na pinagbibintangang mga kasapi ng NPA. At ang pinakamalala ay pagpatay katulad ng ginawa noong Bloody Sunday Massacre kungsaan anim na mga Rizaleño ang pinaslang ng pinaghalong pwersa ng AFP-PNP sa isang koordinadong operasyon sa iba’t-ibang lugar sa Timog Katagalugan.

Malinaw na umiiral pa rin hanggang sa kasalukuyan ang pyudal na pagsasamantala sa mga magsasaka sa balangkas ng sistemang mala-pyudal buhat pa ng iginawad ng Estados Unidos ang huwad na kalayaan ng ating bansa hanggang sa kasalukuyang rehimen na kontrolado ng US. Ang mala-kolonyal at mala-pyudal na sistema ng ating lipunan ay direktang nagsisilbi sa mga malalaking burgesya komprador, kapitalista at mga panginoong may lupa. Kabilang pa din rito ang pang-aagaw ng lupa sa mga magsasaka ng mga lokal na pulitiko tulad ng kasalukuyang dinastiyang Ynares, Gatlabayan at Sumulong. Inaagaw nila ang lupa sa mga setler, magsasaka at maging sa mga katutubo at ipinapangalan sa kanila. Ipinagbibili naman nila ito sa mataas na halaga upang ipalit gamit ang lupa sa residensyal at komersyal na gamit na pabor sa kanilang interes.

Kaya malinaw na walang ibang dapat na gawin ang uring magsasaka kung hindi ang magbuklod at labanan ang bulok na sistema na umiiral at panagutin ang AFP-PNP-CAFGU at ang NTF-ELCAC sa lahat ng krimen nito sa mga magsasakang Rizaleño, ganoon din ang rehimeng US-Marcos Jr. sa kapabayaan nito sa mga magsasaka.

Magbuklod para sa pagsusulong ng mas marami at mas malalawak na pag ulunsad ng rebulusyong agrayo na tutugon sa matagal nang kawalan ng lupa ng mga magsasaka. Magpalawak at lumahok sa Demokratikong Rebulusyong Bayan upang mapalaya ang lupa at mga magsasaka sa mala-pyudal na pagsasamamtala. Ito ang tanging paraan upang isulong ang tunay na reporma sa lupa na bigong ibigay ng mga naghaharing uri sa ilang dekada nang lumipas.

Ang Rizal ay may mayamang lupang agrikultural at kabundukan na pinapakinabangan ng mga magsasaka at katutubong Dumagat-Remontado, maging ng mga setler at ng ating lipunan. Isa din ito sa may mayamang kasaysayan ng rebulusyong Pilipino na umani ng matutunog na tagumpay.

Noon pa man ay nilalabanan ng mamamayan ang malawakang pandarambong ng lupa sa lalawigan at tampok dito ang mariing pagtutol sa mga proyektong mapaminsala sa lupang ninuno ng mga Dumagat at Remontado tulad ng paglaban hanggang sa mapahinto ang pagtatayo ng Laiban dam sa Tanay na pipinsala sa pitong barangay at magpapalayas sa mga katutubo sa kanilang lupang ninuno.

Ang pagbawi sa lupang inagaw at ginawang rancho ni Narding Santos sa Barangay Puray, Rodriguez sa pamamagitan ng pagkumpiska sa ilalim ng rebolusyong agraryo na ipinatupad ng mga NPA ay ipinamahagi at pinapakinabangan hanggang sa ngayon ng mga magsasaka at katutubo. Ilan lang ito sa tagumpay ng mga magsasaka, rebulusyonaryong kilusan at CPP-NPA-NDFP sa lalawigan na hanggang ngayon ay hindi malilimutan ng mga Rizaleño.

Rebolusyong Agraryo ang Sagot sa Kawalan ng Lupa ng mga Magsasaka