Singilin ang inutil na rehimeng Marcos II sa mga pinsala ng bagyong Kristine
Katulad ng mga nakaraang sakuna, labis ang kainutilan ng rehimeng US-Marcos II sa hinaing ng bayan sa gitna ng pananalasa ng bagyong Kristine at Leon. Inutil na inutil si Ferdinand Marcos Jr. na nagsabing siya ay helpless o walang magawa sa pagragasa ng mga bagyo. Ito’y bigong pagsisikap na maghugas-kamay sa harap ng malinaw niyang kakulangan at kawalang kahandaan sa kalamidad. Anumang sabihin ni Marcos, hindi nito maaapula ang galit sa mga palyadong hakbangin ng kanyang administrasyon at kriminal na kapabayaan ng estado.
Ang bagyong Kristine ang itinuring na pinakamalalang bagyong nanalasa ngayong 2024. Naging laganap ang mga litrato ng tabon-ng-lupa o lubog-sa-baha na mga komunidad at pananim. Hindi pa nga nakakabangon mula sa epekto ng nagdaang mga bagyo, nadagdagan pa ang mga pinsalang natamo kung saan aabot ng ₱3.4 bilyon ang naging pinsala sa agrikultura habang ₱1.4 bilyon sa imprastraktura sa buong bansa. Tiyak na hindi pa ito ang kabuuan dahil marami pang lugar ang hindi maharap ang paghahanda ng mga ulat.
Sumunod pa ang bagyong Leon na kasalukuyang rumaragasa sa hilagang Luzon. Bagamat hindi magla-landfall, magdudulot pa rin ng pinsala sa mamamayang Pilipino ang dala nitong hangin at ulan. Magpapalala ito sa pinsalang dulot ng bagyong Kristine.
Matinding pinuruhan ng bagyong Kristine ang mga palayan na magpapalugmok sa kabuhayan ng mga magsasaka. Apektado nito ang seguridad sa pagkain kung saan importasyon muli ang malamang na babalingan ni Marcos para makadagdag sa suplay ng pagkain sa bansa. Higit nitong pababagsakin ang presyo ng produktong bukid habang pagkakakitaan ng mga smuggler, hoarder, sindikato at mga kasabwat sa lokal na gubyerno.
Samantala, nasa 7.4 milyon naman ang apektadong mamamayan. Umabot sa 160 lugar ang nagdeklara ng state of calamity kung saan 64 dito ay sa CALABARZON. Pinakamalaking bilang din ng namatay (54) ang naitala sa CALABARZON.
Sa Laguna, iniulat ang pagbaha sa mga komunidad na kalapit ng Lawa ng Laguna. Walang ibang itinuturo ang mga residente na ugat ng pinsala kundi ang malawakang pagkalbo ng kagubatan at mga proyektong nakakasira sa kapaligiran na ang pinakahuli ay ang proyektong Laguna Lakeshore Road Network ng rehimeng Marcos II dahil sa ginawa nitong malawakang pamumutol ng puno sa lugar at mga reklamasyon. Nagdeklara ng state of calamity ang mga bayan ng Biñan, San Pedro, Santa Rosa, Sta. Cruz at Victoria. Mayroon ding mga nasirang taniman sa Cavite at tiyak na lubog sa baha ang mga kostal na komunidad.
Matinding tinamaan ng hagupit ng bagyong Kristine ang Batangas. Matindi ang pagbaha at landslide sa mga bayan ng Agoncillo, Balete, Calaca, Calatagan, Cuenca, Lemery, Lian, Lipa City, Laurel, Taal, Talisay at Tanauan City. Ininda ng mga Batangueño ang pinsala na hindi dati tinatamo sa mga lumipas na pag-ulan at bagyo. Ang mga bayan sa palibot ng Lawa ng Taal ang mga nakatamo ng malubhang pinsala. Sa Talisay, gumuho ang lupa at binaon sa putik ang mga komunidad na sumalanta sa higit kumulang 40,000 residente. Labindalawang bata ang kumpirmadong namatay sa landslide. Dinala naman ng pagguho ng lupa sa Laurel ang mga bato at kahoy habang naputol ang tulay na dumurugtong rito sa Agoncillo. Dinaganan na nga ng delubyo, labis na pasakit pa ang paghahanap ng mga kaanak sa mga nawawala na natabunan ng lupa at putik.
Sa harap ng masaklap na sinapit ng mamamayan, pilit pang itinatanggi ng lokal na gubyerno ng Batangas na ang quarrying, mina at iba pang proyektong “pangkaunlaran” ang ugat ng matitinding pagbaha at pagguho ng lupa sa probinsya. Itinuturo ni Batangas Gov. Hermilando Mandanas ang pananagutan sa pinsala ng bagyo sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) dahil hindi kaagad umano isinagawa ng ahensya ang dredging sa Ilog Pansipit, malapit sa Lawa ng Taal, para sa pagtatanggal ng mga bumarang lahar nang sumabog ang Bulkan Taal noong 2020.
Walang karapatan si Mandanas na magturo, sa halip dapat niyang sipatin ang sariling responsibilidad sa mga pangyayari. Sa haba ng panahong nagsilbi bilang gubernador ng probinsya, kabilang siya sa mga nagpahintulot sa mga proyektong nagresulta ng delubyong dinaranas ngayon ng mga Batangueño. Nagtutuluy-tuloy ang mga proyektong quarrying sa basbas ng DENR at lokal na gubyerno ng Batangas habang nakaamba pa ang pagmimina ng Bluebird Merchant Ventures sa ilalim ng Batangas Gold Project sa Lobo. Gayundin, sinira ng ambisyosong Metro Taal-Tagaytay Development Project (MTTDP)-2013 ang natural na kalikasan sa palibot ng Taal. Iniresulta nito ang paghuhukay at pagpapalapad ng Ilog Pansipit at konstruksyon ng mga kalsada, baywalk at iba pang establisimyento. Nagdulot ang MTTDP ng demolisyon at malawakang pangangamkam at pagpapalit-gamit ng lupa para bigyang daan ang planong pang-ekoturismo sa mga bayan sa palibot ng lawa ng Taal.
Dapat na singilin at papanagutin ang rehimeng Marcos II sa kanyang kriminal na pagpapabaya sa bayan. Kailangang papagpaliwanagin ang mga lokal na gubyerno sa mga palpak na programang pang-imprastrakturang flood control at mga katulad gayundin sa mga nahuhuli at palpak na pagtugon sa pangangailangan ng mga mamamayang nasalanta. Kinukundena ng NDFP-ST ang pagsagpang ng mga pulitiko sa sakuna para magpasikat lalo sa darating na midterm election. Samantala, hinaharas ng estado ang mga mapagkawanggawang institusyon at indibidwal na tunay ang hangarin sa paglilingkod sa mamamayan. Noong Oktubre 24, dinakip ng mga ahente ng estado sa Brgy. Hagupit, Bongabong, Oriental Mindoro sina Bong Fran at Kelvin Joaquin, mga organisador na nag-aasikaso ng relip sa mga napinsala. Kasunod nito, inaresto naman ang dalawang organisador at kampanyador sa hanay ng mga manggagawa na nagkokoordina ng mga operasyong relip noong Oktubre 27.
Sa harap nito, nagpupugay ang NDFP-ST sa mga makabayan, progresibong pwersa, tunay na lingkod-bayan at mapagkawanggawang institusyon na tuluy-tuloy na naglulunsad ng mga relief operation, pagtulong sa paglikas at pagbibigay ng serbisyong medikal sa mga biktima.Bukod sa mga ito, mahalagang pagtuunan din ng pansin ang rehabilitasyon upang makabangon muli ang kabuhayan at pamumuhay ng mamamayan. Sa gitna ng kainutilan ng estado, walang ibang maaasahan ang api at pinagsasamantalahang mamamayang Pilipino kundi ang sariling hanay.
Ang grabeng pagdurusa ng bayan sa ilalim ng rehimeng Marcos II ay matabang lupa para imulat, organisahin at pakilusin ang pinakaraming bilang ng mamamayan. Ngayon pa lamang, maraming bumabatikos sa gubyernong Marcos II dahil sa kainutilan ng mga proyektong flood control, pangungurakot sa mga pondong pang-imprastraktrura kaya mahina at madaling masira ang mga kalsada, tulay at iba pa at pumupuna sa pagpapasarap ng mga opisyal ng gubyerno habang naghihinagpis ang sambayanan. Kung tutuusin, ang suliraning ito ay resulta na ng sistemikong problema ng burukrata-kapitalistang sistemang bumabalot sa reaksyunaryong gubyerno sa Pilipinas. Tungkulin ng mga rebolusyonaryong pwersa na idirehe ang galit na ito tungo sa pagpapabagsak sa rehimeng US-Marcos II hanggang sa pagsusulong ng pambansa-demokratikong rebolusyon.
Sa harap ng mahigpit na panawagan ng mamamayan, dapat isulong ang panawagan ng mamamayang Pilipino na ilipat ang pondong militar tungo sa serbisyong panlipunan at tugon sa kalamidad. Gayundin, tiyakin ang nararapat na ayuda at danyos perwisyo para sa mga pamayanang biktima ng mapangwasak-sa-kalikasang proyekto. Dapat ding kumilos at makibaka para ipatigil ang lahat ng mga anti-mamamayang patakaran at polisiya ng estado na lalong nagpapahirap sa bayan. Magkapit-bisig upang makaahon mula sa delubyong hatid ng rehimeng US-Marcos II.