Pahayag

Suportahan ang pakikibaka ng mga manggagawa para sa makatarungang sahod

Mahigpit na sinusuportahan ng NDF-Bikol ang kampanyang masa para ipanawagan ang pagtatakda ng isang pambansang minimum na sahod para sa lahat ng manggagawa. Kasabay nito ang panawagang gawing regular ang lahat ng mga kontraktwal at ang pagtataguyod ng kanilang karapatan na mag-unyon at sama-samang pagkilos. Bilang bahagi nito, nagprotesta ang mga Bikolanong nars at manggagawang pangkalusugan para sa umento sa sahod.

Makatarungan at kinakailangan ang pakikibakang ito ng mga manggagawa. Sila ang mayor na nagluluwal ng produkto at nagpapaandar sa pambansang ekonomya. Walang anumang pag-unlad kung wala ang kanilang lakas-paggawa. Ngunit pinapatay sila sa kahirapan ng kasalukuyang lipunan. Patuloy na tumataas ang presyo ng mga pangunahing pangangailangan at produktong petrolyo kasabay pa ng paghagupit ng sunud-sunod na kalamidad sa bansa. Labis-labis na kahirapan ang nararanasan ng mamamayan. Ang kasalukuyang minimum na sahod ng mga manggagawa ay malayo nang makasapat sa pang-araw-araw na pangangailangan. Sa Bikol, naglalaro lamang ang sahod sa P200-P300 para sa mga kontraktwal at job order habang nasa P375 naman para sa mga regular na manggagawa.

Nasa kaibuturan ng bulok na sistemang umiiral sa kasalukuyan ang pagsasamantala sa mga manggagawa. Hindi kailanman malulubos ng mga manggagawa ang paglagot sa tanikala ng pang-aapi at pagsasamantala hanggat hindi nababago ang kairalan at napapalitan ng panibago. Higit sa laban para sa makatarungang sahod at mga makataong patakaran sa paggawa, dapat lamang na lumahok sa armadong pakikibaka ang mga manggagawa at isanib ang kanilang lakas sa paglulunsad ng makatwirang digmang bayan. Tanging sa tagumpay ng demokratikong rebolusyong bayang pinamumunuan ng mga proletaryado, mabibigyang-daan ang ganap na kalayaan ng mga manggagawa at buong sambayanan.

Suportahan ang pakikibaka ng mga manggagawa para sa makatarungang sahod