Tunay na sakuna sa bayan, korap na rehimeng US-Marcos II!
Nananawagan ang NDFP-ST sa mamamayang Pilipino na magkaisa para muling ibangon ang sarili mula sa mga bagyo at iba pang sakunang nagdaan. Wala silang aasahang lakas kundi ang kanilang pagkakaisa sa gitna ng pambubusabos ng rehimeng US-Marcos II sa bayan. Kailangang labanan ang papet, korap, pabaya at pahirap na rehimeng US-Marcos II at kamtin ang pambansa demokratikong mithiin ng bayan.
Matinding siphayo at pagdurusa ang sinapit ng mamamayang Pilipino sa pagragasa ng bagyong Tino at Uwan. Pinalulubha ito ng labis na kapabayaan ng gubyerno mula sa pamamahagi ng kakarampot na ayuda hanggang sa kakapusan sa serbisyong pangkalusugan. Malaking dagok sa bayan na nagpalugmok sa kanilang kalagayan ang katakut-takot na pangungurakot ng gubyernong Marcos II sa pondo ng mga proyektong imprastraktura, laluna sa flood control projects (FCP) na inaasahang makakatulong sana sa mamamayan sa panahon ng sakuna.
Sa nagdaang mga bagyong Tino at Uwan, naiulat ang 24,800 pamilyang sapilitang lumikas sa Timog Katagalugan (15,600 sa bagyong Tino at 9,200 sa bagyong Uwan). Naiulat ang mga pinsala sa imprastraktura sa rehiyon na umaabot ng ₱135 milyon sa bagyong Tino at ₱630 milyon sa bagyong Uwan habang ₱152 milyon ang pinsala sa agrikultura sa bagyong Tino at ₱730 milyon sa bagyong Uwan. Bukod dito, dinanas ng mamamayan ang trauma sa malakas na pagbaha at putik na nagbaon sa kanilang mga mahal sa buhay, tahanan at komunidad.
Kinaharap pa rin ng rehiyon ang mga pinsalang ito sa kabila ng pagbuhos ng ₱71.26 bilyong pondo sa 1,265 FCP. Pinatutunayan lamang nitong huwad at palpak ang mga FCP na inilusot ng gubyernong Marcos sa pambansang badyet. Lalong ikinagagalit ito ng mamamayan ng Timog Katagalugan dahil habang binabayo sila ng bagyo, patuloy na nagpapakasasa ang mga burukrata kapitalista sa pangunguna ni Marcos Jr., kasabwat nilang burgesya kumprador at mga kapural sa hinuthot na pera ng taumbayan.
Sa gitna ng pananalasa ng mga sakuna, marapat singilin ng nag-aalimpuyong galit ng mamamayan ang kurakot na rehimeng US-Marcos II. Igiit ang karapatan sa pagtatamasa ng karampatang ayuda at serbisyong panlipunan lalo higit sa panahong nangangailangan ang mamamayan.
Dapat kapwa singilin sina Marcos at Duterte na mga hari at reyna ng korapsyon at pawang nakinabang sa pangungurakot at paglustay sa pondo ng bayan. Ang mga huwad na FCP ay nagsimula pa noong rehimen ng matandang Duterte na ipinagpapatuloy ni Marcos Jr. Hindi dapat magpadala sa mga laro ng pagbabatuhan ng putik at sisi sa magkabilang panig. Ginagamit ni Marcos Jr. ang imbestigasyon sa FCP para konsolidahin ang kanyang kapangyarihan at kubrahin lahat ng kurakot habang sinasagpang ng mga Duterte ang mga rebelasyon sa imbestigasyon para bawiin ang kapangyarihan mula sa mga Marcos.
Habang patuloy na nalalantad ang limpak-limpak na salaping kinukulimbat ng estado mula sa pambansang badyet mula sa mga imbestigasyon at rebelasyon ng mga sangkot sa FCP kagaya ni Zaldy Co, kailangang pag-ibayuhin ng mga pambansa demokratikong pwersa ang kanilang tungkulin na malawakang magmulat, mag-organisa at magpakilos sa mamamayang Pilipino tungo sa pagwawakas ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo (IPBK). Kailangang ipaunawa sa mamamayan na ang kurapsyon ay katangiang kaakibat ng burukrata kapitalismo na pinahihintulutan ng imperyalismo para manatili ang malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino. Ang IPBK ang mga salot sa lipunan na patuloy na nagpapahirap sa bayan.
Sa panahon ng paghihirap, higit na kailangang pagkaisahin ng mamamayan ang kanilang lakas para wakasan ang paghahari ng mga mapang-api at mapagsamantalang uri. Kapuri-puri ang pagtutulungan ng mamamayang Pilipino sa gitna ng kapabayaan ng estado. Higit nilang nakikitang walang kinabukasan sa bulok na estado. Habang nagtutulungang umahon mula sa kahirapan, nararapat na sama-samang isulong at ipagwagi ang pambansang demokratikong rebolusyon para tuluyang ibagsak ang rehimeng US-Marcos II at ang lahat ng kasamaang hatid ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata-kapitalismo!