Tutulan at labanan ang papatinding panghihimasok-militar ng US sa usapin sa South China Sea! Igiit ang mapayapa at diplomatikong paglutas sa sigalot!
Tinutuligsa ng NDF-Palawan at ng nakikibakang mamamayang Palaweño ang tumitinding panghihimasok-militar ng US sa mga usapin sa South China Sea (SCS) at ang pagbubuo ng US Task Force Ayungin na tiyak na lalong gagatong sa dati nang lumalalang tensyon sa pagitan ng China at Pilipinas. Banta sa kaligtasan at kapakanan ng mamamayan ang patuloy na pagdami ng mga aktibidad ng tropang Amerikano at mga sasakyang pandigma ng US at ng mga kaalyado nitong bansa sa saklaw ng rehiyong SCS. Dapat tuligsain at singilin ang lokal na gubyerno ng Palawan sa pamumuno ni Dennis Socrates at Jose Alvarez, mga lokal na ahente ni Marcos, sa pagpapahintulot na mamalagi ang US Task Force Ayungin sa loob ng WESCOM.
Binubuo ang US Task Force Ayungin ng mga tropa at tagapayong militar ng US na nagpaplano at nagkokoordina sa kilos at operasyon ng AFP at tropang militar ng US at kanilang mga sasakyang pandigma sa rehiyong SCS. Ang masahol, halos apat na buwang inilihim ng rehimen at mga opisyal ng AFP ang pag-iral nito sa bansa at nalantad lamang matapos ang pagbisita ni US Defense Secretary Lloyd Austin noong Nobyembre 2024. Nagkukubli sa pagbibigay diumano ng teknikal na tulong sa AFP, lansakang pangingialam at kontrol ang tunay na ginagawa ng task force para lalong galitin ang China at itulak ang huli na gumawa ng mas agresibong mga hakbangin. Ginagamit na katwiran ng US ang “pagtuwang sa kaalyadong bansa” sa gitna ng ilang agresibong hakbangin ng China sa rehiyon. Ayon sa mga kinatawan at opisyal ng US, nagsimulang pairalin ang task force matapos ang insidente noong Hulyo 17, 2024 kung saan inatake ng Chinese Coast Guard ang mga tropa ng AFP na naglulunsad ng resupply mission sa Ayungin Shoal. Humantong ito sa pagkaputol ng daliri ng isang sundalong Pilipino at pagkasira ng mga bangka ng Philippine Navy. Nauna pa rito ang inianunsyong pagpirma ng US at Pilipinas sa General Security of Military Information Agreement para sa diumano’y pagbabahaginan ng paniktik (intelligence sharing) na magpapahintulot sa mga operasyong espiya ng US sa loob ng bansa.
Gaanuman itanggi at kahit magkanda-buhol ang dila ng mga opisyal ng US at reaksyunaryong GRP na limitado lamang sa pagsuporta ang papel ng mga tropang US sa pamamagitan ng task force, malinaw na lampas sa “pagsuporta” ang mga aktibidad ng US. Noong huling linggo ng Disyembre 2024, tinawid ng US Carrier Strike Group (CSG) One ang Pacific Ocean papasok ng soberanong karagatan ng Pilipinas tungong West Philippine Sea sa tabing ng “freedom of navigation”. Pinangungunahan ang CSG One ng USS Carl Vinzon, isang aircraft carrier na may kakayahang magdala ng isang malaking nukleyar na arsenal at tatlo pang barkong pandigma. Nagpakat din ang US ng mga unmanned surface vehicles o drone sa karagatan sa Palawan na may layuning manmanan ang mga aktibidad ng China at iba pang katunggaling pwersa.
Resulta nito ang higit pang agresibong operasyon ng China kung saan tampok ang pagpasok ng kanilang monster ship sa karagatan ng Pilipinas na nagpapatuloy pa hanggang sa kasalukuyan. Nilalabag nito ang eksklusibong karapatan sa ekonomya ng Pilipinas sa West Philippine Sea at hinahadlangan ang mapayapang aktibidad ng mga mangingisda, kabilang ang mga mangingisda sa Timog Katagalugan.
Naaalarma ang mamamayang Palaweño sa mga hakbanging ito ng US at sa labis na pangangayupapa ng rehimeng Marcos II at mga lokal na reaksyunaryo sa probinsya. Pinangangambahan ang maaaring iresulta nitong ganting aksyon ng China. Batid nilang kapag pumutok ang digma sa pagitan ng dalawang imperyalistang kapangyarihan, maiiipit ang mga Pilipino at tiyak na isa sa unang larangang magiging lunsaran ng gera ang Palawan. Taliwas ito sa hangarin ng mamamayang Pilipino na mapayapang resolbahin ang sigalot sa pagitan ng Pilipinas at China sa pamamagitan ng mga dayalogo at pag-uusap habang hindi isinusuko ang soberano at pandagat na karapatan sa karagatan ng Pilipinas sa rehiyon. Higit pa, ang presensya ng mga militar ng US sa lupain ng Palawan ay magtutulak na naman sa mga paglabag sa karapatan ng mamamayan, at iba pang aspeto ng panghihimasok ng US kabilang ang pang-ekonomyang panghihimasok sa kapinsalaan ng mga Palaweño.
Sa harap ng pang-uupat ng gera ng US, patuloy na iginigiit ng rebolusyonaryong mamamayan ang mapayapa at diplomatikong paglutas sa sigalot sa SCS. Kasabay ng pagkundena sa China sa mga agresibong aksyon nitong lumalabag sa soberano at pandagat na karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea, higit na dapat bigyang-diin ang paglaban ng mga Palawefio sa mga panibagong hakbanging mapanghimasok ng US sa probinsya at buong bansa. Dapat batikusin ang rehimeng Marcos II, sampu ng kanyang mga alipures na maka-US na lalong gumagatong sa tensyon at nagbibigay-katwiran sa ibayo pang pagpapatindi ng aktibidad-militar ng US. Dapat ipanawagan ang pagpapalayas sa mga tropang US sa probinsya at buong bansa at pagbabaklas sa mga base-militar na ginagamit ng US para upatan ng gera ang China. Sa huli, dapat patindihin ang pakikibaka ng sambayanang Pilipino para sa pambansang kalayaan, demokrasya at sosyalismo na makakamit lamang sa pamamagitan ng digmang bayan sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas.