Ubos-kayang palakasin ang Partido sa ika-56 na anibersaryo nito! Pamunuan ang sambayanan sa pakikibaka laban sa rehimeng US-Marcos at isulong ang rebolusyon!
Habang mataas na itinatanghal ang Pulang bandila ng Marxismo-Leninismo-Maoismo at taglay ang higit na determinasyong pamunuan ang pambansa-demoktratikong rebolusyon ng mamamayang Pilipino, ipinaaabot ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas ang nag-aalab na pagbati nito sa lahat ng mga kadre at aktibista ng Partido, mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan, mga alyado sa National Democratic Front at malawak na masa ng sambayanang Pilipino sa okasyon ng ika-56 anibersaryo ng pagkakatatag ng Partido.
Sa okasyong ito, nananawagan kami sa buong Partido at lahat ng rebolusyonaryong mga pwersa na:
Palalimin at palawakin ang kilusang pagwawasto! Ibayong palakasin ang Partido! Umugat nang mas malalim sa masa at pamunuan ang kanilang paglaban sa pasista at burukrata-kapitalistang rehimeng US-Marcos! Magpunyagi sa pagsulong ng demokratikong rebolusyong bayan!
Ngayong araw, nagpupugay kami kay Ka Jose Maria Sison, tagapangulong tagapagtatag ng Komite Sentral, na nag-akda ng mga sulating teoretikal na patuloy na nagbibigay-tanglaw sa rebolusyonaryong landas ng mamamayang Pilipino. Habampanahong aalalahanin ng bagong henerasyon ng mga kadre ng Partido at mandirigma at paghahalawan ng inspirasyon ang buong buhay ng komunistang dedikasyon ni Ka Joma sa proletaryado at sa lahat ng inaapi at pinagsasamantalahang mga uri.
Pinararangalan namin ang lahat ng mga bayani at martir ng mamamayang Pilipino na walang pag-iimbot na nag-alay ng buhay para sa pambansa-demokratikong adhikain ng mamamayang Pilipino. Binibigyan namin ng natatanging pagkilala ang lahat ng mga lider ng Partido at mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan na nabuwal sa pagsusulong ng digmang bayan at paglaban sa pasistang rehimeng US-Marcos sa nagdaang taon. Ang kanilang mga pangalan ay habampanahong nakatala sa kasaysayan ng rebolusyong Pilipino.
Sa okasyon ng anibersaryo ng Partido, ipinaaabot din namin ang militanteng rebolusyonaryong pagbati sa lahat ng anti-imperyalista, progresibo at demokratikong mga partido, organisasyon at kilusan sa buong mundo na lumalaban sa imperyalismong US at nakikibaka sa imperyalistang mga gera at banta ng gera. Ipinaaabot namin ang pagbati ng pakikipagkapatiran sa lahat ng rebolusyonaryong komunista na nag-aaral, nagtataguyod at naglalapat ng Marxismo-Leninismo sa kani-kanilang mga bansa, at namumuno sa mga manggagawa at mamamayan sa kanilang pakikibaka para sa pambansang paglaya at sosyalismo.
Ginugunita natin ang ika-56 na anibersaryo ng Partido na matalas na sapol kung paaanong ang mabilis na lumulubhang internasyunal at lokal na krisis sa ekonomya at pulitika ay lumilikha ng mga kundisyong paborable sa paglulunsad ng rebolusyonaryong pakikibaka.
Ang pandaigdigang sistemang kapitalista ay patuloy na kinatatangian ng mga pagtumal sa ekonomya, malawakang disempleyo, at lumalaking banta ng istagplasyon at resesyon. Pinapaypayan at inuudyukan ng imperyalistang US ang armadong mga sigalot sa Europe, sa Middle East at Asia. Nilalabanan ng mga manggagawa at mamamayan ang imperyalistang mga gera, digmang proxy, pasistang pang-aapi, pagkakaltas ng pondo sa serbisyo publiko, tumataas na mga presyo, at pinalalakas ang kanilang boses para sa mas mataas na sahod at iba pang kagyat na demokratikong mga kahingian.
Batbat ng krisis sa ekonomya at pulitika ang naghaharing sistema sa Pilipinas. Ang sosyo-ekonomikong kalagayan ng ilampung milyong Pilipino ay bumubulusok dahil sa walang tigil na pagbagsak ng lokal na ekonomyang nakaasa-sa-import at nakatuon-sa-eksport. Ang tuluy-tuloy na paghina ng lokal na produksyon sa agrikultura at industri ay nagreresulta sa tumataas na disempleyo at malawakang dislokasyon pang-ekonomya. Sa kabilang banda, ang dayuhang kapitalistang tubo at yaman ng lokal na oligarkiya ay patuloy na lumalaki mula sa pagsasamantala sa mga manggagawa at likas na yaman, at mula sa pampublikong paggastos at ayudang pinondohan ng utang. Tumindi ang korapsyon at pampulitikang panunupil sa ilalim ng burukrata-kapitalista at pasistang rehimen ni Marcos. Ang naghaharing sistema ay batbat ng patuloy na sumisidhing krisis pampulitika. Ang pangangayupapa ng rehimeng Marcos sa heopulitikal na interes ng US ay humahatak sa bansa sa alimpuyo ng inter-imperyalistang gera.
Ang lumulubhang krisis sa ekonomya at pulitika ng naghaharing sistema sa ilalim ng rehimeng Marcos ay patuloy na nagtutulak sa mamamayang Pilipino na kumilos at maglunsad ng kolektibong pakikibaka para ipaglaban ang kanilang kagyat na mga kahingian. Lumilikha ito ng higit na paborableng kundisyon para umugat ang Partido nang mas malalim at mas malapad sa masa para mapamunuan sila sa kanilang pakikibaka laban sa rehimeng US-Marcos.
I. Sa gitna ng kapitalistang istagnasyon, pinapaypayan ng imperyalismo ang mga gera at inuudyukan ang paglaban
Ang kapitalistang mundo ay hinahambalos ng mga sigalot na nagmumula sa mga kontradiksyon sa pagitan ng monopolyong burgesya at proletaryado, sa pagitan ng imperyalismo at mamamayan ng aping mga bayan, sa pagitan ng imperyalismo at mga bansang naggigiit ng pambansang soberanya, at sa pagitan ng magkakatunggaling imperyalistang kapangyarihan. Sa ngayon, ang mabilis na tumitinding inter-imperyalistang sigalot ang bumubuo sa pangunahing kontradiksyon na humuhubog sa kasalukuyang pandaigdigang sitwasyon, habang nanunulsol at nagtutulak ng mga gera ang imperyalismong US sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
Patuloy na gumegewang ang kapitalistang sistema dahil sa labis na produksyon ng mayor na mga kalakal, kung saan ang tuluy-tuloy na sobra-sobrang kapasidad ay nagtatambak ng hindi mabentang imbentaryo ng mga produktong manupaktura (kabilang ang pangkonsumong elektroniks, mga kagamitang pambahay, kotse, makinarya, bakal at materyal sa konstruksyon) at produktong pang-agrikultura (soy beans, trigo, mais at iba pa). Nagreresulta ito sa matinding kapitalistang kompetisyon para agawin ang kontrol sa mga merkado, gayundin ang pinagkukunan ng hilaw na materyales para maibaba ang gastos sa paglikha ng mas maraming kalakal. Ang ibinubunga nitong pagkabangkarote, pagsasanib at pagbili ay humahantong sa higit na konsentrasyon ng kapital sa kamay ng iilang monopolyo.
Nananatiling batbat ng krisis sa ekonomya at pinansya ang pandaigdigang kapitalismo. Mahigit isa’t kalahating dekada na itong subsob sa istagnasyon ng mabagal na paglago, kung saan maraming nangungunang kapitalistang bansa ang palagiang nasa bingit ng resesyon. Bigo ang “rebanse” pagkatapos ng pandemya na abutin ang dating antas ng produksyon. Ang pandaigdiang paglago ng ekonomya ay hindi inaasahang lalagpas sa 3% ngayon at sa susunod na taon. Mabilis na nawawasak at naaagnas ang produktibong mga pwersa sa gitna ng mga pagsasara at tanggalan. Nagdurusa ang mga manggagawa at masang anakpawis sa bumabagsak na kalagayan sa ekonomya habang ang pinakamalalaking kapitalistang bilyunaryo ay patuloy na nagkakamal ng yaman. Ang lumalalim na limitasyon sa kakayahang bumili ng uring manggagawa ay lumilikha ng bara sa pagkonsumo relatibo sa produksyon. Ginagambala ng lumalagong proteksyunismo at heopulitikal na tensyon ang daloy ng palitan at lumilikha ng mga sagka sa merkado na nagpapatindi lamang sa labis na produksyon.
Tulad ng dati, ang kabuuang demand ay itinutulak ng utang at hindi ng tumataas na sahod at kakayahang bumili ng uring manggagawa. Lumobo ang pandaigdigang utang tungong $322.9 trilyon, na tumaas nang $12 trilyon sa unang tatlong kwarto ng 2024. Katumbas ito ng 326% ng pandaigdigang gross domestic product (GDP). Ang malaking tipak ng dayuhang utang noong 2024 ay napunta sa pagpopondo sa mga proyektong imprastruktura na nagbigay daan sa pagpasok ng multinasyunal na mga kumpanya, kabilang ang ngayo’y pinapakete sa ilalim ng tinatawag na “green economy” (solar, mga proyektong nukleyar atbp). Noong 2023, ang kabuuang $1.4 trilyon ay napunta sa pagbabayad ng dayuhang utang. Higit 35 bansa ang nilulumpo ng utang at nasa peligrong hindi makapagbayad. Lumilikha ng ispekulatibong bula sa mga stock, real estate, at maging sa mga cryptocurrency ang pinalolobong sektor ng pananalapi.
Nananatiling nasa istagnasyon ang ekonomya ng US kung saan ang paglago ay inaasahang aabot lamang sa 2.7% ngayong taon. Pasan nito ang $35.5 trilyong utang na 123% ng kabuuang laki ng ekonomya nito. Ayon sa upisyal na mga estadistika, nasa 16 milyong Amerikanong manggagawa ang wala o kulang sa trabaho, ngunit ayon sa independyenteng pagtataya ay nasa 110 milyon ang walang trabaho. Habang patuloy na nagkakamal ng yaman ang 20 bilyunaryong Amerikano na may hawak na $2.7 trilyon, tinatayang 43 milyong Amerikano ay nabubuhay sa kahirapan, nagdurusa sa lumalalang kalagayang sosyo-ekonomiko sa gitna ng tumataas na implasyon, lumalaking utang ng sambahayan, mababang sahod, pagtaas ng bilang ng mga walang tirahan, at kawalan ng akses sa pampublikong pangangalagang pangkalusugan. Pansamantalang nasusuhayan ang ekonomya ng US ng pagsikad ng merkado sa pinansya at stock sa US dahil sa pasok ng pandaigdigang salaping naghahanap ng ligtas na paglalagakan, ngunit delikadong pagsiklaban ng krisis sa pinansya.
Ang pinakamalalaking ekonomya sa Europe ay kumahaharap din sa istagnasyon. Matapos dumausdos sa resesyon noong nakaraang taon, ang ekonomya ng UK ay inaasahang lumago nang di lalagpas sa 1% ngayong taon. Inaasahang kikitid ang ekonomya ng Germany nang 0.2% ngayong taon mula sa 0.3% na pagbaba noong nakaraang taon, dahil sa mahinang demand para sa produktong manupaktura. Sa harap ng walang kapantay na pampublikong depisito, ang ekonomya ng France ay inaasahang lumago nang hindi lalagpas sa 1.1% ngayong taon, at 0.9% sa susunod na taon. Kinakaharap ng mga manggagawa at mamamayan ng Europe ang kawalang katiyakan sa trabaho, lumulubhang kalagayan sa pamumuhay, kundisyon sa trabaho, paghihigpit ng sinturon, na nagresulta sa lumiliit na akses sa serbisyong panlipunan, at kulang na sahod na hindi kayang umagapay sa tumataas na halaga ng pamumuhay.
Ang ekonomya ng Japan ay nananatiling nasa matagalang istagnasyon. Tinatayang lalago ito nang mas mababa pa sa 1% ngayong taon. Nilulumpo ito ng $8.6 trilyong utang na mahigit 250% ng ekonomya nito. Ang ekonomya ng China ay inaasahang lumago nang hindi hihigit sa 5% ngayong 2024, mas mabagal kumpara sa nakaraang taon at pinakamabagal mula dekada 1990. Inuuga ito ng krisis sa real estate sa gitna ng sobrang suplay ng pabahay, lumiit na pamumuhunan at utang na di nababayaran ng mga debeloper sa real estate, tumataas na utang ng sambahayan at bumagal na lokal na paggastos sa konsumo. Sa gitna ng pangkalahatang pagtumal ng pandaigdigang ekonomya, naghahanap ang China ng mga paraan na pasiglahin ang kanyang ekonomya sa harap ng labis na produksyon na likas sa kapitalismo kung saan lagpas ang kakayahan ng mga produktibong pwersa na lumikha ng mga kalakal kaysa sa kakayahang ikonsumo ito ng merkado. Nahaharap na ito sa mga kontradiksyon na likas sa landas ng pag-unlad ng kapitalismo.
Ang malaking mayorya ng mga bansa sa Asia, Africa at Latin America ay nananatiling atrasado at agraryo, at nagsisilbing taga-eksport ng hilaw na materyales, o bilang taga-suplay ng murang lakas-paggawa para sa mga korporasyong multinasyunal. Ang pandaigdigang kapitalistang istagnasyon ay nagresulta sa mas mababang demand para sa murang eksport, at nagpabagal sa dayuhang pamumuhunan sa pagmamanupakturang assembly-line. Labis silang pinahihirapan ng tumataas na depisito sa palitan at antas ng utang. Nagdurusa ang mayorya ng mamamayan sa lumulubhang kalagayang sosyo-ekonomiko, na kinatatampukan ng kahirapan, kagutuman, kamangmangan, malnutrisyon, at sakit, at ng matitinding epekto ng mga sakunang dala ng pagbabago sa klima, na bunga ng ilang taong imperyalistang pandarambong sa kanilang mga bansa.
Pinatitindi ng pandaigdigang kapitalistang istagnasyon ang mga sigalot sa ekonomya at pulitika sa pagitan ng mayor na imperyalistang mga kapangyarihan. Habang patuloy na itinutulak ng US ang mga patakarang neoliberal para buksan ang ekonomya ng mga malakolonya at ng mga kapitalistang bansang katunggali nito, nagpapatupad ito ng dumaraming hakbanging proteksyunista sa nakaraang isa’t kalahating dekada, sa tangka na muling pasikarin ang lokal na produksyong industriyal.
Nagbuhos ang gubyerno ng US sa ilalim ni Biden ng halos $40 bilyon para suportahan ang produksyon ng semikonduktor na may layuning kontrolin ang 30% ng pandaigdigang suplay, at direktang tapatan ang Taiwan at Japan. Tinaasan nito ang tantos ng taripa sa iba’t ibang tipo ng mga produktong inaangkat mula sa China. Dagdag dito, nagpataw ito ng paghihigpit sa ekonomya at pinansya sa Russia, na may partikular na layuning bawasan ang eksport ng Russia ng langis at natural gas sa Europe. Ang papasok na presidente ng US na si Trump ay nagdeklara na ng mga plano para higit pang itaas ang taripa ng China, gayundin sa inaangkat na mga produkto mula sa Mexico at Canada.
Ang tulak ng US para sa proteksyunistang mga hakbang ay tinapatan na ng mga kontra-hakbang ng imperyalistang mga katunggali nito. Sa inisyatiba ng Russia at China, ang BRICS (Brazil, Russia, India, China at South Africa) ay kamakailang pinalawak para saklawin ang apat pang mga bansa (Egypt, Ethiopia, Iran at United Arab Emirates), liban pa sa idineklarang plano na magdagdag ng 13 “katuwang” na bansa. May mga pagsisikap din na paunlarin ang alternatibong sistemang pampinansya tulad ng inisyatibang BRICS cross-border payment (sistema ng bayaran ng mga bansa), salaping digital ng mga bangko sentral, at iba pang sistema para pasiglahin ang kalakalan na hindi nakatali sa dolyar ng US, na bumabawas sa bulnerabilidad ng mga ito sa panggigipit ng US.
Ang nagiging masidhing kumpetisyon sa ekonomya na nagmumula sa tangka ng monopolyong burgesya ng US na pigilan ang estratehikong pagbagsak nito ay humantong na sa tumitinding mga sigalot-militar. Ang imperyalistang US ang pinakamapanggera sa lahat ng imperyalistang kapangyarihan habang tinatangka nitong balyahin ang mga karibal sa hangaring muling itatag ang sarili bilang natatanging superpower. Sa kasalukuyan, nangunguna ito sa paglalako ng mga gera sa buong mundo. Aktibo nitong ginagatungan at inuudyukan ang mga gera na may layuning agawin ang estratehikong mga rekurso mula sa kontrol ng kanyang mga katunggali. Ang pagbabalik ni Donald Trump bilang pangulo ng US ay nagpabwelo sa paglitaw ng mga grupong neopasista sa US. Ang agresibong pagtutulak niya ng proteksyunistang mga patakaran sa US ay lalong gagatong sa hidwaang inter-imperyalista, kapwa sa China at Russia, gayundin sa tradisyunal na mga alyado ng US.
Sa pag-aarmas sa Ukraine at pagpusisyon ng mga armas malapit sa silangang hangganan ng bansa sa Russia, nagtagumpay ang US na upatin ang Russia na umatake noong 2022. Mula noon ay binigyan nito ang Ukraine ng higit $115 bilyon sa anyo ng ayuda, higit kalahati ay sa porma ng mga armas para patagalin ang gera sa layuning gasgasin ang Russia. Para higit na patindihin ang gera, “pinahintulutan” kamakailan ng US ang Ukraine na magpakawala ng mga misayl na mid-range patungong Russia, na tinapatan ng Russia ng kauna-unahang paggamit ng mga hypersonic na misayl.
Patuloy na sinusuportahan ng US ang gerang henosidyo ng Zionistang Israel laban sa mamamayang Palestino sa Gaza na pumatay na ng higit 45,000, kabilang ang 17,000 bata, at sumugat sa aabot sa 110,000 katao. Binigyan nito ang Israel ng halos $18 bilyong ayudang militar, kabilang ang mga bomba at misayl na ginamit ng Israel sa pambobomba at panganganyon sa Gaza. Inayunan at sinuportahan din ng US ang mga airstrike ng Israel laban sa Iran noong Oktubre, at laban sa Lebanon noong Nobyembre na pumatay sa 3,800 katao at sumugat sa halos 16,000. Nakipagsabwatan ang US sa Israel, Turkey, sa UK at mga pwersa sa NATO para itulak ang pagpapatalsik sa presidente ng Syria na si Bashar al-Assad (na nagpahintulot sa Russia na magpanatili ng base militar) at pagpapabagsak sa gubyernong Syrian. Mula noon, sinuportahan ng imperyalistang US ang pagsakop ng Israel sa Golan Heights, paglulunsad ng airstrike at pag-abante tungo sa sentro ng Syria, habang itinutulak ang mas malaking kontrol at impluwensya sa pagbubuo ng bagong gubyerno.
Habang pinapaypayan ang mga gera sa Ukraine at sa Middle East, ang mga pwersang militar ng US sa ibayong dagat ay tumutulak pangunahin sa tinatawag nitong rehiyong Indo-Pacific, alinsunod sa “pivot to Asia,” na may prinsipal na layuning palibutan at ikahon ang China at targetin ang Democratic People’s Republic of Korea (DPRK). Patuloy nitong pinatitibay ang mga base militar sa Japan at South Korea, gayundin sa Pilipinas. Itinulak nito ang Japan na dagdagan ang gastos sa militar at palawakin ang mga pwersang militar nito para umagapay sa mga pwersang militar ng US. Ginagamit nito ang Pilipinas bilang base ng mga operasyon sa South China Sea sa layuning painitin ang sigalot sa China.
Patuloy ding inilulunsad ng US ang interbensyon sa pulitika at militar laban sa mga bansang naggigiit ng pambansang soberanya. Isinagawa nito ang lahat ng porma ng pagpapabagsak laban sa mga gubyerno sa Venezuela, Cuba at iba pang mga bansa sa Latin America. Tinatarget din nito ang Iran, na matatag na naninindigan laban sa interbensyon ng US sa Middle East.
Nag-uudyok ng mga pakikibakang masa at lahat ng porma ng paglaban ang imperyalistang krisis at mga gera. Naitatatag ang malalapad na alyansa sa pagitan ng mga kilusang anti-imperyalista ng mamamayan, gayundin ng mga gubyernong tutol sa interbensyunismo ng US. Tinanganan ng Venezuela ang inisyatiba sa pagtatatag ng isang anti-pasistang nakakaisang prente laban sa imperyalismong US.
Pumutok ang mayor na mga pakikibakang mangggagawa sa US at iba pang mayor na kapitalistang bansa para igiit ang mas mataas na sahod at mas maayos na mga kundisyon sa paggawa, kabilang ang welga ng 50,000 manggagawa sa daungan sa US noong Oktubre, at ng 33,000 manggagawa sa kumpanyang Boeing. Daan-daanlibong mga manggagawa ang nagwelga sa France bilang protesta sa kaltas badyet sa serbisyong publiko. Ang mga manggagawa ng Germany ay naglunsad ng pambansang welga noong Oktubre para sa mas mataas na sahod. Mayor na mga welgang manggagawa rin ang inilunsad sa Belgium, Finland, Italy, Spain, The Netherlands, Cyprus at iba pang mga bansa. Malalaking protestang manggagawa rin ang isinagawa sa South Korea para ipanawagan ang pagpapatalsik sa nakaupong presidente. Mayor na mga aksyong protesta rin ang patuloy na inilulunsad sa buong mundo para itulak ang pagwawakas ng pag-eeksport ng armas ng US sa Israel at ipanawagan ang pagtigil ng Zionistang henosidyo sa mga Palestino. Sa gitna ng malawakang protestang manggagawa, ang mga kundisyon ay higit na nagiging paborable, laluna sa mga kapitalistang bansa, para umusbong ang militanteng mga alyansa at konseho ng mga manggagawa para magsilbing malawak na nagkakaisang prente sa ipinaglalabang kahingian sa ekonomya at pulitika.
Sa mayorya ng mga bansa sa buong mundo na nananatiling malakolonyal at malapyudal ang kalagayan, ang malawak na masa ng manggagawa at magsasaka, malaproletaryado at petiburgesya at iba pang aping mga uri at sektor ay naglulunsad ng militanteng mga pakikibaka para ipaglaban ang kanilang mga karapatan sa ekonomya at pulitika, laban sa papet at korap na mga gubyerno. Inilulunsad nila ang lahat ng anyo ng paglaban para isulong ang kanilang adhikain para sa pambansang paglaya, partikular mula sa imperyalistang dominasyon ng US.
Patuloy na lumalawak ang mga kilusan at organisayong pangkapatiran ng mga mamamayan. Umaani sila ng mayor na mga tagumpay sa pagpapatupad ng mga resolusyon ng International People’s Tribunal hinggil sa internasyunal na makataong batas, kabilang na kaugnay sa kalagayan ng Pilipinas. Namamalas ito sa magkakasunod na pandaigdigang mga asembliya na pawang walang kapantay sa laki at lawak.
Ang mga pakikibaka para sa pambansang paglaya ng aping mga uri at mamamayan sa mga bansang malakolonyal at malapyudal ay kaagapay ng pakikibaka ng mga gubyernong nagtatanggol sa kanilang pambansang soberanya at lumalaban sa agresyon, interbensyon at subersyon ng imperyalistang US.
Patuloy ring nagsusulong ng armadong paglaban ang mga mamamayan sa palibot ng mundo na nakikibaka para sa pambansang paglaya. Ang mga pwersang rebolusyonaryo sa Palestine ay nananatiling matatag sa kanilang armadong pakikibaka laban sa pananakop ng Israel sa kanilang lupain. Ang mamamayang Kurdish ay naglulunsad din ng kanilang armadong paglaban para itatag ang isang nagsasariling bansa. Patuloy na lumalaban ang etnikong minoryang mga grupo at kanilang mga hukbo sa pasistang rehimeng Tatmadaw sa Myanmar. Patuloy na inilulunsad ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa India para labanan ang brutal na gera ng pasistang rehimeng Modi. Patuloy ding pinamumunuan ng mga partido komunista ang armadong paglaban sa Turkey, Colombia, sa Pilipinas at iba pang mga bansa.
II. Lumulubhang kalagayan sa ekonomya, higit na pagka-agnas ng pambansang soberanya at umiigting na pasistang panunupil sa ilalim ng rehimeng US-Marcos
Patuloy na lumalala ang pamalagiang krisis sa Pilipinas, na nagpapalubha sa sosyo-ekonomikong kalagayan ng malawak na masa ng sambayanang Pilipino. Ang naghihingalong malakolonyal at malapyudal na moda ng produksyon ay kinatatampukan ng pagkawasak ng produktibong mga pwersa at paglala ng pinakamalulubha nitong aspeto.
Mayroong malawakang pagkawasak sa lokal na produktibong mga pwersa na humahantong sa pagbagal ng produksyon (kapwa sa pagmamanupaktura at agrikultura). Nagbubunga ito ng malawakang disempleyo, ibayong pagsalalay sa imported na kalakal para sa konsumo, at pagsirit ng presyo.
Nananatiling atrasado at agraryo ang lokal na produksyon. Walang batayang mga industriya na maaaring umagapay sa paglago at paglawak ng ekonomya. Winasak ng deka-dekadang liberalisasyon sa importasyon at pagpapalit-gamit ng lupa ang lokal na produktibong mga pwersa, laluna ang lokal na produksyon sa agrikultura. Ang produktibidad sa agrikultura ay bumagsak sa nagdaang tatlong taon na nagresulta sa makasaysayang depisito sa kalakalan sa agrikultura, lumalalang pagsalalay sa importasyon ng pagkain, at bumabagsak na kabuhayan ng masang magsasaka. Ang bahagi sa ekonomya ng sektor ng pagmamanupakturang industriyal ay bumagsak sa pinakamababang antas mula 1949. Sa kabila nito, patuloy ang walang puknat na pagpapatupad ni Marcos ng neoliberal na mga patakaran na nagpapalala sa pagsalalay ng bansa sa import, nagpalawak sa mga pribilehiyo at instentibo ng multinasyunal na mga korporasyon, at ibayong nagpahina sa lokal na produksyon.
Nagresulta ang mga ito sa matataas presyo, mababang sahod at sa pagkawala ng kabuhayan ng milyun-milyong masang anakpawis. Ang pamalagiang depisito sa kalakalan ng bansa ay nasa pinakamataas sa kasaysayan. Dahil walang kakayahan ang indusriya pang-eksport ng bansa na kumita ng dayuhang salapi, labis na nakasalalay ang ekonomya sa dayuhang remitans at dayuhang pautang para pondohan ang mga import. Ang kabuuang dayuhang utang ng bansa ay lumobo tungong $139.6 bilyon sa huling tala noong Setyembre 2024—katumbas ng 31% ng gross domestic product (GDP) na pinakamataas sa halos 15 taon—kung saan $86.9 bilyon ang dayuhang utang pampubliko.
Sa ilalim ni Marcos, patuloy na sumisirit ang utang ng pambansang gubyerno, umabot nang higit ₱16 trilyon noong Oktubre 2024, o malaking talon na ₱3.2 trilyon o 25% kahit hindi pa nangangalahati ang anim na taon niyang termino. Ang pagtaas ay pangunahing nagsisilbi sa pagpapalawak ng mga operasyon ng malalaking burgesyang kumprador at pagbabayad sa dayuhan at lokal na utang. Ang kabuuang buwanang utang ng gubyernong Marcos na ₱204 bilyon ay higit na malaki sa pinagsamang buwanang pangungutang sa ilalim ng rehimeng Duterte (₱131 bilyon) at Aquino (₱61.5 bilyon). Tuluy-tuloy na tumataas ang halaga ng awtomatikong ibinabayad sa utang. Ang bayad sa interes pa lamang ay tumaas nang 22% mula ₱628.3 bilyon noong 2023 tungong ₱763.4 bilyon nitong 2024. Nakatakda itong tumaas muli nang 11% tungong ₱848 bilyon sa 2025. Kapag pinagsama, ang bayad sa interes at prinsipal ay higit na tumataas at lumalaki mula ₱1.57 trilyon noong 2023, tungong ₱2.03 trilyon ngayong 2024 at tinatayang ₱2.05 trilyon sa 2025.
Ang pandaigdigang istagnasyon sa ekonomya ay nagresulta sa pagbagal ng lokal na ekonomya, partikular sa pag-aasembol at semi-processing. Sa gitna ng sobrang suplay sa daigdig, inaasahang kikitid nang hindi bababa sa 10% ang eksport ng semikonduktor, na magbubunga ng pagsasara o tanggalan sa mga lokal na empresa sa pag-aasembol. Mayroong katulad na tanggalan sa mga empresang gumagawa ng tela, wiring at iba pang produktong pang-eksport.
Pinakamataas pa rin sa kasaysayan ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho. Pinagtatakpan lamang ito sa pamamagitan ng manipulasyon sa estadistika ng mga ahensya ng estado. Labis nilang binabatak ang mga kategorya na “may trabaho” para ibilang kahit ang halos tatlong milyon walang sweldong manggagawa sa negosyo ng pamilya, gayundin ang ilampung milyong tagapulot ng basura, mga manininda, maliliit na opereytor sa transportasyon, may-ari ng mga sari-sari store, kasambahay, mga Youtuber at Tiktoker at iba pang impormal na trabaho. Ang totoo, marami sa kanila ay mga walang trabaho na pinapasok kahit anong mapagkakakitaan kahit mababa, walang katiyakan at antas-kahirapan ang kita at walang benepisyo at panlipunang proteksyon. Para pagtakpan ang tindi ng disempleyo, pinaliliit din ng mga eksperto sa estadistika ng estado ang “labor force participation rate” o tantos ng lumalahok na lakas-paggawa para tanggalin ang milyun-milyong Pilipino sa binibilang na mga walang trabaho.
Partikular na matindi ang kawalang empleyo sa hanay ng kabataan, kabilang ang mga nakapagtapos na walang mahanap na trabaho sa larangang kanilang pinag-aralan. Nagsisiksikan sa pambansang kabisera at iba pang mayor na syudad ang napakalaking reserbang hukbo ng paggawa. Patuloy na tumataas ang kawalang trabaho sa kanayunan sa harap ng pangangamkam ng lupa at pang-aagaw ng kabuhayan ng milyun-milyong magsasaka. Bunga nito, higit 7,500 manggagawa ang umalis ng bansa araw-araw para maghanap ng trabaho sa ibang bansa sa unang siyam na buwan lamang ng 2024, dahil sa kawalan ng sapat na trabaho sa bansa. Iniuulat na halos 11 milyon ang Pilipinong naghahanapbuhay sa ibayong dagat, kabilang ang nasa anim na milyong migranteng dokumentado at hindi dokumentado.
Bumubulusok ang pamantayan sa pamumuhay ng malawak na masa ng mamamayan sa ilalim ng rehimeng Marcos sa gitna ng tuluy-tuloy na pagtaas sa presyo ng pagkain, petrolyo, kuryente, tubig at iba pang pampublikong serbisyo at yutiliti. Sa partikular, palaging mataas ang implasyon sa pagkain tulak ng presyo ng bigas na kontrolado ng mga burgesyang kumprador na kartel at ismagler sa pakikipagsabwatan sa mga upisyal ng gubyerno. Patuloy na lumalaki ang agwat ng sahod at sweldo ng mga manggagawa at karaniwang mga empleyado sa halaga ng arawang pangangailangan ng lima-kataong pamilya. Sa desperasyong “maka-akit” ng dayuhang kapital, patakaran ng rehimeng Marcos na ipako ang sahod.
Naglalabas ang mga upsiyal ni Marcos ng lubhang pinababang datos sa pagtataya sa kahirapan gamit ang mababang hindi makatotohanang pamantayan ng kahirapan. Ipinagmamayabang ng rehimen ang paglago ng ekonomya na diumano’y pinakamabilis sa rehiyon at na malapit nang maabot ng bansa ang istatus na mataas na panggitnang-kita. Ang totoo, ang mabilis na lumalaki ay ang bilang ng mahihirap at nagugutom na mga Pilipino. Mula nang maupo sa poder si Marcos, ang bilang ng mahihirap na pamilyang Pilipino ay lumaki nang 50% (nasa apat na milyon) mula walo tungong higit 12 milyon. Ang bilang ng nagugutom na mga pamilya ay lumaki nang 120% (3.4 milyon) mula 2.9 milyon tungong higit anim na milyon. Sa pagsirit ng mga presyo at pagbulusok ng kanilang kakayahang bumili, lumaki ang bilang ng mga sambahayang walang impok nang 1.5 milyon tungong higit 20 milyon. Higit 75% ng mga Pilipino ay mahirap at nagdurusa, na kinumpirma kahit ng mga pag-aaral ng bangko sentral.
Habang nagdurusa ang malaking mayorya ng mamamayang Pilipino sa lumulubhang kundisyon sa pamumuhay, kawalang trabaho at pagkawala ng kabuhayan, nagpapakasasa naman sa yaman at pribilehiyo ang mga Marcos at mga naghaharing uri. Ginagasta ni Marcos ang pondo ng publiko para sa madalas na pagbyahe sa ibang bansa, paglipad gamit ang upisyal na mga helikopter para sa personal na byahe para umiwas sa malalang trapik, pagdaos ng mga piging at pribadong konsyerto sa palasyo ng presidente, at pagbibigay-layaw sa sarili at kanyang pamilya sa isang mala-resort na bahay sa Malacañang.
Lantarang ginagamit ng rehimeng Marcos ang pampulitikang pribilehiyo para bawiin ang bilyun-bilyong pisong yamang iligal na kinamkam sa ilalim ng 14 na taon ng diktadurang Marcos Sr (1972-1986) na sinikwester ng nagdaang mga rehimen. Mula nang maupo sa poder noong 2022, sunud-sunod na ibinasura ng lokal na mga korte ang hindi bababa sa walong kaso ng korapsyon at nakaw na yaman laban sa pamilyang Marcos, na kinabibilangan ng hindi bababa sa ₱352 bilyon. Kabilang sa mga kasong ito ang pondong coco levy na ninakaw nina Marcos, Juan Ponce Enrile at Eduardo Conjuangco mula sa mga magsasaka para bumili ng mga sapi, kumpanya, bangko at magpautang sa mga kroni.
Kontrolado ni Marcos ang target na ₱500 bilyong pondong publiko na Maharlika Fund, kung saan ₱75 bilyon na ang nailipat, na libre na niyang ibigay sa pinapaborang pribadong negosyo at mga proyektong imprastruktura na ginagarantiyahan ng gubyerno. Sa badyet ng rehimen ngayong 2025, hindi bababa sa ₱1.5 trilyon ang nakalaan sa pagtatayo o pagpapalawak ng mga kalsada at tulay na batbat sa kurakot. Kinaltasan ang badyet sa edukasyon, kalusugan, at iba pang serbisyong panlipunan para ilipat sa pork barrel, sa porma ng pinalalabas na perang pang-subsidyo at ayuda. Naglaan si Marcos ng ₱4.5 bilyon sa sariling confidential and intelligence funds.
Ang lumulubhang krisis ng naghaharing sistema ay patuloy na nagpapatalas sa pampulitikang krisis sa ilalim ng rehimeng Marcos. Ang lumiiliit na rekurso sa ekonomya na mapaghahati-hatian ng naghaharing mga uri ay nagtutulak sa naghaharing mga buruktratang kapitalista na maging mas matakaw at mapanghangad sa pribilehiyo at yaman ng isa’t isa. Nag-aagawan sila sa mga kontrata sa gubyerno para makuha ang kanilang bahagi sa suhol. Ginagamit nila ang kapangyarihan at pribilehiyo ng gubyerno para paburan ang kanilang mga kroni sa negosyo at loyalista sa pulitika.
Ang sigalot ng mga Marcos at Duterte, na kumakatawan sa dalawang pangunahing paksyon ng kasalukuyang naghaharing pagkatin na nag-aagawan sa pribilehiyo sa ekonomya at kapangyarihan sa pulitika, ay tumatalas habang papalapit ang eleksyong midterm sa 2025, na itinuturing na mahalagang paghahanda para sa eleksyon pampangulo sa 2028. Inirekomenda ng House of Representatives na dominado ng mga Marcos na kasuhan si Duterte ng mga krimen sa sangkatauhan, katulad ng mga isinampa ng mga biktima ng ekstra-hudisyal na pagpaslang sa International Criminal Court (ICC). Gayundin, hindi bababa sa tatlong reklamo ng impeachment ang isinampa laban sa anak ni Duterte, si Sara, bise presidente at dating kalihim sa edukasyon, dahil sa maanomalyang paggamit sa higit ₱500 milyong “confidential funds,” liban sa marami pang isyu. Dahil hindi niya tiyak ang buong katapatan ng armadong hukbo at saklaw ng nalalabing impluwensya ng mga Duterte sa militar, ibinibitin ni Marcos ang pagpapatalksik kay Sara Duterte, at ang pag-usig at pag-aresto ng ICC kay Rodrigo Duterte.
Patuloy na ipinapakita ng papet na rehimeng Marcos ang lantarang pangangayupapa nito sa among imperyalistang US. Pinahihintulutan nito ang US na patatagin ang tayong militar sa Pilipinas, para magpakita at magpalawak ng kapangyarihang militar ng US sa rehiyong Asia-Pacific. Kasama ang mga upisyal sa depensa at militar ng US, pumirma ang rehimeng Marcos ng Bilateral Security Guidelines at Security Sector Assistance Roadmap, na lalo pang nagtatali sa Pilipinas sa heopulitikal na interes sa militar ng US. Pumirma rin ito sa isang deklarasyon kasama ang US at Japan para na bumuo ng trilateral na alyansa na malinaw na nagsisilbi sa “Indo-Pacific Strategy” ng Pentagon.
Sa ilalim ni Marcos, lumaki ang bilang ng mga base at pasilidad militar ng US mula apat tungong 20, kabilang ang mga upisyal na kinikilala sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), pati na mga lugar na inililihim sa publiko. Ang iskema ng US ay gamitin ang bansa bilang lunsaran ng mga operasyong militar at nabal sa rehiyon na nakatutok laban sa China at sa DPRK. Pinananatili rin nito ang malaking bulto ng mga pwersang militar sa Japan, South Korea, at Australia, habang hindi bababa sa tatlong carrier strike group ang tuluy-tuloy na sumusuyod sa karagatan sa palibot ng China. Naglulunsad ang US ng halos araw-araw na mga pagsasanay sa gera sa bansa. Ang Balikatan exercises noong Abril ang pinakamalaki sa kasaysayan na nilahukan ng higit 11,000 sundalong Amerikano.
Pinatatakbo ng militar ng US ang sentro ng kumand nito sa Palawan, gayundin sa pangunahing himpilan ng Armed Forces of the Philippines (AFP), para pamunuan at ikoordina ang mga operasyong nabal at pwersang coast guard ng Pilipinas at US kabilang ang mga “supply mission” sa Ayungin Shoal, “freedom of navigation” at iba pang mga operasyon sa South China Sea na may layuning ipakita ang kapangyarihang militar ng US. Ang mga operasyong ito ay nag-uudyok at nagpapataas ng tensyon sa China at ginagawa kaakibat ng kampanya para paypayan ang Sinophobia sa mga Pilipino. Tinugon ng China ang mga ito nang higit na agresibong operasyong nabal at pandagat na lumalabag sa eksklusibong karapatan sa ekonomya ng Pilipinas sa West Philippine Sea, dahilan na higit na nagiging mahirap ang mapayapang dayalogo at resolusyon sa mga hidwaang pandagat sa pagitan ng Pilipinas at China.
Sa utos ng US, patuloy na itinutulak ng rehimeng Marcos ang “modernisasyon” ng AFP para gawin itong “interoperable” o mas madaling kontrolin na pwersang pandagdag ng US. Sa ilalim ng “foreign military financing” (FMF o dayuhang pagpopondo sa militar) ng US, “inililipat” ang pinaglumaang mga kagamitang pandigma sa militar ng Pilipinas. Sa ilalim ng FMF, nangako ang US ng $500 milyon sa Pilipinas ngayong 2024, at nagpanukala ng $2.5 bilyong pakete para sa 2025-2029.
Hawak ang suportang militar at pinansya ng US, pinaigting ng rehimeng Marcos ang pampulitikang panunupil at ang gera ng pagsupil na tumatarget sa mamamayang Pilipino at sa kanilang organisadong pwersang patriyotiko at demokratiko. Kasabay nito, naglulunsad ito ng todo-todong kampanya sa disimpormasyon at gerang sikolohikal, sa paulit-ulit na pagdedeklara na ang mga prubinsya sa buong bansa ay “insurgency-free” o wala nang armadong paglaban, na pantabing sa walang pakundangan mga paglabag sa karapatang-tao at internasyunal na makataong batas.
Paulit-ulit na idineklara ng AFP ang plano nitong pagkambyo mula “internal na depensa” tungong “eksternal na depensa” at pagpatupad ng “integrated territorial defense system” na kinatatangian ng pagpapalawak at pagpapalakas ng mga yunit paramilitar (CAFGU) nito. Ang mga deklarasyong ito sa publiko ay pagbibigay katiyakan sa imperyalistang amo ni Marcos na ang kanyang gubyerno ay handang maglaan ng mas maraming pwersang militar para suportahan ang pwersang militar ng US sa mga operasyon nito sa South China Sea sa panahong iigting ang inter-imperyalistang armadong sigalot o lantarang gera.
Sa kanyang pagkahumaling sa pagdurog sa armado at hindi armadong paglaban ng bayan para tanggalin ang mga balakid sa kanyang burukrata-kapitalista, pasista at papet na rehimen, ginagamit ni Marcos ang pinakabrutal at walang lubay na paraan ng panunupil sa mamamayan. Inatasan niya ang AFP na magpataw ng batas militar sa libu-libong barangay at komunidad sa kanayunan, na muling bumuhay sa madugong taktika ng pasistang panunupil noong panahon ng kinasusuklamang diktadura ng tiraniko niyang ama.
Sa tabing ng mga “community support program,” nagpapakat ang AFP ng mga pangkat ng mga sundalong pangkombat para magtayo ng mga baraks at detatsment sa loob ng mga komunidad sa tabi ng kabahayan ng mga sibilyan, taliwas sa internasyunal na makataong batas. Ipinapataw nila ang kanilang kapangyarihan at naghahasik ng lagim sa mamamayan. Ipinaiilalim ang mga komunidad sa mala-garison o mala-hamlet na kontrol. Ginigipit ng mga pasista ang karapatan ng mamamayan na malayang makakilos o bumyahe gamit ang mga tsekpoynt at logbook, pagblokeyo sa pagkain at komersyo, karpyu at kung anu-anong arbitraryong mga patakaran. Kabilang din sa mga ito ang pagbabawal sa mga magsasaka na magtrabho sa mga sakahan sa takdang mga oras, na pumipinsala sa kanilang kabuhayan. Umaastang hukom, hurado at berdugo ang mga sundalong ito sa pagbabansag sa mga sibilyan bilang “tagasuporta” o “rebelde” at pagtulak sa kanilang “linisin” ang kanilang mga pangalan o “sumuko” sa militar, labas sa mga prosesong ligal ayon sa sarili nilang batas, kaalinsabay ng mga pagbabanta ng ekstra-hudisyal na pagpaslang o tortyur.
Ang mga pasistang ito ay lubhang kinamumuhian ng mamamayan. Promotor sila sa paggamit ng ipinagbabawal na droga, pornograpiya, prostitusyon at iba pang anti-sosyal na mga bisyo sa mga kabataan sa tangkang kitlin ang kanilang hangarin para sa hustisyang panlipunan. Ginagambala ang kapayapaan sa mga komunidad sa gabi-gabi nilang pag-iinuman at walang patumanggang pagpapaputok ng baril ng mga sundalong lasing. Ang mga sundalong ito ay sangkot sa dumaraming bilang ng mga kasong sekswal na panghaharas, pangmomolestya at panggagahasa laban sa kababaihan.
Patuloy na dumarami ang mga masaker, ekstra-hudisyal na pamamaslang, tortyur, pagdukot, iligal na pag-aaresto at iba pang mga krimeng gawa ng mga sundalo. Para bigyang katwiran ang mga krimeng ito, naglalabas ng huwad na mga pahayag ang AFP na ang kanilang mga biktima ay mga Pulang mandrigima na napatay sa engkwentro, kahit pa ang mga ito ay tahasang pinasisinungalingan ng mga lokal na residente. Mayroong mga kaso ng pagpatay sa matatanda, buu-buong mga pamilya, buntis at mga bata. Pinakamasahol ang mga kaso ng pampulitikang panunupil, paglabag sa karapatang-tao at mga krimen laban sa makataong batas sa mga lugar kung saan ginagamit ang militar para palayasin ang mamamayan sa kanilang lupa at supilin ang kanilang pagtutol sa pagpasok ng malalaking kumpanya sa mina at plantasyon, mga proyektong enerhiya at eko-turismo, at iba pa.
Katulad na mga taktika ng pampulitikang panunupil ang ginagamit ng mga pwersang militar at pulis para supilin ang pakikibaka ng mamamayan sa mga syudad. Nagpapakat sila ng mga pangkat ng sundalo at ahente sa mga komunidad ng mga maralitang lunsod para ipailalim ang mamamayan sa pagmamanman, panghaharas, “pagpapasuko” at iba pang mga operasyon ng “pagpapabaligtad,” pag-aresto, pagdukot at pagpatay. Kasabwat ang mga kapitalista, tinutukoy ng mga ahenteng militar ang mga lider at organisador ng unyon at “binibisita” sila sa kanilang mga bahay para sindakin sila at kanilang pamilya para pilitin silang tumigil sa kanilang gawaing pag-oorganisa. Tinatarget din ng mga pwersang militar at ahente sa paniktik ang mga estudyante, kababaihan, taong-simbahan, manggagawang pangkalusugan at iba pang sektor. Sa tabing ng “paglaban sa marahas na ekstrimismo,” naglulunsad ang AFP, kasama ang National Task Force (NTF)-Elcac at iba pang reaksyunaryong ahensya ng estado, ng kampanya ng anti-komunistang panunugis na lumalabag sa mga karapatang mag-organisa ng mamamayan at magphayag ng kanilang mga hinaing.
Hindi natitinag ang mamamayang Pilipino sa harap ng lumulubhang mga anyo ng pang-aapi at pagsasamantala at pasistang atake. Determinado ang malawak na masa ng sambayanan na ipaglaban ang kanilang mga karapatan, kagyat na kahingian at matagalang mga hangarin. Patuloy silang nag-oorganisa at naglulunsad ng militanteng pakikibaka.
Inilunsad ng mga drayber at opereytor ng dyip ang militanteng mga aksyong protesta laban sa plano ng rehimeng Marcos na i-phase out ang mga dyip na magkakait sa kabuhayan ng ilampung libong mamamayan. Maoobserba natin ang kapansin-pansing pagsigla ng aktibidad ng mga manggagawa sa pagbubuo ng mga unyon at pagtulak ng kahingian para sa dagdag sahod. Patuloy na isinusulong ang ilang lokal na pakikibakang magsasaka laban sa tangka ng mga panginoong maylupa at malalaking burgesyang kumprador na kamkamin ang kanilang lupa. Pinalalakas ng mga organisasyong masa ang kanilang boses para ipanawagan ang mas mababang presyo ng bigas, petrolyo, kuryente at iba pa. Ang mga migranteng manggagawa, mula Europe hanggang Middle East, mula sa mga mandaragat hanggang sa mga kasambahay, ay aktibong nagpapalakas ng kanilang mga organisasyon at militanteng isinusulong ang kanilang mga kahingian.
Mayroong naging mga aksyong protesta laban sa pagsasanay militar ng US sa Pilipinas, laban sa mga base militar ng US, at interbensyong militar sa South China Sea. Inilunsad din ang mga protesta bilang pakikisa sa mamamayang Palestino laban sa henosidyo ng US-Israel sa Gaza.
Ang kahingian para sa kumpensasyon sa kabiguan ng estado na tiyakin ang kaligtasan ng mamamayan ay ipinanawagan ng mga biktima ng kamakailang mga kalamidad. Tinuligsa nila ang patakaran ng pagtataguyod sa pagmimina at iba pang mga mapangwasak sa kalikasang aktibidad.
Patuloy na lumalakas ang panawagan nila para palayain ang mga bilanggong pulitikal, paglilitaw sa mga biktima ng sapilitang pagkawala, at hustisya sa lahat ng mga biktima ng paglabag sa karapatang-tao. Nariyan din ang lumalakas na kahingian sa rehimeng Marcos na makipagtulungan sa International Criminal Court para sa pag-aresto at paglitis kay Rodrigo Duterte sa mga krimen laban sa sangkatauhan. Mayroon ding mga panawagan para sa impeachment ni Sara Duterte bilang bise presidente, habang tinutuligsa rin nila ang korapsyon ng rehimeng Marcos.
Habang inilulunsad ang mga aksyong protesta laban sa pagpapakatuta, korapsyon, pasismo at anti-mamamayang mga patakaran ng rehimeng Marcos, nagpatakbo ang mga ligal na pambansa-demokratikong organisasyong masa, alyansa at partidong pampulitika ng 11-kataong kandidato pagkasenador, dagdag sa ilang grupong party-list na tumatakbo para sa mga pwesto sa kongreso. Aktibo nilang itinataguyod ang pambansa-demokratikong programa, kaakibat ang programa para sa kagyat na mga reporma, na layuning bigyang-alwan ang masang nagdurusa sa malawakang disempleyo at malalim na kahirapan. Inilalantad at hinahamon nila ang reaksyunaryong eleksyon para pukawin ang higit na maraming bilang ng mamamayan, para himukin silang bumoto para sa kanilang mga kandidato, at lalong mahalaga, para magtayo ng bagong mga balangay at magrekrut ng bagong mga kasapi, para sa higit na mas malalaking pakikibakang masa sa hinaharap.
Ang matiyagang pagsisikap para mulatin, organisahin at pakilusan ang mamamayan ay tiyak na magbubunga sa matatag na pagmartsa pasulong ng demokratikong kilusang masa sa darating na taon. Determinado ang bayan na magtatag, magpalakas at magpalawak ng kanilang mga unyon at lahat ng tipo ng organisasyong masa para mas epektibo nilang maipaglaban ang kanilang mga interes sa ekonomya at pulitika, at isulong ang adhikain ng pambansang demokrasya.
Ang lumalalim na makauring kontradiksyon at ang umiigting na krisis sa ekonomya at pulitika ng naghaharing sistema ay lumilikha ng paborableng mga kundisyon para higit na palawakin at palakasin ang Partido Komunista ng Pilipinas. Nasa balikat ng mga kadre at kasapi na ng Partido ang responsibilidad na ubos-kayang magsikap para mas malalim at malawak na umugat sa masa, para pukawin at pamunuan sila sa landas ng demokratikong rebolusyong bayan.
III. Matatag na umuugat ang kilusang pagwawasto, subalit marami pang kailangang gawin
Ang Partido Komunista ng Pilipinas ay abanteng destakamento ng proletaryadong Pilipino. Inilalapat nito ang pangkalahatang teorya ng Marxismo-Leninismo-Maoismo, ang ideolohiya ng uring manggagawa, sa kongkretong kundisyon ng lipunang Pilipinas, na kinukubabawan ng imperyalismong US, at nasa ilalim ng makauring paghahari ng malalaking burgesya at malalaking panginoong maylupa. Inilatag ng Partido ang programa para sa demokratikong rebolusyong bayan bilang solusyon sa pamalagiang krisis ng malakolonyal at malapyudal na sistema, upang buklurin ang mga makabayan at demokratikong uri ng mga manggagawa, magsasaka, malaproletaryado, maliliit na burgesya at pambansang burgesya.
Itinatag ang Partido noong Disyembre 26, 1968, at mula noon ay namuno sa sambayanang Pilipino sa pagsusulong ng pambansa-demokratikong rebolusyon. Ito ay isang organisasyong may mataas na disiplina alinsunod sa mga prinsipyo ng demokratikong sentralismo. Binubuo ito ng mga proletaryadong kadre at aktibista na malalim at malawak na nakaugat sa masa. Namumuno ito sa mga rebolusyonaryong organisasyon at pakikibakang masa ng mga manggagawa, magsasaka at iba pang demokratikong uri at sektor. Namumuno ito sa Bagong Hukbong Bayan sa pagsulong ng matagalang digmang bayan alinsunod sa estratehikong linya ng pagkubkob sa kalunsuran mula sa kanayunan. Itinatag nito at pinamumunuan ang National Democratic Front bilang pinakakonsolidadong ubod ng nagkakaisang prente.
Ginagamit ng Partido ang pagpuna at pagpuna sa sarili upang matiyak na umaalinsunod ang rebolusyonaryong praktika sa linya ng Marxismo-Leninismo-Maoismo at sa mga saligang prinsipyo at patakaran nito. Tuluy-tuloy nitong nilalabanan ang mga ideyang burges at petiburges na naggigiit ng impluwensya mula sa labas at sa loob nito. Dapat pana-panahong ilunsad ng Partido ang mga kampanya ng pagwawasto, pangkalahatan man o partikular, bilang paraan ng pagtutuwid sa mga pagkakamali sa mga patakaran at praktika.
Eksaktong isang taon na ang nakalipas nang manawagan ang Komite Sentral sa buong kasapian ng Partido na maglunsad ng isang kilusang pagwawasto upang matalas na tukuyin, punahin at iwaksi ang lahat ng uri ng petiburges na suhetibismo, isang sakit na kumalat sa Partido sa iba’t ibang antas at tindi, at nagpahina dito mula sa loob. Sa loob ng nakalipas na isang dekada o higit pa, ang pagsulong ng rebolusyonaryong kilusang masa ay sinagkaan ng mga Kanang oportunistang tendensya ng konserbatismo, buntotismo, ligalismo, ekonomismo, repormismo at NGOismo; samantalang pinahina ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka ng sariling pagpapakitid na humantong sa konserbatismong militar at pagbitiw sa inisyatibang gerilya.
Ikinalulugod naming iulat na ang panloob na kampanya ng pag-aaral at pagpuna-sa-sarili ay matatag na umuugat at patuloy na lumalaganap. Ngunit marami pa ang kailangang gawin. Nasa mga unang hakbang pa lamang tayo. Patuloy na lumilitaw ang nakasisirang impluwensya ng mga pagkakamali, kahinaan at kakulangan ng nakaraan. Dapat lalong palalimin ang kilusang pagwawasto upang mapagpasyang bunutin ang suhetibistang mga ugat ng ating mga pagkakamali, kahinaan at kakulangan, upang patatagin at palakasin ang Partido, at mapagpasyang pangibabawan ang matagal nang problema istagnasyon, at iluwal ang bagong rebolusyonaryong pagdaluyong.
Ang kilusang pagwawasto ay isang kilusang pag-aaral na naglalayong itaas ang kakayahan ng mga kadre at aktibista ng Partido na gamitin ang siyentipikong teorya at proletaryong paraan ng pag-iisip bilang mga instrumento upang gabayan at itaas ang antas ng praktikal na rebolusyonaryong gawain. Muling pagpapatibay ito ng paninindigan sa Marxismo-Leninismo-Maoismo, pati na rin sa mga saligang prinsipyo, pagsusuri at patakaran ng Partido, at programa para sa pagsusulong ng pambansa-demokratikong rebolusyon na may sosyalistang perspektiba.
Ang kasalukuyang kilusang pagwawasto ay pangunahing naglalayong ituwid at pangibabawan ang mga kahinaan, kakulangan at pagkakamali na nagmula sa empirisismo. Ang empirisismo ay isang anyo ng suhetibismo na nagmula sa kakulangan ng masugid na pag-aaral at aplikasyon ng teorya upang gabayan, lagumin at itaas ang antas ng praktika. Nais nating lutasin ang matagal nang problema ng istagnasyon sa iba’t ibang larangan ng rebolusyonaryong gawain sa loob ng halos dalawang dekada, at pag-atras at pinsala mula 2017-2018. Ginagawa ito sa pamamagitan ng pagsusuma ng mga karanasan, pagpuna at pagpuna-sa-sarili, ayon sa mga saligang prinsipyo, patakaran at programa ng Partido, at sa pamamagitan ng isang kampanya ng panlipunang pagsisiyasat at pagsusuri sa uri sa iba’t ibang antas ng gawain ng Partido.
Isinusulong ang kilusang pagwawasto sa harap ng walang-humpay at brutal na kampanya ng paglipol ng kaaway, kapwa sa kalunsuran at kanayunan. Sa pamamagitan ng pangingibabaw sa mga pagkakamali, kahinaan at kakulangan ng mga nakaraang taon, determinado tayong biguin ang walang-habas na gera ng kaaway, bawiin ang mga nawala, magkamit ng bagong mga tagumpay at isulong ang rebolusyonaryong paglaban ng sambayanang Pilipino.
Ang pagsisimula ng kilusang pagwawasto noong nakaraang taon ay binati ng lahat ng mga namumunong komite ng Partido. Pinukaw at binigyang inspirasyon nito ang mga kadre at aktibista ng Partido, pati na rin ang masang rebolusyonaryo. Pinuspos nito ang mga pinuno at kasapi ng Partido ng diwa ng pagpuna-sa-sarili. Determinado silang ituwid at pangibabawan ang kanilang mga pagkakamali, kahinaan at kakulangan, upang palakasin ang Partido at tulungang pukawin ang bayan na mas matapang na lumaban, magrebolusyon at biguin ang brutal na digmang paglipol ng kaaway.
Layunin ng kilusang pagwawasto na pandayin ang katatagan sa ideolohiya at pulitika ng ating mga kadre. Dahil sa naging kakulangan sa tuluy-tuloy na pag-aaral sa ideolohiya at muling pagpapatibay sa proletaryong paninindigan, at sa harap ng brutal na digmang pagsupil at walang awat na mga pag-atake ng kaaway, sadyang nalumpo ang ilang kadre dahil sa takot o ng labis na paghahangad sa kaginhawaan. Ngunit ang higit na malaking mayorya ng ating mga kadre, na humahalaw ng lakas sa rebolusyonaryong adhikaing higit sa kanilang pansariling hangarin, ay determinadong gawin ang kinakailangang sakripisyo upang tiyakin ang kanilang seguridad at ang tagumpay ng Partido at ng kilusang pagwawasto nito.
Alinsunod sa panawagan ng Komite Sentral, sinimulan ng mga komite ng Partido at mga rebolusyonaryong organisasyong masa ang plano para sa mga kampanya sa pag-aaral sa buong taon. Ipinatupad ang mga ito nang may iba’t ibang antas ng tagumpay. Ang iba ay inangkop ang kanilang mga pamamaraan ayon sa mga obhetibong kalagayan (katulad ng staggered o baha-bahaging diskusyon at mas maliliit na grupo upang umangkop sa gerilyang kalagayang makilos, pagdaos ng mga klase sa gabi upang umangkop sa pagkaabala sa trabaho ng mga magsasaka sa araw, mga pag-uusap na one-on-one sa mga bagong rekrut, at iba pa). May ibang nagtayo ng pormal na istruktura ng pag-aaral sa ilalim ng Paaralang Jose Maria Sison kung saan ang mga mag-aaral ay nagpapatala sa mga pormal at regular na klase. Ang mga libro at artikulong Marxista-Leninista-Maoista ay pinararami sa anyong papel o digital. Subalit may ilan na hindi kasing militante at malikhain, na nagreresulta sa mas mabababang antas ng tagumpay.
Ang ating Partido ay naglabas kamakailan ng mga artikulong nag-aaral sa ilang mahahalagang usapin, kabilang ang kasalukuyang krisis ng imperyalismo at mga banta ng digmaan, ang kasalukuyang pakikibaka para sa dagdag sahod, ang “BPO industry” at ang penomenon ng mga “gig workers,” at mga tampok na usapin sa taktika sa pagsulong ng pakikidigmang gerilya upang biguin ang walang-habas na digmang panunupil at gradual constriction ng kaaway. Kailangang maglabas ng mas marami pang teoretikong pag-aaral at artikulo sa mahahalagang usaping kinakaharap ng Partido sa araw-araw.
Ang mga panrehiyong komite ng Partido at iba pang nangungunang komite, kabilang sa ibang bansa, ay puspusang nagsisikap na makumpleto o marepaso ang kanilang mga dokumento ng paglalagom alinsunod sa kilusang pagwawasto. Nakumpleto ng ilang mga komite ang kanilang mga paglalagom bago pa man ang kilusang pagwawasto. Ang iba ay nasa proseso ng pagbabalik-aral sa kanilang mga dokumento ng paglalagom sa balangkas ng kilusang pagwawasto upang matukoy ang mga partikular na manipestasyon ng petiburges na suhetibismo sa kanilang sariling gawain sa ideolohiya, pulitika, at organisasyong, bilang batayan para sa pagpuna-sa-sarili. Subalit karamihan sa ating mga namumunong komite ay nasa iba’t ibang antas pa ng pagkukumpleto. Problema ng ilang komite ang nawawalang mga dokumento o kawalang dokumentasyon ng gawain ng kanilang komite sa mga nakaraang taon, na dahilan na nahihirapan ang kasalukuyang mga pinuno, laluna ang mga batang kadre, na makumpleto ang pagsasalaysay ng kanilang gawain.
Mula sa simula ng taon, sinimulan ng mga komite ng Partido, mga kadre, at aktibista ang mga kampanyang SICA (panlipunang pagsisiyasat at pagsusuri sa uri) ayon sa programa at mga instruksyon ng Komite Sentral. Layunin ng kampanya ang ituwid ang dating kahinaan sa pagbuo ng mga taktika sa pag-oorganisa at pagpapakilos sa masa na angkop sa mga nagbagong kundisyon, na nagreresulta sa mekanikal at hindi sumusulong na “gawaing masa” sa nakaraan. Kasama sa kampanya ang mga pagsasanay, muling pagsasanay o pagpapalawak ng kaalaman ng mga kadre at aktibista sa syentipikong mga paraan ng pag-iimbestiga, pagkulekta at pagkalap ng impormasyon mula sa masa at iba pa. Ang ilang panimulang pagsisikap ay nagresulta sa makabuluhang pagsulong sa pagbubuo ng estratehiya at programa sa gawaing masa, at sa paglalabas ng napapanahong panawagan para sa pag-organisa at pagpapakilos sa masa. Gayunman, nasa panimulang yugto pa lamang ang mayorya ng ating mga komite.
Sa gitna ng masidhing krisis sa ekonomya, bukas na bukas ang malawak na masa ng sambayanan sa pambansang demokratikong propaganda at pag-oorganisa. Higit kailanma’y determinado silang tutulan ang korapsyon, pang-aapi at mga pabigat na patakaran ng pasistang rehimeng US-Marcos, at ipaglaban ang kanilang mga panlipunan, pang-ekonomya at pampulitikang interes, laluna sa harap ng lumalalang burukratang kapitalismo at pasismo. Upang epektibong lumaban, dapat itatag, palawakin at palakasin ang kanilang mga organisasyong masa.
Ang mga kadre at aktibista ng Partido ay pinakikilos upang komprehensibong maggawaing masa para pukawin ang masa, itayo ang kanilang iba’t ibang uri ng samahan, at pakilusin sila sa lahatang-panig na paraan. Ang mga pangkat sa gawaing masa o mga pangkat pampropaganda at pang-organisa ay ipinadadala sa mga pabrika, mga komunidad ng mga maralitang lunsod, mga kampus, pati na rin sa mga komunidad sa kanayunan. Gayunpaman, marami ang napipigilan ng inersya, ng mga lumang gawi sa gawaing pawalis, tali-sa-upisina, at tulak lamang ng aktibidad, kakulangan ng mga pultaym na rebolusyonaryong organisador, kakulangan ng panlipunang pagsisiyasat, kahinaang iugnay ang maiinit na isyung pambayan sa mga lokal na problema ng masa, at kabiguang iugnay ang mga lokal na problema sa mga pangkalahatang kampanyang masa, at iba pang mga kakulangan. Nakikita rin natin ang mga problema sa “Kaliwang” sektaryanismo na nakapagpapakilos lamang sa maliit na bahagi ng mga aktibong elemento ng masa, at hindi nagpapakilos sa mga elemento ng gitna upang kabigin ang mas nahuhuli. Buo ang pasya ng mga komite at kadre ng Partido na pangibabawan at lutasin ang ganitong mga problema sa pamamagitan ng pagbabalik sa mga saligang prinsipyo ng linyang masa at pamumuno.
Tuluy-tuloy ang mga pagsisikap na muling itatag ang mga lihim na rebolusyonaryong organisasyong kaalyado ng National Democratic Front of the Philippines, tulad ng sa mga kabataan, mga manggagawa, mga magsasaka, mga kababaihan, mga guro, mga manggagawang pangkalusugan, at iba pa. Nagmula ito sa halos ganap na pagpapabaya sa pagbubuo ng lihim na kilusang rebolusyonaryo bunga ng pagkakamali sa ligalismo at repormismo. May mga plano at target para sa rekrutment, pagtatayo ng mga bagong balangay, pagtataguyod at pagsuporta sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa kanayunan. May mga pagsisikap na pasiglahin ang pagpapatala na maging Pulang mandirigma o upisyal sa pulitika ng Bagong Hukbong Bayan. Gayunpaman, marami pang dapat gawin upang tugunan ang kagyat na pangangailangan para sa mga bagong rekrut, laluna mula sa mga kabataang manggagawa at intelektwal.
Sa paglulunsad ng kilusang pagwawasto noong nakaraang taon, binigyang-pansin ng pamunuan ng Partido ang partikular na problema ng kusang pagpapakitid ng mga yunit ng BHB, na nagresulta sa pagkitid ng baseng masa sa ilang matatatag na lugar. Ang matagalang pagbabase sa bundok ng mga kumpanya at platun, paglimita sa lugar ng operasyon sa “mga paboritong baryo” at iba pang mga manipestasyon ng kusang pagpapakitid ay nagresulta sa pagkawala ng inisyatiba, sibilyanisasyon at konserbatismong militar. Nang ilunsad ng kaaway ang mga estratehikong opensiba noong 2017-18, hindi iilan sa mga yunit ng BHB ang nahiwalay sa suportang pampulitika ng masa at napwersang malagay sa lantay militar na sitwasyon, habang ang baseng masang magsasaka ay pinugpog ng labis na brutalidad. Dahil sa mga pagkakamali at kahinaang ito, dumanas ng malalaking pinsala at pag-atras ang BHB sa ilang rehiyon at mga larangang gerilya.
Sa ilang larangang gerilya, ang mga platun at iskwad ng BHB ay mabilis na muling nag-organisa at nagpakat alinsunod sa kilusang pagwawasto at alinsunod sa prinsipyo ng masaklaw at maigting na pakikidigmang gerilya sa batayan na papalawak at papalalim na baseng masa. Malikhain at matalinong ginagamit ng mga platun ng NPA ang pleksibilidad sa dispersal, konsentrasyon at paglilipat at muling nagpapakahusay sa simbilis ng kidlat na pagkilos. Ang kilusang pagwawasto ng Partido ay nagbigay inspirasyon sa mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan na magpunyagi sa mahirap na landas ng matagalang digmang bayan upang muling itatag at palawakin ang baseng masa, ipagtanggol ang mamamayan laban sa terorismo ng estado, ipreserba at palakasin ang BHB at biguin ang estratehikong opensiba ng kaaway.
Patuloy na itinatayo ng Partido ang mga relasyong internasyunal sa batayan ng anti-imperyalismo at proletaryong internasyonalismo. Nakapagbigay ang Partido ng mahahalagang ambag sa tatlong teoretikal na kumperensyang inorganisa ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP). Mula Oktubre 2023, tinalakay ng mga kumperensyang ito ang mga usapin ng imperyalismo at digmaan, ang pandaigdigang imperyalistang krisis sa ekonomya, at ang pakikibaka para sa pambansang pagpapalaya mula sa imperyalismo. Ang mga kumperensyang ito ay nagsisilbing pagkakataon para sa pagbubuo ng higit na malapit na relasyon at unawaan sa pagitan ng mga rebolusyonaryong partido at grupong komunista at pangmanggagawa.
Sa inisyatiba ng Partido, dumami sa nagdaang taon ang aktibidad para sa pagpapalakas ng proletaryong pagkakaisa. Nagkaroon ng mas maraming bilateral na palitan at magkasanib na pag-aaral sa pagitan ng Partido at ibang proletaryong partido at grupo. Lumahok tayo sa mga kongreso ng ibang partido at nagbibigay ng kontribusyon sa iba’t ibang porum.
Patuloy ang mga internasyunal na kinatawan ng Partido at NDFP sa aktibong pagtataguyod sa rebolusyong Pilipino, sa pagpapanday ng pagkakaisa sa mga anti-imperyalistang partido, at pagpapaunlad ng relasyong protodiplomatiko sa mga gubyerno sa batayan ng komun na hangarin para sa pambansa at panlipunang paglaya.
Ang mga namumunong komite ng Partido sa lahat ng antas ay sinasalinan ng bagong dugo sa pamamagitan ng aktibong promosyon ng nakababatang kadre batay sa kanilang mahusay na rekord at pagtupad ng mga tungkulin. Sa pagkombina ng nakababata sa mga nakatatanda, tinitiyak natin na ang pamunuan ng Partido ay may kakayahan, may enerhiya at masigla, at kayang balikatin ang mahihirap na tungkulin ng proletaryong pamumuno sa mahaba pang panahon. Ang paglalagay ng bagong nakababatang kadre sa mga pamunuan sa iba’t ibang antas ay nagdidiin sa pangangailangang maglagom ng karanasan upang isalin ang kasanayan at natipong kaalaman sa bagong henerasyon ng mga lider ng Partido.
Itinatayo ang mga komiteng pangteritoryo upang ipundar at paunlarin ang kilusang masa sa labas ng saklaw at abot ng hukbong bayan. Sa gayon, natitiyak ng Partido ang kakayahan nitong pukawin, organisahin at pakilusin ang mga manggagawa, magsasaka, malaproletaryado, estudyante at iba pang sektor sa labas o laylayan ng mga larangang gerilya, at hindi natatali ng saklaw o erya ng operasyon ng mga yunit ngerilya ng BHB. Ang mga komite na ito ay nakikipagtulungan sa mga komite sa larangang gerilya para tiyakin ang tuluy-tuloy na suportang pampulitika, materyal at pang-organisasyon para sa hukbong bayan at para sa antipyudal at antipasistang pakikibaka ng masang magsasaka.
Sa pamamagitan ng kilusang pagwawasto, ang mga komite ng Partido sa ngayon ay mas masugid na nagbabantay sa liberalismo, ultra-demokrasya at burukratismo. Ang mga kahinaang ito ay sumisira sa demokratikong sentralismo, at sa kakayahan ng Partido na sabay-sabay na magmartsa.
Sa ilang bahagi ng Partido at kilusang rebolusyonaryo, nakita natin ang mga paglabag sa iba’t ibang patakaran sa organisasyon at disiplina ng Partido, na ang ilan pinabayaan sa matagal na panahon, na sumira sa pagkakaisa, nagsapanganib sa seguridad ng mga kadre, at sumira sa prestihiyo ng Partido. Upang itama ang sitwasyong ito, muli nating inilabas at inilinaw ang mga patakaran. Ang mga paglabag na ito ay mapagpasyang pinuna, sinuri at iwinaksi sa ilang bahagi.
Patuloy nating pinalalakas ang sistema ng pag-uulat upang ituwid ang sitwasyon na ang mga sentro ng Partido ay bulag sa sitwasyon at pag-unlad ng rebolusyonaryong gawain ng nakabababang mga komite. Ang ating mga namumunong organo ngayon ay relatibong mas gamay ang sitwasyon sa ibaba, kaya nakapaglalabas sila ng napapanahong patakaran, panuntunan, mga payo at plano. Gayunman, may ilang nakabababang komite ang hindi pa nagpapaunlad sa praktika at hindi pa nakapagpapadala ng regular na mga ulat.
Ang liberalismo at ultra-demokrasya ay mga sakit na sumisira sa disiplina ng Partido. Sa kabila ng kilusang pagwawasto, patuloy na naaapektuhan nito ang ibang bahagi ng Partido sa iba’t ibang anyo tulad ng pambabakod, pagsasariling grupo, walang katapusang debate at hindi malutas na mga bangayan. Sa kabilang panig, mayroon pa ring mga problema ng burukratismo, kung saan hindi nakapagbibigay ng masugid na pansin ang mga namumunong kadre ng Partido sa kinakaharap na kalagayan ng mga kolektibo at kasapi sa nakabababang komite, upang tulungan silang lutasin ang kanilang mga problema at sumulong.
Patuloy na inuuk-ok ng liberalismong petiburges ang militansya at kapasyahan ng ilang kadre. May ilang kadreng nalulunod nang labis sa maraming usaping pansarili at hindi nakapagbibigay ng buong atensyon sa rebolusyonaryong gawain. Marami ay apektado pa rin ng kaisipang empleyado, at tali sa kanilang mga upisina at bahay, at hindi nakapagbibigay ng buong panahon sa gawaing pag-oorganisa sa masa. May ilang kadre na hindi pa rin humahakbang palabas sa kanilang mga “comfort zone.”
Habang marami pang dapat gawin, higit kailanman ay matatag ang paninindigan ng Partido na komprehensibong isulong ang kilusang pagwawasto. Sa pamamagitan ng walang-pagod na pagsisikap ng ating mga proletaryong kadre at rebolusyonaryong aktibista, buong katiyakan nating maidedeklara na ang mga ugat ng kilusang pagwawasto ay patuloy na lalalim at lalapad. Dahil dito, lalago ang Partido nang mas matatag at mas malakas, kasabay ang pamumuno nito sa sambayanan taglay ang walang pagkapawing diwang rebolusyonaryo.
IV. Tuparin ang mga tungkulin ng kilusang pagwawasto at isulong ang rebolusyon!
Higit na paborable ngayon ang obhetibong kalagayan para sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan sa gitna ng patuloy na krisis ng kapitalismo sa buong mundo at pagbulusok ng malakolonyal at malapyudal na kalagayan sa bansa. Nasa mga pwersang suhetibo na kung paano sasamantalahin ang sitwasyon upang isulong ang adhikain ng bayan para sa pambansa at panlipunang paglaya.
Sa pagharap sa kasalukuyang sitwasyon, kailangang kailangan ubos-kayang palakasin sa ideolohiya, pulitika at organisasyon ang Partido at lahat ng rebolusyonaryong pwersa. Dapat pasidhiin natin ang determinasyon at kumprehensibong itaas ang ating kakayahan na balikatin ang tungkuling pukawin, organisahin at pakilusin ang malawak na masa sa landas ng demokratikong rebolusyong bayan at sosyalistang hinaharap nito.
Palawakin at palalim ang kilusang pagwawasto! Ibayong palakasin ang Partido!
Ang kilusang pagwawasto na inilunsad noong nakaraang taon ng Komite Sentral, ay isang internal na kilusan ng pag-aaral at pagpuna-sa-sarili na naglalayong ituwid ang mga pagkakamali at pangibabawan ang mga kahinaan at kakulangan. Nagmumula ang mga ito pangunahin sa suhetibismong petiburges, pangunahin sa anyo ng empirisismo, sa gawain ng Partido sa ideolohiya, pulitika at organisasyon.
Dapat palalimin at palaparin ang kilusang pagwawasto. Nakita natin sa nagdaang taon na hindi sapat na ideklara ang kilusang pagwawasto at magpahayag ng suporta dito. Lahat ng komite ng Partido, mula sa sentro hanggang lahat ng sangay, ay dapat magpuna-sa-sarili, magwasto ng mga nagdaang kamalian, lubos na yumakap sa Marxismo-Leninismo-Maoismo upang irebolusyunisa ang kanilang pag-iisip at mga pamamaraan ng paggawa, at buong alab na sumulong. Susukatin natin ang tagumpay ng kilusang pagwawasto sa mga konkretong bilang na nagpapakita ng kantitatibong paglaki at kalitatibong pag-unlad ng Partido, ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka, ng rebolusyonaryong kilusang masa at ng organisadong baseng masa.
Muli nating pinagtitibay ang 8-bahaging kilusang pagwawasto katulad ng binalangkas natin sa pahayag noong nakaraang taon. Sumusunod ang mga bahaging ito: isang Marxista-Leninista-Maoistang kampanyang pag-aaral, isang kampanya para sa muling pagpapatibay sa konstitusyon at programa ng Partido, isang kampanyang pag-aaral sa mga dokumento ng Una at Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto, isang kampanyang paglalagom, isang kampanya ng panlipunang pagsisiyasat at pagsusuri sa uri (SICA), isang kampanya ng pagpuna at pagpuna-sa-sarili, isang kampanya ng ebalwasyon at promosyon ng mga kadre, at isang nagpapatuloy na kampanya para tiyakin ang pagpapatupad ng tatlong-antas na kurso sa edukasyon ng Partido.
Sa pagpapalalim ng kilusang pagwawasto, kailangang tuluy-tuloy at masigabong ipatupad natin ang mga plano sa kampanyang pag-aaral, kasabay ang napapanahong mga pagtatasa upang tiyaking mabilis na nilulutas ang mga problema. Paunlarin natin ang militanteng estilo ng pagkokombina ng pag-aaral sa teorya at ng praktika, katulad ng pagtutuwang ng mga petiburges na intelektwal at mga manggagawa sa pag-aaral ng sahod o Marxistang pampulitikang ekonomya.
Dapat mas masikap pang pag-aralan ng lahat ng kadre ng Partido ang Marxismo-Leninismo-Maoismo. Muli nating ililimbag at ipakakalat ang teksto ng Philippine Selections ng mga piniling susing artikulo ni Mao Zedong upang magsilbing rekisito sa pagbabasa at pag-aaral ng lahat ng mga kadre ng Partido. Dapat bigyan ng higit na pagpapahalaga ng mga kadre ang pag-aaral sa teorya na nagiging lalong kritikal habang binabalikat nila ang mas malalaking praktikal na gawaing rebolusyonaryo.
Dapat mas matalas nating tukuyin, pag-ibahin at punahin ang pseudo-sosyalismo, anarkismo, radikalismong pangkasarian, at iba pang mga uri ng petiburges na rebolusyonismo na nakapanuot sa ibang bahagi ng Partido. Ito ay nagdudulot ng kalituhan at nagpapaluwag sa paghawak sa ilang mahahalagang usapin. Kailangang ilantad natin ang mga burges at petiburges na mga tunguhing repormista sa mga manggagawa, magsasaka, intelektwal, at iba pang mga sektor at kilusan, na nagtatangkang iligaw ang masang Pilipino palayo mula sa landas ng rebolusyonaryong pakikibaka, lalo mula sa armadong pakikibaka.
Dapat mapagpasyang kumpletuhin ng Komite Sentral ang paglalagom sa pangunahing pangyayari at desisyon sa nakaraang panahon, upang magsilbing pangkalahatang gabay sa paglalagom ng lahat ng komite. Kasabay nito, ang naunang naisulat na mga dokumento ng paglalagom ng mga namumunong komite (yaong sumasaklaw sa panahon banda 2010 pataas) ay dapat na muling pag-aralan mula sa lente ng kasalukuyang kilusang pagwawasto.
Bukod sa pagbuo ng salaysay ng mga nakaraang pangyayari at desisyon, at pagtukoy sa ating mga kalakasan at kahinaan, kailangan din nating tukuyin ang petiburges na maka-uring katangian ng ating mga pagkakamali at kahinaan, upang mapalakas natin ang proletaryong pamumuno sa iba’t ibang larangan ng rebolusyonaryong gawain. Kailangang may malinaw na pagpuna at pagpuna-sa-sarili ang ating mga kadre at komite. Ang mga dokumento ng paglalagom ay dapat kaagad na pag-aralan ng mga kasapi sa saklaw na teritoryo o linya ng gawain.
Sa pagpapalapad ng kilusang pagwawasto, nais nating tiyakin na nasasaklaw nito ang lahat ng bahagi ng Partido at lahat ng aspeto ng gawaing rebolusyonaryo. Ang walong bahagi ng kilusang pagwawasto ay dapat na komprehensibong ipatupad. Dapat tuluy-tuloy ang mga pagsisikap. Kailangang magbantay sa pagpapabaya, pangibabawan ang inersya, at labanan ang pagbabalik sa mga dating gawi.
Patuloy nating irebolusyunisa ang Partido sa pamamagitan ng proletaryong pagpapanibagong-hubog ng mga kadre sa kanilang pamamaraan ng paggawa at pamumuno, pati na rin ng kanilang estilo ng pamumuhay. Magagawa ito sa pamamagitan ng pagtiyak na ang ating mga kadre at komite ay mahigpit na nakaugnay sa masa sa lahat ng panahon. Nananawagan kami sa lahat ng mga kadre at aktibista ng Partido na bumaklas sa kanilang mga “comfort zones” at buong ialay ang kanilang sarili sa lubos na pagpatupad ng mga rebolusyonaryong gawaing iniatas sa kanila. Dapat mapagpasyang punahin at iwaksi natin ang mga paglabag sa mga patakaran ng Partido at tiyaking laging mataas ang disiplina.
Dapat patuloy na ihapag ng Partido ang kritikal na pagsusuri nito sa mga tampok na isyu at pangyayaring pambansa at internasyunal at itaas ang kaalaman at kamulatan ng bayan. Kailangang patuloy nating ilathala at paramihin ang mga nakalimbag na kopya ng Ang Bayan at siguruhing malawak itong naipamamahagi sa mga myembro ng lahat ng sangay ng Partido, pati na ng mga rebolusyonaryong organisasyong masa.
Kailangang patuloy na itaas ang kasapian ng Partido alinsunod sa prinsipyo ng mapanghas na pagpapalawak na walang pinapapasok kahit isang elementong hindi kanais-nais. Kailangang palakasin ang demokratikong sentralismo at sistemang komite, na nagtitiyak ng regular na pagpupulong at kolektibong pagpapasya. Lahat ng komite ay dapat magtatag ng regular na linya ng komunikasyon sa kanilang nakatataas na komite at magsumite ng regular at napapanahong mga ulat.
Kailangang itaas ang kakayahan ng mga seksyon at sangay ng Partido na tuparin ang mga rebolusyonaryong gawain sa saklaw ng kanilang responsibilidad at pamumuno. Dapat na gabayan at sanayin ng mga komite ng Partido mula sa mga distrito pataas, sa loob at labas ng mga larangang gerilya, ang mga lokal na kadre ng Partido sa pagganap ng kanilang gawain.
Kailangang panatilihin ang mga pagsisikap sa napapanahong pagtatasa at pag-angat ng mga kadre ng Partido sa mga pusisyon ng responsibilidad at pamumuno. Dapat itong maganap sa mga regular na kumperensya, o sa pamamagitan ng mga komiteng tagapagpaganap, sa pagitan ng mga kumperensya.
Palalimin at palawakin ang pag-ugat sa masa at mahigpit na pamunuan ang kanilang mga pakikibaka laban sa papet, burukrata-kapitalista, at pasistang rehimeng Marcos!
Ang rehimeng US-Marcos ang pinakakonsentradong ekspresyon ng mga saligang problema ng imperyalismo, pyudalismo, at burukratang kapitalismo. Nakikita natin sa ilalim ni Marcos ang walang kapantay na korapsyon, pasismo, at paninikluhod sa imperyalistang US. Sa harap ng paglala ng mga anyo ng pang-aapi at pagsasamantala, lalong determinado ang sambayanang Pilipino na tumindig at lumaban, at isulong ang malalaking pakikibakang anti-pasista, anti-imperyalista, at anti-pyudal sa mga darating na taon.
Buo ang pasya nilang lumaban nang ubos-kaya upang basagin ang paghahari ng pasistang lagim sa kanayunan, wakasan ang paghahari ng batas militar sa mga komunidad sa kanayunan, at labanan ang patakaran ni Marcos ng pampulitikang paniniil at karahasan ng estado. Ang paglaban sa batas militar sa kanayunan ay dapat isulong kapwa sa kanayunan at kalunsuran. Dapat isagawa nang may determinasyon ang isang kampanya para ilantad ang pasistang terorismo sa kanayunan at para suportahan ang masang magsasaka sa kanilang paglaban. Paborable ang mga kundisyon para sa pagtatayo ng isang malawak na anti-pasistang nagkakaisang prente sa hanay ng iba’t ibang demokratikong sektor.
Ang lumalalang mga kundisyong sosyo-ekonomiko ay nagtutulak sa taumbayan na tumindig at magprotesta laban sa walang humpay na pagtaas ng presyo ng pagkain, gasolina, at iba pang mga pangunahing bilihin, gayundin laban sa burukrata-kapitalistang korapsyon sa ilalim ng rehimeng Marcos. Natutulak ang mga manggagawa na mas puspusang makibaka para sa dagdag-sahod upang mabuhay nang disente ang kanilang mga pamilya, para sa mas mahusay na kundisyon sa paggawa, at para sa pagwawakas sa kontraktwalisasyon sa paggawa at iba pang mga mapagsamantalang iskema ng paggawa. Dapat paalingawngawin ang sigaw nila para sa ₱1,200 na pambansang minimum na sahod upang pukawin ang mga manggagawa na buuin ang kanilang mga unyon, at isulong ang kolektibong pakikibaka sa kanilang mga pabrika at komunidad.
Natutulak ang masang magsasaka na paigtingin ang kanilang pakikibaka laban sa ibayong liberalisasyon ng importasyon ng bigas at iba pang pang-agrikulturang kalakal. Kasabay nito, obligado silang puspusang labanan ang pagpasok ng mga minahan, plantasyon at iba pang operasyong umaagaw sa lupa at sumisira sa kalikasan (laluna sa harap ng itinutulak na batas na magpapalawig tungong 99 taon ang pagpapaupa ng lupa sa mga dayuhang kapitalista), at ang militarisasyon sa kanilang mga komunidad. Ang mga sakuna sa klima ay nagtutulak sa masang Pilipino na igiit ang bayad-pinsala sa pagkawala ng kanilang ari-arian at kabuhayan. Dapat palakasin ng masang magsasaka ang kanilang mga organisasyon at asosasyon at matapang na tumindig upang ipagtanggol ang kanilang mga buhay at kabuhayan.
Kinakaharap ng sambayanang Pilipino ang pangangailangang paigtingin ang kanilang kampanya laban sa mga base militar ng US at panghihimasok militar ng US, at tutulan ang pagpapakapapet ng rehimeng Marcos sa imperyalismong US, na naglalagay sa bansa sa papalaking panganib na mapulupot sa digmaang inter-imperyalista. Kailangang nating ilunsad ang isang tuluy-tuloy na kampanya upang ilantad ang mga iskema ng US para sa pagpapataw ng lakas militar nito sa Pilipinas, at kung paano ito naka-ugnay sa sumisidhing hidwaang inter-imperyalista at mga pakana ng US na ipataw ang hegemonya nito sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Kailangang natin pag-alabin ang patriyotismo ng mga Pilipino at iugnay ang kanilang mga pakikibaka sa mga pakikibakang anti-imperyalista ng mga mamamayan sa buong daigdig.
Tungkulin ng Partido na pamunuan ang malawak na masa ng sambayanang Pilipino sa kanilang mga pakikibakang pang-ekonomya at pampulitika sa pamamagitan ng mas malalim at mas malawak na pag-ugat sa masa. Upang gawin ito, kailangang nating itaas ang kakayahan ng Partido na maramihang pukawin, organisahin, at pakilusin ang malawak na masa. Kailangang itaas natin ang kanilang kamalayang panlipunan at pampulitika sa pamamagitan ng pag-uugnay ng maiinit na isyung pambayan sa kanilang mga lokal na problema, at pag-aangat ng kanilang mga lokal na isyu at pakikibaka sa mga saligang problema ng sambayanang Pilipino at sa pangangailangan magsulong ng kolektibong pakikibaka.
Kailangang likhain natin ang kundisyon para sa demokratikong paglahok ng masa sa mga talakayan at pagpapasya, upang mahimok silang kumilos. Kailangang sikapin nating ikombina ang pawalis na propaganda at pag-oorganisa, sa solido at pursigidong gawaing masa. Dapat pangibabawan ang nakaraang mga kahinaan sa gawaing puro pawalis, at itinutulak lamang ng mga aktibidad, nakasentro sa isyu at nakatali sa mga upisina. Kailangang nating magpalitaw ng mas maraming kadreng pultaym sa gawaing masa, na magkokombina sa higit na malaking bilang ng mga aktibista sa mga pangkat pampropaganda at pag-oorganisa. Ang SICA ay dapat isagawa nang may malinaw na layuning buuin ang isang plano para sa pag-oorganisa at pagpapakilosa sa masa batay sa kanilang mga kagyat na mga kahingiang pang-ekonomya at panlipunan.
Itayo at palakasin ang iba’t ibang tipo ng pambansa-demokratikong organisasyong masa upang konsolidahin ang relatibong aktibo o nangungunang elemento sa hanay ng masa. Dapat itong ikombina sa pagbubuo ng mas malapad na mga ugnayan o organisasyong nakabatay sa isyu, upang abutin at pakilusin ang mga panggitnang elemento, na silang makatutulong sa pagkabig sa relatibong nahuhuling bahagi ng masa. Kailangang gamitin natin ang mapanlikhang mga taktika upang ikutan at biguin ang reaksyunaryo paniniktik at mga patakarang mapaniil.
Kailangang matiyaga nating itayo o muling buuin ang kilusang lihim at ang mga rebolusyonaryong samahang masa sa kalunsuran at kanayunan. Kinokonsolida ng mga organisasyong masa na kaanib sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP) ang pinakaabanteng bahagi ng masa. Ang mga ito ang handang pagmumulan ng mga rekrut sa Partido. Ang kilusang lihim ay dapat palawakin upang matulungang ikubli at bigyang-seguridad ang mga nangungunang kadre at organisador ng Partido. Dapat rin isagawa ng mga ito ang malawak na rebolusyonaryong propaganda upang palaganapin ang panawagan para sa digmang bayan at pukawin ang taumbayan na sumuporta at sumapi sa Bagong Hukbong Bayan.
Dapat mahusay na ipakat ng Bagong Hukbong Bayan ang mga iskwad at pangkat nito upang maggawaing masa at tiyakin ang patuloy na paglago ng baseng masa. Upang palalim ang ugnayan nito sa masa, ang mga yunit ng BHB sa gawaing masa ay dapat makapagbigay ng mga serbisyong pang-ekonomya, pangkalusugan at pang-edukasyon sa masang magsasaka, habang ginagabayan sila sa pagsusulong ng kanilang mga pakikibakang antipyudal.
Magpunyagi sa pagsulong ng demokratikong rebolusyong bayan!
Dapat mabatid ng sambayanang Pilipino na ang tanging paraan ng pag-alpas sa krisis ng malakolonyal at malapyudal na sistema ay ang pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan upang ibagsak ang imperyalismong US at ang maka-uring paghahari ng malalaking burgesyang kumprador at malalaking panginoong maylupa, sa pamamagitan ng kanilang estadong burukrata-kapitalista at pasista.
Muling pinagtitibay ng Partido, ang abanteng destakamento ng proletaryadong Pilipino, ang kapasyahan nitong pamunuan ang sambayanang Pilipino sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan alinsunod sa estratehikong linya ng pagkubkob sa kalunsuran mula sa kanayunan. Upang isulong ang rebolusyon, dapat patuloy nating palakasin ang Partido, ang Bagong Hukbong Bayan at ang National Democratic Front.
Habang pinamumunuan ang masa sa mga pakikibaka sa ekonomya at pulitika laban sa rehimeng US-Marcos, dapat nating isulong ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka, bilang pangunahing anyo ng pakikibaka.
Sa pamamagitan ng pagwawasto sa mga kamalian, kahinaan at kakulangan sa nakaraan, layunin nating patatagin ang Bagong Hukbong Bayan, bawiin ang mga nawala, at biguin ang estratehikong opensiba ng kaaway. Dapat malinaw ang pag-unawa ng lahat ng kadre ng Partido at mga kumander at mandirigma ng BHB sa diyalektika ng matagalang digmang bayan, kung paano ito umuunlad sa malamang na mga yugto ng estratehikong depensiba, estratehikong pagkapatas at estratehikong opensiba.
Sa pamamagitan ng pagsulong ng pakikidigmang gerilya sa loob ng mahabang panahon, ang Bagong Hukbong Bayan ay makasusulong mula sa pagiging maliit at mahina tungo sa pagiging malaki at malakas, sa pamamagitan ng baha-bahaging pagdurog sa kaaway. Gayunpaman, ang mga kamalian at kakulangan tulad ng adelantadong regularisasyon at abenturismong militar, at pagpapakitid sa sarili at konserbatismong militar, maaaring mapwersang umurong ang BHB sa dati nitong antas. Sa buong panahon ng estratehikong depensa, naglulunsad ang BHB ng masaklaw at maigting na pakikidigmang gerilya sa batayan na papalawak at papalalim na baseng masa.
Taglay ang malinaw na pag-unawa sa kasalukuyang balanse ng mga pwersa at antas ng digmang bayan, ang mga yunit ng BHB ay muling iniayos at ipinakat upang mas epektibong maggawaing masa para bawiin at palawakin ang baseng masa at maglunsad ng pakikidigmang gerilya laban sa kaaway. Ang mga Pulang mandirigma ng BHB ay dapat patuloy na magpakahusay sa mga taktikang gerilya ng konsentrasyon, dispersal at paglilipat-lipat upang gapiin ang estratehiyang “gradual constriction” ng kaaway at nakapokus at tuluy-tuloy na mga operasyong militar.
Dapat kunin ng lahat ng platung gerilya at mga iskwad ng BHB, kasama ang mga yunit ng milisya at mga kwerpong pananggol-sa-sarili ang inisyatiba na maglunsad ng mga taktikal na opensiba, na pumili ng mga target na maaari nilang lipulin. Sa bawat pagkakataon, dapat nilang birahin ang maraming mahinang bahagi ng kaaway. Hindi kulang ang magagamit na armas, kabilang ang malalakas na riple o mga gawang baril, bomba, granada, molotov, pana, sibat, patibong o tirador. Dapat pagplanuhan nila ang pagkuha ng armas ng kaaway upang sandatahan ang bagong mga Pulang mandirigma ng BHB.
Ang bawat malaki o maliit na taktikal na opensiba na ilulunsad ng kada yunit gerilya ng BHB batay sa kanilang kakayahan ay hindi matatawarang ambag sa pakikibaka ng sambayanang Pilipino laban sa papet at pasistang rehimeng Marcos. Nagpapatatag ito sa loob ng sambayanang Pilipino sa paglulunsad nila ng lahat ng anyo ng paglaban, at nagbibigay-inspirasyon sa kanila na bagtasin ang landas ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka.
Nagbibigay inspirasyon din sila sa lahat ng aping uri at mamamayan sa buong mundo, na katulad nila’y nakikipaglaban para sa pambansa at panlipunang paglaya. Ang pagsusulong ng pambansa-demokratikong rebolusyonaryong pakikibaka sa Pilipinas ang pinakamalaking kontribusyon ng mamamayang Pilipino sa pandaigdigang pakikibaka laban sa imperyalismo at paglaban sa mga digmaang imperyalista.
Tiwala tayo na sa pamamagitan ng pagpapalalim at pagpapalawak ng kilusang pagwawasto, mabubuo natin ang isang mas matatag at mas makapangyarihang Partido Komunista ng Pilipinas, at mapamumunuan ang demokratikong rebolusyon ng bayan tungo sa mas malalaking tagumpay sa mga darating na taon.
