Uring Magsasaka, Mangahas Makibaka, Isulong ang armadong pakikibaka!

, ,

Nagpupugay ang Partido Komunista ng Pilipinas-TK sa mga magsasaka ng Timog Katagalugan ngayong ginugunita ang buwan ng magsasaka. Kinikilala ng PKP-TK ang uring magsasaka bilang pangunahing pwersang rebolusyonaryo na nagsusulong ng pambansa-demokratikong mithiin ng sambayanang Pilipino.

Ang kalunus-lunos na kalagayan ng mga magsasaka ng Timog Katagalugan at sa buong bansa ang nagtutulak sa kanila para patuloy na lumahok sa digmang bayan. Patuloy at higit pa silang dudustain sa ilalim ng ilehitimong rehimeng Marcos II. Wala silang maaasahan sa mga pangakong binitawan ng pangulong manhid sa tunay na kalagayan ng uring magsasaka. Sa mahigit tatlong buwan sa kapangyarihan at pagtatalaga sa sarili bilang kalihim ng Departamento sa Agrikultura, walang makabuluhang napala ang mga magsasaka para maibsan ang dinaranas nilang kahirapan at kagutuman.

Ayon sa pinakahuling ulat ng Commission on Audit, 90% o 3.8 milyong household-beneficiaries ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na mayorya ay magsasaka ang nananatiling mahirap sa loob ng 13 taong pagpapatupad nito mula 2008-2021. Labas pa dito ang mas marami pang pamilyang magsasaka na hindi nabiyayaan ng 4Ps. Dalawa sa bawat tatlong mahirap sa bansa ay magsasaka. Ang mayoryang hikahos na mga magsasaka din ang pangunahing pinarurusahan ng mataas na implasyon na umabot na sa 6.9% nitong Setyembre lalo’t higit bagsak na ang presyo ng kanilang mga produktong bukid.

Sa ilalim ng mga patakarang neoliberal, tuluy-tuloy ang pagpasok ng dayuhang mga negosyo sa sektor ng agrikultura tulad ng binhi, abono at pestisidyo. Kasabay nito, pinilay ng pagbaha ng inangkat na mga produktong agrikultural ang lokal na produksyon at pinalawak nang ilandaan libong ektarya ang mga asyenda at kapitalistang plantasyon para sa produksyon na nakatuon sa eksport. Mula dekada 2000, tuluy-tuloy na bumagsak ang produksyon ng niyog, tubo at iba pang tradisyunal na pananim.

Patuloy ding bumulusok ang produksyon ng palay sa bansa loob ng tatlong dekada. Mula pa dekada 2000 ay naging pinakamalaking importer na ng bigas ang Pilipinas sa buong mundo. Nakapanlulumo ang katotohanang ito sa Pilipinas na isang bayang agrikultural. Pinakamatinding dagok sa mga magsasaka ng palay ang Rice Tarrification Law (RTL) na isinabatas ng rehimeng Duterte noong 2019. Ayon sa pag-aaral, nalugi ang mga magsasaka ng pinakamababang P40 bilyong kita dahil sa nasabing batas. Habang kumita naman P57.5 bilyon ang mga importer at negosyante ng bigas sa unang taon pa lamang ng implementasyon ng RTL.

Pinalaki ang usapin ng kakapusan diumano sa asukal, asin at isda para bigyang katwiran ang importasyon na pinagpapasasaan naman ng mga importer at burges kumprador. Liban dito pinipinsala din ng technical smuggling ang sektor ng agrikultura na patuloy na binabaha ng sibuyas, bawang at carrots sa kapinsalaan ng Pilipinong Prodyuser.

Hungkag at pakitang tao ang pangako ni Marcos Jr. na ibabangon niya ang sektor agrikultura bilang pundasyon ng ekonomiyang matagal ng napabayaan. Pangangarap ng gising ang buladas niyang gagawing nangungunang agricultural resource hub ang bansa. Imposible ito sa kalagayang maliitan, atrasado at hiwa-hiwalay ang produksyon ng magsasaka sa bansa na malaon nang pinadapa ng atake ng liberalisasyon na ipinagpapatuloy at lalupang pinaiigting ng rehimeng Marcos II.

Nagpapakana ang rehimeng Marcos II ng pekeng pamamahagi ng lupa para lamang sa mga militar at pulis nang sa gayon ay higit pang palakasin ang kanyang kontrol sa mersenaryong AFP-PNP. Insulto ang nasabing programa sa mga magsasakang malaon ng naghahangad na magkaroon ng sariling lupang sinasaka.

Nananatili ang kakulangan at kawalan ng lupa ng mga magsasaka sa rehiyon at sa ilalim ng paghahari ni Marcos Jr, tiyak na higit pang dadami ang mawawalan ng lupa. Suportado ang rehimeng Marcos II ng mga naghaharing uring panginoong maylupa, burukrata kapitalista at burgesyang kumprador kaya walang aasahan sa ilehitimong pangulo na magpatupad ng tunay na reporma sa lupa at pigilan ang matinding ispekulasyon sa lupa sa probinsya ng Batangas, Cavite at Laguna kung saan konsentrado ang malalawak na asyenda at ang malalaking debeloper na kasosyo ng malalaking panginoong maylupa tulad ng Ayala Land, Fil-Estate (pag-aari ni Robert Sobrepeñas at Andrew Tan), Manila Southcoast Development Corp. (MSDC) ni Henry Sy at First Pacific Co. Ltd. ng Hongkong na pinangangasiwaan ni Manny Pangilinan.

Lalong hindi rin siya maasahang bawiin ang deklarasyon mula pa noong 2007 na ang buong Nasugbu, Batangas ay isang “special tourism zone” na nagbigay-daan sa pagbwelo ng pagpapalit-gamit ng malalaking asyenda sa lugar tungong mga lugar panturismo, sa ngalan diumano ng “kaunlaran”. Nagsasabwatan sina Manny Pangilinan ng First Pacific Co. Ltd. at angkang Roxas sa pamamagitan ng Roxas Holdings Inc. (RHI) sa isang planong magbibigay-daan sa pagpapalit-gamit ng 34% ng Hacienda Roxas sa Nasugbu, Batangas.

Sa rehiyon din naitala ang maraming kaso ng tunggalian sa lupa dahil sa malawakang land-conversion. Sa 156 kaso na naitala ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, 137 ang mga kaso sa rehiyon na sumasaklaw ng 353,498.94 ektarya ng lupa. Sa tantya ay aabot sa hindi bababa sa 1.06 milyon hanggang 1.8 milyon magsasaka at manggagawang bukid ang apektado. Hindi pa rito isinama ang 41,384.65 ektarya na minahan sa rehiyon. Ang aktwal na saklaw ng lupang nai-convert na sa rehiyon noon pa lamang 2005 ay 37,506.87 ektarya o 50.01% ng naaprubahang conversion order. At tiyak na mas lumawak pa ito sa kasalukuyan dahil sa agresibong land-use conversion.

Nanatiling kontrolado ng 835 panginoong maylupa at malaking burgesya komprador ang 496,460 ektarya ng produktibong lupaing agrikultural sa rehiyon. Sa isla ng Mindoro nakatakdang agawin sa mga magsasakang katutubo ang malalawak na lupain sa tabing ng Tamaraw Reservation and Expansion Program (TREP) na sasaklaw sa 111,655 ektarya. Sa Palawan, kinakamkam din ang malalawak ng lupain ng mga magsasaka na kalakhan ay mga katutubo ng malalaking kumpanya sa pagminina at plantasyon ng palm oil. Mula 2013, aabot na sa 6,000 ektarya ng lupain sa Palawan ang kinonbert sa plantasyon ng palm oil. Mayroon pang 200,000 ektaryang lupain sa isla ang ibinukas ng Philippine Coconut Authority para rito.

Panibagong atake ng neoliberal na patakaran na magkakait ng lupa sa mga magsasaka ang pakanang ipagamit sa mga pribadong negosyante ng mga lupain ng mga State Universities and Colleges (SUCs) imbes na pakinabangan ito ng mga magsasakang komunidad na nakapaligid sa mga nasabing eskwelahan. Sa tabing ng pagpapaunlad umano ng pagsasaka, isasailalim ang mga lupain sa tatawaging Local Agribusiness Digital Commons kung saan kontrol ng mga dayuhan at malalaking burgesya-kumprador ang buong impormasyon ng produksyong agrikultura at maitatakda nila ang buong sistema ng produksyon hanggang sa pamilihan.

Ang mga magsasaka din sa malawak na kanayunan ng rehiyon ang target ng pasistang pag-atake ng mga mersenaryo at berdugong AFP-PNP sa mga inilulunsad na focused military operations (FMO) at retooled community support program operations (RCSPO). Mayorya sa mga biktima ng pekeng pagpasuko ay ang mga magsasaka. Sa isla pa lamang ng Mindoro 126,000 magsasaka ang biktima ng mga abusong militar sa ilalim ng FMO at RCSP mula 2019 hanggang 2021. Tiyak na mas marami pa ngayon dahil sa walang tigil na operasyong militar. Libu-libo pa ang mga biktima kung ibibilang ang mula sa iba pang probinsya ng rehiyon na sumasailalim din sa matinding militarisasyon tulad ng Quezon, Batangas at Rizal.

Walang ibang pagpipilian ang uring magsasaka kundi ang tahakin ang landas ng rebolusyonaryong pagbabago. Wala silang maasahan sa rehimen ni Marcos Jr. na katulad ng kanyang ama na si Marcos Sr. ay inilugmok ang masang magsasaka sa kahirapan at pagkakautang. Sa pamumuno ng PKP at mahigpit na katuwang ang Bagong Hukbong Bayan, palalawakin at patatatagin ang mga organo ng kapangyarihang pampulitika sa kanayunan at isusulong ang rebolusyong agraryo na siyang lulutas sa problema sa lupa ng masang magsasaka. Ito ang magbabagsak sa kapangyarihan ng malalaking panginoong maylupa’t burgesya kumprador at ng imperyalismong US na matagal nang nagkakait ng lupa at kabuhayan sa masang magsasaka.###

Uring Magsasaka, Mangahas Makibaka, Isulong ang armadong pakikibaka!