US, pamilyang Marcos at mga lokal na kasabwat, panagutin sa matinding pagbaha sa Occidental Mindoro!
Sa nagdaang linggo, matinding binaha ang Occidental Mindoro dulot ng tuluy-tuloy na pag-ulang hatid ng Habagat. Sa partikular, 42 baryo sa limang bayan ng San Jose, Magsaysay, Rizal, Calintaan, at Sablayan ang direktang naapektuhan ng matinding pagbaha. Ayon sa pahayag ng mga residente, “taun-taon naman kaming binabaha pero pinakamatindi ngayong taon”. Sa tindi ng baha, bubong na lamang ang natira sa ilang bahay. May mga residenteng kinailangan pang i-rescue ng Coast guard dahil sa lalim ng rumaragasang baha. Higit sa limang libong pasahero din ang na-stranded dahil sa pagbaha sa mga highway at mayor na kalsada sa Occidental Mindoro.
Umabot sa higit 1,700 pamilya o mahigit 7 libong indibidwal ang napilitang lumikas sa kanilang tahanan at pansamantalang nakisilong sa mga evacuation centers. Inirereklamo nila ang kakaunting ayuda mula sa LGU. Sa pahayag ng isang residente, “tatlong kilong bigas at 2 sardinas lamang ang natanggap namin”. Sa isa namang pahayag, ipinagmamalaki ng Provincial Local Government Unit ang 20 kabang bigas na ayuda sa 118 pamilya na katumbas lang naman ng tig-5 kilo kada pamilya. Samantala, nagsusumamong nanawagan ang Provincial Social Welfare and Development Officer (PSWDO) sa mga “maykaya” na magbigay ng tulong pang ayuda para sa binagyong kababayan.
Liban sa mga nawasak na tahanan, problema din ang nawasak na kabuhayan. Nanlulumo ang mga magsasaka sa malalang epekto ng baha sa kanilang kabuhayan. Malapit nang anihin ang mga palay nang winasak at pinadapa ng tubig baha. Signipikante ang laki ng pinsala sa agrikultura. Sa parsyal na ulat ng Provincial Agricultural Office, umabot sa 2,146.1 ektarya ang saklaw ng napinsalang tanim at may kabuuang pagkalugi sa mga magsasaka na aabot ng P77,859,189.46.
Ngayong taon, dalawang beses nang nagdeklara ng state of calamity ang Occidental Mindoro. Una, noong El Niño at ikalawa dahil sa pananalasa ng African Swine Fever o ASF na sumalanta ng matindi sa mga alagang baboy na isang pandugtong na hanapbuhay ng mga magsasaka. Hindi pa man nakakabangon sa matinding epekto ng sunud-sunod na mga kalamidad, heto at nasira na naman ang kanilang pananim.
Sa bayan ng San Jose, umapaw ang ilog ng Pinamanaan at Pandurucan kaya naman hanggang kabayanan, mga komunidad sa tabing dagat at ilog ang inilubog sa baha. Sa buong probinsya, rumagasa din ang baha sa malalaking ilog ng Caguray, Cayacyan, Lamintao, Busuanga, Mompong, Rayusan, at Amnay na syang nagpabaha sa malawak na tubigan at kabahayan sa di-karaniwang antas ng pagbaha kaysa sa naunang mga taon, kahit pa nga “magsiyam-siyam” o 18 araw na tuloy tuloy na pag ulan. Taun-taon din namang inuulan ng malakas ang isla subalit hindi kasing tindi ng pagbaha sa ngayon. Subalit noong lumaganap ang quarry operations, lumala nang husto ang pagbaha sa Mindoro.
Sa isang panayam kay Governor Eduardo Gadiano, “dredging sa mga ilog” diumano ang solusyon sa matinding pagbaha sa Mindoro dahil may “banlik na ang mga ilog”. Tila hindi napag- isipan ang pahayag na ito ng gubernador dahil ang tunay na dahilan ng labis na pagbaha ay ang walang tigil na quarry operation sa mga ilog ng Mindoro. Sa tabing ng dredging operation, tone-toneladang graba, buhangin, at mga bato ang kinukuha sa mga ilog bilang materyales sa mga proyektong pang -imprastruktura hindi lang para sa lokal kundi barku- barkong inilalabas ng isla ng malalaking kapitalistang nangongontratang suplayer ng aggregates sa reklamasyon at iba pang dambuhalang proyekto sa mainland Luzon. Pinapaborang kontratista ang naghati hati sa mayor na mga ilog sa Mindoro. Dati, nakakakuha pa ng materyales sa mga ilog para sa pansariling gamit sa pamamahay ang mga residente ng Mindoro, subalit ngayon tila private property na ito ng may hawak ng konsesyon sa dredging/quarrying at obligadong magbayad ang mga residente bago makakuha ng bato, graba, at buhangin.
Nagmimistulang sungka ang mga ilog ngayon sa isla dahil sa kaliwa’t kanang paghuhukay at pagbuldoser sa mga ilog na nagresulta ng pagbabago ng agos ng tubig. Hindi nakapagtatakang sa panahon ng tag-ulan, imbes na konsentrado sa isang direksyon ang ilog, kumakalat at lumalawak pa ang saklaw nito. Nagsasanga-sanga ang tubig at nagdudulot ng pagguho sa pampang at dahil nawala na ang malalaking bato at natural ng mga proteksyon, mas mabilis ang pag-agos ng tubig at pagguho ng lupa. Kapag tag araw, mistulang disyerto naman ang malalaking ilog sa OccMin at kung may matagpuan mang tubig ay pulu-pulo at kakaunti na samantalang tila dagat naman sa panahon ng tag-ulan. Mga masamang epekto itong idinulot ng walang patumanggang pag-quarry sa mga ilog.
Ang pag-quarry ay isang anyo ng surface mining. Kung istriktong ipatutupad ang umiiral na mining moratorium sa dalawang probinsya, maituturing na iligal ang pag-quarry. Kaya ang maluwag na paggamit ng terminong dredging ng mismong local ng pamahalaan ay pag-iwas sa pwedeng kaharapin nitong problema sa ligalidad pero sa esensya ay pag-ikot sa sariling nilikhang batas. Sa mata ng taumbayan, masama ang epekto nito sa kanilang buhay at kabuhayan, bukod pa ang pagsira sa kalikasan kung kaya dapat itong ipatigil at sa pinakamenos, ay kontrolin.
Ngayong taon, asahan ang mas marami pang bagyong parating lalo’t ang Mindoro ay sadyang daanan ng Habagat. Malinaw na may pananagutan ang mga konsesyonaryo ng quarrying/dredging at mismong LGU na nagbigay ng pahintulot sa mga ito sa kabila ng mining moratorium sa isla.
Kung tutuusin, ang pananalasa ng mga kalamidad ngayon ay kumulatibong epekto na lamang ng ilang dekada nang pandarambong ng likas na yaman at kagubatan ng isla at bansa ng mga malalaking panginong maylupa, malalaking burgesya komprador, mga burukrata sa matataas ng posisyon ng gobyerno at militar, ayon sa tulak ng US at iba pang mga imperyalistang kompanya at negosyo. Aabot sa 8 milyong ektaryang primera klaseng gubat ang kinalbo’t dinambong sa panahon ng 26 na taong paghahari ng diktadurang US-Marcos.
May pananagutan din ang mga konsesyonaryo sa pagtotroso na nauna nang kumalbo sa kagubatan ng isla lalo na sa pinakamahalaga at pinakakonsentradong kagubatan sa Mindoro mountain range na nagsisilbing komon na watershed ng dalawang probinsya ng isla. Mula pa noong 1950s, laluna sa panahon ng diktadurang US-Marcos nagsimulang buksan ang Mindoro sa konsesyon sa pagtotroso. Dinambong na ng mga dayuhang korporasyon, sa pangunguna ng US ang kagubatan ng isla kakutsaba ang mga lokal na konsesyonaryo at ginamit ito sa mga proyektong pang-imprastruktura sa loob at labas ng bansa. Matapos ang pananalasa sa primera klaseng kahoy, pumasok naman ang malalawak na pastuhan na nagpatulpy sa pagwasak ng kagubatan at nagpalayas sa mga katutubo at 3ettler sa kanilang mga lupain.
Ang kasalukuyang gubat ay patuloy pa ring nawawasak. Mula 2003 hanggang 2015, aabot sa 200 libong kagubatan ng Mindoro ang nawasak dahil sa iligal na pagkakahoy at iba’t ibang mga proyektong pangkaunlaran ng gobyerno at ng local at dayuhang negosyo. Kaya ang kinakaingin ngayon ng mga magsasaka’t katutubo ay ang bagong sibol na gubat na lamang at karamihan ng hinawan nilang gubat ay napapalitan ng mga pananim na kapaki-pakinabang sa kabuhayan at sa kalikasan ng isla. Sa tinakbo ng pangyayari, itinutuwid natin ang pananaw na ang pangunahing nagsira ng kagubatan ay ang pagkakaingin ng mga maralitang magsasaka at katutubo na nagsisikap mabuhay sa sariling pagpupundar ng kabuhayan.
Samantala, ang proyektong National Greening Program noong rehimeng Aquino II ay nagsilbi lamang palabigasan ng mga pulitiko at mga panginoong maylupa na gumamit ng mga pekeng kooperatiba’t samahan ng mamamayan para makopo ang pondo nito. Bigo naman itong muling palaguin ang kagubatan ng Mindoro.
Dagdag pa, nakaamba ngayon ang higit pang pagbaha kapag naitayo ang dam sa ilog Cayacyan sa saklaw ng Brgy. Monteclaro, San Jose. Tiyak na lulunurin ang mga mamamayan ng San Jose at Rizal kapag nagpakawala ito ng tubig. Kaya’t marapat lamang na sama-samang tutulan ang proyektong ito at mga katulad na proyekto na walang ibang hatid sa Mindoreño kundi kapahamakan at pinsala sa buhay, kabuhayan at kalikasan.
Kung gayon, dapat na magkaisa ang mga Mindoreño para ipatigil ang mga mapangwasak sa kalikasang operasyong quarry, dam at iba pang katulad na proyektong magpapatuloy sa pagwasak sa kabuhayan at kalikasan. Dapat na itulak ang mga LGU na seryosohin ang pagpapatupad ng mining moratorium at isama rito ang pag regulate ng mga quarrying operations na nagpapanggap ng dredging at ginawang negosyo ang pag-quarry na inilalabas ng isla. Ipatigil maging ang inaprobahang pagquarry ng armor rock sa Oriental Mindoro. Singilin din ang mga kasalukuyang quarry operators at mga buruktatang kasabwat nila para magbigay ng bayad pinsala sa mga mamamayang naapektuhan ng pagbaha.
Ang nagkakaisang mamamayang ay dapat gamitn ang sarilin ilang lakas ipang lutasin ang problema sa paulit-ulit na pananalasa ng kalamidad. Ang kilusang masa ay dapat magpursiging itulak ang mga LGU’s at si Bongbong Marcos na gamitin ang pondo ng bayan sa pagpapataas ng produksyong agricultural na tutugon sa pangangailangan sa pagkain ng taumbayan Pataaasin ang kapasidad ng sektor ng agrikultura sa pagharap sa mapaminsalang kalamidad na palaging umaapekto sa kabuhayan lalo ng mga magsasaka na siyang gulugod ng ekonomiya ng Mindoro at maraming lugar sa Pilipians.
Bagamat pandaigdigang problema ang pagbabago ng klima, may paraan upang mapaliit ang mapaminsalang epekto nito kung may gobyernong tunay na nagdadala ng demokratikong interes ng mamamayan at may pampulitikang kapasyahan para sa bayan sa halip na paboran ang pagpapayaman ng iilang asendero-kumprador at mga matataas na burukrata sa dikta ng among nitong mga dayuhan.
Ang demokratikong rebolusyong bayan ang hahawan ng landas upang maitayo ang tunay na Malaya, demokratiko at mapagkalingang gobyerno para sa kanyang mamamayan.
Mamamayang Mindoreño, magkaisang ilantad at tutulan ang mga mapangwasak sa kalikasan at kabuhayang mga programa!
Magmulat, mag organisa, at magpakilos upang itayo ang lipunang may tunay na malasakit at nagseserbisyo sa bayan!
Isulong ang Pambansa-demokratikong programa!
Isulong ang pambansa demokratikong rebolusyon sa ganap na tagumpay!