Pahayag

Walang-hanggang pakikiisa sa walang-tinag na pakikibaka ng mamamayang Palestino

Ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP), kasama ang uring manggagawa at sambayanang Pilipino, ay nakikiisa sa lahat ng demokratikong pwersa sa buong mundo sa pagsuporta nila sa rebolusyonaryong paglaban ng mamamayang Palestino na gumugunita sa isang taon pakikibaka laban sa paglusob at pananakop sa kanilang lupain at henosidyo ng mga pwersang Zionista ng Israel na sinusuportahan ng US.

Kinukundena ng Partido ang Zionistang estado ng Israel sa walang-pagtatangi at walang-tugot na pambobomba sa mga tahanan at imprastrukturang sibilyan sa Gaza. Naghulog ito ng libu-libong toneladang bomba, na nagresulta sa pagkamatay ng hindi bababa sa 41,000 tao, kabilang ang higit 27,000 kababaihan at bata. Hindi bababa sa 10,000 indibidwal ang nawawala at pinaniniwalaang nabaon sa mga guho dulot ng pambobomba. Nawalan ng tirahan ang halos buong populasyon ng Gaza, kung saan winasak ang mahigit 60% ng mga tahanan. Halos ganap nang bumagsak ang mga pampublikong serbisyo at pasilidad medikal. Nagdurusa ang mamamayan ng Gaza sa malawak na sakit dulot ng gutom, kakulangan ng malinis na tubig at sanitasyon. Hindi nilubayan ng mga pag-atake ng Israel maging ang taong midya, mga dayuhang nagsisimpatya, at makataong mga ahensya at dala nitong tulong.

Ang isang taong pambobomba at pananakop sa Gaza ay hindi pantay na tugon sa armadong pag-aalsang isinagawa noong Oktubre 7, 2023 ng mga mandirigmang nakikibaka para sa kalayaan ng Palestine. Noong araw na iyon, naglunsad sila ng mga armadong opensiba laban sa mga base militar at pasilidad ng tinatawag na Israeli Defense Forces at kumuha ng mga bihag. Ang armadong pag-aalsang ito ay inilunsad ng malawak na hanay ng mga grupong lumalaban sa Palestine, kabilang ang mga pwersang Islamiko (Hamas), ang People’s Front for the Liberation of Palestine, pati na rin ang iba pang demokratiko, armado at di-armadong rebolusyonaryong pwersa.

Ang pag-aalsa, na tinaguriang Operation Al-Aqsa Storm, ay naglayong labanan ang tumitinding pang-aapi at pampulitikang panunupil ng Zionistang Israel laban sa mga Palestino sa Gaza at sa Occupied West Bank. Iyon ngayon ay dagdag na makasaysayang kabanata sa nagpapatuloy na pakikibaka ng mamamayang Palestino para sa pambansang pagpapalaya at karapatan sa sariling pagpapasya.

Mahigit 75 taon na ang nakalipas nang isinagawa ng mga pwersang Zionista o ultra-nasyonalista Hudyo, na may suporta ng imperyalismong US at Britanya, ang mga masaker at iba’t ibang anyo ng karahasan upang itaboy ang mamamayang Palestino mula sa kanilang mga tahanan at lupa. Hinawan ng Al Nakba (o Ang Sakuna) ang daan sa pagtatatag ng estado ng Israel. Ang mamamayang Palestino ay napilitang tumakas patungong Jordan (West Bank) at Gaza Strip, o magpasukob sa iba’t ibang panig ng mundo. Mula noong 1967, sinakop ng Zionistang Israel ang West Bank at ikinulong ang mga Palestino sa mga binakurang komunidad. Ang Gaza Strip ay naging malaking bilangguan na palagiang binabantayan at sinasalaky ng mga pwersang Israeli.

Ang kalupitan at barbarismo ng 75 taong Zionista at imperyalistang pang-aapi ay tinutumbasan lamang ng masigasig at walang humpay na paglaban ng mamamayang Palestino. Ipinamamalas nila ang kanilang determinasyong lumaban sa pamamagitan ng mga digmaan at Intifada (Pag-aalsa), kung saan ipinakita ang katapangan at walang pag-iimbot na sakripisyo ng di-mabilang na martir. Ang armadong opensiba noong Oktubre 7, 2023 ng mga nakikibakang mandirigma ng Palestine ay panandang-bato ng kanilang makasaysayang paglaban para palayain ang kanilang bayan mula sa tanikala ng pang-aapi.

Nakita sa nakaraang taon ang walang kapantay na panggugupo ng estado ng Zionistang Israel na may suporta ng US at mga kaalyado nitong imperyalista. Mula Oktubre 2023, pinagtibay ng Kongreso ng US ang hindi bababa sa $12.5 bilyong ayudang militar para sa Israel upang pabilisin ang pagbibigay ng mga misayl, bomba at iba pang armas na ginamit sa maramihang pagpatay sa mamamayang Palestino. Ang imperyalistang US ay naghatid sa Israel nang mahigit 10,000 toneladang bomba at artilerya, bingi sa pandaigdigang panawagang itigil ang pambobomba sa Gaza at ang digman henosidyo ng estadong Zionista. Ipokrito ang panawagan ng gubyernong Biden para sa tigil-putukan at layunin lamang na labusawin ang papel nito sa henosidyo. Malaking kabulastugan ang pinalalabas nitong ang henosidyo sa mamamayang Palestino ay bahagi ng “karapatang magtanggol ng bansang Israel.”

Tuwirang nakinabang sa digmang henosidyo ng Israel at pagpapalawak ng ayudang militar ng US ang mga kumpanyang Amerikano na gumagawa ng armas tulad ng Lockheed Martin, Northrop Grumman, Boeing, General Dynamics at Raytheon—pawang tagasuplay sa Israel ng iba’t ibang kagamitan militar, sasakyan, teknolohiya, mga bomba at iba’t ibang armas. Ang bilyun-bilyong dolyar mula sa ayudang militar ng US para sa Israel ay ineembudo pabalik sa mga tagagawa ng armas ng US, na sumirit ang tubo mula nagsimula ang pambobomba sa Gaza.

Ang estratehikong layunin ng imperyalismong US ay panatilihin at palakasin ang hegemonya nito sa Middle East upang siguruhin ang kanyang interes sa malawak na reserbang langis at iba pang rekurso. Ginamit nitong tuntungan ang Israel sa pamamagitan ng pagbibigay dito ng napakalaking pondong pangmilitar at pang-ekonomya. Ang Israel ang pinakamalaking tumatanggap ng dayuhang pondong pangmilitar (foreign military funding), $3 bilyon taun-taon noong 2009-2018; at $3.8 bilyon taun-taon simula 2019 hanggang 2028.

Taglay ang patagong suporta ng US, pinatindi pa ng Israel ang digmaan sa Middle East sa pamamagitan ng pag-atake sa Lebanon, Yemen, Syria at Iran, na ang mamamayan at mandirigmang lumalaban ay sumusuporta sa mamamayang Palestino laban sa henosidyo ng Israel. Malayuang pinasabog kamakailan ng estadong Zionista ng Israel ang mga pager at walkie-talkie, at gamit ang mga misayl, inatake nito ang mga pook paninirahan sa katimugang Lebanon at sa Beirut, na pumatay nang higit 500 sibilyan, kasabay ng asasinasyon sa mga susing lider ng kilusang Hezbollah. Bilang proxy ng US, layunin ng estadong Zionista ng Israel na udyukin ang mas malawak na digmaan sa Middle East, na tumatarget sa mga bansang matatag na nagtatanggol sa kanilang soberanya, lalo na ang Iran, na hayagang idineklara ng US na kaaway nito.

Nagpasiklab ng pandaigdigang galit ang kalupitan at walang habas na krimen laban sa sangkatauhan ng estadong Zionista ng Israel kasabwat ang imperyalismong US. Milyun-milyon sa buong mundo ang nagpahayag ng kanilang labis na poot sa henosidyo sa Gaza, pati na sa Occupied West Bank. Sa ilang bansa, kabilang sa US, sinusupil din sila dahil sa pakikiisa nila sa mamamayang Palestino. Subalit hindi sila natitinag dahil humuhugot sila ng inspirasyon sa walang hanggang determinasyon ng mamamayang Palestino at kanilang mga rebolusyonaryong pwersa na ipagpatuloy ang kanilang paglaban. Hangad nila’y hindi lamang katarungan, kundi pati na rin ang pangmatagalang solusyon sa sigalot na nakasalalay sa pagwawakas kapwa sa Zionismo at imperyalismo.

Ang walang habas na henosidyo na isinasagawa ng estadong Zionista ng Israel na sinusuportahan ng imperyalistang gubyerno ng US ay malinaw na patunay ng pagkabangkarote at pagkabulok ng pandaigdigang sistemang kapitalista. Lalong nahahayok sa digmaan ang mga imperyalistang kapangyarihan sa pagtutulak nilang tiyakin at palawakin ang kanilang hegemonya at kontrol sa mga pinagkukunan ng hilaw na materyales, sa saklaw ng impluwensya at larangan ng pamumuhunan. Ang pangunahing imperyalistang kapangyarihan, ang US, ang siya ring pinaka-aktibo sa pagtutulak at pang-uupat ng mga gera sa iba’t ibang panig ng mundo sa gitna ng lalong desperadong sitwasyon nito dulot ng hindi masolusyunang krisis.

Nanawagan and Partido sa sambayanang Pilipino na palakasin pa ang pagsuporta sa mamamayang Palestino sa pagharap nila sa walang habas na armadong agresyon at pananakop sa Gaza ng mga pwersang Zionista ng Israel. Hinihikayat ng Partido ang proletaryado, masang anakpawis at lahat ng demokratikong uri sa buong mundo na palakasin ang pagsuporta sa makatarungan at kinakailangang pakikibaka ng mamamayang Palestino para sa pambansang pagpapalaya at para sa karapatan nila sa sariling pagpapasya. Ang laban para wakasan and brutal na gerang henosidyo ng Israel ay mahigpit na nakaugnay sa pakikibaka ng uring manggagawa, lahat ng aping mamamayan, pati na ng mga bansang nagtatanggol sa pambansang kasarinlan, para labanan at wakasan ang lahat ng imperyalistang digmaan.

Labanan ang sinusuportahan ng US na henosidyong Zionista laban sa mamamayang Palestino!

Suportahan ang pakikibaka ng mamamayang Palestino para sa pambansang kalayaan at karapatan sa sariling pagpapasya!

Mga manggagawa, lahat ng aping mamamayan, at mga bansang nagtatanggol sa pambansang soberanya, magkaisa at isulong ang mga rebolusyonaryong digmaan laban sa mga imperyalistang gera!

Lansagin ang makinarya ng US para sa digmaan!

Ibagsak ang Zionismo! Ibagsak ang imperyalismo!

Makibaka para sa pambansang kalayaan at sosyalismo!

Walang-hanggang pakikiisa sa walang-tinag na pakikibaka ng mamamayang Palestino